|
Marso
1
Sabado
Ika-3
na Linggo ng Kuwaresma
Unang
Pagbasa: Os 6:1-6
Ebanghelyo: Lc 18:9-14
Sinabi ni
Jesus: "Maihahambing ang kaharian ng Diyos sa paghahasik ng isang
tao ng buto sa lupa. Tulog man siya o gising, sa gabi o araw, sumisibol
ang binhi at lumalago nang hindi niya namamalayan.
"Nagbubunga ang lupa sa ganang sarili nito: una'y ang usbong, saka
ang uhay at ang butil na humihitik sa uhay. At kapag nagbunga na ito,
agad siyang magpapadala ng karit dahil sumapit na ang anihan."
At sinabi niya: "Sa ano natin maikukumpara ang kaharian ng Diyos?
Sa anong talinhaga natin ito maipakikilala? Natutulad ito sa paghahasik
ng buto ng mustasa na pinakamaliit sa mga binhing inihahasik sa lupa.
"Ngunit pagkahasik nito, tumataas ito at lumalaki na higit pa sa
lahat ng gulay at nagsasanga nang malaki hanggang sumilong sa kanyang
lilim ang mga ibon ng langit."
Itinuro niya sa kanila ang lahat ng ito sa pamamagitan ng mga talinhagang
gaya nito ayon sa kakayahan ng kanilang isipan. Hindi siya nagturo sa
kanila nang hindi gumagamit ng mga talinhaga. Ngunit nilinaw niya ang
lahat sa kanyang mga alagad nang sila-sila na lamang.
Pagninilay-nilay
Nagsisimba
ka ba tuwing Linggo? Nagnonobena ka ba tuwing Miyerkules? May samahang
pansimbahan ba na iyong kinabibilangan? Regular ka bang nagdarasal? Nagrorosaryo
ka? Dumadalo ka ba sa mga gawain o prayer meeting sa inyong parokya?
Kung "oo" ang sagot mo sa isa sa mga tanong na ito, malaki ang
matututuhan natin mula sa pagbasa sa Ebanghelyo sa araw na ito. Malaking
tukso ang ikumpara natin ang ating sarili sa ating kapwa at isiping mas
magaling tayo kaysa kanila. Isipin natin na mas malapit tayo sa Diyos
dahil tayo ang mas nangangailangan ng tulong at awa ng Diyos.
balik
calendario
Marso
2
Linggo
Ika-4
na Linggo ng Kuwaresma
Unang
Pagbasa: 1 S 16:1, 6-7, 10-13
Sinabi ni
Yawe kay Samuel: "Hanggang kailan mo ipagluluksa si Saul matapos
ko siyang isaisantabi bilang hari ng Israel? Punuin mo ng langis ang sungay
na iyong sisidlan, gusto kong puntahan mo si Jese na taga-Betlehem sapagkat
pinili ko ang isa sa kanyang mga anak na lalaki para maging hari ko."
Nang dumating sila, nakita ni Samuel si Eliab, at inisip niyang "Tiyak
na ito na ang pinahiran ni Yawe." Ngunit sinabi ni Yawe kay Samuel:
"Huwag mong tingnan ang kanyang itsura o taas, sapagkat isinaisantabi
ko siya. Di pareho sa tingin ng tao ang tingin ni Yawe. Nakakakita ang
tao sa pamamagitan ng kanyang mata pero ang puso ang nakikita ni Yawe."
Pinadaan ni Jese sa harap ni Samuel ang pito niyang anak na lalaki pero
sinabi ni Samuel kay Jese: "Walang hinirang si Yawe sa mga ito."
Kaya itinanong ni Samuel kay Jese: "Ito na bang lahat ang iyong mga
binata?" Sumagot si Jese: "Mayroon pang pinakabunso, at siya
ang nag-aalaga sa kawan ngayon." Sinabi ni Samuel: "Ipatawag
mo siya at dalhin sa akin sapagkat hindi tayo dudulog sa hapag para kumain
hanggang hindi siya dumarating."
Kaya ipinasundo ito ni Jese at dinala kay Samuel. Mamula-mula siya, may
magagandang mata at guwapo. At sinabi ni Yawe: "Sige, pahiran mo
siya ng langis sapagkat ito na nga siya." Kinuha ni Samuel ang sungay
ng langis at pinahiran siya sa harap ng kanyang mga kapatid. Mula sa araw
na iyon, nagsimulang gumawa kay David ang Espiritu ni Yawe.
At pagkatapos, nagpunta si Samuel sa Rama.
Slm
23:1-3, 3-4, 5, 6
Ang Panginoon ay aking Pastol, di ako mangangailangan ng ano man.
Ikalawang
Pagbasa: Ef 5:8-14
Mga kapatid,
dati nga kayong karimlan, ngunit liwanag kayo ngayon sa Panginoon; kumilos
kayo bilang mga anak ng liwanag. At ang mga bunga ng liwanag ay lahat
ng anyo ng kabutihan, kabanalan at katotohanan.
Suriin ninyo kung ano ang kalugud-lugod sa Panginoon. Huwag makiisa sa
mga walang bungang gawa ng dilim, kundi tuligsain ninyo ito. Nakakahiya
ngang banggitin man lang ang mga bagay na ginagawa nila nang lihim, ngunit
sa pagtuligsa rito, nalalantad ito sa liwanag at naliliwanagan ang nalalantad
sa liwanag. Ayon sa kasabihan: "Gumising ka, ikaw na natutulog, at
magbangon mula sa mga patay, at liliwanagan ka ni Kristo."
Ebanghelyo:
Jn 9:1-41 (Jn 9: 1, 6-9, 13-17, 34-38)
Sa kanyang pagdaan, nakita niya ang isang taong ipinanganak na bulag.
Pagkasabi niya ng mga ito, lumura siya sa lupa at gumawa ng putik mula
sa lura at nilagyan ng putik ang mga mata ng tao. ?At sinabi sa kanya:
"Pumunta ka't maghilamos sa palanguyan ng Siloam (na kung isasalin
ay Sinugo)." Kaya pumunta siya at nag-hilamos at umalis na nakakakita.
Kaya sinabi ng kanyang mga kapitbahay at ng mga dating nakakapansin sa
kanyang nagpapalimos: "Di ba't ito ang nakaupo at namamalimos?"
?Sinabi ng ilan: "Ito nga siya!" At sinabi naman ng iba: "Hindi!
Kamukha lang siya." Ngunit sinabi niya: "Ako siya!"
Dinala nila siya sa mga Pariseo, siya na dating bulag. Araw ng Pahinga
noon nang gumawa ng putik si Jesus at nagpadilat sa kanyang mga mata.
Kaya muli siyang tinanong ng mga Pariseo kung paano siya nakakita. At
sinabi niya sa kanila: "Nilagyan niya ng putik ang aking mga mata
at naghilamos ako at nakakita." Kaya sinabi ng ilan sa mga Pariseo:
"Hindi mula sa Diyos ang taong iyon dahil hindi niya ipinangingilin
ang Araw ng Pahinga." Ngunit sinabi naman ng iba: "Paanong magagawa
ng taong makasalanan ang ganitong mga tanda?" At nahati sila.
Kaya sinabi nilang muli sa bulag: "Ikaw, ano'ng masasabi mo tungkol
sa kanya pagkat mga mata mo ang pinadilat niya?" At sinabi niya:
"Siya ang Propeta!"
Sumagot sila sa kanya: "Tinuturuan mo ba kami, ikaw na ipinanganak
na tagos ng mga kasalanan?" At ipinagtabuyan nila siya palabas.
Narinig ni Jesus na ipinagtabuyan nila siya palabas. At pagkatagpo niya
sa kanya, sinabi niya: "Nananalig ka ba sa Anak ng Tao?" Sumagot
siya: "Sino po siya upang manalig ako sa kanya?" Sinabi ni Jesus:
"Nakikita mo siya at siya ang nakikipag-usap sa iyo. (?Aniya: "Nananalig
ako, Panginoon." At nagpatirapa siya sa kanyang pa-anan. At sinabi
ni Jesus:)
Pagninilay-nilay
Bulag. May mga taong ipinanganak na bulag pero sa kawalan nila ng kakayahang
makakita, may higit na kakayahan naman sila sa ibang mga bagay. Hindi
nga sila nakakakita ng kulay pero mas higit na makulay ang buhay ng ilan
sa kanila.
Hindi ang pagiging bulag ng ating mga mata ang tinutukoy ng mga salita
ng Banal na Kasulatan kundi ang pagiging bulag sa ating pang-unawa. May
mga mata nga tayo pero hindi naman tayo nakakakita, may mga tenga pero
hindi naman nakaririnig.
Sa panahon ng Kuwaresma, hingin natin sa Panginoon na buksan niya ang
ating mga mata upang tunay tayong makakita.
balik
calendario
Marso
3
Lunes
Ika-4
na Linggo ng Kuwaresma
Katharine Drexel
Unang Pagbasa: Is 65:17-21
Ebanghelyo: Jn 4:43-54
Pagkatapos
ng dalawang araw, umalis siya roon pa-Galilea. Nagpatunay nga mismo si
Jesus na hindi pinararangalan ang propeta sa sariling bayan. Gayon pa
man, pagdating niya sa Galilea, tinanggap siya ng mga Galileo dahil nasaksihan
nila ang lahat ng ginawa niya sa Piyesta sa Jerusalem. Naroon nga rin
sila mismo sa Piyesta.
