Pandesal 2008
Pagbasa at Pagninilay-nilay

OKTUBRE  2008
Domingo
Lunes
Martes
Miyerkules
Huwebes
Biyernes
Sabado


Download Oktubre 2008

Oktubre 1
Miyerkules

Ika-26 na Linggo ng Taon
Teresita ni Jesus

Unang Pagbasa: Job 9:1-12, 14-16
Ebanghelyo: Lc 9:57-62

Habang naglalakad si Jesus at ang kanyang mga alagad, may nagsabi kay Jesus: "Susunod ako sa iyo saan ka man pumunta." At sinabi sa kanya ni Jesus: "May lungga ang mga asong-gubat at may mga pugad ang mga ibon; ang Anak ng Tao nama'y wala man lang mahiligan ng kanyang ulo." At sinabi naman niya sa isa: "Sumunod ka sa akin." Sumagot naman ito: "Pauwiin mo ako para mailibing ko muna ang aking ama." Ngunit sinabi sa kanya ni Jesus: "Hayaan mong ilibing ng mga patay ang kani-lang mga patay; humayo ka naman at ipangaral ang kaharian ng Diyos." Sinabi naman ng isa pa: "Susunod ako sa iyo, Panginoon pero pauwiin mo muna ako para makapagpaalam sa aking mga kasambahay." Sinabi sa kanya ni Jesus: "Hindi bagay sa kaharian ng Diyos ang humahawak ng araro at pagkatapos ay lumilingon sa likuran."

Pagninilay-nilay
Lumaki siyang Aglipay pero nang makilala niya sina Monsenyor Balquiedra at Sister Connie ng Diyosesis ng Lucena, nagpabinyag siyang Katoliko, at pagkaraan ng dalawang taon, nakilala naman niya si Fr. Mañalac ng Diyosesis ng San Pablo, na siyang naging daan para makasama niya sa pagsisimula ng misyon sa Macau si Arnold na ngayo'y isang paring Claretiano. Kung ilang taon din siya sa Macau bilang lay missionary. At pagkatapos ng labintatlong taon, iniwan niya ang kanyang trabaho sa Macau at pamilya sa Pilipinas para maging paring Claretiano. At ngayon nasa Central America si Br. Rey para sa kanyang formation bilang Claretiano.

balik calendario


Oktubre 2
Huwebes

Ika-26 na Linggo ng Taon
Mga Anghel na Tagatanod

Unang Pagbasa: Ex 23:20-23
Ebanghelyo: Mt 18:1-5, 10

Nang panahong iyon, lumapit kay Jesus ang mga alagad at tinanong nila siya: "Sino ang mas una sa kaharian ng Langit?"
Tinawag ni Jesus ang isang maliit na bata at ipinagitna sa kanila, at sinabi: "Sinasabi ko sa inyo na hanggang hindi kayo nagbabago at nagiging katulad ng maliliit na bata hindi kayo makapapasok sa kaharian ng Langit. Ang nagpapakababa gaya ng maliit na batang ito, siya ang pinakamalaki sa kaharian ng Langit. At ang sinumang tumanggap sa batang ito dahil sa aking pangalan ay tumatanggap sa akin.
"Huwag sana ninyong hamakin ang isa sa maliliit na ito; talagang sinasabi ko sa inyo na laging nasa harap ng aking Ama sa Langit ang kanilang mga anghel sa Langit."

Pagninilay-nilay
Iyon ang una kong labas ng Pilipinas at nagpunta ako sa Venezuela para dalawin ang mga Little Brothers of the Gospel pero hindi ko napansin na post office box pala sa Caracas ang address na hawak ko kaya wala akong ibang magagawa kundi ang isa pang address nila ang puntahan. Nasa bundok ang lugar na iyon: apat na oras sa bus ang layo mula Caracas, isang oras sa collective taxi, at kalahating oras na makikisakay sa trak paahon sa bundok. At Kastila ang salita ng mga tao. Pero hindi ako nahirapan dahil sa bawat bahagi ng biyahe, may mga taong padala ng Diyos na parang mga anghel. At nang makisakay ako sa trak paahon sa bundok, isang taga-Venezuela na nakapunta na dito sa atin ang isa sa mga nakasakay!

