|
Enero
1
Martes
Maria,
Ina ng Diyos
Unang
Pagbasa: Blg 6:22-27
Ikalawang Pagbasa: Gal 4:4-7
Ebanghelyo: Lc 2:16-21
Kaya nagmamadaling
pumunta at natagpuan ng mga pastol si Maria at si Jose at ang sanggol
na nakahiga sa sabsaban. Pagkakita rito, pinatotohanan nila ang pahayag
na binigkas sa kanila tungkol sa batang ito. Namangha rin ang mga nakarinig
sa mga sinasabi ng mga pastol.
Iningatan naman ni Maria ang mga ito at pinagnilay-nilay sa kanyang puso.
Umuwi ang mga pastol na niluluwalhati at pinupuri ang Diyos dahil nakita
nila ang lahat ng kanilang narinig ayon sa ipinasabi sa kanila.
Pagsapit ng ikawalong araw, kailangan nang tuliin ang bata; noon siya
pinangalanang Jesus, ang itinawag sa kanya ng anghel bago pa siya ipinaglihi.
Pagninilay-nilay
Bago
pa man tayo ipinaglihi ng ating mga ina, tinawag na rin tayo ng Diyos
sa ating pangalan. Oo, bago pa man niya nilikha ang anuman, alam na ng
Diyos ang ating pangalan. Hindi ba napakasarap sa pakiramdam na hindi
pala tayo iba sa Diyos dahil kilalang-kilala niya tayo! Sa pasimula ng
taong ito, narito ang ilang paanyaya sa atin ng Panginoon: ang tularan
natin ang mga pastol sa pagluwalhati at pagpupuri sa Diyos habang ipinamamalita
natin sa ating kapwa ang magagandang bagay na ginawa niya at ipinakita
sa ating buhay, at ang maging totoo tayo sa pangalang binigkas at ibinigay
sa ating Diyos bago pa man niya nilikha ang anuman-ang pangalan ng isang
anak ng Diyos!
balik
calendario
Enero
2
Miyerkules
Bago
Mag-Epifania
Dakilang San Basilio at Gregorio Nazianzeno
Unang
Pagbasa: 1 Jn 2:22-28
Ebanghelyo: Jn 1:19-28
Ito ang
pagpapatunay ni Juan nang papuntahin sa kanya ng mga Judio ang ilang mga
pari at Levita mula sa Jerusalem para tanungin siya: "Sino ka?"
Inako niya at di ipinagkaila, inako nga niyang "Hindi ako ang Kristo."
At tinanong nila siya: "Ano ka kung gayon? Si Elias ka ba?"
At sinabi niya: "Hindi." "Ang Propeta ka ba?" Isinagot
naman niya: "Hindi." Kaya sinabi nila sa kanya: "Sino ka
ba? Para may maisagot kami sa mga nagpapunta sa amin. Ano ba ang masasabi
mo tungkol sa 'yong sarili?"
Sumagot siya gaya ng sinabi ni Propeta Isaias: "Tinig ako ng isang
sumisigaw sa disyerto:Tuwirin ang daan ng Panginoon."
May mga pinapunta mula sa mga Pariseo. At tinanong nila siya: "Eh,
ba't ka nagbibinyag kung hindi ikaw ang Kristo, ni si Elias, ni ang Propeta?"
Sinagot sila ni Juan: "Sa tubig ako nagbibinyag ngunit may nakatayo
sa piling ninyo na hindi n'yo kilala. Siya ang dumating na kasunod ko
pero hindi ako karapat-dapat magkalag ng panali ng kanyang panyapak."
Sa Betaraba nangyari ang mga ito, sa kabilang-ibayo ng Jordan na pinagbibinyagan
ni Juan.
Pagninilay-nilay
Dala ng sigasig ng marami sa atin, hindi lamang paghahatid ng Magandang
Balita ang ating ginagawa, isinasaalang-alang din natin ang kaligtasan
ng ating kapwa. Sinasabihan natin sila ng mga dapat at di-dapat nilang
gawin upang mailigtas sila. At kapag nakita natin na hindi sila makasunod,
tayo mismo ang nababagabag. Pero saan ba natin sila gustong maligtas?
At sino nga bang talaga ang tunay na Tagapaglitas? Iisa lang ang Kristo-at
hindi ikaw o ako o ang ibang tao iyon! Si Jesus ang Kristo at tayo ang
mga tagapaghatid ng kanyang Mabuting Balita ng pagliligtas ng Diyos sa
mundo. Siya ang Tagapaglitas kaya siya rin ang bahalang magligtas sa atin
at sa ating kapwa.
balik
calendario
Enero
3
Huwebes
Bago
Mag-Epifania
Banal na Pangalan ni Jesus
Unang
Pagbasa: 1 Jn 2:29-3:6
Ebanghelyo: Jn 1:29-34
Nakita ni
Juan si Jesus na papalapit sa kanya kaya sinabi niya: "Hayan ang
Kordero ng Diyos, sa kanya napapawi ang sala ng mundo. Ito ang tinutukoy
ko nang sinabi kong 'Isang lalaki ang kasunod kong dumarating; nauna na
siya sa akin pagkat bago ako'y siya na.'
"Wala nga akong alam sa kanya pero upang mahayag siya sa Israel ang
dahilan kaya dumating akong nagbibinyag sa tubig."
At nagpatunay si Juan sa pagsasabing "Nakita ko ang Espiritu na bumababa
mula sa langit gaya ng isang kalapati, at namalagi sa kanya. Wala nga
akong alam sa kanya pero ang nagpadala sa akin na magbinyag sa tubig ang
siya ring nagsabi sa akin: 'Kung kanino mo makitang bumababa ang Espiritu
at namamalagi sa kanya, ito ang magbibinyag sa Espiritu Santo!" Nakita
ko at pinatutunayan ko na siya nga ang hinirang Diyos."
Pagninilay-nilay
Panginoon, pangatlong araw pa lang ng Bagong Taon pero parang wala
nang anumang bago sa taong ito. Tapos na ang maliligayang araw; tapos
na rin ang magaganda kong balak gawin at simulan sa pagdating ng taong
ito. Wala na rin ang aking mga New Year's resolution.
Panginoon, sa iyo lamang nagmumula ang aming lakas at pagbabago. Hinding-hindi
ko mababago ang aking sarili kaya tulungan mo akong buksan ang aking puso
sa iyong biyaya upang baguhin ako. Gisingin mo ako sa aking pagkahimlay
upang matauhan sa katotohanan at makapagpatunay sa pamamagitan ng aking
buhay na ikaw nga ang Tagapagligtas.
balik
calendario
Enero
4
Biyernes
Bago
Mag-Epifania
Elizabeth Ann Seton
Unang Pagbasa: 1 Jn 3:7-10
Ebanghelyo: Jn 1:35-42
Naroon sa
Betaraba, sa kabilang ibayo ng Jordan si Juan at dalawa sa kanyang mga
alagad. Pagdaan ni Jesus, tinitigan niya ito at sinabi: "Hayan ang
Kordero ng Diyos." At narinig siyang nagsasalita ng dalawang alagad
kaya sinundan nila si Jesus. Lumingon si Jesus at nakita niya silang sumusunod,
at sinabi niya sa kanila: "Ano'ng hinahanap n'yo?" Sumagot naman
sila sa kanya, "Rabbi (na kung isasalin ay Guro), saan ka namamalagi?"
At sinabi niya sa kanila: "Halikayo at inyong makikita." At
pumaroon sila at nakita kung saan siya namamalagi, at maghapon silang
namalagi sa kanya. Mag-iikapat ng hapon ang oras noon.
Si Andres na kapatid ni Simon Pedro ang isa sa dalawang sumunod sa kanya
pagkarinig kay Juan. Una niyang natagpuan ang kapatid niyang si Simon
at sinabi sa kanya: "Natagpuan namin ang Mesiyas (na kung isasalin
ay Pinahiran)." Inihatid niya siya kay Jesus. Tinitigan siya ni Jesus
at sinabi: "Ikaw si Simon na anak ni Juan. Tatawagin kang Kefas (na
kung isasalin ay Pedro)."
Pagninilay-nilay
Nakilala ko si Jia Wei noong Agosto 2006 sa Beijing, at pagkalipas
ng ilang buwan, nagsimula siyang mag-aral ng katekesis sa South Cathedral
para magpabinyag bilang Katoliko. Pero kaiba sa maraming Katoliko, hindi
sapat para sa kanya ang basta lamang sumimba dahil sa simula pa lamang,
iniimbitahan din niya ang kanyang mga kaibigan at kamag-aaral sa unibersidad
na sumama sa kanya sa simbahan. Hindi pa nga siya nabibinyagan pero ginagawa
na niya ang tungkulin ng isang binyagan-ang ipakilala si Kristo sa mga
tao at ihatid sila sa kanya. Bininyagan si Jia Wei noong Pasko ng Pagkabuhay
2007 at patuloy pa rin ang pagdadala niya ng mga tao sa simbahan.
balik
calendario
Enero
5
Sabado
Bago
Mag-Epifania
Juan Neumann
Unang
Pagbasa: 1 Jn 3:11-21
Ebanghelyo: Jn 1:43-51
Kinabukasan, niloob niyang lumabas pa-Galilea at natagpuan niya si Felipe.
Sinabi ni Jesus sa kanya: "Sumunod ka sa akin." Taga-Betsaida
si Felipe na kababayan nina Andres at Pedro. Natagpuan ni Felipe si Natanael
at sinabi nito sa kanya: "Ang tinukoy ni Moises na nakasulat sa Batas
at Mga Propeta, natagpuan namin siya-si Jesus na anak ni Jose, na taga-Nazaret."
