Pandesal 2008
Pagbasa at Pagninilay-nilay

SETYEMBRE  2008
Domingo
Lunes
Martes
Miyerkules
Huwebes
Biyernes
Sabado


Download Setyembre 2008

Setyembre 1
Lunes

Ika-22 na Linggo ng Taon

Unang Pagbasa: 1 Cor 2:1-5
Ebanghelyo: Lc 4:16-30

Pagdating ni Jesus sa Nazaret, kung saan siya lumaki, pumasok siya sa sinagoga sa Araw ng Pahinga ayon sa kanyang kinaugalian. Tumindig siya para bumasa ng Kasulatan at iniabot sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias.
Sa paglaladlad niya sa rolyo, natagpuan niya ang lugar kung saan nasusulat: "Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon kayat pinahiran niya ako upang ihatid ang mabuting balita sa mga dukha. Sinugo niya ako upang ipahayag ang paglaya sa mga bilanggo, sa mga bulag ang pagkabawi ng paningin, upang bigyang-ginhawa ang mga api, at ipahayag ang taon ng kabutihang-loob ng Panginoon."
Binilot ni Jesus ang aklat, ibinigay ito sa tagapaglingkod at naupo. At nakatuon sa kanya ang mga mata ng lahat ng nasa sinagoga. Sinimulan niyang magsalita sa kanila: "Isinakatuparan ang Kasulatang ito ngayon habang nakikinig kayo."
At sumang-ayon silang lahat sa kanya habang nagtataka sa gayong pagpapa-hayag ng kabutihang-loob ng Diyos na nanggaling sa kanyang bibig. At sinabi nila: "Hindi ba't ito ang anak ni Jose?" Nagsalita si Jesus sa kanila: "Tiyak na babanggitin ninyo sa akin ang kasabihang: 'Manggagamot, pagalingin mo ang iyong sarili! Gawin mo rin dito sa iyong bayan ang mga bagay na narinig naming ginawa mo sa Capernaum'."
At idinagdag niya: "Talagang sinasabi ko: walang propetang katanggap-tanggap sa sarili niyang bayan. Tinitiyak ko sa inyo na maraming babaeng balo noon sa kapana-hunan ni Elias nang sarhan ang langit sa loob ng tatlo't kalahating taon at nagkaroon ng matinding taggutom sa buong lupain. Gayon pa ma'y hindi ipinadala si Elias sa isa man sa kanila kundi sa babaeng balo ng Sarepta sa may Sidon. Marami ring mayketong sa Israel sa kapanahunan ni Propeta Eliseo pero wala sa kanilang pinagaling kundi ang Siriong si Naaman."
Napuno ng galit ang lahat sa sinagoga pagkarinig dito, tumindig sila at ipinagtulakan siya sa labas ng bayan. Dinala nila siya sa gilid ng burol na kinatatayuan ng kanilang bayan para ihulog. Ngunit dumaan siya sa gitna nila at umalis."

Pagninilay-nilay
Hindi ba kataka-taka kung bakit sa kabila ng pagiging malapit sa simbahan ng mga "taong-simbahan", hindi pa rin nila madala sa simbahan ang buo nilang pamilya? Miyembro sila ng iba't ibang samahang pansimbahan kayat bukod sa pagsisimba, lagi rin silang nagdarasal kasama ng kanilang mga sister at brother pero hindi ng kanilang mga kapamilya. Regular din silang nag-aapostolate upang mailapit sa Diyos ang ibang mga tao samantalang nananatili pa ring malayo sa simbahan ang kanilang mga mahal sa buhay.
Huwag kang mawalan ng pag-asa dahil may kanyang panahon ang bawat isa at sasapit din ang panahon para sa iyong mga mahal sa buhay.

balik calendario


Setyembre 2
Martes

Ika-22 na Linggo ng Taon

Unang Pagbasa: 1 Cor 2:10-16
Ebanghelyo: Lc 4:31-37

Bumaba si Jesus sa Capernaum na bayan ng Galilea, kung saan niya nakaugaliang magturo tuwing Araw ng Pahinga. At nagulat ang mga tao sa kanyang aral dahil nagtuturo siya nang may kapangyarihan.
May tao sa sinagoga na inaalihan ng maruming demonyo, na sumigaw nang malakas: "Ah, ano ang pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Para ipahamak kami kaya ka dumating. Alam ko kung sino ka, ang Banal ng Diyos!" Ipinag-utos naman sa kanya ni Jesus: "Tumahimik ka at lumabas sa kanya!" Pagkatapos ibulagta ng demonyo ang tao sa gitna nila, lumabas ito mula sa kanya nang hindi sinasaktan. Nagtaka ang lahat at nag-usap-usap sila: "Ano ito? Nakapag-uutos siya sa maruruming espiritu nang may kapangyarihan at lakas, at lumalabas sila!" Kayat kumalat ang usap-usapan tungkol sa kanya sa lahat ng lugar sa kabayanan.

