|
Mayo
1
Huwebes
Ika-6
Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Jose, Manggagawa
Unang
Pagbasa: Gen 1:26-2:3
Ebanghelyo: Mt 13:54-58
Pumunta
si Jesus sa kanyang bayan at nagturo sa mga tao sa kanilang sinagoga.
Namangha silang lahat at nagsabi: "Saan kaya galing ang kanyang karunungan
at natatanging kapangyarihan? Di ba't siya ang anak ng karpintero? Di
ba't si Maria ang kanyang ina at sina Jaime, Jose, Simon at Judas ang
kanyang mga kapatid? Hindi ba't narito sa piling natin ang lahat niyang
kapatid na babae? Ano't nangyari sa kanya ang lahat ng ito?" At bulag
sila tungkol sa kanya.
Sinabi naman sa kanila ni Jesus: "Sa kanyang sariling bayan lamang
at sambahayan hinahamak ang isang propeta." At kaunti lamang ang
ginawa niyang himala roon sapagkat kulang sila sa pananampalataya.
Pagninilay-nilay
Walang anumang makintab na damit ang tunay na San Jose, at
lalong wala siyang mga sinag sa ulo. Karaniwan siyang tao, isang ordinaryong
karpintero. Sa ating labis na pagpipitagan sa mga banal, tinatakpan natin
ng kung anu-anong mga palamuti ang hamak nilang pagkatao hanggang maging
mga "super man" sila sa paningin natin.
Sa araw na ito, alalahanin natin ang tunay na San Jose, ang Patron ng
mga Karaniwang Manggagawa, na mga taong tunay na malapit sa kalooban ng
Diyos. Sila ang hinirang ng Diyos na magturo kanila kung paano mabuhay
at magpakatao.
balik
calendario
Mayo
2
Biyernes
Ika-6
Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Atanasio
Unang
Pagbasa: Gawa 18:9-18
Ebanghelyo: Jn 16:20-23
Sinabi ni
Jesus sa kanyang mga alagad, "Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo,
iiyak kayo at tataghoy, at magagalak naman ang mundo. Maninimdim kayo
ngunit magiging kagalakan ang inyong paninimdim. Naninimdim ang babaeng
malapit nang manganak sapagkat sumapit na ang kanyang oras. Ngunit pagkasilang
sa sanggol, dahil sa galak ay hindi na niya naaalaala ang kagipitan: isang
tao ang isinilang sa mundo.
Gayon nga rin kayo naninimdim ngayon. Ngunit muli ko kayong makikita at
magagalak ang inyong puso, at walang makaaagaw ng inyong kagalakan sa
inyo. At sa araw na iyon, wala na kayong itatanong sa akin sapagkat talagang-talagang
sinasabi ko sa inyo na ipagkakaloob sa inyo anumang hingin ninyo sa Ama
sa Ngalan ko."
Pagninilay-nilay
Nagmimisyon ako noon sa mga nayon sa isang bayan sa Quezon at para
sa mga tagaroon, sa kabila ng kabila pang bundok ang ibig sabihin ng "diyan
lang." Dinadalaw ko ang mga tahanan at nakikituloy kung saan ako
patuluyin upang doon manalangin kasama ng kanilang mag-anak pagsapit ng
gabi. May nag-iisang bahay sa tuktok ng isang burol, na sa ibaba'y parang
malapit lamang, pero mahigit na kalahating oras kung lalakarin ang layo.
Kaya sa init ng araw sa tanghali, naroon akong naglalakad papunta sa tuktok
ng halos kalbong burol. Pawisan ako, gutom at uhaw na uhaw. Pero pagsapit
ko sa bahay sa tuktok, tamang-tama naman dahil nagluluto sila ng puto.
Salamat sa Diyos!
balik
calendario
Mayo
3
Sabado
Felipe
at Santiago, mga Apostol
Unang Pagbasa: 1 Cor 15:1-8
Ebanghelyo: Jn 14:6-14
Sinabi ni
Jesus: "Ako siyang daan, ang katotohanan at ang buhay. Walang nakalalapit
sa Ama kundi sa pamamagitan ko. Kung kilala ninyo ako, makikilala rin
ninyo ang aking Ama. Ngunit ngayon, kilala n'yo na siya at nakita ninyo
siya."
Sinabi sa kanya ni Felipe: "Panginoon, ipakita mo na sa amin ang
Ama at sapat na sa amin." Sinabi sa kanya si Jesus: "Ang tagal
na panahon n'yo akong kasama at hindi mo pa ako kilala, Felipe? Sa pagkakita
sa akin ninuman, ang Ama ang nakikita niya. Paano mong masasabing 'Ipakita
mo sa amin ang Ama'?
"Hindi ka ba naniniwalang nasa Ama ako at nasa akin ang Ama? Hindi
sa ganang sarili ko ipinangungusap ang mga pananalitang sinasabi ko sa
inyo. Sa akin nama-malagi ang Ama at siya ang gumagawa ng kanyang mga
gawa. Maniwala kayo sa akin na nasa Ama ako at nasa akin ang Ama. Kung
hindi, maniwala kayo dahil man lamang sa mga gawa.
"Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, magagawa rin ng nananalig
sa akin ang mga gawang ginagawa ko at mas dakila pa kaysa mga ito ang
gagawin niya. Sapagkat sa Ama ako papunta. Anumang hingin n'yo sa Pangalan
ko'y gagawin ko upang luwalhatiin ang Ama sa Anak. At kung may hingin
kayo sa akin sa Pangalan ko, gagawin ko."
Pagninilay-nilay
Hindi makabasag pinggan si Brother Cito. Lagi siyang tahimik at walang
imik, bihirang ngumiti at lalo namang hindi siya tumatawa dahil para sa
kanya, sa Diyos dapat laging nakatuon ang kanyang isipan. Makasalanan
ang tingin niya sa mundo kaya ayaw niyang magkaroon ng kaugnayan dito
liban sa mga talagang kailangan niya para mabuhay. Kung minsan nga'y naiinggit
siya sa mga anghel at pinapangarap na naging anghel sana siya.
Ngunit naging tao at nagpakatao ang Diyos kay Jesus, na kanyang Anak at
ating Paginoon. Hindi niya piniling maging anghel. At siya ang Daan ng
totoong buhay na gusto para sa atin ng Diyos-ang magpakatao!
balik
calendario
Mayo
4
Linggo
Pag-akyat
ng Panginoon
Unang
Pagbasa: Gawa 1:1-11
Sa unang
aklat, Teofilo, tinalakay ko ang lahat ng ginawa at itinuro ni Jesus mula
sa simula hanggang sa araw na iniakyat siya. Ngunit sa pamamagitan ng
Espiritu Santo, tinagubilinan niya ang mga apostol na kanyang pinili.
Pinatunayan niya sa maraming pagkakataon na siya ay buhay matapos siyang
maghirap. Napakita siya sa kanila sa loob ng apatnapung araw at nagturo
siya sa kanila ng tungkol sa Kaharian ng Diyos. Minsang salu-salo sila,
inutusan niya sila: "Huwag kayong umalis sa Jerusalem, hintayin ninyo
ang pangako ng aking Ama. Ito ang tinutukoy ko nang sabihin ko sa inyo:
nagbinyag sa tubig si Juan, pero sa loob lamang ng ilang araw ay bibinyagan
kayo sa Espiritu Santo."
Nang minsang magkakasama sila, itinanong nila sa kanya: "Panginoon,
sa oras na ito mo ba itatayong muli ang Kaharian ng Israel?" Sumagot
siya: "Hindi para sa inyo ang malaman ang mga panahon o araw na itinakda
ng Ama sa sarili niyang kapangyarihan. Ngunit palalakasin kayo pagdating
sa inyo ng Espiritu Santo, at kayo ang magiging mga saksi ko sa Jerusalem,
sa buong Judea, pati sa Samaria, at hanggang sa dulo ng daigdig."
Pagkasabi niya nito, iniakyat siya habang nakatingin sila, hanggang ikubli
siya ng ulap at mawala sa kanilang paningin.
Nakatitig pa sila sa langit nang may tumayong dalawang lalaking nakaputi
sa tabi nila at nagsabi: "Mga taga-Galilea, bakit kayo nakatingala
sa langit? Itong Jesus na kinuha sa inyo at iniakyat sa langit ay babalik
din sa inyo, kung paano ninyo siya nakitang pumunta sa langit."
Slm
47:2-3, 6-7, 8-9
Ang Diyos ay umaakyat nang buong saya sa saliw ng mga trumpeta.
Ikalawang
Pagbasa: Ef 1:17-23
Bigyan nawa
kayo ng Diyos na Ama ni Jesucristong Panginoon ng karunungan at pag-katuklas
na bunga ng Espiritu upang lubusan ninyo siyang makilala.