balik calendario


Oktubre 3
Biyernes

Ika-26 na Linggo ng Taon

Unang Pagbasa: Job 38:1, 12-21; 40:3-5
Ebanghelyo: Lc 10:13-16

Sinabi ni Jesus, "Sawimpalad ka, Corazin! Sawimpalad ka, Betsaida! Kung sa Tiro at Sidon nangyari ang mga himalang ginawa sa inyo, matagal na sana silang nagdamit-sako at naupo sa abo at nakapagbalik-loob. Kaya magaan pa ang sasapitin ng Tiro at Sidon kaysa inyo sa araw ng paghatol. At ikaw naman, Capernaum, dadakilain ka kaya hanggang langit? Hindi! Ibubulid ka sa impiyerno!
"Ang nakikinig sa inyo ay nakikinig sa akin, at ang di-tumatanggap sa inyo ay di-tumatanggap sa akin. At ang di-tumatanggap sa akin ay di tumanggap sa nagsugo sa akin."

Pagninilay-nilay
Madalas nating naiisip na sayang at hindi tayo nabuhay noong panahon ni Jesus para sana nakita natin siya at ang kanyang mga himala. Iniisip din natin na kung tayo ang mga tao noon, hindi sana siya ipinako sa krus dahil tiyak na kikilalanin natin siya bilang Mesiyas at Panginoon. Madaling sabihin ngayon pero bakit ang nagdaang panahon pa ang kailangan nating puntahan para makilala si Jesus? Hindi ba't patuloy na dumarating ang Panginoon sa ating piling kahit na sa kasalukuyang panahon? Pero ganito ang tanong ng marami sa atin: "Kailan ka dumating at hindi namin nakilala?" At kung isa ka sa ganito ang tanong, hindi mo rin nakilala ang Panginoon kahit na dumating siya ngayon.

balik calendario


Oktubre 4
Sabado

Ika-26 na Linggo ng Taon
Francisco ng Asis

Unang Pagbasa: Job 42:1-3, 5-6, 12-17
Ebanghelyo: Lc 10:17-24

Tuwang-tuwang nagbalik ang Pitumpu't da-lawa at ang sabi: "Panginoon, mga demonyo ma'y sumuko sa amin dahil sa iyong pangalan." Sinabi naman ni Jesus: "Nakita kong bumagsak na parang kidlat si Satanas mula sa langit. Binibigyan ko kayo ng kapangyarihang yuma-pak sa mga ahas at alakdan. Masusupil ninyo ang lahat ng kapangyarihan ng kaaway, at wa-lang anumang makapipinsala sa inyo. Subalit magalak kayo hindi dahil sa pagsuko sa inyo ng mga espiritu kundi sapagkat nasusulat sa langit ang inyong mga pangalan."
Nang sandaling iyo'y nag-umapaw sa galak sa Espiritu Santo si Jesus at sinabi niya: "Pinupuri kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, dahil inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino, at ipinamulat mo naman sa maliliit. Oo, Ama, naging kalugud-lugod ito sa iyo. Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala kung sino ang Anak kundi ang Ama, at kung sino ang Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustuhing pag-bunyagan ng Anak."
Pagkatapos ay bumaling si Jesus sa mga alagad at sinabi sa kanila nang sarilinan: "Mapalad ang mga matang nakakakita ng inyong nakikita. Sinasabi ko sa inyo na maraming propeta at hari ang nagnais makita ang inyong nakikita pero hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig pero hindi nila narinig."