Pagninilay-nilay
Sa sinagoga nagtitipon ang mga Judio para sama-samang magdasal at magnilay sa Salita ng Diyos tuwing Araw ng Pahinga. Tulad nila, nagtitipon din tayo Linggu-linggo upang sama-samang pagnilayan ang Salita ng Diyos at pagsaluhan ang Katawan ni Kristo. Naging bahagi na ng ating buhay ang pagsisimba kayat parang may kung anong kulang sa atin kapag hindi tayo nakasimba. Sa pagdiriwang ng misa, nadarama natin na binubuklod tayo ng Diyos bilang kanyang komunidad, kahit na hindi natin kilala ang ating mga katabi. Sa pagtitipon natin bilang bayan ng Diyos, nagkakaroon tayo ng panibagong lakas at sigla upang magpatuloy sa buhay natin sa araw-araw.

balik calendario


Setyembre 3
Miyerkules

Ika-22 na Linggo ng Taon
Gregorio Magno

Unang Pagbasa: 1 Cor 3:1-9
Ebanghelyo: Lc 4:38-44

Pag-alis ni Jesus sa sinagoga, nagpunta siya sa bahay ni Simon. Inaapoy ng lagnat ang biyenang babae ni Simon. Kaya pinakiusapan nila si Jesus tungkol sa kanya. Pagkayuko ni Jesus sa kanya, inutusan ni Jesus ang lagnat at nilisan siya nito. Kaagad siyang tumindig para maglingkod sa kanila.
Paglubog ng araw, dinala naman kay Jesus ng lahat ng tao ang kasama nilang mga may sakit ng iba't ibang karamdaman. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa bawat isa sa kanila at pinagaling sila. Lumabas ang mga demonyo mula sa maraming tao at pasigaw na sinabi ng mga ito: "Ikaw ang Anak ng Diyos!" Ngunit pinatatahimik niya sila at di pinahihintulutang magsalita dahil alam ng mga ito na siya ang Mesiyas.
Nang mag-uumaga na, lumabas si Jesus at pumunta sa isang ilang na lugar. Ngunit pinaghahanap siya ng maraming tao, at nang matagpuan siya'y sinikap nilang hadlangan na makaalis pa siya sa kanila. Pero sinabi niya sa kanila: "Dapat ko ring ipahayag ang mabuting balita ng paghahari ng Diyos sa iba pang mga bayan; ito ang dahilan kung bakit ako isinugo." At nagpatuloy siyang mangaral sa mga sinagoga ng Judea.

Pagninilay-nilay
Panginoon, narito ako ngayon sa iyong harapan at binubuksan ang aking puso. Alam mo ang mga karamdaman ng aking katawan, ang mga sugat ng aking kalooban, at ang mga sakit ng aking pagkatao. Alam mong gusto kong sumunod sa iyo nang buong tatag at katapatan pero alam mo rin kung gaano ako kahina.
Pagalingin mo nawa ang aking mga karamdaman at gawin akong malusog at masigla. Hilumin mo ang mga sugat ng aking buhay at pagalingin ang aking kaluluwa upang matapat akong makasunod sa iyo.
Pagkalooban ako, Panginoon, ng ibayong lakas upang maibahagi ko sa aking kapwa ang Magandang Balitang bigay mo sa akin.

balik calendario


Setyembre 4
Huwebes

Ika-22 na Linggo ng Taon

Unang Pagbasa: 1 Cor 3:18-23
Ebanghelyo: Lc 5:1-11

Minsan, dinagsa si Jesus ng napakaraming taong nakikinig sa salita ng Diyos at nakatayo naman siya sa baybayin ng Lawa ng Genesaret. Nakita niya noon ang dalawang bangka sa baybay. Kabababa pa lamang ng mga mangi-ngisda mula sa mga ito para hugasan ang mga lambat. Kaya sumakay siya sa isa rito na pag-aari ni Simon at hiniling dito na lumayo nang kaunti mula sa dalampasigan. Umupo siya at mula sa bangka'y sinimulang turuan ang maraming tao.
Matapos siyang magsalita, sinabi niya kay Simon: "Pumalaot ka at ihulog ninyo ang inyong mga lambat para humuli." Ngunit sumagot si Simon: "Guro, buong magdamag kaming nagpagod at wala kaming nakuha pero dahil sinabi mo, ihuhulog ko ang mga lambat." At nang gawin nila ito, nakahuli sila ng napakaraming isda kaya halos magkandasira ang kanilang mga lambat. Kaya kinawayan nila ang kanilang mga kasamahang nasa kabilang bangka para lumapit at tulungan sila. Dumating nga ang mga ito at pinuno nila ang dalawang bangka hanggang halos lumubog ang mga iyon. Nang makita ito ni Simon Pedro, nagpatirapa siya sa harap ni Jesus at sinabi: "Lumayo ka sa akin, Panginoon, sapagkat taong makasalanan lamang ako." Talaga ngang nasindak siya at ang lahat niyang kasama dahil sa huli ng mga isda na nakuha nila. Gayundin naman ang mga anak ni Zebedeo na sina Jaime at Juan na mga kasama ni Simon.
Ngunit sinabi ni Jesus kay Simon: "Huwag kang matakot; mula ngayo'y mga tao ang huhulihin mo." Kayat nang madala na nila ang mga bangka sa lupa, iniwan nila ang lahat at sumunod sa kanya.