Liwanagan nawa niya ang inyong mga kalooban upang malaman ninyo kung ano
ang aasahan ninyo sa pagkatawag niya sa inyo, kung ano ang kayamanan ng
maluwalhati niyang pamana sa mga banal, at kung ano ang sobra-sobra niyang
lakas alang-alang sa atin na naniniwala.
Ganoon nga ang lakas ng kanyang kapangyarihan, na muling bumuhay kay Kristo
at nagluklok sa kanyang kanan sa langit, sa ibabaw ng lahat ng Pamunuan,
Kapangyarihan, Lakas, Kapanginoonan at ng anumang maypangalan at kinikilala
hindi lamang sa mundong ito kundi pati na sa darating: ipinailalim ng
Diyos ang lahat sa kanyang paanan. At inilagay naman siya sa itaas ng
lahat bilang ulo ng Iglesya. Ang Iglesya nga ang katawan niya, at sa Iglesya
natatagpuan ang kabuuan niya na siyang lubusang pumupuno sa lahat.
Ebanghelyo:
Mt 28:16-20
Pumunta naman sa Galilea ang labing-isang alagad, sa bundok na itinakda
ni Jesus. Pagkakita nila sa kanya, sumamba sila, ngunit may nag-aalinlangan
pa.
At nilapitan sila ni Jesus at sinabi: "Ibinigay sa akin ang buong
kapangyarihan sa langit at sa lupa. Kaya humayo kayo at gawing mga alagad
ang lahat ng bansa. Binyagan sila sa Ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu
Santo, at turuan sila na sundin ang lahat ng iniutos ko sa inyo. Kasama
ninyo ako sa lahat ng araw hanggang sa wakas ng panahon."
Pagninilay-nilay
Akyat. Umaakyat tayo mula sa silong papunta sa ikalawang palapag, na
siyang tinatawag na "bahay" noong araw dahil mga alagang hayop
at kung anu-anong mga gamit ang matatagpuan sa silong ng bahay.
Sa pag-akyat ni Jesus sa langit, umakyat siya hindi sa outer space kundi
mas maiintindihan natin ito bilang "pag-uwi" sa bahay ng Ama-"umakyat
siya sa bahay ng Diyos"!
Sa pag-akyat niya sa langit, taglay niya ang ating pagkatao, na dahil
sa kanya'y naging buo at ganap ayon sa orihinal na kalooban ng Diyos para
sa tao. At doon sa piling ng Ama, hinihintay niya ang ating pag-uwi sa
Diyos.
balik
calendario
Mayo
5
Lunes
Ika-7
Linggo ng Pagkabuhay
Unang
Pagbasa: Gawa 19:1-8
Ebanghelyo: Jn 16:29-33
Sinabi ng mga alagad ni Jesus: "Hayan, lantaran ka na ngayong nangungusap,
at hindi na sa paghahambing nagsasalita. Alam na namin ngayon na alam
mo ang lahat at hindi mo kailangang may magtanong pa sa iyo. Dahil dito
kaya naniniwala kaming sa Diyos ka galing."
Sumagot sa kanila si Jesus: "Naniniwala ba kayo ngayon? Narito't
may oras na sumasapit at sumapit na upang mangalat kayo-bawat isa sa sariling
kanya-at iiwan n'yo akong nag-iisa. Ngunit hindi ako nag-iisa sapagkat
kasama ko ang Ama.
"Sinabi ko sa inyo ang lahat ng ito upang sa akin kayo magkaroon
ng kapayapaan. Kagipitan ang meron kayo sa mundo pero lakasan n'yo ang
loob, napagtagumpayan ko ang mundo."
Pagninilay-nilay
May mga batang takot sa dilim at takot din na mapag-isa. Hindi sila
mapalagay kaya umiiyak sila at tinatawag ang kanilang mga ina o ama, o
sinumang malapit sa kanila. Pagdating naman ng kanilang mga magulang,
kahit na walang anumang nabago sa kanilang kalagayan maliban sa pagdating
ng kanilang hinahanap, naglalaho lahat ng takot at pangamba.
Ganito kaya ang nadarama nating pangangailangan sa Diyos? Sa Diyos ba
tayo nakakatagpo ng lakas at kapanatagan ng loob? Ngunit hindi natin kailangang
tawagin pa o hanapin ang Diyos dahil lagi natin siyang kasama at hindi
niya tayo iniiwang mag-isa.
balik
calendario
Mayo
6
Martes
Ika-7
Linggo ng Pagkabuhay
Unang
Pagbasa: Gawa 20:17-27
Ebanghelyo: Jn 17:1-11a
Pagkasabi ni Jesus ng mga ito, tumingala siya sa langit at nagsabi: "Ama,
sumapit na ang oras. Luwalhatiin mo ang iyong Anak upang maluwalhati ka
ng Anak dahil ibinigay mo sa kanya ang kapangyarihan sa bawat tao upang
bigyan niya ng buhay magpakailanman ang lahat ng bigay mo sa kanya. Ito
naman ang buhay magpakailanman: ang makilala ka, ang tanging totoong Diyos
at si Jesucristong sinugo mo.
"Niluwalhati kita sa lupa, ginanap ko ang gawang bigay mo sa akin
para trabahuhin. At ngayon, luwalhatiin mo ako, Ama, at ibigay sa aking
katabi ang luwalhating meron ako sa tabi mo bago pa man nagkaroon ng mundo.
"Ipinahayag ko ang pangalan mo sa mga taong kinuha mo sa mundo at
ibinigay sa akin. Iyo sila at sa akin mo sila ibinigay, at tinupad nila
ang iyong salita. Ngayon, nakilala na nila na sa iyo galing ang lahat
ng ibinigay mo sa akin. Totoo, ibinigay ko sa kanila ang mga pananalitang
ibinigay mo sa akin, at tinanggap nila at kinilalang totoong sa iyo ako
galing at naniwala sila na ikaw ang nagsugo sa akin.
"Sila ang ipinapakiusap ko. Hindi ang mundo ang ipinapakiusap ko
kundi ang mga ibinigay mo sa akin dahil iyo sila. Iyo ang lahat sa akin,
at akin naman ang iyo, at naluwalhati ako sa kanila. Wala na ako sa mundo
ngunit nasa mundo pa sila habang papunta ako sa iyo. Amang banal, ingatan
mo sila sa iyong Pangalang ibinigay mo sa akin upang maging isa sila gaya
natin."
Pagninilay-nilay
Kung sa kamatayan nagwawakas ang buhay, mas kawawa pa tayo sa mga hayop.
Kung ilang taon ang kailangan natin bago tayo natutong lumakad, magsalita
at gumawa. Kulang-kulang na dalawampung taon tayong nag-aral para matuto
at pagkatapos ay makapagtrabaho. Kung ilang pung taon din tayong naghirap
sa pagtatrabaho. Bukod sa lahat ng ito, maraming taon din ng ating buhay
ang ginugol natin para sa ating mga mahal sa buhay. Minahal natin sila,
inaruga at pinagmalasakitan sa loob ng mahabang panahon!
At maglalaho lamang ba na parang bula ang lahat ng ito? Kung ganito kahalaga
ang buhay, hindi ito maaaring magwakas lamang sa kamatayan.
balik
calendario
Mayo
7
Miyerkules
Ika-7
Linggo ng Pagkabuhay
Juan Bautista de la Salle
Unang
Pagbasa: Gawa 20:28-38
Ebanghelyo: Jn 17:11b-19
Sinabi ni
Jesus: "Wala na ako sa mundo ngunit nasa mundo pa sila habang papunta
ako sa iyo. Amang banal, ingatan mo sila sa iyong Pangalang ibinigay mo
sa akin upang maging isa sila gaya natin.
"Nang kasama nila ako, iningatan ko sila sa iyong Pangalang ibinigay
mo sa akin, at pinangalagaan ko sila at wala sa kanilang napahamak liban
sa nagpahamak sa kanyang sarili upang maganap ang Kasulatan. At ngayon,
papunta ako sa iyo at sinasabi ko ang mga ito habang nasa mundo upang
maganap sa kanila ang aking kagalakan.
"Ibinigay ko sa kanila ang salita mo at napoot sa kanila ang mundo
sapagkat hindi sila mula sa mundo gaya nang hindi ako mula sa mundo. Hindi
ko ipinapakiusap na alisin mo sila sa mundo kundi pangalagaan mo sila
sa masama.
"Hindi sila mula sa mundo gaya nang hindi ako mula sa mundo. Pabanalin
mo sila sa katotohanan. Katotohanan ang salita mo. Kagaya nang ako'y sinugo
mo sa mundo, sinugo ko rin sila sa mundo. At alang-alang sa kanila'y pinababanal
ko ang aking salita upang pati sila'y pabanalin sa katotohanan."
Pagninilay-nilay
May palabas dati sa TV na "Alien" sa halip na "Amen"
ang isinasagot sa mga salitang binibigkas ni Brod Pit. Alam natin na comedy
lamang ito at kasintunog ng "Amen" ang "Alien" kaya
iyon ang ginamit nila.
