|
Nobyembre
1
Sabado
Lahat
ng mga Banal
Unang
Pagbasa: Pag 7:2-4, 9-14
Ikalawang Pagbasa: 1 Jn 3:1-3
Ebanghelyo:
Mt 5:1-12a
Nang makita ni Jesus ang makapal na tao, umahon siya sa bundok. Naupo
siya roon at lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad. At nagsimula siyang
magturo sa kanila:
"Mapapalad ang mga may diwa ng dukha sapagkat sa kanila ang Kaharian
ng Langit.
"Mapapalad ang mga nagluluksa sapagkat pagiginhawahin sila.
"Mapapalad ang mga di-marahas sapagkat mapapasakanila ang lupain.
"Mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katarungan sapagkat bubusugin
sila.
"Mapapalad ang mga maawain sapagkat kaaawaan sila.
"Mapapalad ang mga may busilak na puso sapagkat makikita nila ang
Diyos.
"Mapapalad ang mga nagpupunyagi para sa kapayapaan sapagkat tatawagin
silang mga anak ng Diyos.
"Mapapalad ang mga pinag-uusig dahil sa katarungan sapagkat kanila
ang Kaharian ng Langit.
"Mapapalad kayo kung iniinsulto kayo at pinag-uusig at sinisiraang-puri
dahil sa akin. Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang gantimpalang
nasa Diyos para sa inyo. Ganito rin pinag-usig ang mga propetang nauna
sa inyo."
Pagninilay-nilay
Sa ibang bansa, bukas pa ang punta ng mga tao sa sementeryo
para dalawin ang kanilang mga yumao pero dito sa atin, Todos los Santos,
na araw ng lahat ng santo at santa, ang araw na para sa mga yumao nating
mga kamag-anak. Bakit nga hindi? Mali bang isipin na nasa langit na nga
ang ating mga mahal sa buhay, kasama ng mga anghel at mga banal sa piling
ng Diyos?
Sa pagdalaw natin sa sementeryo, nagkakaroon tayo ng reunion hindi lamang
sa ating mga yumao kundi tayo mismong mga buháy ay nagkakasama-samang
muli sa piling ng ating mga kamag-anak na sumakabilang-buhay. At kasama
natin ang Panginoon sa malaking family reunion na ito.
balik
calendario
Nobyembre
2
Linggo
Lahat
ng mga Pumanaw na Kristiyano
Unang
Pagbasa: Kar 3:1-9
Nasa kamay
ng Diyos ang kaluluwa ng mga makatarungan at hindi sila makararanas ng
anumang pahirap.
Patay sila sa paningin ng mga hangal, at itinuturing na isang kapahamakan
ang kanilang pagpanaw. Tila nga nawalan sila ng lahat sa pag-alis sa atin,
ngunit nasa kapayapaan sila.
Aakalaing sila'y punarusahan, ngunit ang kanilang pag-asa ay ang buhay
na walang hanggan. Mahalaga ang kanilang kinamtan pagkatapos ng kaunting
pagtitiis sapagkat sinubok sila ng Diyos at napatunayang karapat-dapat
sa kanya; makaraang subukin silang tulad ng ginto sa apuyan, tinanggap
sila ng Diyos na waring handog na sinunog.
Pagdating ng paghuhukom magniningning silang parang ningas na gumagapang
sa dayami. Maghahari sila sa mga bansa at mamumuno sa mga bayan at ang
Panginoon ang kanilang magiging hari magpakailanman.
Makauunawa sa katotohanan ang mga nagtiwala sa kanya at ang mga tapat
sa pag-ibig ay mamumuhay na kapiling niya. Sapagkat nakalaan para sa kanyang
mga hinirang ang kanyang kagandahang-loob at habag.
Slm
23:1-3, 3-4, 5, 6
Ang Panginoon ay aking Pastol, di ako mangangailangan ng ano man.