Pagninilay-nilay
Pagkaraan ng dalawanlibo't pitong taon mula nang ipanganak si Jesus, mahigit sa 2,000,000,000 ang mga Kristiyano. Halos kalahati ng buong daigdig ang naniniwalang si Jesus ang Kristo. Walang anumang sinulat si Jesus at hindi rin siya nagpunta sa ibang bansa para mangaral, at pinatay siyang tulad ng pusakal na kriminal. Gayon din naman, mga hamak na mangingisda at mga babae ang mga unang sumunod sa kanya. Silang mga itinuturing na walang alam at walang papel sa lipunan ang nagpatuloy sa kanyang sinimulan. At pagkatapos nga ng 2,000 taon, umabot sa atin ang Daang ito, na magpahanggang ngayo'y nananatili pa ring bago. Mapalad ka dahil isa ka sa dalawang bilyong sumusunod kay Jesus.

balik calendario


Setyembre 5
Biyernes

Ika-22 na Linggo ng Taon

Unang Pagbasa: 1 Cor 4:1-5
Ebanghelyo: Lc 5:33-39


Sinabi ng mga Pariseo kay Jesus: "Madalas mag-ayuno at may mga panalangin ang mga alagad ni Juan, at gayon din naman ang mga alagad ng mga Pariseo; kumakain naman at umiinom ang mga iyo." Kaya sinabi sa kanila ni Jesus: "Hindi ninyo mapag-aayuno ang mga abay sa kasalan habang kasama pa nila ang nobyo, di ba? Ngunit darating ang panahon na aagawin sa kanila ang nobyo at sa araw na iyon sila mag-aayuno."
Sinabi pa ni Jesus sa kanila ang isang talinhaga: "Walang pumuputol ng panagpi mula sa bagong damit at itinatagpi sa lumang damit. Kung hindi'y napupunit na ang bago at hindi pa magiging bagay sa lumang damit ang tagping mula sa bago. At wala ring naglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlan. Kung hindi'y sisirain ng bagong alak ang mga lumang sisidlan kaya matatapon ang alak at masisira pati mga sisidlan. Sa halip ay sa mga bagong sisidlan dapat ilagay ang bagong alak. Hindi naman humihingi ng bagong alak ang umiinom ng luma, sinasabi nga niya: 'Ang luma ang siyang mabuti'."

Pagninilay-nilay
Naging ugali na ni Sister Bebang ang magsakripisyo tuwing Biyernes. Bukod sa pagpunta niya sa simbahan ng Mahal na Poong Nazareno sa Quiapo para sumimba at magtirik ng kandila, nag-aayuno rin siya. Nagkakape lang siya sa almusal at kaunti ang kinakain niya sa tanghalian, at gayon din sa hapunan. Bukod sa kaunti ang kanyang kinakain, hindi rin siya kumakain ng karne kaya gulay lang at isda ang ulam niya pag Biyernes. Pero problema rin kay Sister Bebang ang araw ng Biyernes dahil madaling nag-iinit ang kanyang ulo paggutom siya. Kaya kasabay ng kanyang mga sakripisyo, malimit din siyang galit at nakasimangot na parang namatayan.

balik calendario


Setyembre 6
Sabado

Ika-22 na Linggo ng Taon

Unang Pagbasa: 1 Cor 4:6-15
Ebanghelyo: Lc 6:1-5


Isang Araw ng Pahinga, naglalakad si Jesus sa bukirin ng trigo. Nangyari na hinimay ng kanyang mga alagad ang mga butil sa pagkiskis sa kanilang mga kamay, at kinain ang mga ito. Sinabi ng ilang Pariseo: "Bakit ninyo ginagawa ang ipinagbabawal sa Araw ng Pahinga?" Ngunit nagsalita si Jesus at sinabi niya sa kanila: "Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang magutom siya at ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa Bahay ng Diyos, kinuha ang tinapay na inihain para sa Diyos, kinain ito at binigyan pa ang kanyang mga kasamahan, gayong bawal itong kainin ninuman liban sa mga pari." At sinabi pa niya sa kanila: "Panginoon ng Araw ng Pahinga ang Anak ng Tao."