Sa pagsasabuhay ng ating pananampalataya, marami sa atin na "alien"
o dayuhan sa mundong ito ang pagtingin sa kanilang sarili. Wala silang
pakialam sa mundo dahil hindi naman sila tagarito kaya ang pagpunta nila
sa langit ang kanilang pinagkakaabalahan. Ang Diyos ang may gawa ng mundo,
at mabuti lahat ng kanyang ginawa. Wala tayong ibang daigdig kundi ang
mundong nilikha at pinaglagyan sa atin ng Diyos.
balik
calendario
Mayo
8
Huwebes
Ika-7
Linggo ng Pagkabuhay
Unang
Pagbasa: Gawa 22:30; 23:6-11
Ebanghelyo: Jn 17:20-26
Sinabi ni
Jesus: "Hindi lamang sila ang ipinapakiusap ko kundi pati ang mga
nananalig sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita. Maging iisa sana
ang lahat kung paanong nasa akin ka, Ama, at ako'y nasa 'yo. Mapasaatin
din sana sila upang maniwala ang mundo na ikaw ang nagsugo sa akin.
"Ibinigay ko naman sa kanila ang luwalhating ibinigay mo sa akin
upang maging isa sila gaya nang tayo'y iisa: ako sa kanila at ikaw sa
akin. Kaya magaganap sila sa kaisahan, at makikilala ng mundo na ikaw
ang nagsugo sa akin, at minahal ko sila kung paanong minahal mo ako.
"Ama, sila ang ibinigay mo sa akin kaya niloloob kong kung nasaan
ako'y makasama ko rin sila at mapansin nila ang bigay mo sa aking kaluwalhatian
ko sapagkat minahal mo ako bago pa man nagkaroon ng mundo.
"Makatarungang Ama, hindi ka kilala ng mundo: kilala naman kita at
kilala rin ng mga ito na ikaw ang nagsugo sa akin.
"Ipinagbigay-alam ko sa kanila ang Ngalan mo at ipinagbibigay-alam
pa upang mapasakanila ang pagmamahal mo sa akin at ako ri'y mapasakanila."
Pagninilay-nilay
Paano maniniwala ang mundo kay Kristo kung tayong mga Kristiyano na
tinatawag sa kanyang pangalan ay nananatiling watak-watak at kanya-kanya.
Iisa lamang ang Kristo pero may kanya-kanyang grupo tayo. Nagpapagalingan,
nagdedebatehan, at kung minsa'y nagsusuntukan pa kahit na nga sa mismong
simbahan ng libingan ni Jesus sa Jerusalem!
Hindi pangangaral sa salita ang tunay na magpapakilala at magpapatotoo
kay Jesus sa mga hindi pa naniniwala sa kanya. Sa buhay at gawa ng mga
Kristiyano, makikilala si Kristo ng mundo. Pagkakaisa nating mga Kristiyano
sa pagmamahalan ang pinakamabisang salita ng pamamahayag.
balik
calendario
Mayo
9
Biyernes
Ika-7
Linggo ng Pagkabuhay
Unang
Pagbasa: Gawa 25:13b-21
Ebanghelyo: Jn 21:15-19
Pagkapag-almusal
nila, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro: "Simon, anak ni Juan, mahal
mo ba ako nang higit sa pagmamahal nila?" Sinabi nito sa kanya: "Oo,
Panginoon, ikaw ang nakaaalam na iniibig kita." Sinabi sa kanya:
"Pakanin mo ang aking mga kordero." Sinabi sa kanyang makalawa:
"Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako?" Sinabi nito sa kanya:
"Oo, Panginoon, ikaw ang nakaaalam na iniibig kita." Sinabi
sa kanya: "Ipastol ang aking mga tupa." Sinabi sa kanyang makaitlo:
"Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?"
Nalungkot na si Pedro dahil makaitlo siyang sinabihan: "Iniibig mo
ba ako?" kaya si-nabi niya: "Panginoon, ikaw ang nakaaalam ng
lahat; alam mong iniibig kita." Sinabi nito sa kanya: "Pakanin
mo ang aking mga tupa.
Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, nang bata-bata ka pa, ikaw mismo
ang nagbibigkis sa iyong sarili at palakad-lakad ka saan mo man naisin.
Ngunit pagtanda mo'y ididipa mo naman ang mga kamay mo, at iba ang magbibigkis
sa iyo sa hindi mo nais." Sinabi ito ni Jesus sa pagbibigay-tanda
sa paraan ng kamatayang ipanluluwalhati ni Pedro sa Diyos. At pagkatapos
nito ay sinabi niya: "Sumunod ka sa akin!"
Pagninilay-nilay
Matapos itatuwa ni Pedro si Jesus nang tatlong beses, tatlong beses
ding tinatanong ngayon ni Jesus si Pedro kung mahal ba siya nito. Nalungkot
si Pedro dahil kahit na sinagot niya ang tanong ni Jesus, muli pa rin
siya nitong tinanong. Basahin mong muli ang pagbasa sa araw na ito at
makikita na hindi talaga sinasagot ni Pedro kung talaga nga bang mahal
niya si Jesus. "Iniibig kita" ang sagot ni Pedro sa tanong ni
Jesus na "Mahal mo ba ako?" hanggang magkatugma ang tanong sa
sagot.
Ano kaya ang talagang itinatanong sa atin ng Panginoon sa ating buhay?
At ano naman ang sinasabi niyang gawin natin?
balik
calendario
Mayo
10
Sabado
Ika-7
Linggo ng Pagkabuhay
Damien
Joseph de Veuster ng Moloka'i
Unang Pagbasa: Gawa 28:16-20, 30-31
Ebanghelyo: Jn 21:20-25
Paglingon
ni Pedro, nakita niyang sumusunod ang alagad na mahal ni Jesus, na siyang
humilig sa tabi niya noong hapunan at nagsabing: "Panginoon, sino
ba ang magkakanulo sa iyo?" Kaya pagkakita rito ni Pedro, sinabi
niya kay Jesus: "Panginoon, ano naman sa kanya?" Sinabi sa kanya
ni Jesus: "Kung loobin kong mamalagi siya hanggang ako'y pumarito,
ano sa 'yo? Ikaw, sumunod ka sa akin!"
Dahil dito'y kumalat ang salitang ito sa mga kapatid na hindi mamamatay
ang alagad na ito pero hindi naman sinabi sa kanya ni Jesus na hindi siya
mamamatay kundi "Kung loobin kong mamalagi siya hanggang ako'y pumarito."
Ito ang alagad na siyang nagpapatunay tungkol sa mga bagay na ito at ang
sumulat sa mga ito. At alam namin na totoo ang kanyang patunay. Marami
pa ring ibang ginawa si Jesus, na kung isa-isang masusulat ang mga iyon,
sa tantiya ko'y hindi magkakasya sa mundo ang isusulat na mga aklat.
Pagninilay-nilay
Dala-dala ng marami sa atin hanggang paglaki ang ugali natin noong
mga bata pa tayo. Madali tayong mainggit sa kung anong meron ang ating
kapwa na wala sa atin. Madalas din nating gawing dahilan ang iba sa paggawa
ng mali sa pagsasabing "Eh bakit siya?"
Sa halip na tingnan natin kung ano ang meron ang iba, na wala sa atin,
ituon natin ang ating paningin sa kung ano ang meron tayo. Grasya ng Diyos
ang lahat, na dapat nating ipagpasalamat sa kanya. Sa halip na pagtakpan
ang ating mga pagkukulang sa pagtukoy sa ating kapwa, aminin natin ang
lahat at tanggapin ang awa at kagandahang-loob ng Diyos.
balik
calendario
Mayo
11
Linggo
Linggo
ng Pentekostes
Unang
Pagbasa: Gawa 2:1-11
Nang sumapit
ang Araw ng Pentekostes, magkakasama ang mga apostol sa iisang lugar.
Biglang-biglang may narinig na malakas na ugong mula sa langit na parang
malakas na hangin at pinuno niyon ang buong kabahayang kinaroroonan nila.
May nakitang parang dilang-apoy na naghiwa-hiwalay at tumigil sa bawat
isa. Napuspos silang lahat sa Espiritu Santo at nagsimulang magsalita
sa ibang mga wika ayon sa ipinagkaloob ng Espiritu na salitain ng bawat
isa.
Maraming relihiyosong Judio ang nasa Jerusalem noon, at galing pa sa iba't
ibang bansa. Nang marinig nila ang ingay na iyon, nagkalipumpon sila at
nagtaka dahil nakilala ng bawat isa ang sarili niyang wika sa mga sinasabi.