Sinabi naman sa kanya ni Natanael: "May mabuti bang puwedeng manggaling
sa Nazaret?" Sagot sa kanya ni Felipe: "Halika't makikita mo."
Nakita ni Jesus si Natanael na palapit sa kanya at sinabi niya tungkol
sa kanya: "Hayan, isang totoong Israelitang walang pagkukunwari."
Sinabi sa kanya ni Natanael: "Paano mo ako nakilala?" Sumagot
sa kanya si Jesus: "Bago ka pa man tawagin ni Felipe, habang nasa
ilalim ka ng punong-igos, nakita na kita."
Sumagot si Natanael: "Rabbi, ikaw ang Anak ng Diyos, ikaw ang Hari
ng Israel." Sumagot si Jesus: "Sinabi ko lang sa iyong nakita
kita sa ilalim ng punong-igos at naniniwala ka na? Higit pa sa mga ito
ang makikita mo."
At idinugtong ni Jesus: "Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, makikita
ninyong bukas na ang langit at panhik-panaog sa Anak ng Tao ang mga anghel
ng Diyos."
Pagninilay-nilay
Marami ang nagsasabi na wala raw mabuting manggagaling sa bayan ng
San Francisco, na dating Aurora ang pangalan, dahil isinumpa raw iyon
noong araw. Pero sa kabila ng masamang pangalan nito, doon nanirahan si
Dra. Pitt Ojeda at kung ilang pung taon na siya lamang ang tanging doktor
sa bayang iyon. Nakita niya ang ganda ng bayan ng San Francisco, na lingid
sa paningin kahit na ng mga tagaroon mismo. Mulat ang kanyang mga mata
sa patuloy na pagpapala ng Diyos sa kanyang bayan. Retired na ngayon si
Dra. Pitt at mas malimit na siya ngayon sa Metro Manila pero ngayo'y marami
nang mabubuting galing sa San Francisco-isa na nga sa mga ito si Dra.
Pitt.
balik
calendario
Enero
6
Linggo
Epifania
ng Panginoon
Unang
Pagbasa: Is 60:1-6
Bumangon
ka, magningning, pagkat dumating na ang iyong liwanag.
Ang kaluwalhatian ni Yawe sa iyo ay sumisikat. Masdan, balot pa ng dilim
ang lupa, at ng makapal na ulap ang mga bayan. Ngunit sumisikat si Yawe
sa iyo, at lumilitaw kanyang kaluwalhatian. Lumalakad ang mga bansa sa
iyong liwanag, at ang mga hari sa ningning ng iyong bukanliwayway. Tumingin
ka at masdan ang paligid: nagtitipon si-lang lahat at dumarating sa iyo.
Dadalhin sa iyo ang yaman ng dagat, darating sa iyo ang yaman ng mga bansa.
Matatabunan ka ng napakaraming kamelyo, mga batang kamelyo ng Madian at
Efa. Darating lahat ng taga-Saba, may dalang ginto at insenso, at ipinapahayag
ang papuri kay Yawe.
Ikalawang
Pagbasa: Ef 3:2-3a, 5-6
Mga kapatid,
narinig n'yo na siguro ang tungkol sa kinalabasan ng misyong bigay sa
akin ng Diyos alang-alang sa inyo. Ipinaalam niya sa akin sa pagbubunyag
ang mahiwagang balak na isinulat ko sa iilang salita lamang. Di pa ito
ipinahahayag sa mga tao sa lumipas na panahon, kundi sa espiritu ito ibinunyag
ngayon sa banal niyang mga apostol at mga propeta. Kay Kristo Jesus nagiging
kapwa-tagapagmana at kaisang-katawan at kabahagi sa pangako ang mga bayang
pagano.
Ebanghelyo:
Mt 2:1-12
Pagkapanganak kay Jesus sa Betlehem sa Judea, sa panahon ni Haring Herodes,
dumating sa Jerusalem ang ilang pantas mula sa Silangan. Nagtanong sila:
"Nasaan ang bagong silang na hari ng mga Judio? Nakita namin ang
pagsikat ng kanyang tala sa Silangan at naparito kami para sambahin siya."
Nang marinig ito ni Herodes, naligalig siya at ang buong Jerusalem. Ipinatawag
niya kaagad ang buong kaparian at ang mga dalubhasa sa Batas, at itinanong
sa kanila kung saan ipanganganak ang Mesiyas.
At sinabi nila: "Sa Betlehem ng Juda sapagkat ito ang isinulat ng
Propeta: 'At ikaw, Betlehem, sa lupain ng Juda, hindi ikaw ang pinakaaba
sa mga angkan ng Juda sapagkat sa iyo magmumula ang isang pinuno: siya
ang magiging pastol ng aking bayang Israel.'"
Kaya lihim na tinawag ni Herodes ang mga pantas at hiningi sa kanila ang
mga impormasyon tungkol sa sumikat na tala. At saka niya sila pinapunta
sa Betlehem at sinabi: "Pumunta kayo at alamin ang tungkol sa bata.
Pagkakita ninyo sa kanya, bumalik kayo sa akin para makapunta rin ako
sa kanya at makasamba."
Umalis sila pagkarinig nila sa hari. Nagpauna sa kanila ang tala na nakita
nila sa Silangan, at tumigil ito sa itaas ng lugar na kinaroroonan ng
sanggol. Labis na natuwa ang mga pantas nang makita nilang muli ang tala!
Pumasok sila sa bahay at nakita nila ang sanggol kasama ni Mariang kanyang
ina. Lumuhod sila at sumamba, at binuksan ang kanilang mga mamahaling
dala at hinandugan siya ng mga regalong ginto, kamanyang at mira.
At nag-iba sila ng daan pag-uwi nila sa kanilang lupain dahil binilinan
sila sa pana-ginip na huwag nang bumalik kay Herodes.
Pagninilay-nilay
Tala. Hindi na karaniwang salita ang "tala" para sa maraming
kabataan ngayon; mas alam nila ang salitang "bituin." Sa kasalukuyan,
mas nakaugnay sa pagsilang ni Jesus ang kahulugan ng "tala"-ang
bituing nagsilbing tanda ng kanyang pagsilang.
Tanda ang tala para lamang sa mga naghahanap sa pagdating ng Tagapagligtas
sa mundo. Nagniningning ito sa langit para makita ng lahat pero ang mga
tunay na naghahanap lamang ang makakakita at makauunawa nito.
Matagal na nating hinahanap ang Panginoon sa ating buhay at maaari ngang
natagpuan na natin siya. Ano o sino ang nagsilbing tala para ihatid tayo
sa kanya?
balik
calendario
Enero
7
Lunes
Lunes,
Pagkaraan ng Epifania
Raymundo Peñafort
Unang
Pagbasa: 1 Jn 3:22-4:6
Ebanghelyo: Mt 4:12-17, 23-25
Nang marinig
ni Jesus na dinakip si Juan, lumayo siya pa-Galilea. Hindi siya tumigil
sa Nazaret, kundi sa Capernaum nanirahan, sa may baybayin ng lawa ng Galilea,
sa teritoryo ng Zabulon at Neftali.
Kaya natupad ang salita ni Propeta Isaias: "Makinig kayo, mga lupain
ng Zabulon at Neftali, mga daang patungo sa Dagat, kabilang ibayo ng Jordan;
pakinggan ako, Galileang lupain ng mga pagano.
"Nakakita na ng malaking liwanag ang mga lugmok sa dilim. Sumikat
na ang liwanag sa mga nasa anino ng kamatayan."
At magmula noon, sinimulang ipahayag ni Jesus ang kanyang mensahe: "Magbagong-buhay;
lumapit na nga ang Kaharian ng Langit."
Nagsimulang maglibot si Jesus sa buong Galilea. Nagturo siya sa kanilang
mga sinagoga, ipinahayag ang Mabuting Balita ng Kaharian at pinagaling
ang kung anu-anong klase ng sakit at kapansanan ng mga tao.
Lumaganap sa buong Siria ang balita tungkol sa kanya. Kaya dinala sa kanya
ang mga may karamdaman, ang lahat ng naghihirap dahil sa sakit, ang mga
inaalihan ng demonyo, ang mga nasisiraan ng bait, ang mga paralitiko,
at pinagaling niya silan.
Pagninilay-nilay
Tulad dapat ng pulot ang mga salita ng isang misyonero, ganito ang
payo ni San Antonio Ma. Claret, para umakit sa mga tao, mga salitang matamis
at kahali-halina sa pandinig. Tulad dapat ng magnet ang pagsasabuhay ng
ating pananampalataya upang maakit natin ang ating kapwa sa pagsunod kay
Jesus. Sa kasamaampalad, kabaligtaran ng mga salita ng Santo ang gawa
ng marami sa atin. Hindi pulot kundi mapait na apdo ang ating mga salita;
hindi magnet na umaakit kundi magnet na naglalayo at nagtataboy sa mga
tao mula sa Diyos ang ating mga gawa. Ngunit pagsundo rin sa ating kapwa
ang pagsunod sa Panginoon upang maihatid natin sila sa kanya.
balik
calendario
Enero
8
Martes
Pagkaraan
ng Epifania
Unang
Pagbasa: 1 Jn 4:7-10
Ebanghelyo: Mc 6:34-44
Pagdating
ni Jesus sa pampang, nakita niya ang maraming taong nagkakatipon doon
at naawa siya sa kanila pagkat para silang mga tupang walang pastol. At
nagsimula siyang magturo sa kanila nang matagal.