Pagninilay-nilay
Bakit parang mas madali sa mga maykaya ang mag-abuloy para sa pagpapatayo at pagpapaayos ng mga simbahan? Maaaring maganda na nga ang simbahan pero dahil proyekto ng bagong pari at ng pastoral council, nangangalap ng kung ilang milyong piso ang lahat para gibain ang altar, na maganda na naman, at magtayo ng bago at mas magandang altar!
Mga bato at semento ang madali nating nakikita habang nananatiling lingid sa ating paningin ang mga buhay na batong bumubuo sa Simbahan, na Katawang buháy ni Kristo. Marami tayong mga kapatid na nangangailangan ng pagkain at hanapbuhay, at sila ang una nating dapat itayo.

balik calendario


Setyembre 7
Linggo

Ika-23 na Linggo ng Taon

Unang Pagbasa: Ez 33:7-9

Gayon din ginawa kita, anak ng tao, bilang bantay para sa Israel. Kapag narinig mo ang aking salita, ihatid mo sa kanila ang aking babala. Kapag sinabi ko sa tampalasan, "Tiyak na mamamatay ka," at hindi mo siya binigyang-babala upang magbagong-landas, mamamatay siya dahil sa kanyang pagkakasala ngunit papananagutin din kita sa kanyang kamatayan. Kapag binigyang-babala mo naman ang tampalasan upang magbago ng landas at hindi siya nakinig, mamamatay siya dahil sa kanyang kasalanan ngunit maliligtas ka.

Slm 95:1-2, 6-7, 8-9
Kapag narinig ninyo ang kanyang tawag, huwag kayong sumuway.

Ikalawang Pagbasa: Rom 13:8-10

Tumutupad sa Batas ang nagmamahal sa kapwa. Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Nasa salitang ito ang buod ng mga kautusan: Huwag kang makiapid, huwag kang papatay, huwag kang magnakaw, huwag kang magnasa, at iba pa. Hindi na nagkakasala sa kapwa ang may pagmamahal sa kapwa, kaya pagmamahal ang kaganapan ng Batas.

Ebanghelyo: Mt 18:15-20

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: "Kung nagkasala sa iyo ang iyong kapatid, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan; at kung makinig siya sa iyo, tinubo mo na ang iyong kapatid. Kung hindi naman siya makinig sa iyo, magsama ka ng dalawa o tatlo para lutasin ang kaso sa pagsaksi ng dalawa o tatlo. Kung tatanggi siyang makinig sa kanila, sabihin ito sa Iglesya; at kung hindi pa rin siya makikinig sa Iglesya, ituring siyang pagano o publikano.
Talagang sinasabi ko sa inyo: ang talian ninyo sa lupa ay matatali rin sa Langit, at ang kalagan ninyo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit.
"Sinasabi ko rin sa inyo: kung dito sa lupa ay may dalawa sa inyo na nagkakaisang humihingi ng anuman, gagawin ito para sa kanila ng aking Amang nasa Langit. Sapagkat kung saan may dalawa o tatlong nagkakatipon sa Ngalan ko, kapiling nila ako."

Pagninilay-nilay
Sala. Maraming kahulugan ang salitang "sala." Sinasabi nating sala pag lampas o kapos sa target ang ating ginawa. Puwede rin itong mangahulugan na mali ang ating ginawa. At sa Katagalugan, sinasabing may salâ kapag may linsad na ugat o buto kaya dinadala ipinapahilot ang bata kapag hindi maalis ang lagnat nito. Sinasalà naman natin ang sapal o dumi.
Ganito rin ang kasalanan ayon sa Biblia: pagiging kapos sa target na pagpapakatao at pa-kikipagkapwa. Sa pagka-kasala, may mga gawa tayo na lumilinsad sa ating buhay at na-wawala sa tamang lugar. At sa ating mga pagnanasa, kumakapit tayo sa mga bagay na naglalayo sa atin sa Diyos.

balik calendario


Setyembre 8
Lunes

Ika-23 na Linggo ng Taon
Kapanganakan ni Maria

Unang Pagbasa: Mik 5:1-4
Ebanghelyo: Mt 1:16, 18-23

Ganito ipinanganak si Jesucristo. Ipinagka-sundo na kay Jose ang kanyang inang si Maria pero bago sila nagsama bilang mag-asawa, nagdadalantao na siya gawa ng Espiritu Santo.
Kaya binalak ni Jose na hiwalayan nang lihim ang kanyang asawa. Matuwid nga siya at ayaw niya itong mapahiya.
Habang iniisip-isip niya ito, napakita sa kanya sa panaginip ang Anghel ng Panginoon at sinabi: "Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Gawa ng Espiritu Santo kaya siya naglihi, at manganganak siya ng isang sanggol na lalaki, na pangangalanan mong Jesus sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang sambayanan mula sa kanilang mga kasalanan."
Nangyari ang lahat ng ito para matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta: "Maglilihi ang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki at tatawagin nila siyang Emmanuel na ibig sabihi'y Nasa-atin-ang-Diyos."