Ikalawang
Pagbasa: Rom 6:3-9
Alam ninyo
na lahat ng bininyagan para mabuklod kay Kristo ay bininyagan at inilubog
sa kanyang kamatayan. Sa binyag tayo nalibing kasama ni Kristo, at kung
paanong mula sa mga patay, ay ibinangon si Kristo ng luwalhati ng Ama,
gayon din naman tayo magbabagong-buhay. Nailarawan na ang pagkahugpong
natin sa kanya sa kanyang kamatayan; tularan naman natin ang kanyang muling
pagkabuhay.
Alam ninyo na ipinako kasama niya sa krus ang lumang taong nasa atin upang
mawala na ang katawang ari ng kasalanan, at hindi na natin paglingkuran
ang kasalanan. Kung patay na nga ang sinuman, hindi na siya sakop ng kasalanan,
Ngunit kung kasama naman tayong namatay ni Kristo, dapat tayong maniwala
na mabubuhay rin tayong kasama niya. Alam natin na hindi na mamamatay
si Kristo matapos ibangon. Wala nang kapangyarihan sa kanya ang kamatayan.
Ebanghelyo:
Mt 25:31-46
Pagdating ng Anak ng Tao sa kanyang Kaluwalhatian kasama ng lahat niyang
mga anghel, uupo siya sa maluwalhati niyang trono. Dadalhin sa harap niya
ang lahat ng bansa at parang isang pastol na inihihiwalay ang mga tupa
sa mga kambing, gayundin niya paghihiwa-hiwalayin ang mga tao. Ilalagay
niya ang mga tupa sa kanan niya at ang mga kambing sa kaliwa.
Sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan niya: 'Halikayo, pinagpala ng aking
Ama! Manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa sa simula
ng daigdig. Sapagkat nagutom ako at inyong pinakain, nauhaw ako at inyong
pinainom. Naging dayuhan ako at pinatuloy ninyo ako. Nang ako'y hubad,
dinamitan ninyo ako; nang maysakit ako, binisita ninyo ako. Nang ako'y
nasa bilangguan, dinalaw ninyo ako.'
At itatanong sa kanya ng mabubuti: 'Panginoon, kailan ka namin nakitang
nagugutom at pinakain, nauuhaw at pinainom, isang dayuhan at pinatuloy,
at walang suot at dina-mitan? Kailan ka namin nakitang maysakit o nasa
bilangguan at nilapitan?' Sasagutin sila ng Hari: 'Talagang sinasabi ko
sa inyo: anuman ang gawin ninyo sa isa sa maliliit na ito na mga kapatid
ko, sa akin ninyo ginawa.'
Pagkatapos ay sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa niya: 'Mga isinumpa,
lumayas kayo sa harap ko tungo sa apoy na walang katapusan na inihanda
para sa diyablo at sa mga anghel nito! Sapagkat nagutom ako at di ninyo
binigyan ng makakain, nauhaw at di ninyo pinainom, naging dayuhan ako
at di ninyo pinatuloy, maysakit at nasa bilangguan at di ninyo binisita.'
Kaya itatanong din nila: 'Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom,
nauuhaw, dayuhan, hubad, maysakit o nakabilanggo, at di ka namin pinaglingkuran?'
Sasagutin sila ng Hari: 'Talagang sinasabi ko sa inyo: anuman ang di ninyo
ginawa sa isa sa maliliit na ito, hindi ninyo ginawa sa akin.'
At pupunta ang mga ito sa walang hanggang parusa, ngunit sa walang hanggang
buhay naman ang mga makatarungan."
Pagninilay-nilay
Kamatayan. Kakambal ng araw ng pagsilang natin sa mundo ang araw ng
ating kamatayan. Alam nating lahat ang katotohanang ito-na mamamatay tayong
lahat-ngunit hindi natin alam kung kailan, saan at paano. Pero natitiyak
natin na talagang darating ang araw ng ating kamatayan.