Nang humahapon na, lumapit sa kanya ang mga alagad at sinabi: "Nasa
ilang na lugar tayo at lampas na ang oras." Paalisin mo sila nang
makapunta sila sa mga nayon at bukid sa paligid at makabili ng kani-kanilang
makakain."
Ngunit sumagot si Jesus sa kanila: "Kayo ang magbigay sa kanila ng
makakain." Sinabi naman nila: "At kami pa pala ang bibili ng
tinapay-dalawandaang denaryo, di ba? At bibigyan namin sila." Ngunit
sinabi niya: "Ilang tinapay meron kayo? Sige, tingnan ninyo."
At pagkatingin nila ay kanilang sinabi: "Lima at may dalawa pang
isda."
Kaya iniutos niya sa kanila na paupuin nang grupu-grupo ang makapal na
tao sa berdeng damuhan. At naupo silang grupu-grupo, tigsasandaan at tiglilimampu.
Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala sa langit,
nagpuri, hinati ang mga tinapay at ibinigay sa kanyang mga alagad para
ibigay din nila sa mga tao. Gayundin naman, hinati niya ang dalawang isda.
At kumain silang lahat at nabusog, at inipon nila ang mga natirang pira-piraso;
labindalawang punong basket ang mga piraso ng tinapay pati na ang mga
piraso ng isda. Mga limanlibong lalaki ang napakain.
Pagninilay-nilay
Sa pagbasa natin sa bahaging ito ng Ebanghelyo, kapansin-pansin ang
paglalarawan sa berdeng damuhan na kinaroroonan ng makapal na tao. At
kung iisipin natin, makikita na para silang nagpiknik doon nang pagsaluhan
nila ang tinapay at isda. Bukod dito, narito rin ang echo ng Salmo 23
na nagsasabing ang Panginoon ang ating Pastol na umaakay sa atin sa sariwang
pastulan, sa berdeng damuhan.
Pansinin din tulad ng sa salaysay ng Huling Hapunan ang sunud-sunod na
aksyong ginawa ni Jesus sa pamamahagi ng tinapay at isda. At doon sa sariwa
at berdeng damuhan, pinagsaluhan nila ang Eukaristiya ng Panginoon.
balik
calendario
Enero
9
Miyerkules
Pagkaraan
ng Epifania
Nazareno
Unang
Pagbasa: 1 Jn 4:11-18
Ebanghelyo: Mc 6:45-52
Agad na pinilit ni Jesus na sumakay sa bangka ang mga alagad at pinauna
sa Betsaida sa kabilang ibayo habang pinaaalis niya ang mga tao. At pagkapaalis
niya sa kanila, mag-isa siyang lumayo papunta sa kaburulan para manalangin.
Nasa laot na ang bangka nang gumabi at nag-iisa naman siyang nasa lupa.
Nakita niya silang nahihirapan sa pagsagwan dahil pasalungat ang hangin.
Kaya nang madaling-araw na, pinuntahan sila ni Jesus na naglalakad sa
dagat at waring lalampas sa kanila. Nang makita nila siyang naglalakad
sa dagat, akala nila'y multo siya. Kaya sumigaw sila. Nakita nga siya
nilang lahat at nasindak sila. Ngunit agad niya silang kinausap: "Lakasan
ang loob! Ako ito, huwag kayong matakot."
Nang nakasakay na siya sa bangka kasama nila, tumigil ang hangin kaya
lalo pa silang namangha. Hindi nga nila naunawaan ang tungkol sa mga tinapay,
kundi sarado ang kanilang isip.
Pagninilay-nilay
May maganda tayong salitang ginagamit para sabihin na sa kabila ng
lahat ng hirap at problema sa buhay, patuloy pa rin tayong nabubuhay nang
may pag-asa at tiwala na magiging mabuti pa rin ang lahat. Sinasabi nating
"nakakaraos" pa rin tayo sa kabila ng patuloy na paglalakbay
natin sa buhay pasalungat sa malakas na alon. At para sa ating mga alagad
ni Jesus, nararanasan din natin na sa piling ng Panginoon, nagiging payapa
ang dagat ng paghihirap at suliranin sa buhay. Naglalakad siya sa ibabaw
ng alon para sabihin sa atin na wala tayong dapat ipangamba dahil kasama
natin siya, kasabay natin siya at lagi niyang pinalalakas ang ating loob.
balik
calendario
Enero
10
Huwebes
Pagkaraan
ng Epifania
Unang
Pagbasa: 1 Jn 4:19-5:4
Ebanghelyo: Lc 4:14-22
Nagbalik si Jesus sa Galilea, taglay ang kapangyarihan ng Espiritu at
lumaganap sa buong kapaligiran ang balita tungkol sa kanya. Kinaugalian
niyang magturo sa kanilang mga sinagoga, at pinupuri siya ng lahat.
Pagdating niya sa Nazaret, kung saan siya lumaki, pumasok siya sa sinagoga
sa Araw ng Pahinga ayon sa kanyang kinaugalian. Tumindig siya para bumasa
ng Kasulatan, at iniabot sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias.
Sa paglaladlad niya sa rolyo, natagpuan niya ang lugar kung saan nasusulat:
"Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon kayat pinahiran niya ako upang
ihatid ang mabuting balita sa mga dukha. Sinugo niya ako upang ipahayag
ang paglaya sa mga bilanggo, sa mga bulag ang pagkabawi ng paningin, upang
bigyang-ginhawa ang mga api, at ipahayag ang taon ng kabutihang-loob ng
Panginoon."
Binilot ni Jesus ang aklat, ibinigay ito sa tagapaglingkod at naupo. At
nakatuon sa kanya ang mga mata ng lahat ng nasa sinagoga. Sinimulan niyang
magsalita sa kanila: "Isinakatuparan ang Kasulatang ito ngayon habang
nakikinig kayo."
At sumang-ayon silang lahat sa kanya habang nagtataka sa gayong pagpapahayag
ng kabutihang-loob ng Diyos na nanggaling sa kanyang bibig. At sinabi
nila: "Hindi ba't ito ang anak ni Jose?"
Pagninilay-nilay
Karaniwan na para sa atin na marinig at sabihin ang Mabuti o Magandang
Balita ng Panginoon. Ngunit ano ba talaga ang maganda sa balitang ito
ni Jesus? Magiging maganda lamang ang balita dahil may masamang sitwasyong
kinakaharap ang pinagbabalitaan. Dahil kung mabuti na ang kanyang kalagayan
sa buhay, wala nang anumang balita pa ang magiging maganda ang dating.
Bago natin malaman kung ano ang maganda sa balita ng Panginoon, kailangang
maging mulat tayo kung ano ang hindi maganda sa ating kalagayan sa buhay.
Ano o anu-ano ba ang nangangailangan ng magandang pagbabalitang ito ng
Panginoon?
balik
calendario
Enero
11
Biyernes
Pagkaraan
ng Epifania
Unang
Pagbasa: 1 Jn 5:5-13
Ebanghelyo: Lc 5:12-16
Nang nasa
isang bayan si Jesus, may taong tadtad ng ketong doon. Nang makita niya
si Jesus, nagpatirapa siya at nakiusap sa kanya: "Ginoo, kung gusto
mo, mapalilinis mo ako."
Kaya iniunat ni Jesus ang kanyang kamay at hinipo siya at sinabi: "Gusto
ko, luminis ka!" Nang oras ding iyo'y iniwan ng ketong ang lalaki.
Iniutos sa kanya ni Jesus: "Huwag mo itong sabihin kanino man kundi
pumunta ka sa pari para masuri ka niya at maialay alang-alang sa iyo ang
handog na iniutos ni Moises para magkaroon sila ng patunay."
Ngunit lalo namang kumalat ang balita tungkol sa kanya at pumunta sa kanya
ang maraming tao para makinig at mapagaling sa kanilang mga karamdaman.
Kaya madalas na mag-isang pumupunta si Jesus sa mga ilang na lugar para
manalangin.
Pagninilay-nilay
Mahirap din ang buhay ng isang taong sikat o popular, hindi ka basta-basta
puwedeng mamasyal kahit saan mo naisin na pumunta, tiyak na dudumugin
ka ng mga tao. At hindi ka rin puwedeng magsuot ng kahit na anong damit
o gumawa ng anumang gusto mo dahil tiyak na nakatuon sa iyo ang mga mata
ng lahat ng tao. Ganito ang nangyari kay Jesus sa pangangaral niya at
pagpapagaling sa mga tao. Ngunit kaiba sa hangaring magkaroon ng privacy
sa pamamasyal o sa mga gusto niya sa buhay, ang mapag-isa sa piling ng
Diyos ang kanyang hinahanap-hanap. Kaya naman madalas siyang naghahanap
ng mga ilang na lugar kung saan siya mag-isa sa piling ng Diyos.
balik
calendario
Enero
12
Sabado
Pagkaraan
ng Epifania
Unang
Pagbasa: 1 Jn 5:14-21
Ebanghelyo: Jn 3:22-30
Pumunta si Jesus at ang kanyang mga alagad sa lupain ng Judea, at tumigil
siya roong kasama nila at nagbinyag. Nagbibinyag din noon si Juan sa Ainon
na malapit sa Salim dahil maraming tubig doon, at may mga nagsisidating
at nagpapabinyag. Hindi pa nabibilanggo noon si Juan.
At nagkaroon ng pagtatalo ang mga alagad ni Juan at ang isang Judio tungkol
sa paghuhugas. Pinuntahan nila si Juan at sinabi sa kanya: "Rabbi,
ang kasa-kasama mo sa ibayo ng Jordan, na pinatunayan mo, nagbibinyag
siya ngayon at sa kanya pumupunta ang lahat." Sumagot si Juan: "Walang
anumang makukuha ang isang tao malibang ibigay ito sa kanya ng Langit.