Pagninilay-nilay
Lumaking Protestante si Marla pero dahil walang malapit na simbahan ng kanyang relihiyon sa lugar na aming pinag-aaralan sa Vermont, sa kapilya ng isang Catholic College siya nagsisimba. Noon siya nagsimulang magtanong sa akin tungkol kay Maria, "Superwoman ba ang tingin ng mga Katoliko kay Maria?"
Ganito naman ang sagot ko sa kanya, "Hindi superwoman si Maria kundi isang karaniwang tao. Nabuhay siya nang simple at pobre bilang asawa ni Jose, na karaniwang karpintero sa Nazaret. Ngunit kung may super na ginawa si Maria, ito'y walang iba kundi ang pagtanggap niyang maging ina ni Jesus. At tulad ng ating mga ina, superwoman nga siya sa pagiging ina ng kanyang Anak!

balik calendario


Setyembre 9
Martes

Ika-23 na Linggo ng Taon
Pedro Claver

Unang Pagbasa: 1 Cor 6:1-11
Ebanghelyo: Lc 6:12-19

Nang panahong iyon, umakyat si Jesus sa bundok para manalangin at magpalipas ng magdamag sa pagdarasal sa Diyos. Nang nag-umaga na, tinawag niya ang kanyang mga alagad at pumili siya ng labindalawa sa kanila na tinawag niyang apostol: si Simon na pinangalanan niyang Pedro, si Andres na kapatid nito; si Jaime, si Juan, si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Jaimeng anak ni Alfeo, si Simon na tinataguriang Zelota, si Judas na kamag-anak ni Jaime, at si Judas Iskariote na naging tagapagkanulo.
Pagkababa kasama nila, tumigil si Jesus sa isang patag na lugar. Naroon ang maraming alagad niya, at napakarami ring tao mula sa buong Judea at Jerusalem at mula sa baybaying dako ng Tiro at Sidon ang dumating para makinig sa kanya at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Gumaling din ang mga pinahihirapan ng masasamang espiritu. Kayat sinikap ng lahat ng tao na mahipo siya dahil may kapangyarihang lumalabas sa kanya, na nagpapagaling sa lahat.

Pagninilay-nilay
Maputik at malabo ang tubig sa sapa habang may naglalakad at tumatawid dito pero pagkalipas ng ilang minuto, nagsisimulang bumaba sa ilalim ng sapa ang putik at mga dumi. Kaya nagiging malinis uli at malinaw ang tubig para makita natin anumang nasa ilalim.
Ganito ang panahon ng pagtahimik at pananalangin. Mula sa magulong takbo ng buhay sa araw-araw, tumatahimik tayo at nananalangin upang makita natin nang malinaw ang ating mga sarili at ang mga pangyayari sa ating buhay. Sa ating pagdarasal, ibinabalik natin sa pokus ang ating buhay kaya mas lumilinaw ang ating paningin.

balik calendario


Setyembre 10
Miyerkules

Ika-23 na Linggo ng Taon

Unang Pagbasa: 1 Cor 7:25-31
Ebanghelyo: Lc 6:20-26

Tumingala noon si Jesus sa kanyang mga alagad at sinabi,
"Mapapalad kayong mga dukha sapagkat sa inyo ang kaharian ng Diyos.
Mapapalad kayong mga nagugutom ngayon sapagkat bubusugin kayo.
Mapapalad kayong mga umiiyak ngayon sa-pagkat tatawa kayo.
Mapapalad kayo kapag kinapopootan kayo ng mga tao at itinatakwil at iniinsulto, at sini-siraang-puri dahil sa akin. Magsaya kayo at lubos na magalak sa araw na iyon sapagkat malaki ang inyong gantimpalang nasa Diyos; gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta.
Ngunit sawimpalad kayong mayayaman sapagkat tinatamasa na ninyo ang inyong ginhawa!
Sawimpalad kayong mga busog ngayon sapagkat magugutom kayo!
Sawimpalad kayong humahalakhak ngayon sapagkat magluluksa kayo't iiyak!
Sawimpalad kayo kapag pinag-uusapan kayo nang mabuti ng lahat ng tao dahil ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta."