Pagninilay-nilay
Pinakapopular na santo si San Francisco ng Assisi at hindi lamang mga Katoliko ang kumikilala sa kanya kundi pati ang mga di-Katoliko at mga di-Kristiyano. Mag-iisanlibong taon na mula nang mabuhay siya pero nananatili pa ring huwaran ng mga Kristiyano ang pagsunod niya kay Jesus.
Nabuhay siya nang simple at pobre sa materyal na bagay, bilang kapatid ng lahat, pati na ni Kapatid Kamatayan na pinatuloy niya sa wakas ng kanyang buhay. Sa kanyang pagsunod sa Ebanghelyo, nadiskubre niya kung paano maging hamak at maliit na bata sa kaharian ng Diyos.
Panginoon, kasangkapanin mo kami para sa iyong kapayapaan.

balik calendario


Oktubre 5
Linggo

Ika-27 na Linggo ng Taon

Unang Pagbasa: Is 5:1-7

Nais kong awitin para sa aking mahal ang awit ng pag-ibig tungkol sa kanyang ubasan. Sa matabang libis ng burol, may ubasan ang aking mahal. Hinukay niya iyon at inalisan ng bato, at tinamnan ng pinakamahusay na mga sanga. Nagtayo siya roon ng bantayan, at humukay ng pisaan ng ubas.
Umasa siyang aani ng ubas, pero wala-mapaklang ubas lamang! Halikayo, mga taga-Jerusalem, at mga kalalakihan ng Juda, hatulan ninyo kami ngayon ng aking ubasan. Ano pa ang puwede kong gawin na di ko ginawa sa aking ubasan?
Umasa akong aani ng ubas, pero wala-mapaklang ubas lamang! Sasabihin ko sa inyo ngayon ang gagawin ko sa aking ubasan: aalisin ko ang bakod niyon, at iyo'y susunugin; gigibain ko ang pader niyon at iyo'y aapak-apakan.

Slm 80:9, 12, 13-14, 15-16, 19-20
Ubasan ng Panginoon ang sambahayan ng Israel.

Ikalawang Pagbasa: Fil 4:6-9

Kaya huwag kayong mabalisa; sa halip ipakita ninyo sa Diyos ang lahat ninyong mga hinihingi sa panalangin at dasal na taglay ang pagpapasalamat. Sa gayon ang kapayapaan ng Diyos, na higit pa sa maiisip ay mag-iingat sa inyong mga puso at isipan kay Kristo Jesus. Bukod dito, mga kapatid, piliin ninyo ang lahat ng totoo, dakila, makatarungan, dalisay, kaibig-ibig at marangal, ang anumang dapat hangaan at purihin. Isagawa ninyo ang inyong natutuhan at natanggap, ang narinig at nakita ninyo sa akin. At sasainyo ang Diyos na mapayapa.

Ebanghelyo: Mt 21:33-43

Makinig kayo sa isa pang halimbawa: May isang may-ari ng bahay na nagtanim ng ubasan; binakuran ang paligid nito, humukay para sa pisaan ng ubas, at nagtayo ng toreng bantayan. Pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka at naglakbay sa malayo. Nang malapit na ang panahon ng anihan, pinapunta ng may-ari ang kanyang mga katulong sa mga magsasaka para kubrahin ang kanyang bahagi sa ani. Ngunit sinunggaban ng mga magsasaka ang kanyang mga katulong, binugbog ang isa, pinatay ang iba at binato ang ilan.
Nagpadala uli ang may-ari ng marami pang katulong pero ganoon din ang ginawa ng mga magsasaka sa kanila.
Sa bandang huli, ipinadala na rin niya ang kanyang anak sa pag-aakalang 'Igagalang nila ang aking anak.' Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang anak, inisip nilang 'Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya at mapapasaatin ang kanyang mana.' Kaya sinunggaban nila siya, at pinalayas sa ubasan at pinatay.
Ngayon, pagdating ng may-ari ng ubasan, ano ang gagawin niya sa mga magsasaka?" Sinabi nila sa kanya: "Hindi niya kaaawaan ang masasamang taong iyon; pupuksain niya ang mga iyon at pauupahan ang ubasan sa ibang magsasakang magbibigay ng kanyang kaparte sa anihan."
At sumagot si Jesus: "Hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan? 'Naging panulukang bato ang tinanggihan ng mga tagapagtayo. Gawa ito ng Panginoon; at kahanga-hanga ang ating nakita.' Kaya sinasabi ko sa inyo: aagawin sa inyo ang kaharian ng Diyos at ibibigay sa isang bayang makapagpapalago nito."