Nagpunta siyang muli sa Kana ng Galilea, doon niya ginawang alak ang tubig.
At nangyari, na ang anak na lalaki ng isang opisyal ng hari ay maysakit
sa Capernaum. Nang marinig niyang dumating si Jesus sa Galilea galing
Judea, pinuntahan niya siya at ipinakiusap na lumusong at pagalingin ang
kanyang anak na nasa bingit ng kamatayan.
Kaya sinabi sa kanya ni Jesus: "Hangga't hindi kayo nakakakita ng
mga tanda at mga kababalaghan, hindi kayo maniniwala." Sinabi naman
sa kanya ng opisyal: "Lumusong kayo bago mamatay ang anak ko."
At sinabi sa kanya ni Jesus: "Makauuwi ka na. Buhay ang anak mo."
Naniwala ang tao sa salitang sinabi sa kanya ni Jesus at umuwi siya.
At habang palusong na siya, sinalubong siya ng kanyang mga alipin at sinabing
buhay ang anak niya. Inalam niya sa kanila ang oras nang magsimula siyang
umigi, at sinabi nila: "Kahapon po nang ala-una ng tanghali siya
inibsan ng lagnat." Kaya nalaman ng ama na ito ang oras nang sabihin
sa kanya ni Jesus: "Buhay ang anak mo." At naniwala siya at
ang buo niyang sambahayan.
Ginawa ni Jesus ang ikalawang tandang ito pagkarating niya sa Galilea
galing Judea.
Pagninilay-nilay
Marami sa mga simbahan sa Pilipinas ay simbahan ng mga biyudang buhay
at mga ulila sa ama dahil hindi lamang sa mga samahang pansimbahan kundi
maging sa pagdiriwang ng misa, mas marami ang mga babaeng sumisimba habang
naiiwan sa bahay o nasa kung saang lugar ang mga ama ng tahanan.
Bakit mahirap para sa mga kalalakihan ang sumimba at bigyang-patotoo ang
kanilang pagsasadiyos? Hindi ba napakagandang karanasan kung magkakasama
ang buong mag-anak sa piling ng Diyos sa simbahan? Bilang ama ng tahanan,
siya ang tumatayong pinakapari ng buong pamilya kayat siya ang unang humaharap
at dumudulog sa Diyos sa ngalan ng kanyang mag-anak.
balik
calendario
Marso
4
Martes
Ika-4
na Linggo ng Kuwaresma
Casimiro
Unang Pagbasa: Ez 47:1-9, 12
Ebanghelyo: Jn 5:1-16 (or Jn 5:1-3, 5-16)*
Umahon pa-Jerusalem
si Jesus. May isang palanguyan sa Jerusalem na Betzata ang tawag sa Hebreo,
malapit sa Pintuan ng mga Tupa. May limang pasilyo ito na may bubong.
Nakahandusay sa mga ito ang isang pulutong ng mga maysakit, mga bulag,
mga pilay at mga lumpo (habang naghihintay sa pagkilos ng tubig. At doo'y
may taong tatlumpu't walong taon nang may sakit.
Pagkakita ni Jesus dito na nakahandusay at pagkaalam niya na matagal na
ito roon, sinabi niya sa kanya: "Gusto mo bang umigi?" Sumagot
sa kanya ang maysakit: "Wala po akong taong makapaghahagis sa akin
sa palanguyan kapag nakalawkaw na ang tubig. Habang paroon pa ako, may
lumulusong nang una sa akin."
Sinabi sa kanya ni Jesus: "Bumangon ka, buhatin mo ang iyong higaan
at maglakad-lakad!" At dagling umigi ang tao, at binuhat niya ang
kanyang higaan at naglakad-lakad.
Araw nga ng Pahinga ang araw na iyon. Kaya sinabi ng mga Judio sa taong
pinagaling: "Araw ng Pahinga ngayon at di ipinahihintulot na magbuhat
ka ng higaan. Sumagot siya sa kanila: "Ang nagpaigi sa akin ang siyang
nagsabi sa aking "Buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka."
Tinanong nila siya: "Sino ang taong nagsabi sa iyong 'Magbuhat at
maglakad-lakad?" Ngunit hindi alam ng pinagaling kung sino siya,
sapagkat nakatalilis si Jesus dahil maraming tao sa lugar na iyon.
Pagkatapos nito, natagpuan siya ni Jesus sa Templo at sinabi niya sa kanya:
"Hayan, maigi ka na. Huwag ka nang magkasala pa, at baka may masahol
pang mangyari sa iyo." Umalis ang tao at sinabi sa mga Judio na si
Jesus ang nagpaigi sa kanya. Dahil dito, inusig ng mga Judio si Jesus
sapagkat sa Araw ng Pahinga niya ginawa ang mga ito.
Pagninilay-nilay
Kung anu-anong mga pangako o panata ang ginagawa natin kapag may ipinagdarasal
at hinihiling tayo sa Panginoon: may mga lumalakad ng paluhod, may mga
nagdarasal nang nakadipa, at meron pang nagpapapako sa krus pagsapit ng
Mahal na Araw. Pero walang hinihinging kapalit sa atin ang Diyos para
sa kanyang mga biyayang kaloob at isa lang ang kanyang paanyaya-ang maniwala
tayo at manalig sa kanya. Kung ating mauunawaan ang pagmamagandang-loob
ng Diyos, hindi natin pahihirapan ang ating sarili kundi magsasaya tayo
at magdiriwang sa pagmamahal ng Panginoon.
balik
calendario
Marso
5
Miyerkules
Ika-4
na Linggo ng Kuwaresma
Unang
Pagbasa: Is 49:8-15
Ebanghelyo: Jn 5:17-30*
Sinabi ni Jesus: "Gumagawa pa rin ang aking Ama kaya gumagawa rin
ako." Kaya lalo pang hinangad ng mga Judio na patayin siya dahil
dito sapagkat hindi lamang niya nilalabag ang Araw ng Pahinga kundi sariling
Ama pa ang tawag niya sa Diyos, at ipinapantay niya ang sarili sa Diyos.
Kaya sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: "Talagang-talagang sinasabi
ko sa inyo, hindi makagagawa ng anuman sa sariling kusa ang Anak maliban
sa nakikita niyang ginagawa ng Ama. Anuman ang gawin niya, ganoon din
ang paggawa ng Anak.
Sapagkat mahal ng Ama ang Anak, at itinuro niya sa kanya ang lahat niyang
ginagawa. At mas mahalaga pang mga gawa ang ituturo niya kayat mamamangha
kayo.
Ibinabangon nga ng Ama ang mga patay at binibigyang-buhay; gayundin naman
binibigyang-buhay ng Anak ang sinumang loobin niya. At hinding-hindi nga
hinahatulan ng Ama ang sinuman kundi ibinigay niya sa Anak ang buong paghatol
at pararangalan ng lahat ang Anak gaya ng pagpaparangal nila sa Ama. Ang
hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Amang nagpadala
sa kanya.
Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na may buhay magpakailanman ang
nakikinig sa aking salita at naniniwala sa nagpadala sa akin. Nakatawid
na siya mula sa kamatayan tungo sa buhay, at hindi siya humahantong sa
paghuhukom.
Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na dumarating na ang oras, at ngayon
na nga, na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos at mabubuhay
ang mga nakaririnig. May Buhay ang Ama sa kanyang sarili, gayundin naman,
ibinigay niya sa Anak na magkaroon ng buhay sa kanyang sarili. At ibinigay
din niya sa kanya ang kapangyarihang maghukom sapagkat anak siya ng tao.
Huwag n'yo na itong pagtakhan: dumarating ang oras na maririnig ng lahat
ng nasa libingan ang tinig niya at magsisilabas sila: sa pagbangon sa
buhay ang mga gumawa ng mabuti, at sa pagbangon naman sa kapahamakan ang
mga gumawa ng masama.
Wala akong magagawa sa sariling kusa. Ayon sa naririnig ko ako naghuhukom.
At matuwid ang paghuhukom ko dahil hindi sariling kalooban ang hangad
ko kundi ang kalooban ng nagpadala sa akin.
Pagninilay-nilay
Makahulugan na ipinakilala ni Jesus sa atin ang Diyos bilang Ama. Hindi
siya Diyos na nasa kaitaas-taasan na hindi natin kayang abutin at walang
pakialam sa atin; hindi siya Diyos na hindi natin puwedeng sambitin ang
pangalan. May pangalan ang Diyos at tinatawag natin siyang "Tatay"
o "Ama."
Dahil Ama nating lahat ang Diyos at panganay na Kapatid natin si Jesus,
magkakapatid tayong lahat. Nasa piling ng Ama sa langit ang kaganapan
ng buhay na ating hinahanap at inaasam dito sa lupa. Sasapit din ang panahon
na uuwi tayong lahat sa bahay ng ating Ama sa langit.
balik
calendario
Marso
6
Huwebes
Ika-4
na Linggo ng Kuwaresma
Unang
Pagbasa: Ex 32:7-14
Ebanghelyo: Jn 5:31-47
Sinabi ni Jesus: "Kung nagpapatunay ako sa aking sarili, di mapanghahawakan
ang aking patunay. Ngunit iba ang nagpapatunay tungkol sa akin at alam
kong mapanghahawakan ang patunay niya tungkol sa akin. Nagpasugo kayo
kay Juan at binigyang-patunay niya ang katotohanan. Ipinaaalaala ko ito
para maligtas kayo; ngunit hindi ko hangad ang patunay mula sa tao. Siya
nga ang ilaw na may sindi at nagniningning, at ginusto n'yong magalak
pansamantala sa kanyang liwanag.