Pagninilay-nilay
Para sa ilang dalubhasa sa Biblia, ayaw nilang gamitin ang salitang "mapalad" dahil parang masuwerte lang daw ang kahulugan nito. Bukod sa pagkakaugnay ng salitang "mapalad" sa "guhit ng palad," hindi rin sinasadya ang pagiging mapalad. Kaya mas gusto nila ang salitang "pinagpala" dahil makikita rito na may gumagawa o nagbibigay ng pagpapala sa taong pinagpapala. Panahon naman ang problema sa salitang ito dahil pangnagdaan ang "pinagpala" at hindi naman ganap ang ibig sabihin ng "pinagpapala." May iba namang "masaya" o "maligaya" ang ginagamit na salin sa "mapalad"-masaya sila dahil mapalad nga sila at pinagpapala sila ng Diyos.

balik calendario


Setyembre 11
Huwebes

Ika-23 na Linggo ng Taon

Unang Pagbasa: 1 Cor 8:1-7, 11-13
Ebanghelyo: Lc 6:27-38

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, "Ngunit sinasabi ko sa inyong mga nakikinig: mahalin ninyo ang inyong mga kaaway, gawan ninyo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo, pagpalain ninyo ang mga sumusumpa sa inyo, ipagdasal ninyo ang tumatrato sa inyo nang masama. Sa sumasampal sa iyo sa isang pisngi, iharap mo rin ang kabila. Sa umaagaw ng iyong kamiseta, huwag mong itanggi ang iyong sando. Magbigay ka sa sinumang humihingi sa iyo; at kung may kumuha ng iyong ari-arian, huwag mo nang hingin pa uli.
"Kaya gawin ninyo sa iba ang gusto ninyong gawin nila sa inyo. "Kung minamahal ninyo ang mga umiibig sa inyo, ano ang kahanga-hanga roon? Minamahal din ng mga makasalanan ang mga nagmamahal sa kanila. Kung ginagawa ninyo ang mabuti sa mga gumagawa nito sa inyo, ano ang kahanga-hanga roon? Iyon din ang ginagawa ng mga makasalanan. Kung nagpapautang kayo sa mga inaasahan ninyong makapagbabayad, ano ang kahanga-hanga roon? Nagpapautang din ang mga makasalanan sa mga makasalanan para matanggap ang katumbas.
"Sa halip ay mahalin ninyo ang inyong mga kaaway; gumawa kayo ng mabuti at magpautang na walang inaasahang anuman. Kaya gagantimpalaan kayo nang malaki at magiging mga anak ng Kataas-taasan dahil butihin siya sa mga walang-utang-na-loob at masasama. Maging maawain kayo gaya ng inyong Amang maawain.
Huwag kayong humatol, at hindi kayo hahatulan; huwag ninyong sumpain ang sinuman, at hindi kayo susumpain; magpatawad kayo, at kayo'y patatawarin. Magbigay kayo, at kayo'y bibigyan-isang saganang takal, siksik, liglig at umaapaw ang mabu-buhos sa inyong kandungan. Sapagkat susukatin kayo sa sukatang ginagamit ninyo."

Pagninilay-nilay
Maikli lang ang ating buhay sa daigdig dahil gaano na ba ang walumpung taon, o kahit na umabot pa tayo ng sandaang taon, maikling panahon pa rin ito sa mabilis na takbo ng panahon.
Sa kabila ng limitadong bilang ng ating panahon sa daigdig, hindi pa rin natin maenjoy ang maikli nating buhay dahil kung anu-ano ang pinoproblema natin. Mas mahabang panahon pa ang ginugugol natin sa pakikipagtalo at di-pagkakaunawaan, sa pag-aaway at samaan ng loob. Ngunit subukan mong tingnan ang lahat ng ito makalipas ang 50 o kahit na 20 taon na lang. Hindi ba't walang kakuwenta-kuwenta alinman sa mga ito?

balik calendario


Setyembre 12
Biyernes

Ika-23 na Linggo ng Taon
Ang Banal na Ngalan ni Maria

Unang Pagbasa: 1 Cor 9:16-19, 22b-27
Ebanghelyo: Lc 6:39-42


Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad ang isang talinhaga: "Puwede nga kayang akayin ng bulag ang isa pang bulag? Di ba't kapwa sila mahuhulog sa kanal? Hindi higit sa kanyang guro ang alagad. Magiging katulad ng kanyang guro ang ganap na alagad.
"Bakit mo tinitingnan ang puwing sa mata ng iyong kapatid? At di mo pansin ang troso sa iyong mata. Paano mo masasabi sa iyong kapatid: 'Kapatid, pahintulutan mong alisin ko ang puwing sa mata mo,' gayong hindi mo nga makita ang troso sa mata mo? Mapagkunwari! Alisin mo muna ang troso sa mata mo, at saka ka makakakitang mabuti para alisin ang puwing sa mata ng kapatid mo."