Namangha sila at nagtaka, at kanilang sinabi:
"Di bakit mga Galileo ang lahat ng nagsasalita? Paano sila naririnig
ng bawat isa sa atin sa mga katutubo nating wika? Dito'y may mga taga-Partia,
mga taga-Media, mga taga-Elam, mga naninirahan sa Mesopotamia, Judea,
Capadocia, Ponto at Asia. Ang iba sa ati'y galing pa sa Frigia, Panfilia
at Ehipto, at sa mga rehiyon ng Libya na sakop ng Cirene; may mga bisitang
galing sa Roma, mga Judio o kumbertido sa Judaismo; may mga taga-Creta
at Arabia. Pero naririnig nating lahat sila sa kanya-kanyang wika natin
na ipinahahayag ang mga dakilang gawa ng Diyos."
Slm
104:1, 24, 29-30, 31, 34
Ipadala ang iyong Espiritu, O Panginoon, at baguhin ang anyo ng lupa.
Ikalawang
Pagbasa: 1 Cor 12:3-7, 12-13
Kaya ipinaaalam
ko sa inyo na kung may nagsasalita sa bisa ng Espiritu ng Diyos, hindi
niya masasabi: "Sumpain si Jesus." Gayundin walang makapagsasabi:
"Panginoon si Jesus" maliban sa bisa ng Espiritu Santo.
Iba't iba ang mga kaloob ngunit iisa ang Espiritu. Iba't iba ang mga paglilingkod
ngunit iisa ang Panginoon. Iba't iba ang mga gawain ngunit iisa ang Diyos
na gumagawa ng lahat sa lahat.
Nagpapakita ang Espiritu sa pagbibigay sa bawat isa ng kaloob na pangkabutihan.
Tingnan ninyo: iisa ang katawan at marami ang sangkap nito. At iisang
katawan lang ang mga sangkap kahit na marami ang mga ito. Gayon din si
Kristo. Sa iisang Espiritu tayo bininyagang lahat-Judio man o Griyego,
alipin man o malaya-upang buuin ng lahat ang isang katawan. At sa iisang
Espiritu tayong lahat umiinom.
Ebanghelyo:
Jn 20:19-23
Agaw-dilim na noon sa unang araw na iyon ng sanlinggo at nakasara ang
mga pinto sa kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot sa mga Judio, dumating
si Jesus at pumagitna. At sinabi niya sa kanila: "Kapayapaan sa inyo!"
Pagkasabi nito, ipinakita niya sa kanila ang mga kamay at ang tagiliran.
Kaya nagalak ang mga alagad pagkakita nila sa Panginoon.
At muli niyang sinabi sa kanila: "Kapayapaan sa inyo! Kung paanong
isinugo ako ng Ama, ipinadadala ko rin kayo." At pagkasabi nito,
hiningahan niya sila at sinabi: "Tanggapin ang Espiritu Santo! Patatawarin
ang mga kasalanan ninuman na inyong patawarin; at pananatiliin naman sa
sinuman ang inyong panatiliin."
Pagninilay-nilay
Espiritu. Salitang-hiram ang "espiritu" at may dalawang karaniwang
kahulugan ito sa ating wika: ang espiritung kaiba sa katawan at ang espiritu
ng alak.
Alam natin kung gaano kalakas ang espiritu ng alak, kahit na nga hindi
tayo umiinom. Nagkakaroon ng lakas ang nasa ilalim ng espiritu ng alak
para gawin ang karaniwa'y hindi niya magagawa. Bukod dito, nagpapaligaya
rin ang espiritu ng alak. Tingnan mo at pakinggan ang pagsasaya ng mga
lasing!
Lakas din at tuwa ang hatid ng Espiritu ng Diyos, na higit pa sa espiritu
ng alak, at ipinagkaloob sa atin ang Espiritung ito. Kailangan lamang
na malasing tayo nito.
balik
calendario
Mayo
12
Lunes
Ika-6
na Linggo ng Taon
Nereus at Achilles / Pancrasio
Unang
Pagbasa: Jaime 1:1-11
Ebanghelyo: Mc 8:11-13
Dumating ang mga Pariseo at nagsimulang makipagtalo sa kanya. Gusto nilang
subukan si Jesus at humingi ng makalangit na tanda. Nagbuntung-hininga
siya at sinabi: "Bakit humihingi ng palatandaan ang lahing ito? Talagang
sinasabi ko sa inyo: walang tandang ibibigay sa lahing ito." Kaya
iniwan sila ni Jesus at sumakay sa bangka patawid sa kabilang ibayo.
Pagninilay-nilay
Humihingi ng tanda sa Diyos si Juliet bago ito maniwala sa kanya. Naghahanap
siya ng himala na magpapatunay na meron ngang Diyos. Ngunit para sa mga
hindi naniniwala, walang anumang himala sa mundo. Bulag ang kanilang mga
mata sa himala ng buhay-na mula sa maliit ng binhi ay isinisilang ang
isang bagong nilalang, isang sanggol ang ipinapanganak ng kanyang ina,
isang malaking puno ang umuusbong mula sa maliit na buto. Para sa mga
hindi naniniwala, hindi nila makikita ang mga kahanga-hangang talutot
ng mga bulaklak-pare-pereho ngunit magkakaiba rin. Sayang at kung ano
pang himala ang hinahanap nila gayong buhay nila mismo'y isang dakilang
himala.
balik
calendario
Mayo
13
Martes
Ika-6
na Linggo ng Taon
Birhen ng Fatima
Unang
Pagbasa: Jaime 1:12-18
Ebanghelyo: Mc 8:14-21
Nakalimutan nilang magdala ng tinapay at isa lang ang dala nila sa bangka.
At pinagsabihan sila ni Jesus: "Mag-ingat at huwag magtiwala sa lebadura
ng mga Pariseo at sa lebadura ni Herodes." At sinabi ng mga alagad
sa isa't isa: "Oo nga, ano? Wala tayong dalang tinapay."
Alam ni Jesus ang mga ito kaya sinabi niya sa kanila: "Bakit ninyo
pinag-uusapan ang tinapay na wala sa inyo? Hindi pa ba ninyo maisip at
maunawaan? Mapurol ba ang inyong pag-iisip? May mata kayong di nakakakita
at may taingang di nakakarinig? Hindi na ba ninyo naaalala nang pinira-piraso
ko ang limang tinapay para sa limang libo, ilang basket na puno ng mga
pira-piraso ang inyong naipon?" At sumagot sila: "Labindalawa."
At nang may pitong tinapay para sa apat na libo, ilang bayong na puno
ng mga pira-piraso ang inyong naipon?" At sumagot sila: "Pito."
At sinabi ni Jesus: "Hindi pa ba ninyo nauunawaan?"
Pagninilay-nilay
Taun-taon nagpuprusisyon ang mga tao sa Macau mula sa katedral hanggang
sa simbahan ng Birhen ng Fatima sa tuktok ng burol. Mga tatlong oras ding
naglalakad ang mga tao sa sentro ng siyudad patungo sa simbahan sa Penha
at may loudspeaker sa kahabaan ng kalyeng dinaraanan ng prusisyon kaya
dinig ng lahat ang pagdarasal ng rosaryo. Pagsapit sa simbahan sa burol,
dinarasal ng lahat ang pag-aalay ng mundo at ng siyudad sa Mahal na Birhen,
at pagkatapos ay ginagawa ang benediksyon-ang pagbabasbas sa mundo at
sa siyudad ng Macau.
Patuloy ang pagdiriwang na ito taun-taon kahit na nga bahagi na uli ng
China ang Macau.
Mayo
14
Miyerkules
Ika-6
na Linggo ng Taon
Matias, Apostol
Unang
Pagbasa: Gawa 1:15-17, 20-26
Ebanghelyo: Jn 15:9-17
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, "Kung paano ako minamahal
ng Ama, gayon ko rin kayo minahal. Mamalagi kayo sa pagmamahal ko. Kung
isasakatuparan ninyo ang mga kautusan ko, mamamalagi kayo sa pagmamahal
ko kung paanong isina-katuparan ko ang mga kautusan ng aking Ama at namamalagi
sa kanyang pagmamahal.
"Sinabi ko sa inyo ang mga ito upang mapasainyo ang aking kagalakan
at maging ganap ang inyong kagalakan. Ito ang kautusan ko: magmahalan
kayo kung paano ko kayo minahal. Wala nang pagmamahal na hihigit pa sa
pag-aalay ng sariling buhay alang-alang sa kanyang mga kaibigan.
"Mga kaibigan ko kayo kung ginagawa ninyo ang iniuutos ko sa inyo.
Hindi ko na kayo tinatawag na mga lingkod sapagkat hindi alam ng lingkod
ang ginagawa ng kanyang panginoon.
"Mga kaibigan naman ang turing ko sa inyo sapagkat ipinagbibigay-alam
ko sa inyo lahat ng narinig ko mula sa aking Ama.
"Hindi kayo ang humirang sa akin, ako ang humirang sa inyo at nagtalaga
sa inyo para humayo at mamunga, at mamalagi ang inyong bunga. At ipagkakaloob
sa inyo anumang hingin n'yo sa Ama sa pangalan ko.
"Iniuutos ko nga sa inyo: magmahalan kayo."