May patunay naman ako na higit pa kaysa kay Juan - ang mga gawang bigay
sa akin ng Ama upang tuparin ko ang mga iyon. Ang mga gawa mismong ginagawa
ko ang nagpapatunay na sinugo ako ng Ama.
At nagpapatunay rin sa akin ang Amang nagsugo sa akin. Kailanma'y di ninyo
narinig ang kanyang tinig ni nakita ang kanyang anyo. At hindi rin namamalagi
sa inyo ang kanyang salita dahil hindi kayo naniniwala sa kanyang sinugo.
Sinasaliksik ninyo ang mga Kasulatan dahil inaakala ninyong doon kayo
magkakaroon ng buhay magpakailanman. Nagpapatunay nga sa akin ang mga
iyon ngunit ayaw n'yong lumapit sa akin para mabuhay.
Hindi ko hangad ang papuri mula sa mga tao, ngunit kilala ko kayo: wala
sa inyong sarili ang pagmamahal sa Diyos. Sa ngalan ng aking Ama ako dumating
at hindi n'yo ako tinatanggap; kung sakaling may dumating sa sarili niyang
ngalan, siya ang inyong tatanggapin. Paano kayo makapaniniwala kung papuri
sa isa't isa ang hangad n'yo at hindi ang papuring galing sa tanging Diyos
ang hangad?
Huwag n'yong akalain na ako ang magsasakdal laban sa inyo sa harap ng
Ama. Si Moises ang nagsasakdal laban sa inyo, siya na inyong inaasahan.
Kung pinaniwalaan nga ninyo si Moises, paniniwalaan din sana ninyo ako
sapagkat tungkol sa akin siya nagsulat. Ngunit kung hindi n'yo paniniwalaan
ang kanyang mga sinulat, paano n'yo paniniwalaan ang aking mga pananalita?"
Pagninilay-nilay
Bago ako nagmisyon sa labas ng Pilipinas, akala ko'y hindi puwedeng
mabuhay nang mabuti ang sinuman kung hindi siya naniniwala sa Diyos. Pero
pag dating ko sa Macau, nakita kong hindi ito totoo. Mas marami sa mga
tagaroon ang walang relihiyon at hindi naniniwala sa Diyos pero higit
na makatao at mas makatarungan ang pamumuhay nila.
Regalo ng Diyos ang pananampalataya kaya kahit na wala sa ating nakakita
sa Diyos o kay Jesus, naniniwala pa rin tayo; natural para sa atin ang
sumampalataya. Pero hindi lamang grasya ang pananampalataya dahil bahagi
rin nito ang pagsasabuhay at pagpapatunay sa ating sinasampalatayanan.
balik
calendario
Marso
7
Biyernes
Ika-4
na Linggo ng Kuwaresma
Perpetua at Felicidad
Unang
Pagbasa: Kar 2:1a, 12-22
Ebanghelyo: Jn 7:1-2, 10, 25-30
Naglibot
si Jesus sa Galilea. Ayaw niyang maglibot sa Judea dahil balak siyang
patayin ng mga Judio. Malapit na ang piyesta ng mga Judio, ang piyesta
ng mga Kubol.
Pagkaahon ng kanyang mga kapatid sa piyesta, umahon din naman siya pero
palihim at hindi lantad.
Kaya sinabi ng ilang taga-Jerusalem: "Di ba't ito ang balak nilang
patayin? Pero tingnan n'yo't lantaran siyang nangungusap, at wala silang
anumang sinasabi sa kanya. Alam nga kaya ng mga pinuno na siya ang Kristo?
Pero alam natin kung saan siya galing. Ngunit pagdating ng Kristo, walang
makaaalam kung saan siya galing."
Kaya nang mangaral si Jesus sa Templo, pasigaw niyang sinabi: "Kilala
n'yo nga ako at alam n'yo kung saan ako galing! Ngunit hindi ako pumarito
sa ganang sarili ko. Ipinadala ako ng Totoo na hindi n'yo kilala. Kilala
ko siya pagkat sa kanya ako galing at siya ang nagsugo sa akin."
Balak nilang dakpin siya ngunit walang nagbuhat sa kanya ng kamay sapagkat
hindi pa sumasapit ang kanyang oras.
Pagninilay-nilay
Panginoon, tinawag at pinili mo kami upang pagkalooban ng biyaya ng
pananampalataya. Salamat sa kaloob mong ito dahil buháy para sa
amin ang Diyos; nadarama namin siya sa aming buhay. Salamat sa pagpapakilala
mo ng iyong sarili dahil nararanasan naming kasama at kasabay ka namin
sa paglalakbay sa aming buhay.
Kung paanong ipinakilala mo sa amin ang Diyos, maipakilala din nawa namin
Siya sa aming kapwa sa pamamagitan ng aming buhay sa araw-araw. Mapatunayan
nawa namin sa pamamagitan ng aming pakikipagkapwa na totoong buháy
ang Diyos sa aming piling.
balik
calendario
Marso
8
Sabado
Ika-4
na Linggo ng Kuwaresma
Juan de Dios
Unang
Pagbasa: Jer 11:18-20
Ebanghelyo: Jn 7:40-53
Maraming
taong nakarinig sa mga salita ni Jesus ang nagsabing: "Totoo ngang
ito ang Propeta." Sinabi naman ng iba: "Ito ang Mesiyas."
Ngunit sinabi ng iba pa: "Sa Galilea ba manggagaling ang Mesiyas?
Di ba't sinabi ng Kasulatan, na sa binhi ni David at mula sa Betlehem
na nayon ni David galing ang Kristo?" Kaya nahati ang mga tao dahil
sa kanya. Balak ng ilan sa kanila na dakpin siya ngunit walang nagbuhat
sa kanya ng kamay.
Kaya nagbalik ang mga bantay ng Templo sa mga punong-pari at mga Pariseo,
at sinabi naman ng mga ito sa kanila: "Ba't di n'yo siya dala?"
Sumagot ang mga bantay: "Kailanma'y wala pang taong nangusap gaya
ng pangungusap ng taong ito." Kaya sinagot sila ng mga Pariseo: "Nalinlang
din pala kayo! May mga pinuno ba o Pariseong nanalig sa kanya? Pero ang
mga taong ito na hindi alam ang Batas: mga isinumpa sila!"
Nagsalita ang isa sa kanila, si Nicodemo. Siya ang nagpunta kay Jesus
noong una. At sinabi niya: "Hinahatulan ba ng ating Batas ang sinuman
nang hindi muna siya dinidinig para alamin ang kanyang ginagawa?"
Sumagot sila sa kanya: "Taga-Galilea ka rin ba? Saliksikin mo't tingnan,
mula Galilea'y walang lumilitaw na Propeta."
At umuwi ang bawat isa sa kanila.
Pagninilay-nilay
Tuwing sasapit ang halalan, iba't ibang magagandang pangako ang ginagawa
ng ating mga pulitiko pero pagkatapos ng eleksyon, karaniwa'y nauuwi sa
wala ang lahat ng kanilang mga sinabi. Madali nilang napapaniwala ang
ilan pero mas marami sa atin ang nakaaalam na binobola lamang nila tayo.
At dahil dito, nagpapasya tayong magsawalang-kibo dahil iniisip nating
wala namang mangyayaring pagbabago sa ating buhay at lipunan ilanmang
eleksyon ang dumaan.
Wala ngang magaganap na pagbabago kung walang magsisimula ng pagbabago
at magsasawalang-kibo na lamang tayo. Hindi magkakaroon ng anumang pag-asa
sa ating lipunan kung walang magsisimulang kumilos sa atin.
balik
calendario
Marso
9
Linggo
Ika-5
Linggo ng Kuwaresma
Unang
Pagbasa: Ez 37:12-14
Kaya magpahayag
ka. Sabihin mo sa kanila: Ito ang salita ni Yawe: Bubuksan ko ang inyong
libingan. Iaahon ko kayo sa inyong mga puntod, aking bayan, at aakaying
pabalik sa lupang Israel. Makikilala ninyo na ako si Yawe. O bayan ko,
kapag binuksan ko na ang inyong libingan at inilabas ko roon, kapag inilagay
ko sa inyo ang aking Espiritu at nabuhay kayo. Itatatag ko kayo sa inyong
lupain, at mababatid ninyo na akong si Yawe ang nagsabi at tumupad sa
aking sinabi."
Slm
130:1-2, 3-4, 5-6, 7-8
Nasa Panginoon ang awa at masaganang katubusan.
Ikalawang
Pagbasa: Rom 8:8-11
Mga kapatid,
kaya hindi makapagbibigay-lugod sa Diyos ang mga sumusunod sa laman.
Wala nga kayo sa ilalim ng laman kundi sa espiritu dahil sa inyo nananahan
ang Espiritu ng Diyos. Kung wala ang Espiritu ni Kristo sa sinuman, hindi
siya kay Kristo. Nasa inyo nga si Kristo, at kahit na patay ang katawan
dahil sa kasalanan, buhay naman ang espiritu dahil sa pagkamatuwid. At
kung nasa inyo ang Espiritu ng nagpa-bangon kay Jesus mula sa mga patay,
bubuhaying muli ng nagpabangon kay Kristo mula sa mga patay ang inyong
mga kamatayang katawan sa bisa ng kanyang Espiritung nananahan sa inyo.