Pagninilay-nilay
Lumaki akong malapit sa aking lola. Mahilig siyang magsayaw dahil prinsesa siya noong araw sa mga moro-moro. Hindi siya palasimba pero lagi siyang nagrorosaryo. Siya rin ang nagpayo sa akin na tuwing malulungkot ako o may problema, dasalin ko lang ang isang "Ama Namin" at ipaubaya ang lahat sa Panginoon.
Siya rin ang nagturo sa akin na huwag maghuhusga ng kapwa dahil para sa kanya walang sinuman ang nakakakita sa tunay na nasa kalooban ninuman. Bukod dito, sinabi rin niya na "galit ang magnanakaw sa kapwa-magnanakaw" kaya kadalasa'y mas masahol pa tayo sa ating hinuhusgahan.

balik calendario


Setyembre 13
Sabado

Ika-23 na Linggo ng Taon
Juan Crisostomo

Unang Pagbasa: 1 Cor 10:14-22
Ebanghelyo: Lc 6:43-49


Sinabi ni Jesus sa mga tao, "Hindi makapa-mumunga ng masama ang mabuting puno, at ang masamang puno nama'y hindi makapamu-munga ng mabuti. Nakikilala ang bawat puno sa bunga nito. Hindi makapipitas ng igos mula sa tinikan ni makaaani ng ubas mula sa dawagan. Naglalabas ang taong mabuti ng mabuting bagay mula sa yaman ng kabutihan sa kanyang puso; ang masama nama'y naglalabas ng ma-samang bagay mula sa kanyang kasamaan. At sinasabi nga ng bibig ang umaapaw mula sa puso.
"Bakit pa ninyo ako tinatawag na 'Panginoon, Panginoon,' gayong hindi naman ninyo tinutupad ang sinasabi ko?
"Ilalarawan ko sa inyo ang lumalapit sa akin at nakikinig sa aking mga salita at tumutupad nito. May taong nagtayo ng bahay, na humukay nang malalim at sa batuhan inilagay ang mga pundasyon. Pagdating ng baha, hinampas ng agos ang bahay na iyon pero wala itong lakas para yanigin iyon sapagkat mabuti ang pagkakatatag niyon.
"At kung may nakaririnig ngunit di naman nagsasagawa, matutulad siya sa nagtatayo ng bahay sa ibabaw ng lupa na wala namang pundasyon. Hinampas ito ng agos at kaagad bumagsak. Anong laki ng pagkawasak ng bahay na iyon!"

Pagninilay-nilay
Pangalawang araw ko pa lang noon sa kumbento namin sa Tokyo nang biglang lumindol. Habang naghahanap ako ng mesang puwedeng mapagtaguan, panatag naman ang aking mga kasama, na parang walang anumang nangyayari. Pagkaraan ng ilan pang linggo, naintindihan ko kung bakit hindi na sila nababahala sa lindol-"natural" na sa Japan ang lindol dahil halos minsan isang linggo ay lumilindol doon. Madalas ay mahina lang ang lindol pero may pagkakataon na talagang malakas kaya tigil din ang lahat ng tren. At dahil sa madalas na paglindol, yari sa kahoy ang mga bahay na kanilang itinatayo, at may ibang pundasyon para umuga ang buong bahay ayon sa direksyon ng lindol.

balik calendario

Setyembre 14
Linggo

Pagtatampok sa Krus na Banal

Unang Pagbasa: Blg 21:4-9

Naglakbay sila mula sa Bundok Hor sa da-ang patungo sa Dagat ng Mga Tambo para lumibot sa lupain ng Edom. Nasiraan ng loob ang sambayanan habang nasa daan at nagreklamo laban sa Diyos at kay Moises: "Bakit mo kami inilabas mula sa Ehipto para mamatay sa disyerto? Walang tinapay ni tubig dito at sawang-sawa na kami sa walang lasang mannang ito!"
At nagpadala si Yawe ng mga ahas na "apuy-apuyan" laban sa kanila. Tinuklaw ng mga ito ang sambayanan at marami sa mga Israelita ang namatay. Pinuntahan ng sam-bayanan si Moises at sinabi: "Nagkasala kami sa pagsasalita nang laban kay Yawe at sa iyo. Ipakiusap mo kay Yawe na alisin na sa amin ang mga ahas."
Nanalangin si Moises para sa samba-yanan at sinabi sa kanya ni Yawe: "Gumawa ka ng ahas na 'apuy-apuyan' at ilagay sa poste, at mabubuhay ang sinumang natuklaw ng ahas at tumingin dito."
Kaya gumawa si Moises ng isang ahas na tanso at inilagay iyon sa isang poste. At tumingin sa ahas na tanso ang sinumang natuklaw ng mga ahas at siya'y nabuhay.

Slm 78:1-2, 34-35, 36-37, 38
Huwag ninyong limutin ang mga gawa ng Panginoon.