Pagninilay-nilay
Tunay na kahanga-hanga ang ating mga ina. Sila ang nagsilang, nag-aruga
at nagpalaki sa atin. Bukod sa pag-aasikaso nila sa ating bahay at sa
atin na kanilang mga anak, naghahanapbuhay pa rin ang marami sa kanila,
lalo na nga kung mga OFW sila!
Hindi lamang panahon kundi maging pera ang wala sila para sa kanilang
sarili. Totoong ibinibigay nila sa atin kahit na ang dapat sana'y isusubo
nila para sa kanilang sarili. At parang hindi pa sapat ang lahat ng ito
dahil sa kanilang pagtanda at kahit mahina na sila, mga apo naman ang
aalagaan nila't palalakihin. Ang lahat ng ito at iba pa hanggang sa sila'y
mawalay sa atin
balik
calendario
Mayo
15
Huwebes
Ika-6
na Linggo ng Taon
Isidro Labrador
Unang
Pagbasa: Jaime 2:1-9
Ebanghelyo: Mc 8:27-33
At pumunta
si Jesus kasama ang kanyang mga alagad sa mga nayon ng Cesarea ni Fi-lipo.
At habang nasa daa'y tinanong niya ang kanyang mga alagad: "Sino
raw ako ayon sa mga tao?" Sumagot sila: "May nagsasabing si
Juan Bautista ka; may iba pang nagsasabing si Elias ka o isa sa mga propeta
kaya."
At tinanong niya sila: "Ngunit ano naman ang sinasabi ninyo kung
sino ako?" At sumagot si Pedro: "Ikaw ang Mesiyas." At
inutusan niya sila na huwag sabihin kaninuman ang tungkol sa kanya.
At sinimulan niyang ituro sa kanila na kailangang magtiis ng marami ang
Anak ng Tao. Itatakwil nga siya ng mga Matatanda ng bayan, ng mga punong-pari
at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya at muling babangon pagkatapos
ng tatlong araw. At buong-tapang siyang nagsalita. Dinala naman siya ni
Pedro sa isang tabi at sinimulan siyang pagsabihan. Ngunit pagtalikod
ni Jesus, nakita niya na naroon din ang kanyang mga alagad. Kaya pinagsabihan
niya si Pedro: "Sa likod ko, Satanas! Hindi sa Diyos galing ang iniisip
mo kundi mula sa tao."
Pagninilay-nilay
Nagsimula ang Pahiyas bilang pasasalamat ng mga magsasaka sa Diyos
para sa bunga at kasaganaan ng lupa kaya isinasabit nila ang kanilang
mga ani. Sa kanilang pagdiriwang, isinisimbolo ng kanilang mga gulay at
mga produkto ng ani ang kanilang sarili dahil bahagi mismo iyon ng kanilang
buhay at kabuhayan. Kaya nagiging makahulugan ang Pahiyas ng mga magsasaka.
Ang ugat at diwa ng anumang pagdiriwang ang dapat nating madiskubre. Hindi
Xerox ang tunay na pagsasadiyos. Anong kahulugan meron ang pagsasabit
ng mga gulay na galing sa supermarket? Ano kayang selebrasyon ang babagay
sa klase ng buhay natin sa kasalukuyan?
Mayo
16
Biyernes
Ika-6
na Linggo ng Taon
Unang
Pagbasa: Jaime 2:14-24
Ebanghelyo: Mc 8:34-9:1
At tinawag
ni Jesus ang kanyang mga alagad pati ang mga tao, at sinabi: "Kung
may gustong sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang
krus para sumunod sa akin. Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang
sarili ay mawawalan nito, at ang mawawalan ng sarili alang-alang sa akin
at sa ebanghelyo ang magliligtas nito.
"Ano ang pakinabang ng tao tubuin man niya ang buong daigdig kung
sarili naman niya ang mawala? At pagkatapos ay ano ang maibibigay niya
para mabawi ang kanyang sarili? Ang ikinahihiya ako at ang aking mga salita
sa harap ng di-tapat at makasalanang lahing ito ay ikahihiya rin ng Anak
ng Tao pagdating niyang taglay ang luwalhati ng kanyang Ama, kasama ng
mga banal na anghel."
At idinagdag ni Jesus: "Totoong sinasabi ko sa inyo na di daranas
ng kamatayan ang ilan sa mga naririto hanggang hindi nila nakikita ang
kaharian ng Diyos na dumarating na may kapangyarihan."
Pagninilay-nilay
Madaling sabihin na ipamimigay natin sa mga pobre ang ating mga pera
kapag yumaman tayo dahil sa totoo'y wala naman tayong pera. May kung anong
hiwaga ang pera kayat kumakapit ito sa ating mga kamay sa sandaling mahawakan
natin ito. Sa pagkakaroon natin ng pera, lalo lamang tumitindi ang paghahangad
natin na magkaroon ng mas marami pang pera. Aanhin ba natin ang pera?
May mga taong pera lamang ang pinag-aaksayahan nila ng panahon. Habambuhay
silang nagtatrabaho para kumita at mag-ipon ng limpak-limpak. Ngunit pagsapit
ng huling sandali ng buhay, walang anumang magagawa ang perang meron sila;
ni hindi nila madadala sa hukay kahit isang kusing man.
Mayo
17
Sabado
Ika-6
na Linggo ng Taon
Unang Pagbasa: Jaime 3:1-10
Ebanghelyo: Mc 9:2-13
Pagkaraan
ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Jaime at Juan, at umakyat
na sila lamang ang kasama sa mataas na bundok. At nagbago ang anyo ni
Jesus sa harap nila at kuminang na puting-puti ang kanyang damit, na walang
makapaglalabang simputi niyon sa lupa. At napakita sa kanila sina Elias
at Moises na nakikipag-usap kay Jesus.
Kaya nagsalita si Pedro at kanyang sinabi: "Panginoon, mabuti at
narito tayo. Gagawa kami ng tatlong kubol: isa para sa iyo, isa para kay
Moises, at isa para kay Elias." Nasindak sila kaya hindi niya malaman
kung ano ang sasabihin.
At may ulap na lumilim sa kanila. At narinig mula sa ulap ang salitang
ito: "Ito ang aking Anak, ang Minamahal, pakinggan ninyo siya."
At biglang-bigla, pagtingala nila, wala silang nakita liban kay Jesus
na kasama nila.
At pagbaba nila mula sa bundok, inutusan niya sila na huwag sabihin kaninuman
ang nakita nila hanggang makabangon ang Anak ng Tao mula sa mga patay.
Pagninilay-nilay
Kanino ka mas may debosyon: sa Santo Niño, sa Lord of Pardon,
sa Nazareno, o sa Santo Entierro?
May paboritong debosyon ang bawat isa sa atin. Pero kung titingnan nating
mabuti-iisang Jesus lamang ang tinutukoy ng lahat ng iyon. Gusto ng ilan
sa atin ang Jesus na bata samantalang ang Jesus na mapagpatawad o nagpakasakit
o namatay para sa atin ang mas gusto ng iba.
Ngunit sino bang talaga ang Jesus na nasa Ebanghelyo? Ayon ba sa salaysay
ng Ebanghelyo na Propetang nagpahayag ng malasakit at katarungan ang pagkakakilala
natin kay Jesus? Magbagong-anyo sana si Jesus sa atin ngayon.
Mayo
18
Linggo
Tatlong
Persona sa Iisang Diyos
Unang
Pagbasa: Ex 34:4b-6,8-9
Kaya suminsil
si Moises ng dalawang tapyas na bato tulad ng una. At maaga siyang gumising
kinabukasan at umahon sa Bundok Sinai tulad ng iniutos ni Yawe, hawak
sa kanyang mga kamay ang dalawang tapyas na bato.
At bumaba si Yawe na nasa ulap, at tumayo roong kasama niya, at ipinahayag
ang kanyang pangala-Yawe.
Dumaan si Yawe sa kanyang harap at sumigaw: "Si Yawe, si Yawe ang
Diyos na maawain at mapagpatawad, banayad sa pagkagalit at sagana sa kabutihang-loob
at katapatan.
Nagmamadaling yumuko si Moises sa lupa at sumamba. At sinabi niya: "O
Panginoon, kung kalugud-lugod nga ako sa iyong paningin, halika't lumakad
kasama namin. At kahit na matigas ang ulo ng bayang ito, patawarin mo
sana ang aming mga kasamaan at pagkakasala, at angkinin kami."
Dn
3:52, 53, 54, 55
Purihin at ipagdangal ang Diyos magpakailanman.
Ikalawang
Pagbasa: 2 Cor 13:11-13
Sa wakas,
mga kapatid, magalak kayo. Sikapin ninyong maging ganap, at mag-aliw-aliw
kayo. Magkaisa sana kayo sa iisang diwa at mamuhay na mapayapa, at sasainyo
ang Diyos ng pag-ibig at kapayapaan. Magbatian kayo ng banal na halik.