Sa araw na ito ng mga yumao, tumahimik ka sandali at ilarawan ang araw
ng iyong burol at libing. Ano ang itsura mo? Ano ang sinasabi ng iyong
mga mahal sa buhay at ng mga dumadalaw sa iyo? May mga pinagsisisihan
ka ba dahil may mga hindi ka nagawa noong nabubuhay ka? Ano na ang lagay
ng mga bagay na lubha mong pinahahalagahan noong buhay ka?
balik
calendario
Nobyembre
3
Lunes
Ika-31
na Linggo ng Taon
Martin de Porres
Unang
Pagbasa: Fil 2:1-4
Ebanghelyo: Lc 14:12-14
Sinabi naman
ni Jesus sa nag-anyaya sa kanya: "Kung maghahanda ka ng tanghalian
o hapunan, huwag mga kaibigan mo o mga kapatid mo o mga kamag-anak o mayayamang
kapitbahay ang iyong kumbidahin, baka kumbidahin ka rin nila at susuklian
ka. Kung maghahanda ka, mga dukha, mga bale-wala, mga pilay at mga bulag
ang kumbidahin mo. At magiging mapalad ka dahil hindi ka nila masusuklian
ngunit sa pagkabuhay ng mga mabuti ka susuklian."
Pagninilay-nilay
Masaya si Terry pag nakapagpapakain siya, kaya naman malimit kami noon
sa kanila. At kahit na dadalawa lang sila ni Chiara, laging marami siya
pag magluto para sa sinumang bisitang maaaring biglang dumating. Para
kay Terry, para sa lahat ang pagkain.
Malimit din siyang naghahanda ng mga pagkain at dinadala sa mga lumpong
kanyang tinutulungan. Bukod dito, pinatutuloy rin niya sa kanyang bahay
ang mga sanggol at mga batang nangangailangan ng tulong hanggang lumakas
ang mga iyon at puwede nang iuwi ng kanilang mga magulang. At wala siyang
hinihintay na anumang kapalit dahil masaya siya sa kanyang ginagawang
paglilingkod.
balik
calendario
Nobyembre
4
Martes
Ika-31
na Linggo ng Taon
Carlos Borromeo
Unang
Pagbasa: Fil 2:5-11
Ebanghelyo: Lc 14:15-24
Nang marinig
ito ng isa sa mga kasalo, sinabi niya kay Jesus: "Mapalad ang makakasalo
sa bangkete ng kaharian ng Diyos!"
Sumagot si Jesus: "May taong naghanda ng malaking bangkete at marami
siyang kinumbida. Sa oras ng handaan, pinapunta niya ang kanyang katulong
para sabihin sa mga imbitado: 'Tayo na't handa na ang lahat.' Ngunit parang
sabay-sabay namang nagdahilan ang lahat. Sinabi ng una: 'Bumili ako ng
bukid at kailangan kong pumunta para tingnan iyon. Pasensya ka na.' Sinabi
naman ng isa: 'Bumili ako ng limang pares na bakang pang-araro at pasusubukan
ko ang mga ito. Pasensya ka na' Sinabi ng isa pa: 'Bagong kasal ako kaya
hindi ako makakapunta.'
"Pagbalik ng katulong, ibinalita niya ang lahat ng ito sa kanyang
panginoon. Galit na galit ang maysambahayan at sinabi sa kanyang katulong:
'Pumunta ka agad sa mga liwasan at mga lansangan ng lunsod, at papasukin
mo rito ang mga dukha, mga bale-wala, mga bulag at mga pilay.'
"At pagkatapos ay sinabi ng katulong: 'Nagawa na ang ipinag-utos
mo at may lugar pa rin.' Sumagot sa kanya ang panginoon: 'Lumabas ka sa
mga daan at mga bakuran at pilitin mong pumasok ang mga tao para mapuno
ang bahay ko. Sapagkat sinasabi ko sa inyo: walang sinuman sa mga ginoong
iyon na kinumbida ko ang makatitikim ng aking handa.'"
Pagninilay-nilay
Parang sinehan ang mga simbahan pag araw ng Linggo dahil may misa oras-oras.
At kasalubong na pumapasok ng mga bagong dating para magsimba ang mga
lumalabas sa katatapos na misa. Marami sa ating mga Katoliko ang kuntento
nang mapabilang sa mga regular na sumisimba tuwing Linggo dahil busy tayong
lahat sa pagtatrabaho sa mga karaniwang araw para sa ating mga pami-pamilya.
Kaya wala na tayong panahon para sa iba pang mga mahahalagang gawain.