Ikalawang Pagbasa: Fil 2:6-11

Nasa katayuan siya ng Diyos kaya hindi inambisyong makapantay ang Diyos
Sa halip sinaid pa ang sarili sa pag-aanyong alipin
at sa pagiging tulad ng mga tao:
natagpuan nga siyang kamukha ng tao.
Nagpakababa siya at naging masunurin hanggang kamatayan,
hanggang kamatayan sa krus.
Dahil dito itinampok siya ng Diyos
at binigyan ng Pangalang mataas pa sa alinmang pangalan
upang paluhod na sumamba ang lahat sa pangalan ni Jesus
sa kalangitan, sa lupa at sa kailaliman,
at ipahayag ng tanang dila na Panginoon si Kristo Jesus
para sa kaluwalhatian ng Diyos Ama.

Ebanghelyo: Jn 3:13-17

Sinabi ni Jesus: "Walang umakyat sa langit maliban sa bumaba mula sa langit-ang Anak ng Tao.
"At kung paanong itinaas ni Moises ang ahas sa disyerto, gayundin dapat itaas ang Anak ng Tao upang magkaroon ng buhay magpakailanman ang bawat nananalig sa kanya.
"Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundo! Kayat ibinigay niya ang kanyang bugtong na anak upang hindi na mawala ang bawat nananalig sa kanya kundi magkaroon ng buhay magpakailanman.
"Hindi nga sinugo ng Diyos sa mundo ang Anak upang hukuman ang mundo kundi upang maligtas ang mundo sa pamamagitan niya."

Pagninilay-nilay
Ahas. Takot tayo sa ahas dahil sa kamandag nito kahit na nga hindi lahat ng ahas ay makamandag. Ganito rin ang pananaw ng Matandang Tipan kayat ahas ang nasa salaysay ng pagsuway ng mga una nating magulang sa Eden.
Ngunit kung paanong naging larawan ng masama ang ahas, ito rin ang gagamitin ng Panginoon upang maghatid ng pagpapagaling sa kanyang bayan. Tulad ng ating kasabihan na kung saan tayo nadapa, doon tayo babangon.
Sa Bagong Tipan, si Jesus na ipinako sa krus ang naging ahas na itinaas upang maghatid ng paggaling sa sinumang tumingin sa kanya. Pinawalang-bisa niya ang kamandag at nagbigay-buhay.

balik calendario


Setyembre 15
Lunes

Ika-24 na Linggo ng Taon
Mahal na Birheng Maria na Nagdadalamhati

Unang Pagbasa: Heb 5:7-9
Ebanghelyo: Lc 2:33-35

Nagtataka ang ama at ina ng bata sa mga sinasabi tungkol sa kanya. Pinagpala naman sila ni Simeon at sinabi kay Mariang ina ng bata: "Dahil sa kanya, babagsak o babangon ang mga Israelita at magiging tanda siya sa harap nila at kanilang sasalungatin. Kaya mahahayag ang lihim na pag-iisip ng mga tao. Ngunit paglalagusan naman ng isang punyal ang puso mo."

Pagninilay-nilay
Sa mahabang panahon ng kasaysayan ng ating pananampalataya, mahabang ilog din ng dugo ang dumadaloy hanggang sa ating panahon. Mula sa maliit na pamayanan ng mga unang Kristiyano, marami sa mga alagad ni Jesus ang nagpapatotoo sa kanilang paniniwala sa pag-aalay ng kanilang buhay. At hindi lamang mga pagano at ibang relihiyon ang pumatay sa mga martir ng pananampalataya kay Kristo dahil kahit na ang Simbahan natin mismo ay umusig at nagpahirap din sa mga nanatiling matatag sa kanilang pagsunod kay Jesus.
Idalangin natin sa araw na ito ang mga Kristiyanong pinahihirapan at pinag-uusig dahil sa kanilang pananampalataya.

balik calendario

Setyembre 16
Martes

Ika-24 na Linggo ng Taon
Cornelio at Cipriano

Unang Pagbasa: 1 Cor 12:12-14, 27-31
Ebanghelyo: Lc 7:11-17

Pumunta si Jesus sa bayang tinatawag na Nain at sinamahan siya ng kanyang mga alagad kasama ang maraming tao. Habang papalapit siya sa pintuan ng bayan, tamang-tama namang inilalabas ang isang patay-ang nag-iisang anak na lalaki ng kanyang ina, at ito'y isang biyuda kaya sinamahan siya ng di-kakaunting tao mula sa bayan. Pagkakita sa kanya, nahabag sa kanya ang Panginooon at sinabi: "Huwag ka nang umiyak." Lumapit siya at hinipo ang kabaong; tumigil naman ang mga maydala. At sinabi niya: "Binata, iniuutos ko sa iyo, bumangon ka!" Umupo nga ang patay at nagsimulang magsalita; at ibinigay siya ni Jesus sa kanyang ina. Nasindak ang lahat at nagpuri sa Diyos, at sinabi: "Lumitaw sa atin ang isang dakilang propeta at dinalaw ng Diyos ang kanyang bayan." Kayat kumalat ang balitang ito tungkol sa kanya sa buong lupain ng mga Judio at sa lahat ng karatig na lupain.