Kayo mismo ang makapagpapatunay na sinabi kong 'Hindi ako ang Mesiyas
kundi sinugo akong manguna sa kanya.' Sa nobyo ang nobya. Naroon naman
ang abay ng nobyo para makinig sa kanya at galak na galak siya sa tinig
ng nobyo. Ganito ring lubos and aking kagalakan. Dapat siyang humigit
at ako nama'y lumiit."
Pagninilay-nilay
Ano ang sinasabi mo pag may pumupuri sa iyo? Para sa ating mga Pilipino,
kaugalian na nating itanggi ang anumang papuri sa atin ng ating kapwa;
sinasabi nating "Hindi naman
" pero sabay-palakpak naman
ang ating mga tenga.
Hindi pagpapakababa ang talagang kahulugan ng pagpapakumbaba kundi pagiging
totoo sa sarili, ibig sabihi'y kilala mo kung sino kang talaga. Kung may
pumuri sa iyo dahil sa mabuti mong gawa o maganda mong katangian, madali
mo itong natatanggap kasabay ng pagsasabi ng "Salamat." At alam
mo ring kaloob ng Diyos sa iyo ang lahat kaya sinasabi mo ring "Salamat
sa Diyos."
balik
calendario
Enero
13
Linggo
Ang
Pagbibinyag sa Panginoon
Unang
Pagbasa: Is 42:1-4, 6-7
Sinabi ng
Panginoon, "Narito ang lingkod ko na aking inaalalayan, ang aking
hinirang na kinalulugdan ng aking kaluluwa. Inilagay ko sa kanya ang aking
Espiritu, at maghahatid siya ng katarungan sa mga bansa. Hindi siya hihiyaw
ni sisigaw, ni magtataas ng tinig sa mga lansangan. Hindi niya babaliin
ang sirang tambo, ni papa-tayin ang sindi ng ilawang aandap-andap. Palilitawin
niya ang katarungan sa katotohanan. Hindi siya mag-uurong-sulong o masisiraan
ng loob hanggang maitatag niya ang katarungan sa lupa. Hinihintay ng mga
pulo ang kanyang batas.
Akong si Yawe ang tumawag sa iyo dahil sa katarungan. Hahawakan kita sa
kamay at iingatan; gagawin kitang isang tipan para sa sambayanan at liwanag
sa mga bansa upang imulat ang mata ng mga bulag, palayain sa bilangguan
ang mga bihag, at pakawalan sa kulungan ang mga nasa dilim.
Slm
29:1-2, 3-4, 5, 9-10
Ipagkakaloob ng Panginoon ang kapayapaan sa kanyang bayan.
Ikalawang
Pagbasa: Gawa 10:34-38
Nagsalita
si Pedro, at sinabi: "Naiintindihan ko na ngayon na talaga ngang
walang kinikilingan ang Diyos. Sa bawat bansa'y tinatanggap niya ang sinumang
may-takot sa kanya at gumagawa ng tama.
"Ito ang salitang ipinadala niya sa bayang Israel, ang mabuting balita
ng kapayapaang ipinahayag niya kay Jesucristong Panginoon ng lahat. Alam
ninyo ang mga nangyari sa buong Judea, na nagsimula sa Galilea pagkatapos
ng binyag na ipinangaral ni Juan. Hinirang nga ng Diyos si Jesus na taga-Nazaret
sa Espiritu Santo at kapangyarihan. Saanman magpunta, siya'y gumagawa
ng mabuti at nagpapagaling sa lahat ng nasa kapangyarihan ng diyablo dahil
sumasakanya ang Diyos."
Ebanghelyo:
Mt 3:13-17
Dumating noon si Jesus mula sa Galilea at lumapit kay Juan sa Ilog Jordan
para magpabinyag. Pero tumanggi si Juan at sinabi: "Ako ang dapat
na magpabinyag sa iyo, bakit ikaw ang lumapit sa akin?"
Ngunit sumagot sa kanya si Jesus: "Hayaan mo. Simulan natin sa simula."
Kaya sumang-ayon si Juan.
Matapos mabinyagan, umahon si Jesus mula sa tubig. At agad na nabuksan
ang langit at nakita niya ang Espiritu ng Diyos na bumababang parang kalapati
at papunta sa kanya. Narinig kasabay nito ang boses mula sa langit na
nagsabi: "Ito ang aking Anak, ang Minamahal, siya ang aking Hinirang."
Pagninilay-nilay
Binyag. Para sa ating mga Pilipino, hindi lamang sanggol ang binibinyagan
dahil may binyag din tayo ng bahay, at pati na sapatos. Sa mas malawak
na pagkaintindi natin sa binyag, makikita ang tunay na kahulugan nito.
Hindi binyag na sakramento ang tinanggap ni Jesus kay Juan. Nang panahong
iyon, pagsang-ayon sa mga aral na itinuturo ng nagbibinyag at pagsunod
sa kanya ang ibig sabihin ng binyag. At sa binyag ni Jesus, iyon din ang
naging pasinaya o simula ng kanyang pangangaral at gawain.
Bilang mga binyagang tagasunod ni Jesus, nasimulan na rin ba natin ang
makibahagi sa pamamahayag ng kanyang Mabuting Balita?
Enero
14
Lunes
Unang
Linggo ng Taon
Unang
Pagbasa: 1 S 1:1-8
Ebanghelyo: Mc 1:14-20
Pagkadakip kay Juan, pumunta si Jesus sa Galilea. Doon niya ipinahayag
ang magandang balita ng Diyos sa pagsasabing "Sumapit na ang panahon;
magbagong-buhay at maniwala sa magandang balita; lumapit na nga ang Kaharian
ng Langit."
Sa pagdaan ni Jesus sa pampang ng lawa ng Galilea, nakita niya si Simon
kasama si Andres na kapatid niya na naghahagis ng mga lambat sa lawa;
mga mangingisda sila. Sinabi sa kanila ni Jesus: "Halikayo, sumunod
kayo sa akin at gagawin ko kayong mangingisda ng tao." Agad nilang
iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.
Nagpatuloy pa siya nang kaunti, nakita naman niya ang magkapatid na Jaime
at Juan na mga anak ni Zebedeo; nasa bangka sila at nagsusursi ng kanilang
lambat. Tinawag sila ni Jesus. Agad nilang iniwan sa bangka ang kanilang
amang si Zebedeo kasama ang mga tauhan nito, at umalis silang kasunod
niya.
Pagninilay-nilay
Abalang-abala ang mga mangingisda sa kanilang gawain: may mga naghahagis
ng lambat habang nagsusursi naman ang iba. Ngunit dumaan si Jesus sa kanilang
buhay at sila ay tinawag. Pansinin na wala silang anumang isinagot sa
pagtawag sa kanila ni Jesus. Ano pa nga bang sagot ang hihigit pa sa kanilang
ginawa?
Agad nilang iniwan ang kanilang ginagawa, pati na ang kanilang mga kapamilya
at sumunod kay Jesus. Walang pag-aatubili at ni walang anumang pagtatanong.
Agad at walang anumang pagpapaliban o panahon ng pag-iisip.
Dumaraan din si Jesus sa ating buhay at tiyak na tinatawag din niya tayo.
Ano naman kaya ang sagot mo sa kanyang tawag?
Enero
15
Martes
Unang
Linggo ng Taon
Unang
Pagbasa: 1 S 1:9-20
Ebanghelyo: Mc 1:21-28
Pumunta
si Jesus at ang kanyang mga alagad sa Capernaum at nagturo siya sa sinagoga
sa mga Araw ng Pahinga. Nagulat ang mga tao sa kanyang pangangaral sapagkat
nangaral siya nang may kapangyarihan, hindi gaya ng mga guro ng Batas.
May tao sa sinagoga na inaalihan ng maruming espiritu. Sumigaw ito: "Ano
ang kailangan mo sa akin, Jesus na taga-Nazaret? Para ipahamak kami kaya
ka dumating. Alam ko kung sino ka: ang Banal ng Diyos."
Ngunit iniutos sa kanya ni Jesus: "Tumahimik ka't lumabas sa kanya."
Matinding niyugyog ng espiritu ang taong iyon at pagkasigaw nang malakas
ay saka lumabas.
Talagang takang-taka ang lahat at nag-usap-usap sila: "Ano ito? Bagong
pagtuturo na may kapangyarihan! Inuutusan niya kahit maruruming espiritu
at sinusunod nila siya." At lumaganap ang katanyagan niya saan man
sa buong lupain ng Galilea.
Pagninilay-nilay
Mabuti pa ang masamang espiritu dahil alam nila kung bakit dumating
ang Banal ng Diyos. Hindi lamang mga tao sa panahon ni Jesus ang may maling
akala sa pagdating ni Jesus dahil hanggang ngayon, hindi pa rin maliwanag
para sa atin kung bakit dumating si Jesus. Dumating si Jesus upang ialok
ang regalo ng pagliligtas ng Diyos pero iginigiit pa rin natin hanggang
ngayon na tayo ang magliligtas sa ating mga sarili sa pamamagitan ng mga
gawa at sakripisyo. Ipinahayag ni Jesus ang Ebanghelyo ng katarungan at
malasakit pero nananatili tayong mga Kristiyano lamang sa pangalan at
binyag, at hindi sa gawa dahil wala pa rin tayong malasakit sa kapwa at
nabubuhay sa kawalang-katarungan.