Hindi lamang sa misa ang hapag na inihanda ng Panginoon dahil para iyon
sa pagtatayo ng mas makatao at mas makadiyos na daigdig. At kung hindi
tayo makikibahagi, tatawag ng iba ang Diyos bilang kapalit natin.
balik
calendario
Nobyembre
5
Miyerkules
Ika-31
na Linggo ng Taon
Unang
Pagbasa: Fil 2:12-18
Ebanghelyo: Lc 14:25-33
Habang naglalakad ang napakaraming tao na kasama ni Jesus, humarap siya
sa kanila at sinabi: "Kung may dumating sa akin na di nagtatakwil
sa pag-ibig sa kanyang ama at ina, at asawa at mga anak, at mga kapatid
na lalaki at babae, at maging sa kanyang sarili, hindi siya puwedeng maging
alagad ko. At hindi puwedeng maging alagad ko ang di nagpapasan ng kanyang
krus sa pagsunod sa akin.
"At paano kung may magbalak magtayo ng silungan ng bantay sa bukid?
Di ba't uupo muna siya at tatantyahin ang gastos para malaman kung may
sapat siya para maipatapos iyon? Sapagkat kung mailagay niya ang pundasyon
at hindi naman niya iyon maipatapos, pagtatawanan lamang siya ng lahat:
'Hayan ang nagsimulang magtayo at hindi na maipatapos.'
"At paano kung may haring makikipagharap sa ibang hari? Di ba't uupo
muna siya para mag-isip kung kaya niya at ng sampung libong kasama niya
na harapin ang dumarating na may dalawampung libo? At kung hindi naman,
malayo pa ang isa ay magpapadala na siya ng mga sugo para makipag-areglo.
Gayon din sa inyo. Hindi puwedeng maging alagad ko ang di tumatalikod
sa lahat ng kanya."
Pagninilay-nilay
Marami ang nagpupunta pag may bagong bukas na mall o restawran pero
paglipas ng mga araw, unti-unti na ring nababawasan ang mga taong nagpupunta
roon. Ganito rin ang ningas-kugong pagsunod natin sa Panginoon. Napakasigasig
natin sa simula dahil naakit tayo ng ating mga kaibigan pero pagkaraan
ng ilang linggo o buwan, unti-unti na tayong tinatabangan kaya binabalikan
natin ang dati nating mga kinagawian.
Hindi pansamantala lamang na parang may taning o kontrata ang pagsunod
sa Panginoon; paraan ng panghabambuhay na pamumuhay at pagsunod sa Panginoon
ang pagiging Kristiyano.
balik
calendario
Nobyembre
6
Huwebes
Ika-31
na Linggo ng Taon
Unang
Pagbasa: Fil 3:3-8a
Ebanghelyo: Lc 15:1-10
Lumapit kay Jesus ang lahat ng kolektor ng buwis at mga makasalanan para
makinig. Kaya nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at mga guro ng Batas:
"Tinatanggap niyan ang mga makasalanan at nakikisalo sa kanila."
Kaya sinabi ni Jesus ang talinhagang ito sa kanila:
"Kung may sandaang tupa ang isa sa inyo at mawala ang isa sa mga
ito, hindi ba niya iiwan ang siyamnapu't siyam sa ilang para hanapin ang
nawawala hanggang matagpuan niya ito? At pag natagpuan ito'y masaya niya
itong pinapasan sa balikat, at pagdating sa bahay ay tatawagin niya ang
mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila: 'Matuwa kayong
kasama ko sapagkat natagpuan ko na ang nawawala kong tupa.' Sinasabi ko
sa inyo: magkakaroon din ng higit na kagalakan sa langit para sa isang
makasalanang nagsisisi kaysa siyamnapu't siyam na matuwid na di nangangailangan
ng pagsisisi.
"Kung may sampung baryang pilak ang isang babae at nawala ang isa
sa mga ito, hindi ba siya magsisindi ng ilaw, magwawalis sa bahay at hahanaping
mabuti hanggang matagpuan ito? At pagkakita rito'y tatawagin ang mga kaibigang
babae at mga kapitbahay: 'Matuwa kayong kasama ko sapagkat natagpuan ko
ang nawawala kong baryang pilak.' Sinasabi ko sa inyo na ganito rin sa
mga anghel ng Diyos, magkakaroon ng kagalakan para sa isang makasalanang
nagsisisi."
