|
Hulyo
1
Martes
Ika-13
na Linggo ng Taon
Junipero Serra
Unang
Pagbasa: Am 3:1-8; 4:11-12
Ebanghelyo:
Mt 8:23-27
Sumakay si Jesus sa bangka at sumunod sa kanya ang mga alagad niya. Walang
anu-ano'y nagkaroon ng malakas na bagyo sa lawa at parang matatabunan
na ng mga alon ang bangka. Ngunit tulog si Jesus.
Ginising siya nila na sumisigaw: "Panginoon, saklolo! Mamamatay tayo!"
At sinabi ni Jesus: "Ba't kayo natatakot, kayong napakaliit ng paniwala?"
Bumangon siya at inutusan ang mga alon at hangin, at tumahimik ang lahat.
Nagulat ang mga tao at sinabi nila: "Anong klaseng tao ito? Sumusunod
sa kanya pati mga hangin at dagat."
Pagninilay-nilay
Natutulog ba ang Diyos? Sa dami ng problema natin sa buhay,
na parang sapin-sapin at walang katapusan, madalas nating itinatanong
kung natutulog ba ang Diyos. Nararamdaman natin na para bang nakalimutan
na niya tayo dahil hindi naman tayo nagkukulang sa pagtawag sa kanya.
Pero bakit mabigat pa rin ang pasan natin sa buhay?
Hindi natutulog ang Diyos at lagi rin niyang tinutugon ang ating mga panalangin.
Maaaring tayo ang hindi nakakarinig sa kanyang sinasabi sa atin dahil
may tatlong sagot na puwedeng pagpilian ang Diyos: oo, hindi, at teka
muna. At malaya niyang masasagot ang iyong panalangin ayon sa kanyang
kalooban.
balik
calendario
Hulyo
2
Miyerkules
Ika-13
na Linggo ng Taon
Unang
Pagbasa: Am 5:14-15, 21-24
Ebanghelyo: Mt 8:28-34
Pagdating
ni Jesus sa lupain ng Gadara sa kabilang ibayo, sinalubong siya ng dalawang
lalaking inaalihan ng demonyo, na galing sa mga libingan. Napakabangis
nila kayat walang makadaan doon. Bigla silang sumigaw: "Ano ang kailangan
mo sa amin, ikaw na Anak ng Diyos! Pumarito ka ba para pahirapan kami
bago sumapit ang panahon?"
Sa may di-kalayua'y maraming baboy na nanginginain. Kaya hiniling sa kanya
ng mga demonyo: "Kung palalayasin mo kami, ipadala mo kami sa mga
baboy." Sinabi ni Jesus sa kanila: "Umalis kayo." Kaya
pagkalayas ng mga demonyo'y pumasok ang mga ito sa mga baboy-at hayun!
nahulog sa bangin lahat ng baboy papuntang dagat, at nalunod na lahat.
Tumakas naman ang mga nagbabantay sa mga baboy. Pagdating nila sa bayan,
ipinamalita nila ang lahat at kung ano ang nangyari sa mga inaalihan ng
mga demonyo. Kaya lumabas ang buong bayan para salubungin si Jesus, at
pagkakita nila sa kanya, hiniling nilang umalis siya sa kanilang lugar.
Pagninilay-nilay
Sa pelikulang "Chocolat," dumating si Vianne at ang kanyang
anak sa maliit na bayan sa Pransiya. Katoliko ang lahat ng tagaroon sa
pangunguna ng kanilang alkalde. Ngunit hindi lamang walang relihiyon si
Vianne kundi wala rin siyang asawa. Panahon ng Kuwaresma siya dumating
pero nagbukas siya ng tindahan ng tsokolate. Makikita sa istorya kung
gaano kadali para sa mga Katoliko-sarado ang maging mga deboto sa kanilang
pagsasadiyos at kalimutan ang pagpapakatao at pakikipagkapwa. Sa simula'y
gusto siyang paalisin ng mga tagaroon. Ngunit sa dakong huli, nakita nilang
mas Kristiyano pa siya kaysa kanila dahil sa kanyang pagpapakatao.
balik
calendario
Hulyo
3
Huwebes
Ika-13
na Linggo ng Taon
Tomas, Apostol
Unang Pagbasa: Ef 2:19-22
Ebanghelyo: Jn 20:24-29
Hindi nila
kasama si Tomas na tinaguriang Kambal, na isa sa Labindalawa, nang du-mating
si Jesus. Kaya sinabi sa kanya ng iba pang mga alagad: "Nakita namin
ang Panginoon!" Sinabi naman niya: "Maliban lamang na makita
sa kanyang mga kamay ang tatak ng mga pako at maipasok ang aking daliri
sa pinaglagusan ng mga pako at maipasok ang aking kamay sa tagiliran niya,
hinding-hindi ako maniniwala!"
Makaraan ang walong araw, muling nasa loob ang kanyang mga alagad at kasama
nila si Tomas. Dumating si Jesus habang nakasara ang mga pinto at pumagitna.
At sinabi niya: "Kapayapaan sa inyo!" At sinabi niya kay Tomas:
"Ilapit mo rito ang daliri mo at tingnan ang aking mga kamay. At
ilapit ang kamay mo at ipasok sa aking tagiliran at huwag tumangging maniwala
kundi maniwala!"
Sumagot si Tomas sa kanya: "Panginoon ko at Diyos ko-ikaw!"
Sinabi sa kanya ni Jesus: "Dahil ba sa nakita mo ako kaya ka naniniwala?
Mapapalad ang mga hindi nakakita at naniniwala."
Pagninilay-nilay
Naging bahagi ng bokabularyo sa wikang Ingles ang mga katagang "doubting
Thomas," na ginagamit para sa sinumang madalas mag-alinlangan.
Hindi masama at hindi rin kasalanan ang mag-alinlangan. Mga taong nag-iisip
lamang ang nag-aalinlangan. Tanda ng pagiging buhay ng iyong paniniwala
kapag nag-aalinlangan ka; nangangahulugan lamang ito na naghahanap ka
ng paliwanag sa iyong mga pinaniniwalaan dahil gusto mong maunawaan ang
mga bagay-bagay. Sa ganitong mga pagkakataon tayo dapat tumawag sa Panginoon
upang ipadala niya sa atin ang kanyang Espiritu at tanglawan ang ating
isipan. Hilingin natin sa kanya na patatagin ang ating pananampalataya.
balik
calendario
Hulyo
4
Biyernes
Ika-13
na Linggo ng Taon
Isabel ng taga-Portugal
Unang
Pagbasa: Am 8:4-6, 9-12
Ebanghelyo: Mt 9:9-13
Sa paglalakad
ni Jesus, nakita niya ang isang lalaking nagngangalang Mateo na nakaupo
sa singilan ng buwis at sinabi niya rito: "Sumunod ka sa akin."
At tumayo si Mateo at sinundan siya. At habang nasa hapag si Jesus sa
bahay ni Mateo, maraming tagasingil ng buwis at iba pang makasalanan ang
lumapit at nakisalo kay Jesus at sa kanyang mga alagad. Nang makita ito
ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad: "Bakit kumakaing
kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis ang in-yong guro?"
Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya: "Hindi ang malulusog ang
nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit. Sige, matutuhan sana
ninyo ang kahulugan ng 'Awa ang gusto ko, hindi handog.' Hindi ako pumarito
para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan."