Ebanghelyo:
Jn 11:1-45 (o 3-7, 17, 20-27, 33-45)*
Ngayon, may isang maysakit na Lazaro ang pangalan. Taga-Betania siya,
sa nayon ni Maria at ni Martang kapatid nito. Si Maria ang nagpahid ng
pabango sa Panginoon at nagpunas ng kanyang buhok sa mga paa niya. At
may sakit ang kapatid niyang si Lazaro.
Kaya nagsugo ang magkapatid kay Jesus para sabihin: "Panginoon, maysakit
ang iyong iniibig." Pagkarinig nito, sinabi ni Jesus: "Hindi
tungo sa kamatayan ang pagkakasakit na ito kundi alang-alang sa ikaluluwalhati
ng Diyos at luluwalhatiin ang Anak ng Tao sa pamamagitan nito."
Mahal ni Jesus si Marta at ang kapatid nitong babae at si Lazaro. Ngunit
pagkarinig niyang may sakit ito, dalawang araw pa siyang namalagi sa lugar
na iyon. Pagkaraan lamang nito saka niya sinabi sa mga alagad: "Tayo
na uli sa Judea." Sinabi sa kanya ng mga alagad: "Rabbi, ngayon-ngayon
lang eh pinagtatangkaan kang batuhin ng mga Judio at pupunta ka uli roon?"
Sumagot si Jesus: "Di ba't labindalawang oras meron sa maghapon?
Hindi natitisod sinumang naglalakad sa araw sapagkat nakikita niya ang
liwanag ng mundong ito. Ngunit natitisod ang sinumang naglalakad sa gabi
sapagkat wala sa kanya ang liwanag."
Sinabi niya ito at saka niya winika sa kanila: "Nahihimlay na ang
kaibigan nating si Lazaro pero pupunta ako para gisingin siya." Kaya
sinabi ng mga alagad sa kanya: "Panginoon, kung nahihimlay na siya,
pagaling na siya." Ang pagkamatay niya ang tinutukoy ni Jesus. Inakala
naman nilang paghimlay na pagtulog ang sinasabi niya. Kaya noo'y lantarang
sinabi sa kanila ni Jesus: "Patay na si Lazaro. Pero nagagalak ako
para sa inyo at wala ako roon kaya maniniwala kayo. Puntahan natin siya."
Kaya sinabi ni Tomas na tinaguriang Kambal sa kanyang mga kapwaalagad:
"Pumunta rin tayo at mamatay kasama niya."
Pagdating ni Jesus, apat na araw na palang nakalibing si Lazaro. Malapit
ang Betania sa Jerusalem, halos tatlong kilometro ang layo. Marami sa
mga Judio ang pumunta kina Marta at Maria para makiramay sa kanila sa
kanilang kapatid.
Kaya pagkarinig ni Marta na dumarating si Jesus, sinalubong niya ito.
Si Maria naman ay nakaupo sa bahay. At sinabi ni Marta kay Jesus: "Panginoon,
kung naririto ka, hindi sana namatay ang kapatid ko. Ngunit kahit na ngayon,
alam kong anuman ang hingin mo sa Diyos ay ibibigay sa iyo ng Diyos."
Sinabi sa kanya ni Jesus: "Babangon ang kapatid mo." Sinabi
naman sa kanya si Marta: "Alam kong babangon siya sa pagkabuhay sa
huling araw."
Sinabi sa kanya ni Jesus: "Ako siyang pagkabuhay (at ang buhay).
Mabubuhay ang nananalig sa akin kahit na mamatay siya. Hinding-hindi mamamatay
kailanman ang bawat nabubuhay at nananalig sa akin. Pinaniniwalaan mo
ba ito?"
Sinabi niya sa kanya: "Oo, Panginoon. Nananalig nga ako na ikaw ang
Kristo, ang Anak ng Diyos, na dumarating sa mundo."
Pagkasabi nito, umalis siya at pabulong na tinawag si Mariang kapatid
niya: "Narito ang Guro at tinatawag ka." Pagkarinig naman nito,
madali itong tumindig at pumunta sa kanya. Hindi pa nakararating si Jesus
sa nayon kundi naroon pa kung saan siya sinalubong ni Marta. Nakita ng
mga Judiong kasama ni Maria sa bahay at nakikiramay sa kanya na nagmamadali
siyang tumayo at lumabas kaya nagsunuran sila sa kanya sa pagaakalang
papunta siya sa libingin upang doon humagulhol.
Pagkarating ni Maria sa kinaroroonan ni Jesus at pagkakita sa kanya, nagpatirapa
siya sa paanan nito at nagwika sa kanya: "Panginoon, kung naririto
ka, hindi sana namatay ang aking kapatid." Kaya nang makita ni Jesus
na humahagulhol siya pati ang mga Judiong nangagsisama sa kanya, nabagbag
ang loob niya at naligalig ang sarili. At sinabi niya: "Saan n'yo
siya inilagay?" Sinabi nila sa kanya: "Panginoon, halika't tingnan
mo." Lumuha si Jesus.
Kaya sinabi ng mga Judio: "Tingnan n'yo kung gaano ang pag-ibig niya
sa kanya." Sinabi naman ng ilan sa kanila: "Pinadilat nga niya
ang mga mata ng bulag; hindi rin kaya niya magagawang huwag mamatay ang
taong ito?"
Muling nabagbag ang sarili ni Jesus at dumating siya sa libingan. Isang
yungib ito at may batong nakatakip doon. Sinabi ni Jesus: "Alisin
n'yo ang bato." Sinabi sa kanya ni Martang kapatid ng yumao: "Panginoon,
nangangamoy na siya ngayon dahil apat na araw na." Sinabi sa kanya
ni Jesus: "Di ba't sinabi ko sa iyo na kung nananalig ka, masasaksihan
mo ang kaluwalhatian ng Diyos?" At inalis nila ang bato.
Tumingala naman si Jesus at nagsabi: "Ama, pinasasalamatan kita pagkat
dininig mo ako. Alam kong lagi mo akong dinidinig ngunit dahil sa mga
taong nakapaligid kaya ako nangusap upang manalig na sila na ikaw ang
nagsugo sa akin." Pagkasabi niya nito, buong-lakas siyang sumigaw:
"Lazaro, halika sa labas!" Lumabas ang namatay na natatalian
ng telang panlibing ang mga paa at kamay, at napupuluputan din ng panyo
ang mukha niya. At sinabi ni Jesus sa kanila: "Kalagan siya nang
makalakad."
Kaya nanalig sa kanya ang marami sa mga Judiong pumunta kay Maria at nakasaksi
sa kanyang ginawa.
Pagninilay-nilay
Kamatayan. Kakambal ng birthday ang deathday-ang araw ng kamatayan.
Likas na bahagi ito ng buhay at walang sinumang makatatakas dito. Ngunit
hangga't maaari, ayaw nating harapin at tanggapin ang katotohanang ito.
Para sa mga sumasampalataya sa Diyos, paghimlay ang kamatayan at hindi
wakas ng lahat, tulad ng sinabi ni Jesus tungkol sa kanyang kaibigang
si Lazaro. Hindi sa kamatayan nagwawakas ang lahat dahil kung magkakagayon,
mas mabuti pa kaysa atin ang mga bu-laklak na pagkatapos ng ilang araw
na pamumukadkad ay natutuyo at nalalagas na kusa. Paghimlay ang kamatayan
upang magising tayo sa buhay na magpakailanman.
balik
calendario
Marso
10
Lunes
Ika-5
Linggo ng Kuwaresma
Unang Pagbasa: Dn 13:1-9, 15-17, 19-30, 33-62
Ebanghelyo: Jn 8:1-11
Pumunta
naman si Jesus sa Bundok ng mga Olibo. Maaga siyang muli sa Templo, at
naglapitan sa kanya ang lahat ng tao, at pagkaupo niya'y, nangaral siya
sa kanila.
Dinala naman ng mga guro ng Batas at ng mga Pariseo ang babaeng huling-huli
sa pakikiapid. Pinatayo nila siya sa gitna, at sinabi nila kay Jesus:
"Guro, huling-huli sa akto ang babaeng ito na nakikiapid. Iniutos
sa amin ni Moises sa Batas na batuhin ang ganitong mga babae; ano naman
ang sabi mo?" Sinabi nila ito bilang pagsubok sa kanya upang may
maiparatang sila sa kanya.
Yumuko naman si Jesus at nagsulat sa lupa sa pamamagitan ng kanyang daliri.
Nang magpatuloy sila sa pagtatanong sa kanya, tumindig siya at sinabi
sa kanila: "Ang walang sala sa inyo ang unang bumato sa kanya."
At muli siyang yumuko at nagsulat sa lupa.
Ang mga nakarinig nama'y isa-isang nag-alisan mula sa matatanda, at naiwan
siyang mag-isa pati ang babae na nasa gitna. Tumindig si Jesus, at sinabi
sa kanya, "Babae, nasaan sila? Wala bang humatol sa iyo?" At
sinabi niya: "Wala, Panginoon." Sinabi ni Jesus: "Hindi
rin kita hahatulan. Humayo ka at mula ngayo'y, huwag nang magkasala pa."
Pagninilay-nilay
Huling-huli sa akto ng pakikiapid-ito ang sinabi ng mga lalaki tungkol
sa babaeng iniharap nila kay Jesus. Paano kaya nila nahuli sa mismong
akto ng pakikiapid ang babae?