Pagninilay-nilay
Ganito naman ang sabi ng isa sa siyamnapu't-siyam na tupa:
"Baa
baa
baa
Bakit kaya kami iniwan ng aming pastol?
Hindi ba niya naisip na baka kung ano ang mangyari sa amin? Paano na kung
may dumating na mabangis na hayop? Siyamnapu't siyam kami at sama-sama
kaming lahat. Suwerte sana ang mabangis na hayop dahil marami siyang pagpipilian
sa amin
"Mas mahalaga pa ba sa aming pastol ang isang tupang naligaw kaysa
sa amin na laging sumusunod sa kanya? Ano kaya kung sadyain kong maligaw
para ako naman ang hanapin niya? Baa
baa
baa
"
balik
calendario
Nobyembre
7
Biyernes
Ika-31
na Linggo ng Taon
Unang
Pagbasa: Fil 3:17-4:1
Ebanghelyo: Lc 16:1-8
Sinabi rin ni Jesus sa kanyang mga alagad: "May katiwala ang isang
mayaman, at isinum-bong sa kanya na nilulustay ng katiwala ang kanyang
kayamanan. Ipinatawag niya ito at sinabi sa kanya: 'Ano itong naririnig
ko tungkol sa iyo? Magsulit ka sa akin ng iyong pangangasiwa dahil hindi
ka na makapangangasiwa.'
"At inisip ng katiwala: 'Tatanggalin ako ngayon sa pangangasiwa ng
aking panginoon. Ano ang gagawin ko? Kulang ako ng lakas para magbungkal
ng lupa, nahihiya naman akong magpalimos. Ah, alam ko na ang gagawin ko.
At pagkatanggal sa akin sa pangangasiwa, may mga magpapatuloy sa akin
sa kanilang mga bahay.'
"Kaya tinawag niyang isa-isa ang mga may-utang sa kanyang panginoon.
Tinanong niya ang una: 'Magkano ang utang mo sa aking panginoon?' Sumagot
ito: 'Sandaang galon ng langis.' Sinabi ng katiwala: 'Narito ang resibo
mo; maupo ka agad at isulat mo: Limampu.' Tinanong naman niya ang ikalawa:
'At ikaw, magkano ang utang mo?' Sumagot siya: 'Sanlibong takal ng trigo.'
Sinabi ng katiwala: 'Narito ang iyong resibo at isulat mo: Walundaan."
"Hinangaan ng panginoon ang matalinong paggawa ng di-matuwid na katiwala.
Mas matalino nga ang mga taong makamundo sa pakikitungo sa mga gaya nila
kaysa mga tao ng liwanag."
Pagninilay-nilay
Lumilipas at hindi pangmagpakailanman ang pera at kayamanan. At kahit
na mawala ang mga ito sa ating buhay, puwedeng kitain nating muli ang
mga ito. Walang anumang masama sa pera kung gagamitin natin ito at hindi
tayo ang magpapagamit dito.
Mga katiwala lamang tayo at hindi may-ari ng anumang yaman o perang meron
tayo sa ating buhay. Dumadaan lang ang mga ito sa ating mga kamay upang
ipasa at gamitin para sa kapakanan ng ating kapwa. Ngunit kadalasan sa
halip na ipasa natin ito sa iba, dumidikit ang mga ito sa ating mga kamay,
tila ayaw kumawala sa ating pagkakahawak at inaangkin na natin ang mga
ito.
balik
calendario
Nobyembre
8
Sabado
Ika-31
na Linggo ng Taon
Unang
Pagbasa: Fil 4:10-19
Ebanghelyo:
Lc 16:9-15
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, "Gamitin ninyo ang di-matuwid
na Perang-diyos para magkaroon ng mga kaibigan para sa pagkaubos nito'y
tanggapin naman nila kayo sa walang hanggang mga tahanan.