Pagninilay-nilay
Ano ang gagawin mo kung habang nakaupo ka sa opisina o sa lugar na
pinagtatrabahuhan mo eh biglang dumating si Jesus at tinawag ka? Kaya
mo ba ang ginawa ni Mateo na tumayo at iniwan ang anumang ginagawa niya
at sumunod kay Jesus? O sasabihin mo kay Jesus na sandali muna para makapag-isip
ka at makapagpaalam sa lahat? Iba ang pagtawag ng Diyos. May mga taong
matigas ang kalooban sa tawag ng Diyos kaya hindi nila mapaunlakan ang
paanyaya ng Panginoon sa kanila. May pagkakataon naman na walang anumang
magagawa ang tinatawag ng Panginoon kundi sumunod sa Salita ng Diyos.
Ano naman ang dating sa iyo ng pagtawag ng Diyos?
balik
calendario
Hulyo
5
Sabado
Ika-13
na Linggo ng Taon
Antonio Maria Zaccaria
Unang
Pagbasa: Am 9:11-15
Ebanghelyo: Mt 9:14-17
Noo'y lumapit sa kanya ang mga alagad ni Juan at nagtanong: "May
araw ng ayuno kami at ang mga Pariseo, at wala bang pag-aayuno ang iyong
mga alagad?"
Sinagot sila ni Jesus: "Puwede bang magluksa ang mga abay sa kasalan
habang kasama pa nila ang nobyo? Darating ang panahon na aagawin sa kanila
ang nobyo at sa araw na iyon sila mag-aayuno.
"Walang magtatagpi ng bagong pirasong tela sa lumang balabal sapagkat
uurong ang tagpi at lalo pang lalaki ang punit. At hindi ka rin naman
maglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlan. Kung gagawin mo ito,
puputok ang mga sisidlan at matatapon ang alak at masisira rin ang mga
sisidlan. Sa bagong sisidlan dapat ilagay ang bagong alak; sa gayo'y pareho
silang tatagal."
Pagninilay-nilay
Bagong daan ng buhay at pagsasadiyos ang hatid ni Jesus sa atin kaya
tinawag na Bagong Tipan ang ikalawang bahagi ng ating Biblia. Pero may
kung anong pang-akit ang dati at luma kaya pilit tayong bumabalik sa mga
kaugalian ng Unang Tipan.
Kung babasahin nating mabuti at iisa-isahin ang mga ginawa ni Jesus na
dahilan ng mga akusasyon sa kanya ng mga Pariseo at mga dalubhasa sa Kasulatan
nang panahong iyon, at ihahambing ang mga iyon sa mga ginagawa natin sa
ngayon bilang mga alagad ni Jesus, makikita nating mas malapit tayo sa
kaugalian ng mga Pariseo at mga guro ng Batas.
balik
calendario
Hulyo
6
Linggo
Ika-14
na Linggo ng Taon
Unang
Pagbasa: Zec 9:9-10
Magalak
kang lubos, Dalagang Sion!
Sumigaw, Dalagang Jerusalem!
Dumarating ngayon ang inyong hari,
matuwid at matagumpay,
pakumbaba at sakay sa asno
sa bisirong anak ng babaeng asno.
Wala nang mga karwahe sa Efraim,
wala nang mga kabayo sa Jerusalem,
pagkat aalisin niya ang mga iyon.
Sisirarin ang pana ng mandirigma
kapag pinatahimik niya ang mga bansa.
Maghahari siya sa magkabilang-dagat,
mula sa Ilog hanggang sa dulo ng daigdig.
Slm
145:1-2, 8-9, 10-11, 13-14
Pupurihin ko ang iyong ngalan magpakailan man, O aking Diyos at Hari.
Ikalawang
Pagbasa: Rom 8:9, 11-13
Mga kapatid,
wala nga kayo sa ilalim ng laman kundi sa espiritu dahil sa inyo nananahan
ang Espiritu ng Diyos.
Kung wala ang Espiritu ni Kristo sa sinuman, hindi siya kay Kristo.
At kung nasa inyo ang Espiritu ng nagpabangon kay Jesus mula sa mga patay,
bubuhaying muli ng nagpabangon kay Kristo mula sa mga patay ang inyong
mga may kamatayang katawan sa bisa ng kanyang Espiritung nananahan sa
inyo.
Kaya, mga kapatid, hindi na tayo utusan ng laman; huwag kayong mabuhay
ayon sa laman. Kung nabubuhay kayo ayon sa laman, mamamatay kayo; kung
papatayin na-man ninyo ang mga gawa ng laman sa bisa ng espiritu, mabubuhay
kayo.
Ebanghelyo:
Mt 11:25-30
Nagsalita si Jesus sa pagkakataong iyon: "Pinupuri kita Amang Panginoon
ng Langit at lupa sapagkat itinago mo ang mga bagay na ito sa matatalino
at marurunong, at ipinamulat mo naman sa mga karaniwang tao. Oo, Ama,
ito ang ikinasiya mo.
"Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala
sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at
ang sinumang gustuhing pagbunyagan ng Anak.
Lumapit sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan, at pagiginhawahin
ko kayo. Kunin ninyo ang aking pamatok at matuto sa akin, akong mahinahon
at mababang-loob, at makakatagpo kayo ng ginhawa para sa inyong kaluluwa.
Sapagkat mahusay ang aking pamatok at magaan ang aking pasanin."
Pagninilay-nilay
Pamatok. Hindi sinaunang salita ang "pamatok"; dahil marami
sa atin ang walang alam sa pagsasaka kaya hindi natin alam ang kahulugan
nito. Para sa batok ang ibig sabihin nito-"pambatok." Ito ang
ipinapatong sa batok ng baka (o kalabaw) para hilahin ang araro habang
sumusunod ito sa gusto ng magsasakang nasa likod nito.
Grasya ng Diyos ang pagsunod kay Jesus. Magaan ito sa loob at hindi parang
may kung anong mabigat na pasanin sa buhay. Para sa mga tunay na Kristiyano,
maginhawa para sa kanila ang pagsasabuhay ng pananampalataya kaya wala
silang panahon para sumima-ngot kundi lagi silang nakangiti.
balik
calendario
Hulyo
7
Lunes
Ika-14
na Linggo ng Taon
Unang
Pagbasa: Os 2:16, 17c-18, 21-22
Ebanghelyo: Mt 9:18-26
Habang nagsasalita
si Jesus, lumapit sa kanya ang isang pangulo ng sinagoga at paluhod na
sinabi: "Kamamatay nga lamang ng aking anak na babae, pero halika
at ipatong ang iyong mga kamay at siya'y mabubuhay." Kaya tumayo
si Jesus at sumama sa kanya, pati ang kanyang mga alagad.
Nilapitan naman siya mula sa likuran ng isang babaeng labindalawang taon
nang dinudugo, at hinipo nito ang laylayan ng damit ni Jesus sapagkat
naisip niya: "Kung mahihipo ko lamang ang laylayan ng kanyang damit,
gagaling na ako." Lumingon si Jesus, nakita niya siya at sinabi:
"Lakasan mo ang iyong loob, anak ko, pinagaling ka ng iyong pananalig."