Hindi lang minsang yumuko si Jesus at nagsulat sa lupa: ito ang una niyang
ginawa sa halip na sagutin ang sumbong sa kanya ng mga lalaki, at pagkasulat
sa lupa ay saka siya nagsalita. Ano kaya ang isinulat ni Jesus sa lupa?
Nakukulayan ng tingin natin sa ating kapwa ang pakikitungo natin sa kanila.
Kung ikinakahon natin ang ating kapwa, wala tayong makikitang pagbabago
sa kanyang buhay. Bigyan natin sila ng pagkakataon at huwag husgahan.
balik
calendario
Marso
11
Martes
Ika-5
Linggo ng Kuwaresma
Mahal na Birhen ng Lourdes
Unang
Pagbasa: Blg 21:4-9
Ebanghelyo: Jn 8:21-30
Sinabi ni
Jesus sa mga Pariseo, "Aalis ako at hahanapin ninyo ako, at sa inyong
kasalanan kayo mamamatay. Kung saan ako pupunta, hindi kayo makaparoroon."
Kaya sinabi ng mga Judio: "Magpapakamatay kaya siya kaya niya sinasabing
'Kung saan ako pupunta, hindi kayo makaparoroon'?"
At sinabi ni Jesus sa kanila: "Tagaibaba kayo; tagaitaas naman ako.
Tagamundong ito kayo. Hindi ako tagamundong ito. Kaya sinabi ko sa inyo
na sa inyong mga kasalanan kayo mamamatay. Sa inyong mga kasalanan nga
kayo mamamatay kung hindi kayo maniniwalang Ako Siya."
At sinabi nila sa kanya: "Sino ka ba?" sinabi naman sa kanila
ni Jesus: "Ba't pa kaya ako mangungusap sa inyo? Marami akong masasabi
at mahuhukuman tungkol sa inyo. Totoo nga ang nagpadala sa akin; at ang
narinig ko mula sa kanya-ang mga ito ang sinasabi ko sa mundo."
Hindi nila naintindihan na ang Ama ang tinutukoy niya. At sinabi ni Jesus:
"Kapag itinaas ninyo ang Anak ng Tao, maiintindihan ninyong Ako siya
at wala akong ginagawa sa ganang sarili ko kundi ayon sa iniaral sa aking
ng Ama-ang mga ito ang aking sinasabi. Kasama ko nga ang nagpadala sa
akin at hindi niya ako iniiwang nag-iisa pagkat lagi kong ginagawa ang
mga kalugud-lugod sa kanya."
Habang sinasabi ito ni Jesus, marami ang nanalig sa kanya.
Pagninilay-nilay
Higit na nakaririwasa ang siyudad ng Hong Kong at ang bansang Hapon
kaysa Pilipinas pero sa kabila ng yaman at karangyaan ng mga lugar na
iyon, mas marami ang bilang ng mga tagaroon na nagpapasyang magpakamatay.
May mga nagpapakamatay sa pamamagitan ng uling at meron namang nagpapasagasa
sa tren.
Mas mahirap ang buhay natin sa Pilipinas at higit na marami at sapin-sapin
ang mga problema sa buhay. Pero sa kabila ng lahat ng ito, nagagawa pa
rin nating ngumiti upang patuloy na mabuhay. Salamat sa biyaya ng pananampalataya
na kaloob sa atin upang makaraos sa anumang pagsubok sa buhay.
balik
calendario
Marso
12
Miyerkules
Ika-5
Linggo ng Kuwaresma
Unang
Pagbasa: Dn 3:14-20, 91-92, 95
Ebanghelyo: Jn 8:31-42
Kaya sinabi ni Jesus sa mga Judiong nanalig sa kanya: "Kung mamamalagi
kayo sa aking salita, totoong mga alagad ko kayo, at maintindihan ninyo
ang katotohanan, at palalayain kayo ng katotohanan." Sumagot sila
sa kanya: "Binhi kami ni Abraham at hinding-hindi kami nagpaalipin
kaninuman. Paano mo masasabing 'Palalayain kayo'?" Sumagot sa kanila
si Jesus: "Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na alipin ng kasalanan
bawat gumagawa ng kasalanan. Ngunit hindi namamalagi magpakailanman sa
bahay ang alipin. Ang anak ang namamalagi magpakailanman. Kaya kung ang
Anak ang nagpapalaya sa inyo, totoong magiging malaya kayo. "Alam
kong binhi kayo ni Abraham. Ngunit dahil walang lugar sa inyo ang aking
salita, hangad n'yo akong pata-yin. Ang nakita ko sa piling ng Ama ang
sinasabi ko, at ang narinig n'yo naman mula sa inyong ama ang inyong ginagawa."
Kaya sumagot sila at sinabi sa kanya: "Si Abraham ang aming ama."
Sinabi sa kanila ni Jesus: "Kung mga anak kayo ni Abraham, mga gawa
sana ni Abraham ang inyong ginagawa. Ngunit ngayon, hangad n'yo akong
patayin, na taong nagsasabi sa inyo ng katotohanang narinig ko mula sa
Diyos. Hindi ito gawa ni Abraham. Mga gawa nga ng inyong ama ang inyong
ginagawa." Kaya sinabi nila sa kanya: "Hindi kami mga anak sa
labas. Isang ama lamang meron kami-ang Diyos."
Sinabi sa kanila ni Jesus: "Kung ang Diyos nga ang inyong Ama, mamahalin
n'yo sana ako sapagkat sa Diyos ako galing at ngayo'y naparito. Dumating
ako hindi sa ganang sarili ko kundi siya ang nagsugo sa akin."
Pagninilay-nilay
Natural lang sa magkakapatid ang mag-away o magkasamaan ng loob pero
hindi normal ang magkimkim pagkainis at habambuhay na hindi makipagkasundo
sa kapatid. Parang kanser ang sama ng loob-kumakalat ito sa ibang bahagi
ng ating buhay kung hindi agad natin ito maiwawaksi.
Dinarasal natin araw-araw ang "Ama Namin" pero naniniwala ba
tayo sa tunay na kahulugan nito? Kung itinuturing mong Ama ang Diyos,
kapatid mo rin na maituturing ang iyong kapwa dahil mga anak din sila
ng Diyos! Oo, kapatid mo rin ang kinaiinisan mong kapitbahay at maging
ang kakilala mong hindi masikmura ang ugali. Magkakapatid tayong lahat
sa iisang Ama sa langit.
balik
calendario
Marso
13
Huwebes
Ika-5
Linggo ng Kuwaresma
Unang
Pagbasa: Gen 17:3-9
Ebanghelyo: Jn 8:51-59
Sinabi ni Jesus: "Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, kung may
nagsasakatuparan ng aking salita, hinding-hindi niya papansinin ang kamatayan
magpakailanman."
Kaya sinabi sa kanya ng mga Judio: "Alam na namin ngayon na may demonyo
ka nga. Namatay si Abraham pati ang mga propeta at sinasabi mong 'Kung
may nagsasakatuparan ng aking salita, hinding-hindi siya lalasap ng kamatayan
magpakailanman.' Mas dakila ka pa ba kaysa ama naming si Abraham na namatay?
Nangamatay pati ang mga propeta. Sino ka ba sa akala mo?"
Sumagot si Jesus: "Kung ako ang pumupuri sa aking sarili, walang
saysay ang aking papuri. Ang ama ko ang pumupuri sa akin, siya na sinasabi
n'yong 'Diyos namin.' Hindi n'yo siya kilala pero kilala ko siya. Kung
sasabihin kong hindi ko siya kilala, magiging sinungaling akong tulad
n'yo. Pero kilala ko siya at isinasa-katuparan ko ang kanyang salita.
?"Nagalak ang inyong amang si Abraham at makikita niya ang Araw ko;
nakita nga niya at siya'y natuwa."
?Kaya sinabi ng mga Judio sa kanya: "Wala ka pang limampung taon
at nakita mo na si Abraham?" ?Sinabi sa kanila ni Jesus: "Talagang-talagang
sinasabi ko sa inyo, bago pa man si Abraham, ako na nga."
Kaya dumampot sila ng mga bato para ibato sa kanya. Pero nagtago si Jesus
at umalis sa Templo.
Pagninilay-nilay
Kinakagawian na sa simbahan na kung sino ang pari, siya ang hari. Kaya
naman kahit na dadalawampu't apat na taong gulang pa lamang ang bagong
pari, tumatahimik tayo sa harap niya at wala nang imik kahit na nga hingan
pa niya tayo ng kurukuro.
Hindi monarkiya ang simbahan kundi pamayanan ng mga tagasunod ni Jesus;
isang malaking mag-anak tayo ng Diyos. Bahagi ng pagiging komunidad ang
pag-uusap at pagbabahaginan, at pakikinig sa isa't isa. May tungkulin
tayong ginagampanan sa simbahan, na siyang Katawan ni Kristo. At mula
sa ating mga karanasan, marami ring matututuhan si Father.
Marso
14
Biyernes
Ika-5
Linggo ng Kuwaresma
Cirilo at Metodio
Unang
Pagbasa: Jer 20:10-13
Ebanghelyo: Jn 10:31-42
Muling dumampot ng mga bato ang mga Judio para batuhin siya. Sinagot sila
ni Jesus: "Maraming mabubuting gawa mula sa Ama ang itinuro ko sa
inyo. Dahil sa alin sa mga ito at binabato n'yo ako?" Sinagot siya
ng mga Judio: "Binabato ka namin hindi dahil sa mabuting gawa kundi
dahil sa paglapastangan pagkat gayong tao ka, itinu-turing mong Diyos
ang iyong sarili." Sumagot sa kanila si Jesus: "Di ba't nasusulat
sa inyong Batas: Sinabi ko, mga diyos kayo? Kaya tinawag na mga diyos
ang mga kinakausap ng salitang ito ng Diyos, at hindi mapawawalang-saysay
ang Kasulatan. Kung gayon, bakit n'yo sinasabing lapastangan ako sa pagsasabi
kong Anak ako ng Diyos-ako na pinabanal ng Ama at sinugo sa mundo?