"Ang mapagkakatiwalaan sa maliliit na bagay ay mapagkakatiwalaan
din sa malalaki, at ang di mapagkakatiwalaan sa maliliit ay di rin mapagkakatiwalaan
sa malalaki. Kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa di-matuwid na pera, sino
ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? Kung hindi kayo mapagkatiwalaan
sa mga bagay na hindi talaga sa inyo, sino pa kaya ang magbibigay sa inyo
ng talagang inyo?
"Walang katulong na makapagsisilbi sa dalawang amo; siguradong kamumuhian
niya ang isa at mamahalin naman ang isa pa, o magiging matapat sa isa
at mapababayaan ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa
pera."
Naririnig ng mga Pariseo ang lahat ng ito. Sakim sila kaya pinagtatawanan
nila siya. At sinabi ni Jesus sa kanila: "Ginagawa ninyo ang lahat
para magmukhang mabuti sa paningin ng mga tao ngunit alam ng Diyos ang
inyong mga puso. At kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos ang mataas sa
mga tao."
Pagninilay-nilay
Akala ng marami sa atin na masarap ang buhay ng ating mga kamag-anak
na OFW sa ibang bansa. Nabubuhay tayo nang mariwasa at masagana dahil
sa ipinapadala nilang pera sa atin buwan-buwan kaya gayon din ang naiisip
nating buhay nila sa abroad, kung hindi man masarap kaysa buhay natin
dito. Kaya naman kung may anuman tayong kailangan, sulat tayo kaagad sa
kanila, o nagpapadala ng email o tinatawagan natin sila sa telepono. Hindi
natin alam na halos lahat ng kanilang suweldo ang kanilang inireremit
sa atin kaya kung gaano ang pagpipiyesta natin dito, ganoon naman ang
pagtitipid nila at pagtitiis sa ibang bansa. Kaya pag-uwi nila sa 'Pinas,
walang anumang naipon ang ating mag-anak.
balik
calendario
Nobyembre
9
Linggo
Ika-32
na Linggo ng Taon
Pagtatalaga sa Basilika ni San Juan de Letran
Unang
Pagbasa: Ez 47:1-2, 8-9, 12
Ibinalik
ako ng lalaki sa pasukan ng Bahay at nakakita ako ng tubig na umaagos
pasilangan. Nakaharap sa silangan ang Bahay, at sa timog na panig ng altar
nagmumula ang tubig. Inilabas niya ako sa hilagang pintuan at inilibot
na patungo sa panlabas na tarangkahang nakaharap sa silangan, at nakita
ko roon ang agos na nagmumula sa gawing timog.
Sabi niya sa akin, "Pasilangan ang tubig na ito, pababa sa Arabah.
Pag nakarating ang tubig na ito sa namamahong dagat, magiging malinis
ang tubig ng dagat. Saanman makarating ang agos ng ilog na ito, mabubuhay
roon ang maraming isda at mananariwa ang tubig. Magiging masagana ang
buhay sa maaabot ng daloy nito.
Malapit sa ilog sa magkabilang panig, sisibol ang lahat ng uri ng namumungang
punungkahoy na hindi malalanta at laging magkakaroon ng saganang bunga;
mamumunga ang mga iyon buwan-buwan sapagkat dinidilig ng tubig na nanggagaling
sa Templo.
Slm
46:3, 4, 5-6, 8, 11
Mayroong isang sapa na ang mga agos ay may dalang galak sa lunsod ng
Diyos.
Ikalawang
Pagbasa: 1 Cor 3:9c-11, 16-17
Sapagkat
sa Diyos, kami ay magkasama sa trabaho. Mga katulong kami ng Diyos, kami
ay magkasama sa trabaho. Mga katulong kami ng Diyos at kayo naman ang
bukid ng Diyos, o ang itinatayo ng Diyos.
Ayon sa biyaya ng Diyos na ipinagkaloob sa akin, ako ang naglagay ng pundasyon
na tulad ng magaling na arkitekto, ito nga ang kakayahang ipinagkaloob
ng Diyos sa akin. At iba naman ang magtatayo dito. Mag-ingat lamang ang
bawat isa kung paano siya nagtatayo. Hindi puwedeng mailagay ang isang
naiibang pundasyon maliban sa nailagay na, si Jesucristo.