Binabati kayo ng lahat ng banal.
Sumainyo ang kagandahang-loob ng Panginoong Jesucristo, ang pag-ibig ng
Diyos at ang pakikisama ng Espiritu Santo.
Ebanghelyo:
Jn 3:16-18
Sinabi ni Jesus: "Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundo! Kayat ibinigay
niya ang kanyang bugtong na anak upang hindi na mawala ang bawat nananalig
sa kanya kundi magkaroon ng buhay magpakailanman.
"Hindi nga sinugo ng Diyos sa mundo ang Anak upang hukuman ang mundo
kundi upang maligtas ang mundo sa pamamagitan niya. Hindi hinuhukuman
ang nananalig sa kanya. Ngunit hinukuman na ang hindi nananalig pagkat
hindi siya nananalig sa Ngalan ng bugtong na Anak ng Diyos."
Pagninilay-nilay
Isa. Karaniwang salita ang "isa" pero ito ang simula
ng walang hanggang bilang. Taglay ng "isa" ang kabuuan dahil
kahit na walang "dalawa," maaari pa ring magkaroon ng "isa,"
ngunit walang "dalawa," o "tatlo," o ilan pa man kung
walang "isa."
Sa kasaysayan ng sangkatauhan, marami ang nagbuwis ng buhay para ipahayag
nila na isa ang Diyos! Ito rin ang pahayag sa atin ng Biblia. Sa pagdating
ni Jesus, itinuro niya na Isang Diyos ang Amang nagmamahal sa atin, ang
Anak na nagmamagandang-loob at ang Espiritung nagbubuklod sa lahat. Ama,
Anak at Espiritu Santo sa Iisang Diyos-ang dakilang aral ng pagkakaisa
para sa ating lahat.
Mayo
19
Lunes
Ika-7
Linggo ng Taon
Unang
Pagbasa: Jaime 3:13-18
Ebanghelyo: Mc 9:14-29
Pagbalik nila sa mga alagad, nakita nila ang napakaraming tao na nakapalibot
sa mga ito at nakikipagtalo naman sa kanila ang mga guro ng Batas. Namangha
ang lahat pagkakita sa kanila, at tumakbo sila para batiin siya.
Itinanong naman niya sa kanila: "Bakit kayo nakikipagtalo sa mga
ito?" At sinagot siya ng isang lalaki mula sa mga tao: "Guro,
dinala ko sa iyo ang aking anak na lalaki na inaalihan ng isang piping
espiritu. At kung hinahagip siya nito, inilulugmok siya sa lupa; nagbubula
ang kanyang bibig, nagngangalit ang mga ngipin at naninigas. Hiningi ko
sa iyong mga alagad na palayasin ito pero hindi nila kaya."
Sumagot si Jesus: "Mga walang pananampalataya! Gaano pa katagal akong
mananatili sa piling ninyo? Hanggang kailan ako magtitiis sa inyo? Dalhin
siya rito sa akin."
At pinalapit nila siya kay Jesus. Pagkakita sa kanya ng espiritu, pinangatog
nito ang bata at inilugmok sa lupa kaya nagpagulung-gulong siya at bumubula
ang bibig. Tinanong naman ni Jesus ang ama: "Gaano na katagal na
nangyayari ito sa kanya?" At sumagot ang ama: "Mula pa sa pagkabata
at madalas nga siyang inihahagis sa apoy o sa batis para patayin. Ngunit
kung kaya mo, maawa ka sa amin at pakitulungan kami."
Sinagot siya ni Jesus: "Ano itong 'kung kaya mo'? Lahat ay posible
sa sumasampalataya." At agad na sumigaw ang ama ng bata sa pagsasabing
"Sumasampalataya ako pero tulungan mo ang maliit kong pananampalataya."
Nakita ni Jesus na nagsisitakbo at lumalapit na ang mga tao kaya iniutos
niya sa masamang espiritu: "Pipi at binging espiritu, inuutusan kitang
lumabas sa kanya at huwag nang bumalik."
Nagsisigaw ang espiritu at inilugmok ang bata sa lupa bago lumabas. At
animo'y patay ang bata kaya marami ang nagsabing "Namatay."
Ngunit pagkahawak ni Jesus sa kamay nito, pinabangon niya ito at pinatindig.
Pagkapasok ni Jesus sa bahay, tinanong siya ng mga alagad nang sarilinan:
"Bakit hindi namin napalayas ang espiritu?" Sinabi ni Jesus
sa kanila: "Sa panalangin lamang mapalalayas ang ganitong klaseng
espiritu."
Pagninilay-nilay
Madaling sabihin na naniniwala tayo sa Diyos pero kung talagang susuriin
natin ang ating mga sarili, makikita na kulang pa rin ang ating pananalig
sa kanya. Hindi pa rin nating magawang "angkinin" ang mga bagay
na ating ipinagdarasal; kahit na nga hinihiling pa lang natin sa Diyos
eh hindi natin magawang ituring atin ang mga ipinagkaloob sa atin ng Panginoon.
Alalahanin na regalo ng Diyos maging ang ating pananampalataya. Sa atin
niya ipinagkaloob ang biyayang ito at hindi sa iba, at tinanggap naman
natin ito sa ating buhay. Ngunit kailangan din natin itong pagyamanin
at kailangan din nating hingin sa kanya na palakihin ang maliit nating
pananampalataya.
balik
calendario
Mayo
20
Martes
Ika-7
Linggo ng Taon
Bernardino ng Siena
Unang
Pagbasa: Jaime 4:1-10
Ebanghelyo: Mc 9:30-37
Umalis si Jesus at ang kanyang mga alagad at nagsimulang dumaan sa Galilea.
Gusto niya na walang sinumang makaalam dahil tinuturuan niya ang kanyang
mga alagad.
At sinabi niya sa kanila: "Ibibigay ang Anak ng Tao sa kamay ng mga
tao. Papatayin nila siya ngunit pagkapatay nila sa kanya, babangon siya
sa ikatlong araw."
Kaya lubha silang nalungkot. Hindi nila ito naintindihan at hindi rin
sila nangahas magtanong sa kanya.
Pagdating nila sa Capernaum, nang nasa bahay na siya, tinanong niya sila:
"Ano ang pinag-uusapan ninyo sa daan?" At hindi sila umimik;
pinagtatalunan nga nila sa daan kung sino ang mas una.
Kaya naupo siya at pagkatawag sa Labindalawa ay sinabi sa kanila: "Kung
may gustong mauna, maging huli siya sa lahat at lingkod ng lahat."
At pagkakuha niya sa isang maliit na bata, pinatayo ito sa gitna nila
at inakbayan at saka sinabi sa kanila: "Ang sinumang tumanggap sa
isa sa mga batang ito nang dahil sa aking pangalan ay tumatanggap sa akin.
At ang tumatanggap sa akin ay hindi ako ang tinatanggap kundi ang nagsugo
sa akin."
Pagninilay-nilay
Dating matalik na magkaibigan sina Bro. Joe at Bro. Pete. Magkababata
at magkaklase pa hanggang kolehiyo. At ngayon nga'y magkapitbahay pa sila.
"Kambal" pa nga kung minsan ang tukso sa kanilang dalawa dahil
lagi silang magkasama at ang kanilang mga asa-asawa saanman sila pumunta.
Magkasama rin sila sa samahan sa kanilang parokya pero ang pagkakasama
nila sa samahang iyon ang naging dahilan para magkasamaan ng loob at maghiwalay
ang "Kambal." Pareho nilang gustong maging pangulo ng kanilang
samahan kayat nang si Bro. Jose ang mahalal, nagsimula nang lumayo si
Bro. Pete hindi lamang mula sa kanya kundi pati na sa kanilang samahan.
balik
calendario
Mayo
21
Miyerkules
Ika-7
Linggo ng Taon
Christopher Magallanes
Unang
Pagbasa: Jaime 4:13-17
Ebanghelyo: Mc 9:38-40
Sinabi naman
ni Juan kay Jesus: "Guro, may nakita kaming di natin kasama na nagpapalayas
ng mga demonyo sa bisa ng iyong pangalan. Ngunit pinigil namin siya dahil
hindi natin siya kasama." At sinabi ni Jesus: "Huwag ninyo siyang
pigilan. Wala ngang gumagawa ng himala sa bisa ng aking pangalan na agad
na magsasalita laban sa akin. Ang hindi laban sa atin ay kampi sa atin."
Pagninilay-nilay
Lumaking walang relihiyon si Martin at nagpasya siyang maging Katoliko
noong 17 taong gulang siya. Ngunit hindi nagtagal at sa kung anong fellowship
siya nagsimulang dumalo kaysa magsimba tuwing Linggo. Hindi madama sa
misa natin sa simbahan ang pagiging komunidad ng mga nagsisimba; para
bang pumapasok lamang tayo sa sinehan, na walang pakialam sa isa't isa
at pagkatapos ay kanya-kanya rin tayo ng uwi. Ibang-iba naman ito sa fellowship
na kanyang pinupuntahan dahil sa simula pa lang, winiwelcome ng lahat
ang sinuman. Madarama mong tanggap ka at talagang may pagkakaisa ang lahat.