At gumaling ang babae sa sandaling iyon.
Pagdating ni Jesus sa bahay ng pangulo, nakita niya ang mga tumutugtog
ng plauta at ang maraming taong nagkakaingay. At sinabi niya: "Umalis
kayo! Hindi patay ang dalagita kundi tulog." Pinagtawanan nila siya.
Ngunit pagkaalis ng mga tao, pumasok siya, hinawakan ang bata sa kamay
at bumangon ito. Lumaganap ang balitang ito sa buong lupaing iyon.
Pagninilay-nilay
Minamaliit natin ang pagsasadiyos ng mga Katolikong mahilig magpunas
at humalik sa mga santo at santa pero narito ang isang babaeng may gayon
ding paniniwala-mahipo man lang niya ang laylayan (sa totoo'y mga palawit)
ng damit ni Jesus, naniniwala siyang gagaling siya!
Marumi ang turing sa kanya dahil dinudugo siya kaya nilalayuan siya ng
lahat upang huwag mahawa sa kanyang karumihan. Nagiging marumi rin sinumang
humawak sa kanya o sinumang hawakan niya. Sa pagpapakatao ni Jesus, lumapit
siya sa atin at niyakap tayo upang tanggapin sa kanyang sarili ang ating
karumihan at kahinaan.
balik
calendario
Hulyo
8
Martes
Ika-14
na Linggo ng Taon
Unang
Pagbasa: Os 8:4-7, 11-13
Ebanghelyo:
Mt 9:32-38
May nagdala naman kay Jesus ng lalaking pipi na inaalihan ng demonyo.
Nang mapalayas niya ang demonyo, nakapagsalita ang pipi kaya namangha
ang mga tao at kanilang sinabi: "Wala pang nangyaring ganito sa Israel."
Ngunit sinabi naman ng mga Pariseo: "Nagpapalayas siya ng demonyo
sa tulong ng pinuno ng mga demonyo."
At nilibot ni Jesus ang mga bayan at mga nayon; nagtuturo siya sa kanilang
mga sinagoga, nagpapahayag ng Mabuting Balita ng Kaharian at nagpapagaling
ng lahat ng sakit at karamdaman. Nang makita niya ang makapal na tao,
naawa siya sa kanila sapagkat hirap sila at lupaypay na parang mga tupang
walang pastol. At sinabi niya sa kanyang mga alagad: "Marami nga
ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa. Idalangin ninyo sa panginoon
ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani."
Pagninilay-nilay
Itinatag ang Samahan ni San Edmundo noong 1843 sa Pransiya pero dahil
sa rebolusyon doon, naging mga refugee sa Canada ang mga pari at brother
ni San Edmundo hanggang sa Estados Unidos nila inilipat ang kanilang generalate.
Mahigit na sandaang taon na ang kanilang samahan ngunit aapatnapung pari
at brother lamang sila sa buong mundo. Pero kahit na kakaunti sila, patuloy
silang naglilingkod sa mga parokya, eskuwelahan at iba pang gawain sa
USA, Canada at Venezuela.
Ipanalangin natin sa araw na ito ang Samahan ni San Edmundo upang magpadala
ang Panginoon ng mga bagong bokasyon sa kanilang kapatiran.
balik
calendario
Hulyo
9
Miyerkules
Ika-14
Linggo ng Taon
Augustine Zhao Rong
Unang
Pagbasa: Os 10:1-3, 7-8, 12
Ebanghelyo: Mt 10:1-7
Tinawag
ni Jesus ang labindalawa niyang alagad at binigyan sila ng kapangyarihan
sa maruruming espiritu para palayasin ang mga ito at pagalingin ang lahat
ng sakit at karamdaman.
Ito ang mga pangalan ng labindalawang apostol: una, si Simong tinatawag
na Pedro, at ang kanyang kapatid na si Andres; si Jaime na anak ni Zebedeo,
at ang kapatid nitong si Juan; sina Felipe at Bartolome, Tomas at Mateo,
na tagasingil ng buwis; si Jaimeng anak ni Alfeo, at si Tadeo; si Simong
Kananeo, at si Judas Iskariote na magkakanulo sa kanya.
Sinugo ni Jesus ang labindalawang ito at pinagbilinan: "Huwag kayong
lumiko papunta sa mga pagano at huwag pumasok sa bayang Samaritano. Hanapin
ninyo ang nawawalang tupa ng sambayanan ng Israel.
"Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: 'Palapit na ang
kaharian ng Langit.'"
Pagninilay-nilay
Labindalawang tribu ang bumubuo sa bansang Israel, na bayang pinili
ng Diyos na maging kanya, kaya labindalawa rin ang tinawag ni Jesus na
maging mga apostol. Sila ang isinugo niya upang kasama niyang ipahayag
ang Ebanghelyo ng pagmamagandang-loob ng Diyos sa tao.
Makikibahagi sila sa gawaing sinimulan ni Jesus at sila rin ang magpapatuloy
nito sa hinaharap. Nasa pagtawag na ito sa kanila bilang mga apostol ang
simula ng Simbahan, na siyang bagong bayan ng Diyos. Ito ang pamayanan
ng mga tinawag ng Panginoon na sumusunod at nagpapatuloy sa kanyang daan.
At tayo ang bumubuo sa bayang ito.
balik
calendario
Hulyo
10
Huwebes
Ika-14
Linggo ng Taon
Unang Pagbasa: Os 11:1, 3-4, 8e-9
Ebanghelyo: Mt 10:7-15
Sinabi ni
Jesus sa kanyang mga alagad, "Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong
pag-lalakbay: 'Palapit na ang kaharian ng Langit.' Pagalingin ang maysakit,
buhayin ang patay, linisin ang mga mayketong at palayasin ang mga demonyo.
Tinanggap ninyo ito nang walang bayad kaya ibigay rin ninyo nang walang
bayad. Huwag magdala ng ginto, pilak o pera sa inyong mga bulsa. Huwag
magdala ng balutan o sobrang damit o sandalyas o tungkod sapagkat may
karapatan ang manggagawa sa kanyang ikabubuhay.
"Pagdating n'yo sa isang bayan o baryo, maghanap ng taong karapat-dapat
at makituloy sa kanya hanggang sa inyong pag-alis.
"Pagpasok ninyo sa isang tahanan, dasalan ito ng kapayapaan. Kung
karapat-dapat ang sambahayang ito, sasakanila ang kapayapaang dinasal
ninyo; kung hindi naman karapat-dapat, babalik sa inyo ang inyong dasal.
"At kung may bahay o bayang hindi tatanggap sa inyo o makikinig sa
inyong mga salita, lumabas sa bahay o bayang iyon at ipagpag ang alikabok
sa inyong mga paa. Sinasabi ko sa inyo, mas magiging magaan pa sa araw
ng paghuhukom para sa mga taga-Sodom at Gomorra kaysa bayang iyon."
Pagninilay-nilay
Marami ang nagpupunta sa bahay ni Aling Cely mula nang mabalitang sinasapian
daw siya ng Nazareno o Santo Niño, o kung minsa'y ng Mahal na Birhen.