Hindi ba ninyo alam na templo kayo ng Diyos at nananahan sa inyo ang espiritu
ng Diyos? Kung may wawasak sa templo ng Diyos, wawasakin din siya ng Diyos.
Tunay na banal ang templo ng Diyos na kayo mismo.
Ebanghelyo:
Jn 2:13-22
Malapit na noon ang Paskuwa ng mga Judio, at umahon si Jesus pa-Jerusalem.
Natagpuan niya sa patyo ng Templo ang mga nagtitinda ng mga baka, mga
tupa at mga kalapati, at ang mga nakaupong tagapalit ng pera. Kaya gumawa
siya ng panghagupit mula sa mga lubid, at ipinagtabuyan ang lahat mula
sa Templo, pati ang mga tupa at mga baka, at isinabog ang pera ng mga
tagapalit at ipinagtataob ang mga mesa. At sinabi niya sa mga nagtitinda
ng mga kalapati: "Alisin n'yo ang mga ito! Huwag n'yong gawing palengke
ang Bahay ng aking Ama." Naalaala ng kanyang mga alagad na nasusulat:
"Tinutupok ako ng malasakit sa iyong Bahay."
Kaya sumagot ang mga Judio: "Anong tanda ang maipapakita mo sa amin
at ginagawa mo ito?" Sinagot sila ni Jesus: "Gibain n'yo ang
templong ito, at ibabangon ko ito sa tatlong araw."
Sinabi naman ng mga Judio: "Apatnapu't anim na taon nang itinatayo
ang templong ito, at ibabangon mo ito sa tatlong araw?" Ngunit ang
templong katawan niya ang kanyang tinutukoy. Nang ibangon siya mula sa
mga patay, naalaala ng kanyang mga alagad ang sinabi niyang ito. Kaya
naniwala sila sa Kasulatan at sa salitang sinabi ni Jesus.
Pagninilay-nilay
Simbahan. Ito ang salitang ginamit para isalin ang salitang "templo"
na tumutukoy sa lugar na pinupuntahan natin para sumamba sa Diyos at sa
"iglesya" na pamayanan ng mga naniniwala at sumasamba sa Diyos.
Tulad sa salitang "church" sa Ingles, may dalawang kahulugan
ng "simbahan."
Bukod sa lugar na ating pinagsisimbahan, ang pagkakabuklod natin bilang
mga alagad ni Jesus ang tinutukoy ng Simbahan. Tayo bilang Simbahan ang
buháy na katawan ni Jesus sa kasa-lukuyan. Sa pagmamahalan at pagmamalasakit
natin sa isa't-isa bilang sambayanan ng Diyos, makikita ng ating kapwa
na buháy ngang talaga si Jesus!
balik
calendario
Nobyembre
10
Lunes
Ika-32
na Linggo ng Taon
Dakilang Papa San Leon
Unang
Pagbasa: Tito 1:1-9
Ebanghelyo: Lc 17:1-6
Sinabi ni
Jesus sa kanyang mga alagad, "Hindi maaaring walang katitisuran at
magpapabagsak sa tao ngunit sawimpalad ang taong naghahatid nito! Mas
makabubuti pa sa kanya na talian ng gilingang-bato sa leeg at ihagis sa
dagat kaysa tisurin at pabagsakin ang isa sa maliliit na ito.
"Mag-ingat kayo. Kung magkasala ang kapatid mo, pagsabihan mo siya,
at kung magsisi'y patawarin mo. At kung pitong beses siyang magkasala
sa iyo sa isang araw at pitong beses din siyang bumalik sa iyo na nagsisisi,
patawarin mo siya."
Sinabi ng mga apostol sa Panginoon: "Dagdagan mo ang aming pananam-palataya."
Sumagot ang Panginoon: "Kung may pananampalataya kayong sinlaki ng
buto ng mustasa, masasabi ninyo sa punong malaigos na iyan: 'Mabunot ka
at sa dagat ka matanim,' at susundin kayo nito."
|