Enero
16
Miyerkules
Unang
Linggo ng Taon
Unang
Pagbasa: 1 S 3:1-10, 19-20
Ebanghelyo: Mc 1:29-39
Pagkaalis ni Jesus sa sinagoga, tumuloy si Jesus sa bahay nina Pedro at
Andres, kasama sina Jaime at Juan. Doo'y nakahiga ang biyenan ni Pedro
at may lagnat, at agad nila itong sinabi kay Jesus. Kaya lumapit siya,
hinawakan ito sa kamay at ibinangon. Iniwan ng lagnat ang babae at ito
mismo ang naglingkod sa kanila.
Pagkalubog ng araw, nang dumidilim na, dinala nila kay Jesus ang lahat
ng maysakit o inaalihan ng masasamang espiritu. Nasa may pintuan nga ang
buong bayan. Maraming may iba't ibang sakit ang pinagaling ni Jesus at
maraming demonyo ang kanyang pinalayas ngunit hindi niya sila pinahintulutang
magsalita pagkat alam nila kung sino siya.
Kinabukasan, maaga siyang bumangon at umalis. Pumunta siya sa isang ilang
na lugar at doon siya nanalangin.
Hinanap siya nina Pedro, at pagkakita sa kanya ay kanilang sinabi: "Hinahanap
ka ng lahat." Ngunit sinabi niya sa kanila: "Tayo na sa ibang
lugar, sa maliliit na karatig-nayon para makapangaral din ako roon; dahil
dito kaya nga ako lumabas."
At naglibot siyang nangangaral sa kanilang mga sinagoga sa buong Galilea
at nagpapalayas ng mga demonyo.
Pagninilay-nilay
Ipinapalagay ng ilan na hindi puwedeng sumunod at maglingkod sa Panginoon
nang buo ang mga may-asawa. Pero hindi ganito ang simula ng ating pamayanang
Kristiyano. Alangan namang may biyenan si Pedro ngunit walang asawa? Pero
bakit ang biyenan lamang ni Pedro ang binabanggit sa Ebanghelyo at wala
itong sinasabi tungkol sa kanyang misis? Ano kaya ang ginagawa ni Mrs.
San Pedro? Kung iniwan ni Pedro ang kanyang pamilya nang sumunod siya
kay Jesus, lalabas na iresponsable siyang asawa at ama. Hindi niya ipagkakait
sa kanyang asawa at mga anak ang magandang pagkakataon ng pagsunod sa
Panginoon. Kaya malamang na kasama ng mga apostol ang kanilang mga pami-pamilya.
Enero
17
Huwebes
Unang
Linggo ng Taon
Antonio
Unang
Pagbasa: 1 S 4:1-11
Ebanghelyo: Mc 1:40-45
Lumapit
kay Jesus ang isang mayketong at nakiusap sa kanya: "Kung gusto mo,
mapalilinis mo ako." Nahabag si Jesus sa kanya, iniunat ang kanyang
kamay, hinipo siya at sinabi: "Gusto ko, luminis ka!" Nang oras
ding iyon, iniwan ang lalaki ng kanyang ketong at luminis siya.
Ngunit mahigpit siyang pinagbilinan ni Jesus sa kanyang pag-alis, sinabi
niya: "Mag-ingat ka, huwag mo itong sabihin kaninuman, kundi pumunta
ka sa pari para masuri ka niya at maialay alang-alang sa pagkalinis sa
iyo ang handog na iniutos ni Moises upang magkaroon sila ng patunay."
Ngunit pagkaalis ng tao, sinimulan niyang ipahayag ito kahit saan at ipamalita
ang pangyayaring ito. Dahil dito, hindi na lantarang makapasok sa bayan
si Jesus kundi nanatili siya sa labas, sa mga ilang na lugar. Ngunit may
dumarating pa rin sa kanya na kung saan-saan galing.
Pagninilay-nilay
Panginoon, ikaw ang higit na nakakakilala sa akin. Oo, higit pa sa
pagkakilala ko sa aking sarili. Alam mong kung ilang beses ko nang sinikap
na magbago pero ganito pa rin ako-puno at tadtad ng ketong ng kasalanan
at pagkamakasarili.
Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, tinatanggap mo pa rin ako at patuloy
na minamahal. Ipakilala mo nawa at ipaunawa sa akin kung bakit ako ganito.
Bigyan mo ako ng malawak na pang-unawa upang mas makilala at matanggap
ang aking sarili. Pagkalooban mo rin ako ng tiyaga upang mapagpasensyahan
ko ang aking sariling kahinaan at pagkukulang. Turuan mo akong maipaubaya
sa iyo na mabago ako at mapagaling sa tunay na panahon na nais mo.
Enero
18
Biyernes
Unang
Linggo ng Taon
Unang
Pagbasa: 1 S 8:4-7, 10-22a
Ebanghelyo: Mc 2:1-12
Pagkaraan
ng ilang araw, pumasok si Jesus sa Capernaum. Nang mabalitang nasa bahay
siya, marami ang nagtipon doon kaya wala nang lugar kahit sa may pintuan.
At ipinahayag niya ang Salita. May mga tao namang dumating at dinala sa
kanya ang isang paralitiko, na buhat-buhat ng apat.
At nang hindi sila makalapit kay Jesus dahil sa dami ng tao, inalis nila
ang mga tisa ng terasang nasa ibabaw ng kinaroroonan ni Jesus at pagkabukas
nila nito, inihugos nila ang paralitiko na nasa higaan.
Nang makita ni Jesus ang kanilang pananalig, sinabi niya sa paralitiko:
"Anak! Pinatawad na ang iyong mga kasalanan."
May ilang guro ng Batas naman na nakaupo roon at inisip nila: "Ano
itong sinasabi niya? Talagang iniinsulto niya ang Diyos. Sino ba ang may
kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan? Di ba't ang Diyos lamang?"
At agad na nalaman ni Jesus sa kanyang espiritu na ganoon ang kanilang
mga niloloob na kaisipan. Kaya sinabi niya sa kanila: "Ano ang mga
kaisipan ninyong ito? Ano ba ang mas madaling sabihin sa paralitiko: 'Pinatawad
na ang iyong mga kasalanan' o 'Tumayo ka, kunin ang iyong higaan at lumakad'?
Dapat ninyong malaman na sa lupa ay may kapangyarihan ang Anak ng Tao
na magpatawad ng kasalanan."
At sinabi niya sa paralitiko: "Iniuutos ko sa iyo: bumangon ka, dalhin
mo ang iyong higaan at umuwi." At bumangon nga ang tao, agad na kinuha
ang higaan at lumabas na nakikita ng lahat. Lubhang namangha ang lahat
at nagpuri sila sa Diyos sa pagsasabing "Kailanma'y hindi pa kami
nakakakita ng ganito."
Pagninilay-nilay
Panoorin mo sa iyong isipan ang eksenang isinasalaysay sa pagbasa.
Naroon ang maraming tao na nakapalibot kay Jesus, nakikinig sa kanyang
mga salita at naghihintay na pagalingin ang kanilang mga maysakit. Naroon
ding dumarating ang apat na tao, buhat nila ang paralitiko. At dahil hindi
sila makalapit kay Jesus, sa bubungan ng bahay nila idinaan ang maysakit.
Panoorin mo ang reaksyon ni Jesus sa kanilang ginawa. Naroon din ang mga
taong nagbulung-bulungan at kung anu-ano ang sinasabi sa ginawang pagpapagaling
ni Jesus. At pagkatapos mapagaling ni Jesus ang paralitiko, panoorin mo
ang pagkamangha ng lahat.
Sino ka sa mga tauhan sa eksenang ito? Bakit?
Enero
19
Sabado
Unang
Linggo ng Taon
Unang
Pagbasa: 1 S 9:1-4, 17-19; 10:1
Ebanghelyo: Mc 2:13-17
Muling pumunta si Jesus sa tabing-dagat at lumapit din sa kanya ang lahat.
Kaya nagturo siya sa kanila.
Nakita naman niya sa paglalakad si Levi na anak ni Alfeo, na nakaupo sa
singilan ng buwis at sinabi niya rito: "Sumunod ka sa akin."
At tumayo ito at sinundan siya.
Habang nanunuluyan si Jesus sa bahay ni Levi, maraming tagasingil ng buwis
at iba pang makasalanan ang nakisalo kay Jesus at sa kanyang mga alagad.
Talaga ngang marami sila. Ngunit may mga guro ng Batas namang sumusunod
sa kanya. Nang makita nila na nasa hapag siya kasama ng mga makasalanan
at maniningil ng buwis, sinabi nila sa kanyang mga alagad: "Ano!
kumakain siyang kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis?"
Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa kanila: "Hindi ang malulusog
ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit! Hindi ako pumarito
para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan."
Pagninilay-nilay
Noon pa man, makasalanan ang mga maniningil ng buwis! Pero sa ngayon,
tinawag na sila ni Jesus bago pa man sila naging maniningil ng buwis.
At hindi lamang ito ang kaibahan dahil kahit na mga Kristiyano ang mga
maniningil ng buwis, hindi nila nakikita na makasalanan sila.
May lugar lamang si Jesus sa ating buhay kung tanggap natin na makasalanan
tayo kayat nangangailangan tayo ng Tagapagligtas. Paano niya tayo mapagagaling
kung itinatanggi naman nating wala tayong sakit?