Nabubuwal si Aling Cely at naninigas at nag-iiba ang boses. At ayon sa
mga nakasaksi, ang Nazareno raw ang sumasapi sa kanya pag malaki ang boses
at hindi mabuhat ng mga tao si Aling Cely. Ang Santo Niño naman
daw kung maliit ang boses at magaan si Aling Cely. At ang Mahal na Birhen
daw ang sumasapi sa kanya kung hindi siya nabubuwal kundi parang nawawala
lang sa sarili. Marami rin daw siyang napapagaling at hindi siya nagpapabayad
ng anuman sa kanyang mga natutulungan liban sa kusang-loob na abuloy sa
kanyang donation box.
balik
calendario
Hulyo
11
Biyernes
Ika-14
Linggo ng Taon
Bernabe
Unang
Pagbasa: Os 14:2-10
Ebanghelyo: Mt 10:16-23
Sinabi ni
Jesus sa kanyang mga alagad, "Isinusugo ko kayo ngayon na parang
mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Maging matalino nawa kayo gaya ng
mga ahas at walang-malay na parang mga kalapati.
"Mag-ingat sa mga tao; ibibigay nga nila kayo sa mga sanggunian at
hahagupitin kayo sa kanilang mga sinagoga. Dadalhin din nila kayo sa mga
pinuno at mga hari dahil sa akin, at dapat kayong magbigay-patotoo sa
kanila at sa mga pagano.
"Pag nilitis naman kayo, huwag mag-alala sa inyong sasabihin; sa
oras na iyo'y ibibigay nga sa inyo ang inyong sasabihin. Sapagkat hindi
kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita
sa pamamagitan ninyo.
"Ipapapatay ng kapatid ang sariling kapatid, ng ama ang kanyang anak,
at isasakdal ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay sila.
Kamumuhian kayo ng lahat dahil sa akin ngunit ang mananatiling matatag
hanggang wakas ang siyang maliligtas.
"Pag inusig kayo sa isang bayan, tumakas kayo sa iba. Sinasabi ko
sa inyo, bago ninyo matapos daanan ang lahat ng bayan sa Israel, darating
na ang Anak ng Tao."
Pagninilay-nilay
Sa orihinal na salitang Griyego, hindi pagpapakamartir ang ibig sabihin
ng salitang "martir" kundi pagpapatotoo o pagsaksi. Ngunit dahil
sa sinapit na pagkamartir ng mga unang Kristiyano na nagpatotoo sa kanilang
pananampalataya, nagkaroon ng iba at bagong kahulugan ang salitang martir,
na siya nating pagkaintindi ngayon.
Hindi natin pansin na marami pa ring mga Kristiyano sa iba't ibang lugar
sa mundo ang inuusig at nagiging martir dahil sa pagsasabuhay nila at
pagpapatotoo sa kanilang pananampalataya. Sa araw na ito, makiisa tayo
sa kanila at ibuklod ang ating mga sarili sa kanilang paghihirap.
balik
calendario
Hulyo
12
Sabado
Ika-14
Linggo ng Taon
Unang
Pagbasa: Is 6:1-8
Ebanghelyo: Mt 10:24-33
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga apostol, "Hindi daig ng alagad ang
kanyang guro, o ng utusan ang kanyang amo. Sapat nang tularan ng alagad
ang kanyang guro, at ng utusan ang kanyang amo. Kung tinawag na Beelzebul
ang may-ari ng bahay, ano pa kaya ang kanyang mga kasambahay! Kaya huwag
kayong matakot sa kanila.
"Walang tinatakpan na di nabubunyag at walang natatago na di nahahayag.
Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim, ipahayag ninyo sa liwanag. Ang narinig
ninyo nang pabulong, ipahayag mula sa bubong.
"Huwag matakot sa mga nakapapatay ng katawan ngunit hindi ng kaluluwa.
Matakot kayo sa may kapangyarihang sumira ng kaluluwa pati ng katawan
sa impiyerno. Nabibili ang maya nang dalawa isang pera, pero wala isa
mang bumabagsak sa lupa na hindi niloloob ng Ama. At kayo, bilang na pati
buhok sa inyong ulo. Kaya huwag kayong matakot: mas mahalaga kayo kaysa
mga maya.
"Ang sinumang kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin
ko sa harap ng aking Ama sa Langit. At ang ayaw kumilala sa akin sa harap
ng mga tao ay hindi ko rin kikilalanin sa harap ng aking Ama sa Langit."
Pagninilay-nilay
Marami tayong kinatatakutan at pinangangambahan sa buhay. Pinoproblema
natin ang hinaharap at kung anu-anong maaaring mangyari ang iniisip natin.
Takot tayong mawalan ng trabaho at maubusan ng pera, takot tayong magutom
at maghirap sa buhay. Marami sa atin ang nangangamba sa paglaganap ng
digmaan at kaguluhan sa iba't ibang bansa, at pati na dito sa atin. Pinoproblema
rin natin ang sitwasyon ng ating bansa na sa kabila ng likas na yaman
at sipag ng mga mamamayan ay patuloy pa ring naghihirap. Sa lahat ng takot
natin at pangamba, patuloy na sinasabi sa atin ni Jesus, "Huwag kang
matakot"-ito ang paulit-ulit niyang sasabihin sa atin sa Ebanghelyo.
balik
calendario
Hulyo
13
Linggo
Ika-15
Linggo ng Taon
Unang
Pagbasa: Is 55:10-11
Bumababa
buhat sa langit ang ulan at niyebe at di nagbabalik doon hangga't ang
lupa'y di nadidilig at pinasisibol at pinasusupling hanggang mamunga ng
mga butong panghasik at tinapay na pagkain, gayundin naman ang aking salita
na lumalabas sa aking bibig: hindi iyon babalik sa akin nang walang nagagawa
kundi gagawin nito ang aking nais at tutuparin kung bakit ko ito isinugo.
Slm
65:10, 11, 12-13, 14
Ang nahulog na binhi sa mabuting lupa ay nagbunga.
Ikalawang
Pagbasa: Rom 8:18-23
Sa palagay
ko'y hindi maihahambing ang kasalukuyan nating tinitiis sa mahahayag na
kaluwalhatiang laan para sa atin. Nananabik nga ang sangkinapal; pinananabikan
nito na ipakita nang buong liwanag ang mga anak ng Diyos. Nagpapaalipin
ang sangkinapal sa walang saysay, hindi kusang-loob kundi dahil sa lumupig
dito. Ngunit may pag-asa ito: pati ang sangkinapal ay ililigtas sa pagkaalipin
sa mga puwersa ng kabulukan at makikibahagi sa laya at luwalhati ng mga
anak ng Diyos. Alam natin na hanggang ngayo'y dumaraing ang sangkinapal
dahil sa kirot ng panganganak. At tayo mismo'y dumaraing din sa ating
kalooban pagkatanggap natin ng unang bahagi ng espiritu; pinananabikan
natin ang pagiging mga anak.
Ebanghelyo:
Mt 13:1-23
Umalis sa bahay si Jesus at naupo sa may dalampasigan. Ngunit maraming
tao ang nagtipon sa paligid niya kaya sumakay siya at naupo sa bangka
samantalang nakatayo naman sa pampang ang mga tao. At marami siyang ipinahayag
sa kanila sa tulong ng mga talinhaga.