Pagninilay-nilay
Makinig kayo sa isa pang halimbawa: May isang may-ari ng bahay na nagtanim ng ubasan; binakuran ang paligid nito, humukay para sa pisaan ng ubas, at nagtayo ng toreng bantayan. Pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka at naglakbay sa malayo. Nang malapit na ang panahon ng anihan, pinapunta ng may-ari ang kanyang mga katulong sa mga magsasaka para kubrahin ang kanyang bahagi sa ani. Ngunit sinunggaban ng mga magsasaka ang kanyang mga katulong, binugbog ang isa, pinatay ang iba at binato ang ilan.
Nagpadala uli ang may-ari ng marami pang katulong pero ganoon din ang ginawa ng mga magsasaka sa kanila.
Sa bandang huli, ipinadala na rin niya ang kanyang anak sa pag-aakalang 'Igagalang nila ang aking anak.' Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang anak, inisip nilang 'Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya at mapapasaatin ang kanyang mana.' Kaya sinunggaban nila siya, at pinalayas sa ubasan at pinatay.
Ngayon, pagdating ng may-ari ng ubasan, ano ang gagawin niya sa mga magsasaka?" Sinabi nila sa kanya: "Hindi niya kaaawaan ang masasamang taong iyon; pupuksain niya ang mga iyon at pauupahan ang ubasan sa ibang magsasakang magbibigay ng kanyang kaparte sa anihan."
At sumagot si Jesus: "Hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan? 'Naging panulukang bato ang tinanggihan ng mga tagapagtayo. Gawa ito ng Panginoon; at kahanga-hanga ang ating nakita.' Kaya sinasabi ko sa inyo: aagawin sa inyo ang kaharian ng Diyos at ibibigay sa isang bayang makapagpapalago nito."

balik calendario


Oktubre 6
Lunes

Ika-27 na Linggo ng Taon
Bruno

Unang Pagbasa: Gal 1:6-12
Ebanghelyo: Lc 10:25-37


May tumindig na guro ng Batas para subukin si Jesus. Sinabi niya: "Guro, ano ang gagawin ko para makamit ang buhay na walang hanggan?" Sumagot sa kanya si Jesus: "Ano ba ang nasusulat sa Batas, at paano mo ito naiintindihan?" Suma-got ang guro ng Batas: "Mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso at nang buo mong kaluluwa at nang buo mong lakas at nang buo mong pag-iisip. At nasusulat din naman: Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili."
Noo'y sinabi ni Jesus sa kanya: "Tama ang sagot mo. Gawin mo ito at mabubuhay ka." Pero gustong mangatwiran ng guro ng Batas kaya sinabi niya kay Jesus: "At sino naman ang aking kapwa?" Sinagot siya ni Jesus: "May taong bumaba mula sa Jerusalem papunta sa Jerico at nahulog siya sa kamay ng mga tulisan. Hinubaran siya ng mga ito at binugbog at saka iniwang halos patay na. Nagkataon namang may paring pababa rin sa daang iyon. Pagkakita sa kanya, lumihis ito ng daan. Gayundin naman, may Levitang napadaan sa lugar na iyon; nang makita siya'y lumihis din ito ng daan.
Pero may Samaritano namang naglalakbay na napadaan sa kinaroroonan niya; pagkakita nito sa kanya, naawa ito sa kanya. Kayat lumapit ito, binuhusan ng langis at alak ang kanyang mga sugat at binendahan. Isinakay nito ang tao sa sarili niyang hayop at dinala sa bahay-panuluyan at inalagaan. Kinabukasan, dumukot ang Samaritano ng dalawang denaryo, ibinigay sa may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi: 'Alagaan mo siya; sasagutin ko ang anumang karagdagang gastos pagbalik ko'."
At sinabi ni Jesus: "Sa palagay mo, sino sa tatlong ito ang naging kapwa sa taong nahulog sa kamay ng mga tuli-san?" Sagot ng guro: "Ang nagdalang-habag sa kanya." Kaya sinabi ni Jesus sa kanya: "Humayo ka't ganoon din ang gawin."