"Kung hindi ko tinatrabaho ang mga gawa ng aking Ama, huwag n'yo
akong paniwalaan. Kung ginagawa ko naman, kahit na hindi kayo naniniwala
sa akin, paniwalaan ninyo ang mga gawa. Kaya malalaman n'yo na nasa akin
ang Ama at ako'y nasa Ama."
Kaya muli nilang pinagtangkaang dakpin siya ngunit nakatalilis siya sa
kanilang kamay. At muli siyang lumayo pakabilang-ibayo ng Jordan sa lugar
na pinagbibinyagan ni Juan sa simula. At doon siya namalagi. Marami ang
pumunta sa kanya at kanilang sinabi: "Wala ngang ginawang tanda si
Juan pero totoong lahat ang sinabi ni Juan tungkol sa kanya." At
doo'y marami ang nanalig sa kanya.
Pagninilay-nilay
Jesus, mahigit sa 2,000 taon na ang nakalilipas mula nang mabuhay ka
dito sa mundo ngunit patuoy pa ring buhay sa daigdig ang iyong alaala.
Nang isilang ka, nahati ang panahon at nagsimula ang pagbilang ng mga
taon, hanggang umabot kami sa ikadalawanlibu't-walong taon!
Kasama ka pa rin namin hanggang sa taong ito. Patatagin mo nawa ang aming
pananalig sa iyo at sa Magandang Balitang hatid mo sa amin. Nagpakatao
ka upang maihatid kami sa iyong Ama bilang kanyang mga anak. Hinubad mo
ang iyong pagkadiyos at naging tao upang bihisan kami sa iyong pagkadiyos.
Ituro mo sa amin ang daang ito ng pagpapakatao.
balik
calendario
Marso
15
Sabado
Jose,
Kabiyak ng Puso ng Mahal na Birhen
Unang
Pagbasa: 2 S 7:4-5a, 12-14a, 16
Ikalawang Pagbasa: Rom 4:13; 16-18, 22
Ebanghelyo: Mt 1:16, 18-21, 24a
Si Jacob
ang ama ni Jose-ang asawa ni Maria na siyang pinagmulan ni Jesus na tinawag
na Kristo.
Ganito ipinanganak si Jesucristo. Ipinagkasundo na kay Jose ang kanyang
inang si Maria pero bago sila nagsama bilang mag-asawa, nagdadalantao
na siya gawa ng Espiritu Santo.
Kaya binalak ni Jose na hiwalayan nang lihim ang kanyang asawa. Matuwid
nga siya at ayaw niya itong mapahiya.
Habang iniisip-isip niya ito, napakita sa kanya sa panaginip ang Anghel
ng Panginoon at sinabi: "Jose, anak ni David, huwag kang matakot
na tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Gawa ng Espiritu Santo kaya
siya naglihi, at manganganak siya ng sanggol na lalaki, na pangangalanan
mong Jesus sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang sambayanan mula sa
kanilang mga kasalanan."
Kaya pagkagising ni Jose, ginawa niya ang sinabi ng Anghel ng Panginoon
at tinanggap niya ang kanyang asawa.
Pagninilay-nilay
Kung paanong iilan lamang sa ating mga ama ang malapit sa simbahan,
gayon din naman si Jose pagdating sa kanyang papel sa buhay ni Jesus ayon
sa Ebanghelyo. Sa pagsilang lamang ni Jesus siya nababanggit dahil si
Maria lamang na kanyang asawa at ina ni Jesus ang nababanggit sa mga salaysay
tungkol sa pangangaral hanggang pagkamatay at pagkabuhay ni Jesus.
Ngunit alalahanin ang mahalagang papel ng isang ama sa pamilyang Hebreo.
Ang ama ang siyang namumuno sa panalangin at siyang pangunahing guro sa
pamilya. Mula sa ganitong kaugalian, makikita natin na si Jose ang unang
nagturo kay Jesus tungkol sa panalangin at pananampalataya.
Marso
16
Linggo
Linggo
ng Palaspas
(Linggo ng Pagpapakasakit ng Panginoon)
Unang
Pagbasa: Is 50:4-7
Tinuruan
akong magsalita ni Yaweng Panginoon upang malaman ko ang salitang magpapasigla
sa nanlulupaypay. Tuwing umaga'y ginigising niya ako upang makinig tulad
ng disipulo. Binuksan ni Yaweng Panginoon ang aking mga tainga. Hindi
ako tumanggi ni umurong, ibinigay ko ang aking likod sa mga humahampas
sa akin, ang aking mga pisngi sa humahaltak sa aking balbas; ni hindi
ko iniiwas ang mukha sa lura at pandurusta. Hindi ako nawalan ng pag-asa
sapagkat si Yaweng Panginoon ang tumutulong sa akin. Iniharap kong parang
bato ang aking mukha pagkat alam kong hindi ako mapapahiya.
Slm
22:8-9, 17-18, 19-20, 23-24
Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?
Ikalawang
Pagbasa: Fil 2:6-11
Nasa katayuan
siya ng Diyos kaya hindi niya inambisyong makapantay ang Diyos. Sa halip
sinaid pa ang sarili sa pag-aanyo niyang alipin at sa pagiging tulad ng
mga tao: natagpuan nga siyang kamukha ng tao. Nagpakababa siya at naging
masunurin hang-gang kamatayan, hanggang kamatayan sa krus. Dahil dito
itinampok siya ng Diyos at binigyan ng Pangalang mataas pa sa alinmang
pangalan upang paluhod na sumamba ang lahat sa Pangalan ni Jesus sa kalangitan,
sa lupa at sa kailaliman at ipahayag ng tanang dila na Panginoon si Kristo
Jesus para sa kaluwalhatian ng Diyos Ama.
Ebanghelyo:
Mt 27:11-54
Tumayo si Jesus sa harap ng gobernador at tinanong siya nito: "Ikaw
ba ang Hari ng mga Judio?" Sumagot si Jesus: "Ikaw ang nagsasabi."
Pinaratangan naman siya ng mga punong-pari at Matatanda pero hindi siya
sumagot. Kaya sinabi sa kanya ni Pila-to: "Naririnig mo ba ang marami
nilang sakdal laban sa iyo?"Ngunit hindi siya umimik ni isa mang
salita kaya nagtaka ang gobernador.
May kaugalian sa Piyesta na pinalalaya ng gobernador ang sinumang bilang-gong
gustuhin ng bayan. At may tanyag na bilanggo roon na nagngangalang Barabbas.
Sa kanilang pagtiti-pon, nagta-nong si Pilato: "Sino ang gusto ninyong
paka-walan ko: si Barabbas o si Jesus na tinatawag na Kristo?" Alam
nga niya na ipi-nadala nila sa kanya si Jesus dahil sa inggit.
Habang nakaupo sa hukuman si Pilato, nagpasabi ang kanyang asawa: "Huwag
kang makialam sa matuwid na taong iyan. Labis akong pinahirapan ng panaginip
ko kagabi dahil sa kanya."
Sinulsulan naman ng mga punong-pari at Matatanda ang mga tao para hingin
si Barabbas at ipaligpit si Jesus. Kaya nang tanungin uli sila ng gobernador:
"Sino sa kanila ang gusto ninyong palayain ko?", sumagot sila:
"Si Barab-bas." Tinanong sila ni Pilato: "At ano ang gagawin
ko kay Jesus na tinatawag na Kristo?" At nagsisagot ang lahat: "Ipako
siya sa krus!" Ipinilit ni Pilato: "Ano ang kan-yang kasalanan?"
Ngunit lalo nilang nilakasan ang sigaw: "Ipako iyan sa krus!"
Nakita ni Pilato na wala siyang ma-gagawa at baka magkagulo pa ang mga
tao. Kaya humingi siya ng tubig at nag-hugas ng kanyang kamay sa harap
ng mga tao habang sinasabi: "Wala akong pananagutan sa kanyang dugo.
Kayo ang mananagot." At sumagot ang lahat: "Mabuhos nawa sa
amin at sa aming mga anak ang kanyang dugo." Kaya pinalaya ni Pilato
si Barabbas ngunit ipinahagupit naman si Jesus at ibinigay para ipako
sa krus.
At ipinasok si Jesus ng mga sun-dalo ng gobernador sa Pretorio o bulwagan,
at tinawag ang buong hukbo sa paligid niya. 28?Hinubaran nila siya at
dinamitan ng kulay-pulang balabal. At pumilipit sila ng isang koronang
tinik, ipinutong ito sa kanyang ulo at inilagay ang isang patpat sa kanyang
kanang kamay. At saka sila lumuhod sa harap ni Jesus at nilibak siya sa
pagsasabing: "Mabuhay ang Hari ng mga Judio!" Dinuraan nila
siya, kinuha ang patpat sa kanyang kamay at inihampas ito sa kanyang ulo.
Matapos nila siyang libakin, inalis nila ang pulang balabal, isinuot sa
kanya ang sariling damit at inilabas para ipako sa krus.