At sinabi ni Jesus: "Lumabas na ang maghahasik para maghasik. Sa
kanyang paghahasik, may ilang butong nahulog sa tabi ng daan. Dumating
ang mga ibon at kinain ang mga iyon. Nahulog naman ang ibang buto sa batuhan
at mababaw ang lupa roon. Madaling tumubo ang mga buto dahil hindi malalim
ang lupa. Ngunit pagsikat ng araw, nasunog ito sa init at sapagkat walang
ugat, natuyo ito. Nahulog ang iba pang buto sa mga tinikan. At nang lumago
ang mga tinik, sinikil ng mga ito ang halaman. Nahulog naman ang iba sa
matabang lupa at namunga: nagbunga ng sandaan ang iba, animnapu naman
ang sa iba, at tatlumpu ang iba pa. Makinig ang may tainga!"
Pagkatapos ay lumapit sa kanya ang mga alagad at nagtanong: "Bakit
sa pamamagitan ng mga talinhaga ka nagsasalita sa kanila?"
Sumagot si Jesus: "Sa inyo ipinagkaloob na malaman ang mga lihim
ng kaharian ng Langit, ngunit hindi sa kanila. Sapagkat ang meron ay bibigyan
pa at sasagana pa siya. Ngunit ang wala ay aagawan pa ng nasa kanya na.
Kaya nagsasalita ako sa kanila nang patalinhaga sapagkat tumitingin sila
pero walang nakikita, nakaririnig sila pero hindi nakikinig o nakakaunawa.
Sa kanila natutupad ang mga salita ni Propeta Isaias: "Makinig man
kayo nang makinig, hindi kayo nakakaunawa; tumingin man kayo nang tumingin,
hindi kayo nakakakita.
Pinatigas nga ang puso ng mga taong ito. Halos walang naririnig ang kanilang
mga tainga at walang nakikita ang kanilang mata. At baka makakita ang
kanilang mata at makarinig ang kanilang tainga at makaunawa ang kanilang
puso, upang bumalik sila at pagalingin ko sila."
Ngunit mapapalad ang inyong mga mata na nakakakita at ang inyong mga tainga
na nakakarinig.
Sinasabi ko nga sa inyo na maraming propeta at mabubuting tao ang may
gustong makita ang nakikita ninyo ngayon pero hindi nila nakita, at marinig
ang inyong naririnig pero hindi nila narinig.
Makinig kayo ngayon sa talinhaga ng maghahasik.
Pag may nakakarinig sa salita ng Kaharian ngunit hindi naman niya inuunawa,
dumarating ang Masama at inaagaw ang nahasik sa kanyang puso. Ito ang
butong nahulog sa tabi ng daan.
Ang buto namang nahulog sa batuhan ay para sa taong nakarinig sa salita
at kaagad itong tinanggap nang buong kasiyahan. Ngunit hindi ito nag-ugat
sa kanyang kalooban at panandalian lamang. Kapag nagkaroon ng pagsubok
at pag-uusig dahil sa salita, agad-agad siyang natitisod.
Ang butong nahulog sa mga tinikan ang nakarinig sa salita ngunit sinikil
ito ng mga makamundong kabalisahan at ng pandaraya ng kayamanan, at hindi
nakapagbunga ang salita.
Ang buto namang nahasik sa matabang lupa ang nakakarinig sa salita at
umuunawa rito; nagbubunga siya at nagbibigay ng sandaan, animnapu o tatlumpu."
Pagninilay-nilay
Hasik. May mga lugar na inihahasik ng magsasaka ang mga buto sa halip
na patubuin muna ang mga iyon at saka ilipat ng taniman pagkatapos. Kayat
parang suwertehan lang ang paghahasik. Parepareho ang mga binhing inihahasik
at nagkakaiba lang ng kahihinatnan ayon sa kung saan ito mahulog.
Ganito rin ang salita ng Diyos. Kung ilang libong taon na itong ipinahahayag
at hindi naman ito nagbabago-ito rin ang Salita ng Diyos na narinig ng
mga unang martir, at ng mga santo at santa. Ito ang Salita ng Diyos na
nagtulak sa kanila sa pagbabagumbuhay at pagpapakabayani. Ano naman ang
dating ng salitang ito sa atin ngayon?
Hulyo
14
Lunes
Ika-15
Linggo ng Taon
Camilo ng Lellis/Kateri Tekakwitha
Unang
Pagbasa: Is 1:10-17
Ebanghelyo: Mt 10:34-11:1
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga apostol, "Huwag ninyong isipin na
dumating ako para magdala ng kapayapaan sa lupa. Hindi kapayapaan ang
dala ko kundi tabak. Dumating akong taglay ang paghihiwalay: ng tao laban
sa kanyang ama, ng anak na babae sa kanyang ina, ng manugang sa kanyang
biyenan. At magiging kaaway ng bawat isa ang kanyang mga kasambahay.
"Ang mas nagmamahal sa kanyang ama o ina kaysa akin ay hindi karapat-dapat
sa akin. Ang mas nagmamahal sa kanyang anak kaysa akin ay hindi karapat-dapat
sa akin. At ang hindi nagpapasan ng kanyang krus at sumusunod sa akin
ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang nagpapahalaga sa kanyang sarili ang
siyang mawawalan nito, at ang nawawalan naman ng kanyang sarili ang siyang
makakatagpo nito.
"Kung may tumatanggap sa inyo, tinatanggap din niya ako; at kung
may tumatanggap sa akin, tinatanggap din niya ang nagsugo sa akin. Kung
may tumanggap sa isang propeta dahil propeta ito, tatanggapin niya ang
gantimpalang bagay sa isang propeta; kung may tumanggap sa isang mabuting
tao dahil marangal ito, tatanggapin niya ang gantimpalang bagay sa isang
mabuting tao. Kung may magpainom ng malamig na tubig sa isa sa maliliit
na ito dahil sa alagad ko ito, sinasabi kong hindi siya mananatiling walang
gantimpala."
Nang matapos si Jesus sa pagtuturo sa Labindalawa niyang alagad, umalis
siya roon para magturo at mangaral sa mga bayan doon.
Pagninilay-nilay
Anong klase ng kapayapaan meron sa ating mundo o mga pamilya? Kapayapaan
ba kung walang gulo o di-pagkakaunawaan kaya sinasabi nating payapa ang
lahat? Hindi ganitong kapayapaan ang hatid ni Jesus.
Kung may taong lubos na naninindigan sa kanyang pagsunod kay Jesus, tiyak
na marami ang di sasang-ayon sa kanyang pamumuhay kayat hindi magiging
payapa ang kanyang kapaligiran. Marami ang nagsasabi na sumunod ka na
lamang sa agos o kaya'y tumahimik ka na lamang at magsawalang-kibo para
wala nang anumang gulo. Paano makasusunod at makapagsasawalang-kibo ang
Kristiyano sa harap ng kasinungalingan at kawalang-katarungan?
balik
calendario
Hulyo
15
Martes
Ika-15
Linggo ng Taon
Buenaventura
Unang
Pagbasa: Is 7:1-9
Ebanghelyo:
Mt 11:20-24
Sinimulang tuligsain ni Jesus ang mga bayang ginawan niya ng karamihan
sa kan-yang mga himala sapagkat hindi sila nagpanibagong-buhay: "Sawimpalad
kayong mga bayan ng Corozain at Betsaida! Kung sa Tiro at Sidon nangyari
ang mga himalang naganap sa piling ninyo, matagal na sana silang nagsisi
nang may abo at sako. Kaya sinasabi ko sa inyo: Mas magiging magaan pa
ang sasapitin ng Tiro at Sidon sa araw ng paghuhukom kaysa inyo.