Pagninilay-nilay
Naglalakad lang ang mga tao mula sa hangganan ng Macau papuntang Gongbei, na siyang hangganan ng China. Laging puno ng tao ang lugar na iyon dahil maraming mga taga-Macau ang tumatawid para mamalengke, maggudtaym o mamasyal. At dahil maraming tao, marami ring mandurukot. Kadalasa'y mga bata silang sumusunod sa mga taong walang malay na sila ang plano nilang biktimahin. Unti-unti nilang binubuksan ang bag na nasa likod ng kanilang biktima, nang hindi namamalayan ng mga iyon. Kitang-kita naman ng ibang mga tao ang kanilang ginagawa, pero wala ni isa man ang naglalakas-loob na sabihan ang binibiktima na may mandurukot na sumusunod sa kanya.

balik calendario


Oktubre 7
Martes

Ika-27 na Linggo ng Taon
Mahal na Birheng Maria ng Rosaryo

Unang Pagbasa: Gal 1:13-24
Ebanghelyo: Lc 10:38-42


Sa kanilang paglalakbay, pumasok si Jesus sa isang nayon at pinatuloy siya ng isang babaeng nagngangalang Marta. May kapatid siyang babae na tinatawag na Maria. Naupo ito sa may paanan ng Panginoon at nakikinig sa kanyang salita. Abalang-abala naman si Marta sa mga pagsisilbi kaya lumapit siya at sinabi: "Panginoon, hindi mo ba napapansing pinabayaan ako ng aking kapatid na babae na magsilbing mag-isa? Pakisabi mo naman sa kanya na tulungan ako."
Sumagot sa kanya ang Panginoon: "Marta, Marta, abala ka't balisa sa maraming bagay; isa lang naman ang kailangan. Pinili nga ni Maria ang mainam na bahagi na hindi kukunin sa kanya."

Pagninilay-nilay
Noong maliliit pa kami, malaking handaan taun-taon ang piyesta ng aming bayan. Buong bisperas na paghahanda at pagluluto ng iba't ibang putahe para sa araw ng kapistahan, lalo na kung patay-baboy. May dinuguan, adobo, asado, menudo, pininyahang manok, pastel, lumpia, biringhi, gulaman, at kung anu-ano pang espesyal na pagkain. Bising-bisi ang lahat sa paghahanda at tuloy pa rin ang pagluluto hanggang sa araw ng piyesta. Kaya naman wala nang panahong magsimba ang mga tao dahil abalang-abala sila.
Hindi lamang paghahanda ng pagkain ang pagpipiyesta kundi araw din ito ng pasasalamat sa Diyos.

balik calendario


Oktubre 8
Miyerkules

Ika-27 na Linggo ng Taon

Unang Pagbasa: Gal 2:1-2, 7-14
Ebanghelyo: Lc 11:1-4

Isang araw, nananalangin si Jesus sa isang lugar at pagkatapos niya'y sinabi sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad: "Panginoon, turuan mo kaming manalangin kung paanong tinuruan ni Juan ang kanyang mga alagad." At sinabi ni Jesus sa kanila: "Kung mananalangin kayo, sabihin ninyo:
Ama, sambahin ang ngalan mo, dumating ang kaharian mo, bigyan mo kami araw-araw ng pagkaing kailangang-kailangan namin, pa-tawarin mo kami sa aming mga sala; tingnan mo't pinatatawad din namin ang lahat ng may utang sa amin, at huwag mo kaming dalhin sa tukso."