Panginoon, buksan mo ang aking isipan upang makilala ko ang aking kahinaan
at kasalanan; bigyan mo ako ng lakas upang maamin ito sa aking buhay.
balik
calendario
Enero
20
Linggo
Santo
Niño
Ika-2 Linggo ng Taon
Unang
Pagbasa: Is 9:1-6
Ang bayang
nagsisilakad sa karimlan ay nakakita ng malaking liwanag, liwanag na nagliwayway
sa mga nasa lupain ng anino ng kamatayan. Pinalawak mo ang bansa, dinagdagan
ang kanilang ligaya. Nagagalak sila sa harap mo, tulad ng pagkagalak kung
tag-ani, o kung naghahati-hati sa nasamsam. Tulad nang malupig ang Madian,
binali mo ang pamatok nilang pasan, ang balagwit sa kanilang balikat,
ang latigo ng kanilang kapatas. Bawat botang yumayabag sa digmaan, bawat
unipormeng namantsahan ng dugo ay itatapon sa siga at lalamunin ng apoy.
Sapagkat isang sanggol ang sa ati'y isinilang, anak na lalaking kaloob
sa atin. Sagisag ng kapangyariha'y nasa kanyang balikat, at inihayag ang
kanyang pangalan: "Kahanga-hangang Tagapayo, Makadiyos na Mandirigma,
Amang Walang-hanggan, Prinsipe ng Kapayapaan."
Mag-iibayo ang kanyang kapangyarihan at kapayapaa'y walang katapusan.
Maghahari siya sa trono ni David at sa buo niyang kaharian. Itatayo iyon
at patatatagin sa katarungan at pagkamatuwid mula ngayon at magpakailanman.
Oo, gagawin ito ng selosong pag-ibig ni Yawe ng mga Hukbo.
Slm
97:1, 2-3, 3-4, 5-6
Umawit kayo sa Panginoon ng bagong awitin, kahanga-hanga ang mga ginawa
niya.
Ikalawang
Pagbasa: Ef 1:3-6, 15-18
Pasalamatan
ang Diyos na Ama ni Jesucristong ating Panginoon! Pinagpala niya tayo
mula sa kalangitan, kay Kristo, ng bawat pagpapalang espirituwal; hinirang
na nga niya tayo sa kanya bago pa nilalang ang mundo upang tayo'y maging
banal at walang kasalanan sa paningin niya. Sa pag-ibig, itinalaga niya
tayong ampunin mula sa kawalang-hanggan sa pamamagitan ni Jesucristo at
para sa kanya, ayon sa mapagmahal na kalooban niya, upang purihin ang
maringal na kaloob niyang nasa Minamahal na ipinagkaloob niya sa atin.
Nabalitaan ko rin naman ang inyong pananampalataya at ang inyong pagmamahal
sa lahat ng banal. Kaya walang tigil akong nagpapasalamat sa Diyos dahil
sa inyo at inaalaala ko kayo sa aking mga panalangin. Bigyan nawa kayo
ng Diyos na Ama ni Jesucristong Panginoon ng karunungan at pagkatuklas
na bunga ng Espiritu upang lubusan ninyo siyang makilala.
Liwanagan nawa niya ang inyong mga kalooban upang malaman ninyo kung ano
ang aasahan ninyo sa pagkatawag niya sa inyo, kung ano ang kayamanan ng
maluwalhati niyang pamana sa mga banal.
Ebanghelyo:
Mt 18:1-5, 10
Nang panahong iyon, lumapit kay Jesus ang mga alagad at tinanong nila
siya: "Sino ang mas una sa kaharian ng Langit?"
Tinawag ni Jesus ang isang maliit na bata at ipinagitna sa kanila, at
sinabi: "Sinasabi ko sa inyo na hanggang hindi kayo nagbabago at
nagiging katulad ng maliliit na bata hindi kayo makapapasok sa kaharian
ng Langit. Ang nagpapakababa gaya ng maliit na batang ito, siya ang pinakamalaki
sa kaharian ng Langit. At ako ang tinatanggap ng sinumang tumatanggap
sa batang ito sa aking pangalan.
"Huwag sana ninyong hamakin ang isa sa maliliit na ito; talagang
sinasabi ko sa inyo na laging nasa harap ng aking Ama sa Langit ang kanilang
mga anghel sa Langit."
Pagninilay-nilay
Bata. Malapit sa ating mga puso ang mga bata. Cute ang tingin natin
sa kanila; mga wa-lang-malay at parang mga anghel. Hindi ba't madalas
pa ay pinipisil natin ang kanilang mga pisngi kasabay ng panggigigil natin
sa kanila?
Hindi naman ganito ang tingin ng mga tao sa mga bata sa panahon ng Matanda
at Ba-gong Tipan. Nang panahong iyon, hindi "tao" ang turing
nila sa mga bata kundi kabilang sila sa ari-arian ng ama ng sambahayan,
gaya ng mga baka at iba pang mga hayop, pati ng kanilang maybahay.
Sa ganitong kahulugan natin dapat unawain ang mga salita ni Jesus tungkol
sa mga bata-pakikipagkapwa-tao ito sa mga hindi tinatao ng iba!
balik
calendario
Enero
21
Lunes
Ika-2
Linggo ng Taon
Agnes
Unang
Pagbasa: 1 S 15:16-23
Ebanghelyo: Mc 2:18-22
Minsa'y
nag-aayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga Pariseo. Kaya may lumapit
kay Jesus at nagtanong: "May araw ng ayuno ang mga alagad ni Juan
at ang mga alagad ng mga Pariseo, at wala ba namang pag-aayuno ang iyong
mga alagad?"
Sinagot sila ni Jesus: "Puwede bang mag-ayuno ang mga abay sa kasalan
kapag kasama pa nila ang nobyo? Darating ang panahon na kukunin sa kanila
ang nobyo; sa araw na iyon sila mag-aayuno.
"Walang nagtatagpi ng piraso ng bagong tela sa lumang damit. Kung
gagawin mo ito, hihilahin ng tagpi ang damit, ng bago ang luma at lalo
pang lalaki ang punit. At hindi ka rin naman maglalagay ng bagong alak
sa mga lumang sisidlan. Kung gagawin mo ito, papuputukin ng alak ang mga
sisidlan at masisira ang alak pati na ang mga sisidlan. Sa bagong sisidlan
ang bagong alak!"
Pagninilay-nilay
Mahirap pa rin sa atin hanggang ngayon na tanggapin at unawain ang
mga salita ni Jesus dahil gusto pa rin nating bumalik sa kinagawian nating
mga pagsasakripisyo at pagpapakasakit. Gusto nating pahirapan ang ating
sarili dahil pagkatapos nito, nakadarama tayo ng gaan ng kalooban at nasisiyahan
tayo dahil meron tayong ginawa.
Ngunit relihiyon ng pagdiriwang sa ating buhay bilang mga taong tinubos
at mahal ng Diyos ang ipinahayag sa atin ni Jesus. Regalo sa atin ng Diyos
ang buhay, pati na ang ating kaligtasan, at wala tayong ibang dapat gawin
kundi tanggapin ito nang maluwag sa ating kalooban at magsaya dahil dito!
balik
calendario
Enero
22
Martes
Ika-2
Linggo ng Taon
Unang
Pagbasa: 1 S 16:1-13
Ebanghelyo: Mc 2:23-28
Naglakad
si Jesus sa mga taniman ng trigo minsang Araw ng Pahinga. At habang nag-lalakad
ang kanyang mga alagad, sinimulan nilang alisin sa uhay ang mga butil,
at kinain iyon. At sinabi kay Jesus ng mga Pariseo: "Tingnan mo ang
ginagawa nila sa Araw ng Pahinga. Hindi ito ipinahihintulot."
Ngunit sumagot si Jesus: "Hindi n'yo ba nabasa kailanman ang ginawa
ni David nang nangangailangan siya at nagugutom, siya at ang kanyang mga
kasama? Pumasok siya sa bahay ng Diyos nang si Abiatar ang Punong-pari,
at kinain ang tinapay na inihain para sa Diyos gayong bawal ito kaninuman
liban sa mga pari, at binigyan pa niya pati kanyang mga kasama."
At sinabi pa sa kanila ni Jesus: "Dahil sa tao kaya ginawa ang Araw
ng Pahinga ngunit hindi ang tao dahil sa Araw ng Pahinga. Kung gayon,
ang Anak ng Tao ang Panginoon kahit na ng Araw ng Pahinga."
Pagninilay-nilay
Noong araw, matrabaho ang magluto ng gulaman dahil matapos itong pakuluan,
kailangan pa itong salain sa katsa para alisin ang dumi. Ngayo'y may iba't
ibang klase na ng gulaman: may pulbos na hindi na kailangan pakuluan kundi
tinitimpla na lang sa mainit na tubig. May mga gulaman bar pa rin pero
hindi na kailangang salain pa matapos pakuluin. May nabibili na ring mga
gulaman na ready-to-eat.
Hindi tulad ng gulaman ang tunay na pagsasadiyos dahil dumadaloy ito dapat
sang-ayon sa nagbabagong kalagayan sa buhay at sa mga hinihingi ng kasalukuyang
panahon. Tulad ito ng ihip ng hangin sang-ayon sa bugá ng Espiritu.
balik
calendario
Enero
23
Miyerkules
Ika-2
Linggo ng Taon
Unang
Pagbasa: 1 S 17:32-33, 37, 40-51
Ebanghelyo: Mc 3:1-6
Muling pumasok
si Jesus sa sinagoga, at may lalaki roon na hindi maigalaw ang kamay,
at may mga gusto ring magsumbong tungkol kay Jesus. Kaya nagmasid sila
at baka pagalingin siya ni Jesus sa Araw ng Pahinga.