"At ikaw naman, Capernaum, itataas ka ba sa langit? Hindi, itatapon
ka sa kaharian ng mga patay! Sapagkat kung sa Sodom nangyari ang mga himalang
naganap sa iyo, nananatili pa sana ngayon ang Sodom.
"Kaya sinasabi ko sa inyo: mas magiging magaan pa ang sasapitin ng
lupain ng Sodom sa araw ng paghuhukom kaysa inyo."
Pagninilay-nilay
Paano naging napakaunlad ng bansang Hapon samantalang lubos na pagkawasak
ang sinapit niyon sa mga Kano sa pagtatapos ng World War II? Paano umunlad
ang Hong Kong at China samantalang noong araw eh mga Intsik ang mga "amah"
(katulong) ng mga maykaya dito sa atin? Paano nakaahon sa karukhaan ang
Thailand na dati'y kasimpobre lamang ng Pilipinas?
Bakit hanggang ngayo'y Pilipinas pa rin ang naiiwan sa pag-unlad ng mga
bansa? Ano't lalo pa ring naghihirap ang mga dukha habang lalo namang
yumayaman ang mga maykaya at mga pulitiko?
At Pilipinas lamang ang Katolikong bansa sa mga bansang ating nabanggit.
Hulyo
16
Miyerkules
Ika-15
Linggo ng Taon
Mahal na Birheng Maria ng Carmel
Pagtatatag ng Kapatirang Claretiano
Unang
Pagbasa: Is 10:5-7, 13
Ebanghelyo: Mt 11:25-27
Nagsalita
si Jesus sa isang pagkakataon, "Pinupuri kita Amang Panginoon ng
Langit at lupa sapagkat itinago mo ang mga bagay na ito sa matatalino
at marurunong, at ipinamulat mo naman sa mga karaniwang tao. Oo, Ama,
ito ang ikinasiya mo.
"Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala
sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at
ang sinumang gustuhing pagbunyagan ng Anak."
Pagninilay-nilay
Hulyo 16, 1849, pinulong ni San Antonio Maria Claret ang mga paring
kasama niya at nagkasundo silang simulan ang Kapatiran ng mga Misyonerong
Anak ng Kalinis-linisang Puso ni Maria. At kahit na iilan lamang sila
noon, sinabi ni San Antonio Claret, "Ngayon, malaki at dakilang gawain
ang sinisimulan natin."
Nabuhay sila sa gitna ng magulong kasaysayan ng Espanya nang panahong
iyon ngunit nagpatuloy ang gawaing kanilang sinimulan sa mahigit-kumulang
na 3,000 pari at brother sa 65 bansa. Pag-ibig ni Kristo ang nagtutulak
sa kanila upang ipahayag ang Salita ng Diyos sa anumang posibleng paraan
ayon sa pinakanapapanahon, pinakamabisa at pinakakailangan.
Hulyo
17
Huwebes
Ika-15
Linggo ng Taon
Unang Pagbasa: Is 26:7-9, 12, 16-19
Ebanghelyo: Mt 11:28-30
Nagwika
si Jesus, "Lumapit sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan,
at pagiginhawahin ko kayo. Kunin ninyo ang aking pamatok at matuto sa
akin, akong mahinahon at mababang-loob, at makakatagpo kayo ng ginhawa
para sa inyong kaluluwa. Sapagkat mahusay ang aking pamatok at magaan
ang aking pasanin."
Pagninilay-nilay
Panginoon, pagod na pagod na ako. Araw-araw akong pumapasok sa trabaho
mula umaga hanggang gabi. Ni wala kaming panahon ng aking pamilya para
magrelax nang sama-sama. Para bang sa hanapbuhay na lang lahat ang aming
gawain. Pero ano ang gagawin ko?
Pag nakikita ko ang aking mga anak, wala akong ibang naiisip kundi ang
mabigyan sila ng mas magandang kinabukasan. Alam mo, Panginoon, na hindi
para sa akin ang lahat ng ito. Sa iyo ako lumalapit ngayon upang magpahinga.
Sa iyo nagpapakalong upang makatagpo ng kapanatagan ang aking loob. Sa
iyo nagbubuntung-hininga upang magkaroon ng panibagong sigla sa buhay
na ito.
Hulyo
18
Biyernes
Ika-15
Linggo ng Taon
Unang
Pagbasa: Is 38:1-6, 21-22, 7-8
Ebanghelyo: Mt 12:1-8
Naglakad
noon si Jesus sa mga taniman ng trigo minsang Araw ng Pahinga. Nagutom
ang kanyang mga alagad at sinimulan nilang alisin sa uhay ang mga butil,
at kinain iyon. Nang mapansin ito ng mga Pariseo, sinabi nila kay Jesus:
"Tingnan mo ang iyong mga alagad, gumagawa sila ng ipinagbabawal
sa Araw ng Pahinga!"
Ngunit sumagot si Jesus: "Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David
noong magutom siya at ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa bahay ng
Diyos at kinain ang tinapay na inihain para sa Diyos gayong bawal sa kanya
o sa kanyang mga kasama na kainin ito liban sa mga pari. At hindi ba ninyo
nabasa sa Batas na sa Araw ng Pahinga, walang pahinga ang mga pari sa
Templo pero wala silang kasalanan dahil dito?
"Sinasabi ko naman sa inyo: Dito'y may mas dakila pa sa Templo. Kung
nauunawaan ninyong talaga ang salitang ito, 'Awa ang gusto ko, hindi handog,'
hindi sana ninyo hinatulan ang walang-sala.
At isa pa'y ang Anak ng Tao ang Panginoon ng Araw ng Pahinga."
Pagninilay-nilay
Hindi katulad ng Pasko na tuwing ika-25 ng Disyembre natin
ipinagdiriwang ang Chinese New Year dahil hindi solar kundi lunar na kalendaryo
ang sinusunod nito, gaya ng pagdiriwang natin ng Pasko ng Pagkabuhay na
nag-iiba ng petsa taun-taon. Kaya may mga taon na natatapat ang pagdiriwang
ng Lunar New Year sa araw ng Miyerkules ng Abo, na araw ng ayuno at abstinensya.
Ano ngayon ang gagawin ng mga Katolikong Intsik sa araw ng pinakamalaki
nilang piyesta? Magpapakagutom ba sila at hindi kakain ng karne? Sa gayong
pagkakataon, idinedeklara ng Diyosesis ng Macau na walang ayuno at abstinensya
kahit na Miyerkules ng Abo dahil Bagong Taon.
Hulyo
19
Sabado
Ika-15
Linggo ng Taon
Romualdo
Unang
Pagbasa: Mik 2:1-5
Ebanghelyo: Mt 12:14-21
Pagkalabas ng mga Pariseo, nag-usap-usap sila kung paano nila siya masisiraan.
Nalaman ito ni Jesus kaya lumayo siya sa lugar na iyon. Maraming tao ang
sumunod sa kanya. Pinagaling niya ang lahat ng maysakit ngunit inutusan
niya sila na huwag siyang ipamamalita.