Pagninilay-nilay
Humanap ka ng tahimik at komportableng lugar. Maupo, pumikit at magrelax. Ipatong mo ang iyong mga kamay sa iyong mga hita; nakatihaya ang mga palad. Naririnig mo ang ingay sa paligid pero hindi para bigyang-pansin. Hayaan mo lang. Pakiramdaman mo ang iyong pagkakaupo.
Pagdikitin mo ngayon ang iyong hinlalaki at hintuturo. Pakiramdaman mo ang pagkakadikit nito. Ang Diyos Ama ang hinlalaki at ikaw naman ang hintuturo. Pakiramdaman mo na may buhay ka dahil idinikit ng Ama ang kanyang sarili sa iyo. Huwag mag-isip kundi makiramdam. Manatili sa damdaming ito sa loob ng 15 minuto o hanggang gusto mo.

balik calendario


Oktubre 9
Huwebes

Ika-27 na Linggo ng Taon
Dionisio at mga Kasama, Juan Leonardo

Unang Pagbasa: Gal 3:1-5
Ebanghelyo: Lc 11:5-13

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, "Ipalagay nating may kaibigan ang isa sa inyo at pinuntahan mo siya sa hatinggabi at sinabi: 'Kaibigan, pahiram nga ng tatlong pirasong tinapay dahil kararating lang mula sa biyahe ng isa kong kaibigan at wala akong maihain sa kanya.' At sasagutin ka siguro ng nasa loob: 'Huwag mo na akong gambalain. Nakatrangka na ang pinto at nakahiga na kami ng mga bata; hindi na ako maaaring tumayo para bigyan ka.' Sinasabi ko sa inyo, kung hindi man siya bumangon para magbigay dahil sa pakikipagkaibigan, babangon pa rin siya at ibibigay sa iyo ang lahat mong kailangan dahil sa pagpupumilit sa kanya.
"Kaya sinasabi ko sa inyo: humingi at kayo'y bibigyan, maghanap at matatagpuan ninyo, kumatok at bubuksan ang pinto para sa inyo. Talaga ngang tumatanggap ang humihingi, nakakatagpo ang naghahanap at pinagbubuksan ang kumakatok.
"Sino sa inyo ang amang magbibigay ng ahas sa kanyang anak kung isda at hindi ahas ang hinihingi nito? Sino ang magbibigay ng alakdan kung itlog ang hinihingi? Kaya kung kayo mang masasama'y marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang Ama mula sa langit? Tiyak na ibibigay niya ang banal na Espiritu sa mga hihingi sa kanya."

Pagninilay-nilay
May pinagbigyan ka na bang humihingi sa iyo dahil sa inis? Napakakulit nila at paulit-ulit na lumalapit sa iyo para sa kanilang pakay. At para matigil na lamang, wala kang ibang magagawa kundi pagbigyan sila.
Kung sa kabila ng ating pagkainis ay napipilitan tayong pagbigyan at pagmagandahang-loob ang nakikiusap sa atin, gaano pa ang Diyos na pawang kagandahang-loob. Hindi ka magdadalawang-salita na ipagkakaloob sa iyo ng Diyos ang hinihiling mo sa kanya.
Walang anumang pagkainis sa Diyos kayat manalig tayo sa kanyang kagandahang-loob.