At sinabi naman niya sa taong hindi maigalaw ang kamay: "Tumindig
ka sa gitna." At saka niya sila tinanong: "Ano ang ipinahihintulot
sa Araw ng Pahinga, gumawa ng mabuti o gumawa ng masama, magligtas ng
buhay o pumatay?" At di sila umimik.
Nalungkot si Jesus dahil sa katigasan ng kanilang puso kaya galit niyang
tiningnan silang lahat, at sinabi sa lalaki: "Iunat mo ang iyong
kamay." Iniunat nga ng tao ang kamay at gumaling ito.
Pagkalabas ng mga Pariseo, nakipagtipon sila sa mga kakampi ni Herodes
para masiraan nila siya.
Pagninilay-nilay
Panginoon, sa pagsunod namin sa iyo bilang mga Kristiyano, madali naming
napahahalagahan ang mga kautusan at mga regulasyon kaysa tunay na mahalaga
para sa iyo-ang kapakanan at ikabubuti ng tao.
Turuan mo kami na makita ang tunay na mahalaga upang huwag naming husgahan
ang sinumang gumagawa para sa ikabubuti ng aming kapwa, at sa halip, magkaroon
nawa kami ng lakas ng loob na makiisa sa kanyang ginagawa.
Sabihin mo rin sa amin na iunat namin ang aming mga kamay; pagalingin
mo kami sa paralisis ng aming mga puso na humahadlang sa amin sa mga gawa
ng malasakit sa kapwa.
balik
calendario
Enero
24
Huwebes
Ika-2
Linggo ng Taon
Francisco de Sales
Unang
Pagbasa: 1 S 18:6-9, 19:1-7
Ebanghelyo: Mc 3:7-12
Lumayo si
Jesus na kasama ang kanyang mga alagad papunta sa dagat. Maraming taga-Galilea
ang sumunod sa kanya.
Mayroon din namang mga taong galing sa Judea at Jerusalem, at sa Idumea
at sa kabilang ibayo ng Jordan, at sa Tiro at Sidon. Maraming-marami ang
nagpunta sa kanya nang mabalitaan nila ang lahat niyang ginagawa.
Kaya tinagubilinan niya ang kanyang mga alagad na ihanda ang isang bangka
para sa kanya dahil maraming tao, at baka nila siya maipit. Marami na
siyang pinagaling kaya pilit siyang inaabot ng lahat ng may karamdaman
para mahipo siya. Sinusugod siya ng mga inaalihan ng maruruming espiritu
pagkakita sa kanya at pasigaw nilang si-nasabi: "Ikaw ang Anak ng
Diyos." Ngunit tinagubilinan niya silang huwag siyang ibunyag.
Pagninilay-nilay
Hindi puwedeng magmisyon sa China ang mga dayuhang misyonero; ni hindi
rin puwedeng magmisa sa mga simbahan ang mga paring banyaga. Kailangang
humingi muna sila ng permiso sa gobyerno. Ngunit mga karaniwang Katoliko
ang gagawa sa hindi hayagang magagawa ng mga pari at madre! Dahil sa ilang
Filipino couples, may Couples for Christ na sa Guangzhou, Beijing at Shanghai!
Nagsimula ang CFC sa mga siyudad na iyon bilang pagpapatuloy ng samahan
at gawain ng mga Pilipino. Ang pagpapatuloy na iyon ang naging daan upang
makibahagi rin ang mga Intsik sa kanilang samahan.
Ipanalangin natin ang CFC na patuloy nilang maihatid si Kristo sa China.
balik
calendario
Enero
25
Biyernes
Pagbabagumbuhay
ni Pablo
Unang
Pagbasa: Gawa 22:3-16 (o Gawa 9:1-22)
Ebanghelyo: Mc 16:15-18
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: "Pumunta kayo sa buong daigdig
at ipahayag ang ebanghelyo sa buong sangkinapal. Maliligtas ang maniniwala
at magpapabinyag; hahatulan naman ang di maniniwala. At ito ang mga tandang
sasama sa mga maniniwala: magpapalayas sila ng mga demonyo sa aking Pangalan,
magsasalita sila sa iba pang mga wika, hahawakan nila ang mga ahas, at
di sila maaano kung iinom man sila ng may lason. Ipapatong nila ang kanilang
kamay sa mga maysakit at gagaling ang mga iyon."
Pagninilay-nilay
Buung-buo ang paniwala ni Pablo na tama at kalooban ng Diyos ang ginagawa
niyang pag-uusig sa mga sumusunod sa Daan ni Jesus. Hindi lamang siya
totoo sa kanyang sarili kundi bukás din siya sa katotohanan. Kaya
nang ihayag mismo ni Jesus ang katotohanan na siya ang Panginoon, ibinaling
ni Pablo ang lahat niyang lakas at sigasig, hindi sa pag-uusig sa mga
Kristiyano, kundi sa pamamahayag kay Kristo sa lahat ng bansa! Pumunta
siya sa buong daigdig at ipinahayag ang Ebanghelyo kayat lumaganap sa
mundo ang hamak na kilusang nagsimula sa maliit at liblib na lugar.
balik
calendario
Enero
26
Sabado
Ika-2
Linggo ng Taon
Timoteo at Tito
Unang
Pagbasa: 2 Tim 1:1-8 (o Tito 1:1-5)
Ebanghelyo: Lc 10:1-9
Humirang ang Panginoon ng iba pang pitumpu't dalawa at isinugo silang
dala-dalawa na mauna sa kanya sa bawat bayan at lugar na takda niyang
puntahan. Sinabi niya sa kanila: "Marami nga ang aanihin at kakaunti
naman ang mga manggagawa; idalangin ninyo sa panginoon ng ani na magpadala
siya ng mga manggagawa sa kanyang ani. Lumakad na kayo. Isinusugo ko kayong
parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag kayong magdala ng pitaka,
bag o mga sandalyas. At huwag ninyong batiin ang sinuman sa daan.
"Saanmang bahay kayo pumasok, sabihin muna ninyo: 'Mapasatahanang
ito ang kapayapaan!' Kung mapayapang tao ang naroon, sasakanya ang inyong
kapayapaan. Hung hindi'y magbabalik sa inyo ang inyong dasal. At sa bahay
na iyon kayo manatili; kumain kayo at uminom na kasalo nila sapagkat may
karapatan ang manggagawa sa kanyang sahod. Huwag kayong magpalipat-lipat
ng bahay.
"Saanmang bayan kayo pumasok at tanggapin nila kayo, kanin ninyo
anumang ihain sa inyo. Pagalingin din ninyo ang mga maysakit doon at sabihin
ninyo sa kanila: 'Palapit na sa inyo ang kaharian ng Diyos.'"
Pagninilay-nilay
Karaniwan nating sinasabi na para patotohanan sa kanilang buhay ang
pagmamahal at malasakit sa kapwa kaya isinugo sila ni Jesus nang dala-dalawa.
At kung magkasama ang mga tagapagpahayag ng Mabuting Balita, kapwa nila
maaalalayan ang isa't isa.
Nang panahong iyon, hindi maaaring makipag-usap ang mga babae, may-asawa
man o wala, sa mga lalaki. Sa gayong kalagayan, mga lalaki lang ang puwedeng
kausapin at pagpahayagan ng mga isinugo
kung mga lalaki silang lahat.
Narito ang mas magandang paliwanag kung bakit dala-dalawa. Dala-dalawa
dahil mga mag-asawa ang isinugo ng Panginoon para ipahayag ang Ebanghelyo.
balik
calendario
Enero
27
Linggo
Ika-3
Linggo ng Taon
Unang
Pagbasa: Is 8:23-9:3
Nitong una'y
halos lipulin ni Yawe ang lupain ng Zabulon at Neftali, ngunit pagkatapos
nito'y binigyang-luwalhati niya ang daang patungo sa dagat at ang Galilea
ng mga pagano sa kabilang ibayo ng Jordan.
Ang bayang nagsisilakad sa karimlan
ay nakakita ng malaking liwanag,
liwanag na nagliwayway
sa mga nasa lupain ng anino ng kamatayan.
Pinalawak mo ang bansa,
dinagdagan ang kanilang ligaya.
Nagagalak sila sa harap mo,
tulad ng pagkagalak kung tag-ani,
o kung naghahati-hati sa nasamsam.
Tulad ng malupig ang Madian,
binali mo ang pamatok nilang pasan,
ang balagwit sa kanilang balikat,
ang latigo ng kanilang kapatas.
Slm
27:1, 4, 13-14
Ang Panginoon ang siyang liwanag at kaligtasan.
Ikalawang
Pagbasa: 1 Cor 1:10-13, 17
Nakikiusap
ako sa inyo, mga kapatid, sa ngalan ng ating Panginoong Jesucristo, na
magkasundo kayong lahat. Mawala na sana ang inyong mga pagtatalo. Magkaisa
nawa kayo sa iisang diwa at pagpapasya.
Sapagkat ipinarating sa akin ng mga tao ni Cloe na mayroon kayong pagtatalo,
mga kapatid ko. Ito ang aking tinutukoy-sinasabi ng isa't isa sa inyo:
"Kay Pablo ako," o "Kay Apollo ako," o "Kay Kefas
ako," o "Kay Kristo ako." Hati ba si Kristo? Si Pablo ba
ang ipinako sa krus para sa inyo? O bininyagan ba kayo sa ngalan ni Pablo?
Hindi nga ako isinugo ni Kristo upang magbinyag kundi upang ipangaral
ang ebanghelyo. At hindi sa mapagmarunong na pananalita, upang di mapawalang-bisa
ang krus ni Kristo.