Paglabas nila, may nasalubong sila na isang lalaking taga-Cirene na nagngangalang
Simon, at pinilit nila siyang pasanin ang krus ni Jesus. Pagkarating sa
lugar na tinatawag na Golgota (o Kalbaryo) na ibig sabihi'y Lugar ng Bungo,
?pinainom nila siya ng alak na hinaluan ng apdo. Tinikman ito ni Jesus
ngunit hindi niya ito ininom.
Doon nila siya ipinako sa krus at pinaghati-hatian sa sugal ang kanyang
mga damit. At saka sila naupo para bantayan siya. Ipinaskel naman nila
sa ulunan niya ang nakasulat na sakdal laban sa kanya: "Ito si Jesus,
ang Hari ng mga Judio."?Ipinako rin nilang kasama niya ang dalawang
kriminal, isa sa kanyang kanan at isa sa kanyang kaliwa.
Umiiling ang mga nagdaraan at iniinsulto siya: "Aha! gigibain mo
pala ang Templo at itatayong muli sa loob ng tatlong araw. Kaya iligtas
mo ngayon ang iyong sarili at bumaba ka sa krus kung ikaw nga ang Anak
ng Diyos!"
Pinagtawanan din siya ng mga punong-pari, mga Matatanda at mga guro ng
Batas. Sinabi nila: "Nailigtas niya ang iba, at sarili niya'y di
mailigtas! Bumaba ngayon ang Hari ng Israel mula sa krus at maniniwala
kami sa kanya. Nagtiwala siya sa Diyos kaya iligtas siya nito kung mahal
siya ng Diyos. Sinabi nga niyang: Ako ang Anak ng Diyos."
At ininsulto rin siya ng mga kriminal na kasama niyang ipinako.
Mula tanghaling-tapat hanggang hapon, nagdilim ang buong lupain. Nang
ikatlo ng hapon, sumigaw si Jesus nang malakas: "Eloi, Eloi, lamma
sabactani?" na ang kahuluga'y "Diyos ko, Diyos ko, bakit mo
ako pinabayaan?" Nang marinig ito ng ilan sa mga naroon, sinabi nila:
"Tinatawag niya si Elias." Tumakbo ang isa sa kanila, kumuha
ng espongha, isinawsaw ito sa suka, inilagay sa patpat at pinainom siya.
Sinabi naman ng iba: "Huwag, tingnan natin kung ililigtas siya ni
Elias."
Muling sumigaw si Jesus nang malakas at pinayaon ang espiritu.
Sa sandaling iyon, napunit mula itaas hanggang baba ang kurtina ng Santuwaryo;
nayanig din ang lupa at nabiyak ang mga bato. May mga libi-ngang nabuksan
at may mga nabuhay sa mga banal na yumao. Lumabas nga sila sa kanilang
mga libingan matapos ang pagkabuhay ni Jesus, at pumasok sila sa Banal
na Lunsod at napakita sa marami.
Lubhang natakot ang kapitan at ang mga sundalong nagbabantay kay Jesus
nang makita ang lindol at lahat ng nangyari, at sinabi nila: "Anak
nga siya ng Diyos."
Pagninilay-nilay
Palaspas. Murang dahon ng niyog na ginagamit sa paggawa ng suman ang
siya ring ginagamit natin sa pagsalubong kay Jesus tuwing Linggo ng Palaspas
(ibang dahon naman ang ginagamit sa ibang bansa).
Sa Linggong ito, may dalawang pagbasa sa Ebanghelyo: ang pagsalubong ng
mga tao sa pagdating ni Jesus sa Jerusalem at ang salaysay ng paglilitis
at pagpapako sa krus kay Jesus. Magandang paalala ito sa atin dahil ang
mga taong sumalubong kay Jesus ang sila ring sumigaw na ipako siya sa
krus. At tulad rin nila tayo: hawak natin ang palaspas ngayong Linggo
ngunit pagkatapos nama'y tayo rin ang nagpapako kay Jesus.
Marso
17
Lunes
Lunes
Santo
Unang Pagbasa: Is 42:1-7
Ebanghelyo: Jn 12:1-11
Anim na
araw bago mag-Paskuwa, pumunta si Jesus sa Betania, na kinaroroonan ni
Lazaro na pinabangon ni Jesus mula sa mga patay. Kaya naghanda sila roon
ng hapunan para sa kanya. Nagsilbi si Marta at kabilang si Lazaro sa mga
kasalo niya. Kinuha si Maria ang isang librang mamahaling pabangong mula
sa purong nardo at pinahiran ang mga paa ni Jesus at pinunasan ng kanyang
buhok ang mga paa niya. At napuno ng halimuyak ng pabango ang pamamahay.
Sinabi ni Judas Iskariote na isa sa kanyang mga alagad na siyang magkakanulo
sa kanya: "Ano't di ipinagbili nang tatlundaang denaryo ang pabangong
ito para maibigay sa mga dukha." Sinabi niya ito hindi dahil may
malasakit siya sa mga dukha kundi dahil magnanakaw siya; nasa kanya ang
bulsa ng pananalapi at nangungupit siya sa inilalagay doon.
Kaya sinabi ni Jesus: "Pabayaan mo siya't inilaan niya ito para sa
araw ng paglili-bing sa akin. Kasama ninyong lagi ang mga dukha ngunit
hindi n'yo ako laging kasama."
Marami sa mga Judio ang nakaalam na naroon siya. At dumating sila hindi
dahil lamang kay Jesus kundi para makita si Lazaro na pinabangon niya
mula sa mga patay. Pinag-usapan naman ng mga punong-pari ang pagpatay
pati na kay Lazaro pagkat marami sa mga Judio ang lumilisan dahil sa kanya
at nananalig kay Jesus.
Pagninilay-nilay
Papalapit na ang araw ng kanyang kamatayan at malapit na rin siyang
iwang mag-isa ng kanyang mga alagad. Tulad ng mga alagad, kasa-kasama
tayo ni Jesus. Tulad ni Lazaro, kasalo tayo ni Jesus tuwing magsisimba
tayo. Tulad ni Marta, maraming beses din nating pinagsilbihan si Jesus
at tulad ni Maria, iniaalay din natin ang mahalaga sa ating buhay sa pagkakaloob
sa kanya ng ating panahon, talino at yaman.
Ngunit minsan, tulad din tayo ni Judas na nagkukunwaring nanghihinayang
sa mga bagay na dapat sana'y maitutulong sa mga kapuspalad, pero sa totoo'y
mga pansariling kapakinabangan lamang ang tunay nating isinasaalang-alang.
Marso
18
Martes
Martes
Santo
Unang
Pagbasa: Is 49:1-6
Ebanghelyo: Jn 13:21-33, 36-38
Nabagabag
ang kalooban ni Jesus, at nagpatunay: "Talagang-talagang sinasabi
ko sa inyo: ipagkakanulo ako ng isa sa inyo." Nagtinginan ang mga
alagad at pinagtatakhan kung sino ang tinutukoy niya. Nakahilig sa tabi
ni Jesus ang isa sa kanyang mga alagad, ang mahal ni Jesus. Kaya tinanguan
ito ni Simon Pedro para usisain si Jesus kung sino ang kanyang tinutukoy.
Kaya paghilig niya sa tabi ni Jesus, sinabi niya sa kanya: "Panginoon,
sino ba iyon?" Sumagot si Jesus: "Siya iyong ipagsasawsaw ko
ng kapirasong tinapay at siya kong bibigyan." At pagkasawsaw ng kapirasong
tinapay, ibinigay niya iyon kay Judas, anak ni Simon Iskariote. Kasunod
ng kapirasong ito, pumasok sa kanya si Satanas. Kaya sinabi sa kanya ni
Jesus: "Magmadali ka sa gagawin mo."
Walang nakaunawa sa mga nakahilig sa hapag kung ba't sinabi niya iyon
sa kanya. Dahil nakay ni Judas ang bulsa, inakala ng ilan sa sinasabi
sa kanya ni Jesus: "Bumili ka ng mga kailangan natin para sa Piyesta,"
o kaya'y mag-abuloy sa mga dukha.
Kaya pagkakuha niya sa kapirasong tinapay, agad siyang lumabas. Gabi noon.
Pagkalabas ni Judas, sinabi ni Jesus: "Niluwalhati na ngayon ang
Anak ng Tao, at niluwalhati rin sa kanya ang Diyos. At agad naman siyang
luluwalhatiin ng Diyos sa sarili nito.
Mga munting anak, sandali na lamang n'yo akong kasama. Hahanapin ninyo
ako at gaya ng sinabi ko sa mga Judio sinasabi ko rin sa inyo ngayon,
'Kung saan ako papunta, hindi kayo makaparoroon.'"
Pagninilay-nilay
Malimit nating nakikita sa mga istiker sa mga dyip, "God
knows Hudas not pay" kaya hindi lamang traydor ang tingin natin kay
Judas. Kung babasahin nating mabuti ang salaysay sa Ebanghelyo, mababasa
na hindi niya talagang gustong mamatay si Jesus kaya isinauli niya ang
perang gantimpala sa kanya pagkatapos. Hindi "pagtataksil" o
"pagtatraydor" ang salitang ginagamit sa Ebanghelyo kundi "pagbibigay
upang mapasakamay nila" (na isinasalin natin bilang "ipinagkanulo")
ang ginawa ni Judas kay Jesus. At tiyak na patatawarin siya ng Panginoon
kung tunay niyang pinagsisisihan ang kanyang ginawa. Ngunit hindi niya
nagawang mapatawad ang sarili sa kanyang ginawa.