balik calendario


Oktubre 10
Biyernes

Ika-27 na Linggo ng Taon

Unang Pagbasa: Gal 3:7-14
Ebanghelyo: Lc 11:15-26

Nang makapagpalayas si Jesus ng demonyo, sinabi ng ilan sa mga tao, "Pinalalayas niya ang mga ito sa tulong ni Beelzebul na pinuno ng mga demonyo." Gusto naman ng iba na subukin si Jesus at humingi sila sa kanya ng isang tanda galing sa langit.
Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya sinabi niya sa kanila: "Mabubuwag ang bawat kahariang nagkakahati-hati at magigiba roon ang mga sambahayan. Ngayon, kung nagkakahati-hati si Satanas, paano magtatagal ang kanyang kaharian? Di nga ba't sinasabi ninyo na nagpapalayas ako ng mga demonyo sa tulong ni Beelzebul? Kung sa pamamagitan ni Beelzebul ako nagpapalayas ng mga demonyo, paano naman napalalayas ng inyong mga kaanib ang mga ito? Sila mismo ang nararapat sumagot sa inyo.
"Sa daliri ng Diyos ako nagpapalayas ng mga demonyo kaya sumapit na sa inyo ang kaharian ng Diyos. Kung sandatahang binabantayan ni Malakas ang kanyang palasyo, hindi magagambala ang kanyang mga pag-aari. Pero kung salakayin siya ng mas makapangyarihan sa kanya at talunin siya, maaagaw nito ang kanyang mga armas na kanyang inasahan at ipamamahagi ang kanyang mga ari-arian.
"Ang hindi panig sa akin ay laban sa akin, at ang hindi nagtitipong kasama ko ay nagpapangalat.
"Kapag lumabas sa tao ang maruming espiritu, nagpapalabuy-laboy ito sa mga lugar na walang tubig sa paghahanap ng pahingahan. Pero wala siyang natatagpuan at sinasabi niya: 'Babalik ako sa inalisan kong tirahan.' Pagdating niya, natatagpuan niya ito na nawalisan na at maayos pa. Kaya naghahanap siya at nagsasama ng pito pang espiritung mas masama pa kaysa kanya; pumapasok ang mga ito at doon tumitira. Kaya mas masama ang huling kalagayan ng taong iyon kaysa dati."

Pagninilay-nilay
Larawan ng kapangyarihan ng Diyos ang mga katagang "sa daliri ng Diyos." Hindi ito literal na daliri ng Diyos kundi ang lakas at kapangyarihan ng Diyos ang tinutukoy nito.
Hindi lamang sa malalaking himala gumagawa ang daliri ng Diyos kundi maging sa karaniwang takbo ng ating buhay sa araw-araw. At makikita natin na ang Diyos nga ang gumagawa sa ating buhay kung magiging mulat ang ating mga mata at kalooban sa pagmamagandang-loob ng Diyos.
Imulat mo, Panginoon, ang aming mga mata at buksan ang aming kalooban upang makita kang patuloy na gumagawa sa aming buhay.

balik calendario


Oktubre 11
Sabado

Ika-27 na Linggo ng Taon

Unang Pagbasa: Gal 3:22-29
Ebanghelyo: Lc 11:27-28

Habang nagsasalita pa si Jesus, may babae mula sa dami ng tao na malakas na nagsabi sa kanya: "Mapalad ang nagdala sa iyo sa kanyang sinapupunan at nagpasuso sa iyo." Ngunit sumagot si Jesus: "Kaya talagang mapalad ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito."

Pagninilay-nilay
Maria, boses mo ang unang narinig ni Jesus habang nasa sinapupunan mo siya. Ikaw ang naging Tahanan ng Diyos sa daigdig at sa iyo rin nagmula ang katawan ng kanyang pagkatao. Sa pagbabalita ng anghel sa iyo, dininig mo at pinatuloy ang Salitang inialok sa iyo ng Diyos. Mapalad ka, O Ina ng Diyos, dahil dininig mo at tinupad ang Salita ng Diyos.
Turuan mo kaming makinig din sa kanyang Salita nang buong puso. Maipagpatuloy nawa namin at madala sa aming buhay ang Salita upang maisilang namin siyang muli. Akayin mo kami sa matuwid na landas ng pagsunod sa iyong Anak, na si Jesus.

balik calendario


Oktubre 12
Linggo

Ika-28 na Linggo ng Taon

Unang Pagbasa: Is 25:6-10a

Sa bundok na ito ihahanda ni Yawe ng mga Hukbo ang isang piging para sa lahat ng bayan sagana sa pagkain, pili ang alak.
Sa bundok na ito niya sisirain ang belo ng pagluluksa ng lahat ng bayan, ang talukbong na bumabalot sa lahat ng bansa, at wawasakin niya ang Kamatayan mag-pakailanman.
Papahirin ni Yaweng Panginoon ang luha sa lahat ng mukha, papawiin niya ang kahihiyan ng kanyang bayan at ng buong daigdig-Ito ang sabi ni Yawe.
Sa araw na iyon, sasabihin nila: "Ito nga ang aming Diyos na aming hinihintay na sa ami'y magliligtas; ito si Yawe na ating inaasahan.
M