Kaya natupad ang sinabi ni Isaias, ang propeta:
"Narito ang utusan ko na aking pinili, ang mahal ko na siya kong
kinalulugdan. Ilalagay ko sa kanya ang aking Espiritu at siya ang magpapahayag
sa mga bansa ng aking mga pasya.
Hindi siya makikipagtalo o sisigaw, hindi maririnig sa mga liwasan ang
kanyang tinig. Hindi niya babaliin ang sugatang tangkay o papatayin ang
aandap-andap na mitsa. Hindi siya titigil hanggang magwagi ang katarungan.
Ang kanyang pangalan ang inaasahan ng lahat ng bansa."
Pagninilay-nilay
Father Higante ang tawag sa kanya ng mga tao sa kanyang parokya at
labis nga ang kanilang tuwa nang palayain si Fr. Giancarlo Bossi PIME
ng mga kumidnap sa kanya sa Zamboanga. Sa kabila ng pakikipagtulungan
ng Italya sa Pilipinas, at ng patuloy na pagdarasal ng mga tao, lalo na
sa kanyang parokya sa Payao, Zamboanga, nanatili siyang bihag ng mga kidnaper.
Ngunit noong Hulyo 20, 2006, pagkatapos ng 40 araw, dahil sa kung anong
dahilan, pinalaya siya ng mga kumidnap sa kanya. Nakahinga nang maluwag
ang mga taong nagmamalasakit kay Fr. Higante at nagluto naman ng spaghetti
ang mga taga-Payao bilang pasasalamat sa kanyang paglaya.
balik
calendario
Hulyo
20
Linggo
Ika-16
na Linggo ng Taon
Unang
Pagbasa: Kar 12:13,16-19
Walang ibang
Diyos liban sa iyo na nangangalaga sa lahat at dapat mong pangatwiranan
tungkol sa iyong mga kapasyahan. Sa iyong lakas nagmumula ang iyong katarungan
at sapagkat ikaw ang Panginoon ng lahat, mapapatawad mo ang lahat.
Ipinamamalas mo ang iyong lakas sa mga nag-aalinlangan sa ganap mong kapangyarihan
at sinasasansala mo ang kapangahasan ng mga ayaw kumilala rito. Ngunit
ikaw, Panginoong Makapangyarihan, humahatol ka nang matimpi at maingat
kaming pinamamahalaan dahil sa nagagawa mo lahat kailanman mo man naisin.
Sa ganitong paraan itinuro mo sa iyong bayan na dapat maging maawain sa
kapwa ang makatarungan; binigyan mo rin ng pag-asa ang iyong bayan sa
pagkakaloob sa kanila ng pagkakataong makapagsisi sa kanilang mga kasalanan.
Slm
86:5-6, 9-10, 15-16
Ikaw ay butihin at mapagpatawad, O Panginoon.
Ikalawang
Pagbasa: Rom 8:26-27
Gayon din
naman, tinutulungan tayo ng Espiritu-mahina nga tayo. Para ano at paano
tayo mananalangin? Hindi natin alam ngunit ang Espiritu ang sumasamo para
sa atin sa paghibik na di kayang sabihin. At siyang sumusuri sa mga puso
ang nakakaalam kung ano ang kalooban na niloloob ng Espiritu sapagkat
ayon sa Diyos ang pagsamo ng Espiritu alang-alang sa mga banal.
Ebanghelyo:
Mt 13:24-43*
Binigyan sila ni Jesus ng isa pang talinhaga. "Naihahambing ang kaharian
ng Langit sa isang taong naghasik ng mabuting buto sa kanyang taniman.
At samantalang natutulog ang mga tauhan, dumating ang kaaway. Hinasikan
nito ng masamang damo ang taniman ng trigo at saka umalis.
Nang tumubo ang mga tanim at nagsimulang mamunga ng butil, naglitawan
din ang masasamang damo. Kaya lumapit sa may-ari ang mga katulong at sinabi:
'Ginoo, di ba't mabubuting buto ang inihasik mo sa iyong bukid, saan galing
ang mga damo?'
Sinagot niya sila: 'Gawa ito ng kaaway.' At tinanong naman nila siya:
'Gusto mo bang bunutin namin ang mga damo?' Sinabi niya sa kanila: 'Huwag,
at baka sa pagbunot ninyo sa mga damo e mabunot pati ang trigo. Hayaan
ninyo na sabay silang tumubo hanggang anihan. At doon ko sasabihin sa
mga mag-aani: Bunutin muna ninyo ang mga damo, at bigkisin para sunugin;
at saka kunin ang lahat ng trigo at tipunin sa aking kamalig."
Binigyan sila ni Jesus ng isa pang talinhaga: "Naikukumpara ang kaharian
ng Langit sa isang buto ng mustasa na kinuha ng isang lalaki at inihasik
sa kanyang bukid.
Pinakamaliit ito sa mga buto ngunit paglaki'y mas malaki ito sa mga gulay,
at parang isang puno- dumarating ang mga ibon ng langit at dumadapo sa
mga sanga nito."
At sinabi ni Jesus ang iba pang talinhaga: "Naikukumpara ang kaharian
ng Langit sa lebadurang kinuha ng isang babae at ibinaon sa tatlong takal
ng harina hanggang umalsa ang buong masa."
Itinuro ni Jesus ang lahat ng ito sa mga tao sa pamamagitan ng mga talinhaga;
hindi siya nagturo sa kanila na hindi gumagamit ng mga talinhaga. Kaya
natupad ang sinabi ng Propeta: "Magsasalita ako sa talinhaga. Magpapahayag
ako ng mga bagay na natago mula pa sa simula ng daigdig."
At pinaalis niya ang mga tao at saka pumasok sa bahay. Lumapit noon sa
kanya ang kanyang mga alagad at nagtanong: "Ipaliwanag mo sa amin
ang talinhaga ng mga trigo sa bukid." Sumagot si Jesus: "Ang
nagtanim ng mabuting buto ay ang Anak ng Tao. Ang bukid naman, ang daigdig;
ang mabuting buto, ang mga tao ng Kaharian; at ang masasamang damo, ang
mga tauhan ng demonyo. Ang kaaway na naghasik sa kanila ay ang demonyo;
ang pag-aani ay ang katapusan ng mundo, at ang mga manggagawa ay ang mga
anghel.
Kung paanong tinitipon ang masasamang damo at sinusunog sa apoy, ganito
rin ang mangyayari sa katapusan ng mundo. Ipadadala ng Anak ng Tao ang
kanyang mga anghel at titipunin nila sa kanyang kaharian ang mga eskandalo
at ang mga gumagawa ng masama. At itatapon ang mga ito sa nagliliyab na
pugon kung saan may iyakan at pagngangalit ng ngipin. At pagkatapos nito,
magniningning ang mga makatarungan tulad ng araw sa Kaharian ng kanilang
Ama. Makinig ang may tainga!
Pagninilay-nilay
Talinhaga. Mga karaniwang salita ang bumubuo sa talinhaga ngunit higit
pa sa karaniwang kahulugan ang nakapaloob sa mensaheng hatid sa atin nito.
Hindi natin ito maiintindihan nang lubos kung babasahin lang nang literal
ang talinhaga dahil higit pa sa nakasulat o sa sinasabi ng salita ang
ipinahahayag ng kabuuan nito.