Ni hindi natin binabati ang ating katabi sa simbahan pero magkakakilala
silang lahat sa fellowship.
balik
calendario
Mayo
22
Huwebes
Ika-7
Linggo ng Taon
Rita ng Casia
Unang
Pagbasa: Jaime 5:1-6
Ebanghelyo: Mc 9:41-50
Sinabi ni
Jesus sa kanyang mga alagad: "At kung may magpainom sa inyo ng malamig
na tubig alang-alang sa aking pangalan dahil kay Kristo kayo, talagang
sinasabi ko sa inyo na hindi siya mananatiling walang gantimpala.
"Ngunit kung may tumisod at magpadapa sa isa sa maliliit na ito na
nananalig, mas makabubuti pa para sa kanya na itapon siya sa dagat na
may taling malaking bato sa kanyang leeg.
"Kung ang kamay mo ang nagtutulak sa iyo sa kasalanan, putulin mo
ito. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok na pingkaw sa buhay kaysa matapon
sa walang hanggang apoy ng impiyerno na may dalawang kamay. At kung ang
paa mo ang nagtutulak sa iyo sa kasalanan, putulin mo ito. Mas mabuti
pa sa iyo ang pumasok na pilay sa buhay kaysa matapon sa impiyerno na
may dalawang paa.
"At kung ang mata mo ang nagtutulak sa iyo sa kasalanan, itapon mo
ito. Mabuti pa sa iyo ang pumasok sa kaharian ng Diyos na may isang mata
kaysa matapon sa impiyerno na may dalawang mata, kung saan walang tigil
ang mga uod sa kanila at walang kamatayan ang apoy. Buburuhin nga ng apoy
ang lahat.
"Mabuti ang asin ngunit kung tumabang ang asin, paano ninyo ito mapaaalat
uli? Magkaroon kayo ng asin sa inyong sarili at mabuhay sa kapayapaan
sa isa't isa."
Pagninilay-nilay
Sa istorya ng Munting Prinsipe, sinasabi niyang maraming binhi ng baobab
sa kanyang planeta. Malaking puno, tulad ng akasya, ang baobab pero nagsisimula
ito bilang maliit na binhi. Sumisibol, tumutubo at lumalaki. At pagkalipas
ng mahabang panahon, nagiging malaking puno ang dating maliit na binhi.
At sabi ng Munting Prinsipe, kailangang bunutin niya kaagad ang mga binhi
ng baobab habang maliit pa ang mga ito dahil sa liit ng kanyang planeta,
tiyak na magsisikip iyon paglaki ng mga baobab, bukod sa mahirap nang
bunutin ang baobab kapag malaki na ito.
Ganito rin ang dapat nating gawin sa anumang bisyo o kasalanan.
balik
calendario
Mayo
23
Biyernes
Ika-7
Linggo ng Taon
Unang
Pagbasa: Jaime 5:9-12
Ebanghelyo: Mc 10:1-12
Nagpunta
si Jesus sa probinsya ng Judea, sa kabilang ibayo ng Ilog Jordan. At napakaraming
tao na naman ang nagdatingan. At muli niya silang tinuruan gaya nang dati.
At lumapit ang ilang Pariseo na gusto siyang subukan at tinanong nila
siya: "Pinahihintulutan bang diborsiyuhin ng lalaki ang kanyang asawa
sa anumang dahilan?" Itinanong naman niya: "Ano ang iniutos
sa inyo ni Moises?" At sinabi nila: "Ipinahintulot ni Moises
na paalisin ang babae pagkabigay sa kanya ng kasulatan ng diborsiyo."
Sinabi naman ni Jesus sa kanila: "Alam ni Moises na matigas ang inyong
puso kaya sinulat niya ang kautusang ito. Ngunit sa simula'y ginawa sila
ng Maykapal na lalaki at babae, at dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang
ama at ina at magiging iisang katawan ang dalawa. Kung gayo'y hindi na
sila dalawa kundi iisang katawan lamang kaya huwag paghiwalayin ng tao
ang pinagbuklod ng Diyos."
Nang nasa bahay na sila, tinanong siyang muli ng mga alagad. At sinabi
niya sa kanila: "Kung may lalaking magpaalis sa kanyang asawa at
saka magpakasal sa iba, nakiapid na siya. At kung ang babae naman ang
magpaalis sa lalaki at magpakasal sa iba, nakikiapid din siya."
Pagninilay-nilay
Hindi kaning isusubo ang pag-aasawa, na puwedeng iluwa sa sandaling
mapaso ka-ganito ang sabi ng ating mga lolo at lola. Marami ang mga naghihiwalay
dahil hindi malinaw sa kanila kung ano bang talaga ang buhay-may-asawa
na kanilang pinasok.
Bukod sa pagmamahalan ng isang babae at isang lalaki, inaako rin ng bawat
isa na paninindigan nila ang pagmamahal na iyon. Hindi lamang damdamin
ang pagmamahal kundi komitment ito at pagtatalaga ng sarili sa kabiyak,
kahit na nga "mapaso" pa sila sa kanilang pagsasama. At mga
taong mature lamang ang talagang makagagawa ng ganitong commitment.
balik
calendario
Mayo
24
Sabado
Ika-7
Linggo ng Taon
Unang Pagbasa: Jaime 5:13-20
Ebanghelyo: Mc 10:13-16
May nagdala
naman kay Jesus ng mga bata para hipuin niya sila. Ngunit pinagalitan
ng mga alagad ang mga taong may dala sa kanila.
At pagkakita ni Jesus, nagalit siya at sinabi sa kanila: "Pabayaan
ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pigilan. Sa mga
tulad nga nila ang kaharian ng Diyos. Talagang sinasabi ko sa inyo: hindi
papasok sa kaharian ng Diyos ang di tumatanggap dito gaya ng maliit na
bata." At pagkakalong sa kanila ni Jesus, ipinatong niya sa kanila
ang kanyang mga kamay para basbasan sila.
Pagninilay-nilay
Mga sampung taong gulang noon si Luis. Pinagalitan siya at pinalo ng
kanyang ama kaya lumayas siya at napadpad sa Lucena City. Doon niya nakilala
ang mga batang-kalye. At para may makain, nagbabantay sila kung minsan
ng mga kotse, o nagpapalimos kaya. Doon din natuto si Luis lumanghap ng
Rugby para hindi niya maramdaman ang lungkot at gutom at pagsisisi.
Habang nasa lansangan sa Lucena si Luis, wala rin namang tigil ang kanyang
ina sa paghanap sa kanya sa mga kalye sa kanilang bayan sa Mataas-na-Kahoy
sa Batangas. Hindi lamang si Luis ang nagsisisi kundi maging ang kanyang
ama, na naghahanap din sa kanya.
balik
calendario
Mayo
25
Linggo
Katawan
at Dugo ni Kristo
Unang
Pagbasa: Dt 8:2-3,14b-16a
Sinabi ni
Moises sa mga tao, "Alalahanin mo ang lahat ng daang pinagdalhan
sa iyo sa disyerto ni Yaweng Diyos mo sa loob ng apatnapung taong ito.
Pinapaghirap ka niya at ginutom upang subukan ka at malaman ang nasa iyong
puso, kung tutuparin mo nga ang kanyang mga utos o hindi. Subalit pinakain
ka niya ng manna na hindi mo alam ni ng iyong mga ninuno upang ipakita
sa iyo na hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao, kundi sa lahat ng
namumutawi sa bibig ni Yawe mabubuhay ang tao.
"Huwag maging palalo ang iyong puso at huwag limutin si Yaweng iyong
Diyos na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Ehipto, mula sa bahay ng pagkaalipin.
Siya ang umakay sa iyo para makalampas sa malawak at nakatatakot na disyertong
puno ng mga "apuy-apuyang" ahas at mga alakdan, lupaing tigang
at walang tubig. Subalit pinabukal niya ang tubig para sa iyo mula sa
napakatigas na bato. At pinakain ka niya sa disyerto ng mannang hindi
alam ng iyong mga ninuno.
"Pinapaghirap ka niya at sinubok upang mapabuti ka sa bandang huli."
Slm
147:12-13, 14-15, 19-20
Purihin mo ang Panginoon, O Jerusalem.
Ikalawang
Pagbasa: 1 Cor 10:16-17
Mga kapatid,
"Ang kopa ng pagpapala na ating pinagpapala, hindi ba ito ang pakikiba-hagi
sa dugo ni Kristo? Ang tinapay na ating pinaghahati-hati, hindi ba ito
ang paki-kibahagi sa katawan ni Kristo? Dahil iisa ang tinapay, nagiging
iisang katawan tayong lahat sa pakikibahagi natin sa iisang tinapay."