Marso
19
Miyerkules
Miyerkules
Santo
Unang
Pagbasa: Is 50:4-9a
Ebanghelyo: Mt 26:14-25
Pumunta sa mga punong-pari ang isa sa Labindalawa, ang tinatawag na Judas
Iskariote, at sinabi: "Magkano ang ibibigay ninyo sa akin kung ibibigay
ko siya sa inyo?" Inalok nila ito ng tatlumpung baryang pilak, at
mula noon, naghanap ito ng pag-kakataong maipagkanulo siya.
Sa unang araw ng Piyesta ng Tinapay na Walang Lebadura, lumapit kay Jesus
ang mga alagad at sinabi sa kanya: "Saan mo kami gustong maghanda
ng Hapunang Pam-paskuwa para sa iyo?" Sumagot si Jesus: "Puntahan
ninyo ang lalaking ito sa lunsod at sabihin sa kanya: 'Sinasabi ng Guro:
malapit na ang oras ko at sa bahay mo ako magdiriwang ng Paskuwa kasama
ng aking mga alagad'."
At ginawa ng mga alagad ang lahat ng iniutos ni Jesus at inihanda ang
Paskuwa.
Pagkalubog ng araw, nasa hapag si Jesus kasama ng Labindalawa. Habang
kumakain sila, sinabi ni Jesus: "Talagang sinasabi ko sa inyo: ipagkakanulo
ako ng isa sa inyo." Lubha silang nalungkot at nagtanong ang bawat
isa: "Ako ba, Panginoon?"
Sumagot siya: "Ang kasabay kong nagsawsaw ng tinapay sa plato ang
magkakanulo sa akin. Patuloy sa kanyang daan ang Anak ng Tao ayon sa isinulat
tungkol sa kanya ngunit kawawa ang nagkakanulo sa Anak ng Tao; mas mabuti
pa para sa taong ito kung hindi na siya ipinanganak pa." Nagtanong
din si Judas na magkakanulo sa kanya: "Ako ba, Guro?" Sumagot
si Jesus: "Ikaw na ang nagsabi."
Pagninilay-nilay
Kailan tayo naging Judas sa Panginoon?
Hindi nga tayo gaya ni Judas na ipinagpapalit si Jesus sa tatlumpung pirasong
pilak dahil maaaring tayo pa nga ang nagbibigay ng pilak kay Jesus sa
pag-aabuloy natin sa simbahan. Hindi rin tayo nagiging dahilan upang ipako
si Jesus sa krus at mamatay.
Maaaring hindi tayo nagiging Judas sa Panginoon at hindi rin natin ipinagkakanulo
at ipinapakong muli si Jesus sa ating panahon, pero patuloy tayo na nagsasawalang-kibo
sa harap ng kaapihan at kawalang-katarungang dinaranas ng ating kapwa.
balik
calendario
Marso
20
Huwebes
Huwebes
Santo
Unang
Pagbasa: Ex 12:1-8, 11-14
Ikalawang Pagbasa: 1 Cor 11:23-26
Ebanghelyo: Jn 13:1-15
Bago magpiyesta ng Paskuwa, alam ni Jesus na dumating na ang kanyang oras
para tumawid mula sa mundong ito tungo sa Ama, sa pagmamahal niya sa mga
sariling kanya na nasa mundo, minahal niya sila hanggang kaganapan.
Naghahapunan sila at naisilid na ng diyablo sa kalooban ni Judas na anak
ni Simon Iskariote na ipagkanulo siya. Alam naman ni Jesus na ipinagkaloob
ng Ama sa kanyang mga kamay ang lahat, at mula sa Diyos siya galing at
sa Diyos siya pabalik.
Kaya tumindig siya mula sa hapunan at hinubad ang panlabas na damit, at
pagkakuha ng tuwalya ay ibinigkis sa sarili. Pagkatapos ay nagbuhos siya
ng tubig sa hugasan, at sinimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad at
punasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanya.
Nang lumapit siya kay Simon Pedro, sinabi nito sa kanya: "Panginoon,
ikaw ba ang maghuhugas sa aking mga paa?" Sumagot si Jesus: "Hindi
mo alam ngayon ang ginagawa ko pero mauunawaan mo makaraan ang mga ito."
Sinabi sa kanya ni Pedro: "Hinding-hindi mo kailanman huhugasan ang
aking mga paa." Sumagot si Jesus sa kanya: "Kung hindi kita
huhugasan, hindi ka makababahagi sa akin." Sinabi sa kanya ni Simon
Pedro: "Panginoon, hindi lamang ang mga paa ko kundi pati na ang
mga kamay at ulo."
Sinabi sa kanya ni Jesus: "Mga paa lamang ang kailangang hugasan
ng naligo na dahil malinis na ang buo niyang sarili. Malinis nga kayo
pero hindi lahat." Alam ni Jesus ang magkakanulo sa kanya. Dahil
dito kaya niya sinabing: "Hindi lahat kayo'y malinis."
Kaya nang mahugasan niya ang kanilang mga paa, kinuha niya ang kanyang
panlabas na damit at bumalik sa hapag, at sinabi niya sa kanila: "Nauunawaan
n'yo ba ang ginawa ko sa inyo? Tinatawag n'yo akong 'Guro' at 'Panginoon.'
At tama ang pagsasabi ninyo: ako nga. Kaya kung hinugasan ko ang inyong
mga paa, akong Panginoon at Guro, gayundin kayo dapat maghugasan ng mga
paa ng isa't isa.
Isang halimbawa ang ibinigay ko sa inyo upang gawin din ninyo gaya ng
ginawa ko sa inyo.
Pagninilay-nilay
Huwebes Santo-araw ng paggunita sa dakilang pag-ibig ng Panginoon sa
atin. Sa araw na ito iniwan sa atin ang tanda ng kanyang pagmamahal at
pamamalagi sa ating piling-ang Huling Hapunan na ating inaalaala at pinagsasaluhan
sa pagdiriwang ng misa. Sa araw na ito, binigyan din tayo ng halimbawa
kung paano magmahal at maglingkod sa ating kapwa sa paghuhugas ng kanilang
mga paa. Hindi seremonya lamang ang paghuhugas ng pari sa mga paa ng mga
tao, halimbawa ito para sa ating lahat ng dapat nating gawin.
Tumahimik ka sandali at isipin kung sino ang mga tao sa buhay mo na dapat
mong hugasan ang mga paa?
balik
calendario
Marso
21
Biyernes
Biyernes
Santo
Unang
Pagbasa: Is 52:13-53:12
Ikalawang Pagbasa: Heb 4:14-16; 5:7-9
Ebanghelyo: Jn 18:1-19:42*
Ang Pasyon
ng Mahal na Panginoon ayon kay San Juan.
Pagkasabi ni Jesus ng lahat ng ito, lumabas siya kasama ang kanyang mga
alagad sa kabilang ibayo ng sapa ng Kedron. May bukid doon at pumasok
siya roon at ang kanyang mga alagad.
Alam din ni Judas na nagkakanulo sa kanya ang lugar dahil doon malimit
magtagpo si Jesus at ang kanyang mga alagad. Kaya isinama ni Judas ang
tropa ng mga sundalo at mga bantay ng Templo mula sa mga punong-pari at
mga Pariseo, at nagpunta sila roon na may mga sulo, ilawan at armas.
Alam ni Jesus ang lahat ng sasapitin niya kaya lumabas siya at sinabi
sa kanila: "Sino'ng hinahanap ninyo?" Sumagot sila sa kanya:
"Si Jesus na taga-Nazaret." Sinabi niya sa kanila: "Ako
siya!" Naroon ding kasama nila si Judas na nagkanulo sa kanya. At
nang sabihin ni Jesus sa kanilang "Ako siya!" napaurong sila
at nabuwal sa lupa. Kaya muli niya silang tinanong: "Sino'ng hinahanap
ninyo?" Sinabi naman nila: "Si Jesus na taga-Nazaret."
At sumagot si Jesus: "Sinabi ko sa inyong ako siya. Kaya kung ako
ang hinahanap ninyo, pabayaan n'yong makaalis ang mga ito."
Ganito kailangang maganap ang salitang sinabi niya: "Hindi ko iwinala
isa man sa mga ibinigay mo sa akin." May tabak si Simon Pedro, binunot
niya ito at tinaga ang utusan ng Punong-pari at tinagpas ang kanang tenga
nito. Malko ang pangalan ng utusan. Kaya sinabi ni Jesus kay Pedro: "Ibalik
mo ang tabak sa sukbitan nito. Hindi ko ba iinumin ang kalis na ibinigay
sa akin ng Ama?"
Pagninilay-nilay
Puno ang mga simbahan sa araw na ito at marami ang pumipila para humalik
sa krus. Sa paghalik sa krus, isipin na hindi lamang ito debosyon kundi
pagyakap sa krus na sagisag ng pagkamatay sa sarili. Ano nga ba ang krus
sa ating buhay? Marahil ito ang mga bagay na inaayawan natin; ang mga
taong hindi natin magawang tanggapin at pakisama-han; ang maliliit na
pagkamatay natin sa araw-araw. Ngunit sa araw na ito, lumapit ka at huwag
matakot tanggapin ang krus ng Panginoon. Halikan at yakapin ang krus dahil
sa pagkamatay ni Jesus, napawi niya ang kamandag niyon. Ang krus na dati'y
kamatayan ang hatid, ngayo'y punong nagbibigay-buhay!
balik
calendario
Marso
22
|