Ganito ang mga talinhagang ipinahahayag ni Jesus sa atin. Mula sa literal
na pag-unawa natin dito, iugnay natin ang talinhaga sa ating buhay. Diskubrehin
din natin hindi lamang kung ano ang kanyang sinasabi kundi pati ang hindi
niya sinasabi sa talinhaga, at kung ano ang taliwas sa karaniwan.
balik
calendario
Hulyo
21
Lunes
Ika-16
na Linggo ng Taon
Lorenzo ng Brindisi
Unang
Pagbasa: Mik 6:1-4, 6-8
Ebanghelyo: Mt 12:38-42
Sinabi noon
ng ilang guro ng Batas at mga Pariseo: "Guro, gusto naming makakita
ng tanda mula sa iyo." Sumagot si Jesus: "Isang palatandaan
ang hinihiling ng masama at di-tapat na lahing ito ngunit walang palatandaang
ibibigay sa kanila, liban sa palatandaan ni Propeta Jonas. Kung paanong
tatlong araw at tatlong gabing nasa tiyan ng balyena si Jonas noon, gayundin
naman tatlong araw at tatlong gabing mananatili sa ilalim ng lupa ang
Anak ng Tao.
"Sa paghuhukom, babangon ang mga taga-Ninive kasama ng mga taong
ito at hahatulan ang salinlahing ito sapagkat nagpanibagong-buhay sila
sa pangangaral ni Jonas, at dito'y may mas dakila pa kay Jonas. Sa paghuhukom,
babangon ang Reyna ng Timog, kasama ng mga taong ito at hahatulan sila.
Sapagkat dumating siya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan
ang karunungan ni Solomon, at dito'y may mas dakila pa kay Solomon."
Pagninilay-nilay
Simpleng-simple ang naging buhay niya. Dalawampu't anim na taon siya
nang mag-asawa at pitong anak ang kanyang inilagaan at pinalaki. At nang
mabiyuda, sa tulong ng kanyang ina at mga kapatid, napapag-aral niya lahat
ng kanyang mga anak. Nakaraos sila sa tulong at awa ng Diyos. Sa pag-aasawa
ng kanyang mga anak, siya ang kanilang kasa-kasama at ang naging tagapag-alaga
ng kanyang mga apo. Kahit na nga matanda na at hindi na kasinlakas noong
mga anak pa niya ang kanyang inaalagaan, wala pa ring tigil ang kanyang
pagkalinga hanggang sa pagyao niya nang pitumpung taon.
May hihigit pa bang tanda ng pag-ibig ng Diyos sa buhay ng isang ina?
balik
calendario
Hulyo
22
Martes
Ika-16
na Linggo ng Taon
Maria Magdalena
Unang
Pagbasa: 2 Cor 5:14-17
Ebanghelyo:
Jn 20:1-2, 11-18
Pagkatapos ng Araw ng Pahinga, habang madilim pa, maagang pumunta sa libingan
si Maria Magdalena, nang makita niyang tanggal ang bato mula sa libingan,
patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa isa pang alagad na mahal
ni Jesus.
Sinabi niya sa kanila: "May kumuha sa Panginoon mula sa libingan,
at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay."
Nakatayo namang umiiyak sa labas si Maria sa may libingan. Sa kanyang
pag-iyak, yumuko siyang nakatanaw sa libingan. At may napansin siyang
dalawang anghel na nakaputi na nakaupo, isa sa may ulunan at isa sa may
paanan ng pinaglagyan sa katawan ni Jesus.
Sinabi sa kanya ng mga iyon: "Ale, bakit ka umiiyak?" Sinabi
niya sa kanila: "May kumuha sa Panginoon ko, at hindi ko alam kung
saan siya inilagay." Pagkasabi niya nito, tumalikod siya at napansin
niya si Jesus na nakatayo pero hindi niya nakilalang si Jesus iyon.
Sinabi sa kanya ni Jesus: "Ale, bakit ka umiiyak? Sino'ng hinahanap
mo?" Sa pag-aakala niyang iyon ang hardinero, sinabi niya sa kanya:
"Ginoo, kung kayo ang nagdala sa kanya, sabihin n'yo sa akin kung
saan n'yo siya inilagay at kukunin ko siya."
Sinabi sa kanya ni Jesus: "Maria!" Pagkaharap niya'y sinabi
niya sa kanya sa Aramaiko: "Rabbouni!" (na ibig sabihi'y Guro).
Sinabi sa kanya ni Jesus: "Huwag kang humawak sa akin sapagkat hindi
pa ako nakaaakyat sa Ama. Puntahan mo ang mga kapatid ko at sabihin sa
kanila: 'Paakyat ako sa Ama ko at Ama ninyo, sa Diyos ko at Diyos ninyo.'"
Pumunta si Maria Magdalena na ibinabalita sa mga alagad: "Nakita
ko ang Panginoon." At sinabi niya ang mga sinabi sa kanya."
Pagninilay-nilay
Maraming haka-haka tungkol kay Maria Magdalena-na siya raw ang babaeng
nahuli sa akto ng pakikiapid ayon sa Ebanghelyo, o dati raw siyang prostitute,
at kung anu-ano pa. May mga nagsasabi pa na naging asawa raw siya ni Jesus
at nagkaroon sila ng anak. Pero ano nga bang talaga ang totoo?
Kung hindi tayo magkasundo sa ibig sabihin ng kakaunting bagay na isinulat
tungkol sa kanya, gaano pa ang mga kurukuro na wala namang anumang matatag
na nasusulat na ebidensiya? Ang teksto lamang ng Ebanghelyo ang meron
tayo at sinasabi dito na sa kanya unang napakita ang Jesus na Muling Nabuhay
at siya ang unang isinugo upang ibalita ang Kanyang Pagkabuhay.
balik
calendario
Hulyo
23
Miyerkules
Ika-16
na Linggo ng Taon
Brigida
Unang
Pagbasa: Jer 1:1, 4-10
Ebanghelyo: Mt 13:1-9
Nang araw
ding iyon, umalis sa bahay si Jesus at naupo sa may dalampasigan. Ngunit
maraming tao ang nagtipon sa paligid niya kaya sumakay siya at naupo sa
bangka samantalang nakatayo naman sa pampang ang mga tao. At marami siyang
ipinahayag sa kanila sa tulong ng mga talinhaga.
At sinabi ni Jesus: "Lumabas na ang maghahasik para maghasik.
"Sa kanyang paghahasik, may ilang butong nahulog sa tabi ng daan.
Dumating ang mga ibon at kinain ang mga iyon.
"Nahulog naman ang ibang buto sa batuhan at mababaw ang lupa roon.
Madaling tumubo ang mga buto dahil hindi malalim ang lupa. Ngunit pagsikat
ng araw, nasunog ito sa init at sapagkat walang ugat, natuyo ito. Nahulog
ang iba pang buto sa mga tinikan. At nang lumago ang mga tinik, sinikil
ng mga ito ang halaman. Nahulog naman ang iba sa matabang lupa at namunga:
nagbunga ng sandaan ang iba, animnapu naman ang sa iba, at tatlumpu ang
iba pa. Makinig ang may tainga!"
|