Ebanghelyo:
Jn 6:51-58
Sinabi ni Jesus sa mga tao: "Ako siyang tinapay na buhay, na pumanaog
mula sa Langit. Kung may kakain ng tinapay na ito, mabubuhay siya magpakailanman.
At ang laman ko ang tinapay na aking ibibigay alang-alang sa ikabubuhay
ng mundo."
Kaya nagtalu-talo ang mga Judio at nagsalita: "Paano tayo mabibigyan
ng taong ito ng laman para kainin?" Sinabi naman ni Jesus sa kanila:
"Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, kung hindi n'yo kakanin ang
laman ng Anak ng Tao at iinumin ang kanyang dugo, wala kayong buhay sa
inyong sarili. May buhay magpakailanman ang ngumunguya ng aking laman
at umiinom ng aking dugo, at itatayo ko siya sa huling araw.
"Sapagkat totoong pagkain ang aking laman at totoong inumin ang aking
dugo. Ang ngumunguya ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay namamalagi
sa akin at ako naman sa kanya. Sinugo nga ako ng Amang buhay at buhay
ako dahil sa Ama, gayundin naman dahil sa akin mabubuhay ang ngumunguya
sa akin.
"Ito ang tinapay na pumanaog mula sa Langit, hindi gaya sa inyong
mga ninuno na kumain at nangamatay pa rin. Mabubuhay naman magpakailanman
ang ngumunguya ng tinapay na ito."
Pagninilay-nilay
Katawan. May katawan ang bawat isa; ito mismo ang katawan mo mula nang
ipanganak ka. Pero sa ating paglaki, lumaki rin ang ating katawan at ang
mga bahagi nito.
Malimit nating marinig na tayo rin ang Katawan ni Kristo; tayo ang bumubuo
sa iba't ibang bahagi ng kanyang Katawan. Ngunit parang hanggang sa salita
lamang ito.
Sa pagkokomunyon natin sa misa, nakikibahagi tayo sa tinapay na katawan
ni Kristo hindi bilang debosyon kundi tanda ng pag-ako natin na tayo ang
magiging buháy na Katawan ni Kristo.
balik
calendario
Mayo
26
Lunes
Ika-8
Linggo ng Taon
Felipe Neri
Unang
Pagbasa: 1 P 1:3-9
Ebanghelyo: Mc 10:17-27
At nang palakad na siya, may taong patakbong sumalubong sa kanya at paluhod
na nagtanong: "Mabuting guro, ano ang dapat kong gawin para magmana
ng buhay na walang hanggan?"
Sumagot sa kanya si Jesus: "Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang
mabuti kundi ang Diyos lamang. Alam mo ang mga utos: Huwag papatay, huwag
makiapid, huwag magnakaw, huwag manirang-puri sa kapwa, huwag mandaya,
igalang ang iyong ama at ina." Sinabi sa kanya ng tao: "Sinunod
ko ang lahat ng ito mula pagkabata, ano pa ang kulang ko?" Kaya tinitigan
siya ni Jesus at minahal siya, at sinabi: "Isa ang kulang sa iyo.
Umuwi ka at ipagbili ang lahat ng iyo at ibigay sa mga dukha, at magkakaroon
ka ng kayamanan sa Langit. At saka ka bumalik para sumunod sa akin."
Pinanghinaan ng loob ang tao sa salitang ito at umalis na malungkot sapagkat
napakayaman niya.
Kaya tumingin si Jesus sa paligid at sinabi sa kanyang mga alagad: "Napakahirap
ngang makapasok ang mga may kayamanan sa kaharian ng Diyos." Takang-taka
nga ang mga alagad dahil sa pananalitang ito. Kaya muling sinabi ni Jesus
sa kanila: "Mga anak, napakahirap pumasok sa kaharian ng Diyos! Oo,
mas madali pa para sa kamelyo ang lumusot sa butas ng karayom kaysa pumasok
ang isang mayaman sa kaharian ng Diyos."
Lalo pang namangha ang mga alagad at nag-usap-usap: "Kung gayon,
sino ang maliligtas?" Tinitigan sila ni Jesus at sinabi: "Imposible
ito para sa tao pero hindi para sa Diyos; lahat ay posible para sa Diyos."
Pagninilay-nilay
Ang mga salitang ito ni Jesus ang nakatawag-pansin kay Francisco ng
Assisi kaya sinimulan niyang ipamigay ang mga telang tinda ng kanyang
ama, pati na ang perang bigay nito sa kanya. Nauwi sa pagtatakwil sa kanya
ng kanyang ama ang pamimigay niyang iyon sa kayamanan ng kanilang pamilya.
Alam natin kung ano ang nangyari kay San Francisco at sa mga kapatid na
sumunod sa kanya sa pamumuhay nang dukha ayon sa Ebanghelyo.
Pero ano kaya ang nangyari sa kanyang ama? Matapos niyang itakwil ang
kanyang anak, wala na siyang problema para ipunin at pangalagaan ang kanyang
kayamanan.
balik
calendario
Mayo
27
Martes
Ika-8
Linggo ng Taon
Augustin ng Kanterberi
Unang
Pagbasa: 1 P 1:10-16
Ebanghelyo: Mc 10:28-31
Nagsalita naman si Pedro at sinabi: "Iniwan namin lahat para sumunod
sa iyo." Sinabi ni Jesus: "Talagang sinasabi ko sa inyo: walang
nag-iwan ng tahanan, mga kapatid, ina at ama at mga anak at mga bukid
alang-alang sa akin at sa Ebanghelyo na walang gantimpala. Tatanggap nga
siya ngayon ng makasandaang beses ng mga tahanan, mga kapatid, mga ina
at mga anak at mga bukid sa gitna ng mga pag-uusig, at sa panahong darating
nama'y makakamit niya ang buhay na walang hanggan.
"May mga una ngayon na mahuhuli at may mga huli naman na mauuna."
Pagninilay-nilay
Basahin mo uli ang pagbasa sa araw na ito. Sa mga nag-iwan ng tahanan,
mga kapatid, ina at ama at mga anak at mga bukid nang dahil kay Jesus
at sa Ebanghelyo, daan-daang tahanan, mga kapatid, mga ina at mga anak,
at mga bukid ang tatanggapin nila sa kabila ng mga paghihirap sa buhay
na ito. Anim na bagay ang binabanggit na iniwan pero limang bagay lang
ang ipinapangakong tatanggapin nang makasandaang beses. Alin sa mga ito
ang wala sa ipinangakong kapalit?
Oo, sa mag-iwan ng kanyang ama, hindi siya tatanggap ng daan-daang ama
dahil iisa lang ang ama-ang Ama nating lahat sa langit!
balik
calendario
Mayo
28
Miyerkules
Ika-8
Linggo ng Taon
Unang
Pagbasa: 1 P 1:18-25
Ebanghelyo: Mc 10:32-45
Sa paglakad ni Jesus at ng kanyang mga alagad paahon sa Jerusalem, nanguna
si Jesus at nagtaka sila. Natakot naman ang mga kasunod nila. Muli niyang
isinama ang Labindalawa at habang nasa daan ay sinimulan niyang sabihin
sa kanila ang mga sasapitin niya: "Tingnan ninyo, papunta na tayo
sa Jerusalem. Doon ibibigay ang Anak ng Tao sa mga punong-pari at mga
guro ng Batas na maghahatol sa kanya ng kamatayan. Kaya ibibigay nila
siya sa mga pagano. Pagtatawanan nila siya, luluraan, hahagupitin at papatayin.
Ngunit babangon siya pagkatapos ng tatlong araw."
Lumapit noon kay Jesus sina Jaime at Juan na mga anak ni Zebedeo, at sinabi
sa kanya: "Guro, gusto sana naming gawin mo ang hihingin namin sa
iyo." At sinabi ni Jesus: "Ano ang gusto ninyong gawin ko?"
Sumagot sila: "Ipagkaloob mo sa amin sa iyong kaluwalhatian na maupo
ang isa sa amin sa kanan mo, at ang isa naman sa kaliwa mo."
Sinabi ni Jesus: "Talagang hindi ninyo alam kung ano ang hinihingi
ninyo. Maiinom ba ninyo ang kopang iinumin ko at mabibinyagan sa binyag
na ibininyag sa akin?" Sumagot sila: "Kaya namin." Sumagot
si Jesus: "Totoong iinom din kayo sa kopang iinumin ko at mabibinyagan
sa binyag na ibibinyag sa akin. Ngunit wala sa akin ang pagpapaupo sa
aking kanan o kaliwa. Inihanda ito para sa iba."
Nang marinig ito ng sampu, nagalit sila kina Jaime at Juan. Kaya tinawag
sila ni Jesus at sinabi sa kanila: "Nalalaman ninyo na sinusupil
ng mga naghahari ang kanilang mga bansa at inaapi ng mga nasa kapangyarihan.
Huwag namang ganito sa inyo: ang may gustong m |