Ebanghelyo:
Mt 4:12-17, 23-25
Nang marinig ni Jesus na dinakip si Juan, lumayo siya pa-Galilea. Hindi
siya tumigil sa Nazaret, kundi sa Capernaum nanirahan, sa may baybayin
ng lawa ng Galilea, sa teritoryo ng Zabulon at Neftali.
Kaya natupad ang salita ni Propeta Isaias: "Makinig kayo, mga lupain
ng Zabulon at Neftali, mga daang patungo sa Dagat, kabilang ibayo ng Jordan;
pakinggan ako, Galileang lupain ng mga pagano.
"Nakakita na ng malaking liwanag ang mga lugmok sa kadiliman. Sumikat
na ang liwanag sa mga nasa anino ng kamatayan."
At magmula noon, sinimulang ipahayag ni Jesus ang kanyang mensahe: "Magbagong-buhay;
lumapit na nga ang Kaharian ng Langit."
Nagsimulang maglibot si Jesus sa buong Galilea. Nagturo siya sa kanilang
mga sinagoga, ipinahayag ang Mabuting Balita ng Kaharian at pinagaling
ang kung anu-anong klase ng sakit at kapansanan ng mga tao.
Lumaganap sa buong Siria ang balita tungkol sa kanya. Kaya dinala sa kanya
ang mga may karamdaman, ang lahat ng naghihirap dahil sa sakit, ang mga
inaalihan ng demonyo, ang mga nasisiraan ng bait, ang mga paralitiko,
at pinagaling niya silang lahat. Sinundan siya ng maraming taong galing
sa Galilea, sa Sampung Lunsod, sa Jerusalem, sa Judea at sa kabilang ibayo
ng Jordan.
Pagninilay-nilay
Liwanag. Dahil sa liwanag nakakakita tayo ng iba't ibang kulay; kung
walang liwanag, wala ring anumang mabubuhay sa mundo. Liwanag ang patuloy
na bumubuhay at nagbibigay-lakas sa lahat
Mula sa simula ng Genesis, naroon na ang liwanag. Liwanag pa rin ang patuloy
na hahanapin ng bayan ng Diyos sa mga madilim na yugto ng kanilang kasaysayan
kasabay ng pangako ng Diyos na sasapit ang panahon na isang malaking liwanag
ang sisikat sa kanila.
Dumating na ang Liwanag na iyon-si Jesus na siyang tunay na Araw na sumisikat
sa ating buhay. Pero talaga nga bang sa liwanag na iyon tayo nabubuhay?
balik
calendario
Enero
28
Lunes
Ika-3
na Linggo ng Taon
Tomas Aquino
Unang
Pagbasa: 2 S 5:1-7, 10
Ebanghelyo: Mc 3:22-30
May dumating namang mga guro ng Batas galing sa Jerusalem, at sinabi nila:
"Sumasakanya si Beelzebul at sa tulong ng pinuno ng mga demonyo siya
nagpapalayas sa mga ito."
Tinawag sila ni Jesus at nagsalita sa talinhaga: "Puwede bang Satanas
ang mag-palayas sa Satanas? Kung may pagkakahati-hati ang isang kaharian,
hindi na makatatayo ang kahariang iyon. At kung may sambahayang nagkakahati-hati,
hindi na makatatayo ang sambahayang iyon. At kung si Satanas ang lumalaban
sa kanyang sarili at nagkakahati-hati, hindi na siya makatatayo kundi
malapit na ang wakas niya. Walang makapapasok sa bahay ni Malakas at makaaagaw
sa lahat niyang mga gamit kung hindi muna itatali si Malakas. Saka lamang
niya masasaid lahat ng ari-arian nito.
"Sinasabi ko sa inyo: patatawarin ang mga anak ng tao sa lahat-sa
kanilang mga kasalanan at pati sa kanilang mga paglait sa Diyos kahit
na marami man ang mga paglait nila sa Diyos. Ngunit kung may magsalita
laban sa Espiritu Santo, kailanma'y di siya mapapatawad; kasalanang walang
hanggan ang nasa kanya." Ang pagsasabi nila na may masamang espiritu
siya ang tinutukoy ni Jesus.
Pagninilay-nilay
Piyesta ngayon ni Santo Tomas, na isa sa pinakamagaling at pinakadakilang
teologo. Isinilang siya mga 1225 at nabuhay nang mga 50 taon. Ginamit
niya ang maikling panahon ng kanyang buhay sa panalangin at pag-aaral
upang maipaliwanag ang mga misteryo ng Diyos. Nang panahong iyon, puno
rin ng kontrobersya ang kanyang pagteteolohiya dahil sa naiiba niyang
pamamaraan. Ngunit ang teolohiya niya ang may pinakalamaking impluwensiya
sa teolohiya ng Simbahan hanggang ngayon. Sa bandang huli ng kanyang buhay,
tumigil siya sa pagsusulat dahil walang anumang makasasapat para mailahad
niya ang yaman ng mga ibinunyag sa kanya ng Diyos.
balik
calendario
Enero
29
Martes
Ika-3
na Linggo ng Taon
Unang
Pagbasa: 2 S 6:12b-15, 17-19
Ebanghelyo: Mc 3:31-35
Dumating
ang ina ni Jesus at ang kanyang mga kapatid; nakatayo sila sa labas at
ipinatawag siya. Nakaupo si Jesus at napapaligiran ng mga tao nang may
magsabi sa kanya: "Nasa labas ang iyong ina at mga kapatid; hinahanap
ka nila." At sinabi ni Jesus sa kanila: "Sino ang aking ina
at mga kapatid?"
At pagtingin niya sa mga nakaupo sa paligid niya ay kanyang sinabi: "Narito
ang aking ina at mga kapatid. Kapatid kong lalaki at kapatid na babae
at ina rin ang sumusunod sa kalooban ng Diyos."
Pagninilay-nilay
Ina-simpleng salita pero makahulugan para sa bawat isa sa atin. Hindi
ba't ito ang salitang sinasabi ng bawat batang umiiyak? "Inay! Mama!
Nay! Mommy!" Siya rin ang taong pinakamalapit at natatangi sa ating
mga puso. Siya ang taong halos hindi pansin sa ating buhay ngunit siya
namang hinahanap-hanap natin sa kanyang pagkawala.
Hindi naiiba sa atin si Jesus sa relasyon niya sa kanyang ina. Hindi pagtanggi
sa kanyang ina ang kanyang sinabi kundi paanyaya sa lahat upang maging
bahagi ng kanyang pamilya. Kung paanong sumunod si Maria sa Salita ng
Diyos, gayon din naman tayo maaaring sumunod upang maging kapamilya tayo
ni Jesus!
balik
calendario
Enero
30
Miyerkules
Ika-3
na Linggo ng Taon
Unang
Pagbasa: 2 S 7:4-17
Ebanghelyo: Mc 4:1-20
Nagsimulang
magturo sa tabing-dagat at marami ang nagkatipon sa kanya. Kaya su-makay
siya sa bangka at naupo. Nasa dagat siya at nasa tabing-dagat naman ang
lahat. At marami siyang itinuro sa kanila sa tulong ng mga talinhaga.
Sinabi niya sa kanila sa kanyang pagtuturo: Sinabi ni Jesus sa kanila
sa kanyang pagtuturo:
"Makinig kayo! Lumabas ang manghahasik para maghasik. Sa kanyang
paghahasik, may butong nahulog sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon
at kinain ang mga iyon. Nahulog naman ang ibang buto sa batuhan at mababaw
ang lupa roon. Madaling tumubo ang mga buto dahil hindi malalim ang lupa.
Ngunit pagsikat ng araw, nasunog ito sa init at sapagkat walang ugat,
natuyo ito. Nahulog ang iba pang buto sa mga tinikan. At nang lumago ang
mga tinik, sinikil ng mga ito ang halaman at hindi namunga. Nahulog naman
ang iba sa matabang lupa at namunga sa paglaki at paglago. May nagbunga
ng tatlumpu, animnapu ang iba at sandaan ang iba pa."
At idinagdag ni Jesus: "Makinig ang may tainga!"
Nang wala na ang mga tao, tinanong siya ng mga nakapalibot sa kanya, na
kasama ng Labindalawa tungkol sa mga talinhaga: "Bakit sa pamamagitan
ng mga talinhaga ka nagsasalita sa kanila?"
At sinabi sa kanila ni Jesus: "Sa inyo ipinagkakaloob ang lihim ng
kaharian ng Langit ngunit sa mga iyon na nasa labas, ang lahat ay sumasapit
gaya ng talinhaga. Kaya tumitingin sila pero di nakakakita; nakaririnig
pero di nakauunawa kaya naman di sila nagbabalik-loob at di pinatatawad."
At sinabi ni Jesus sa kanila: "Hindi ninyo nauunawaan ang talinhagang
ito, kayat paano ninyo mauunawaan ang iba pa?
Ang Salita ang inihahasik ng manghahasik. Ang mga nasa tabi ng daan ay
ang mga nahasikan ng Salita, na pagkarinig nila sa Salita ay agad na dumating
ang Masama at inagaw ang nahasik sa kanila.
Gayundin ang nahasik sa batuhan. Pagkarinig nila sa Salita, kaagad nila
itong tinanggap nang buong kasiyahan. Ngunit hindi ito nag-ugat sa kanilang
kalooban at panandalian lamang. Kapag nagkaroon ng pagsubok at pag-uusig
dahil sa Salita, agad-agad silang natitisod.
May iba pang nahasik sa mga tinikan. Ang mga ito ang nakarinig sa Salita.
Ngunit pinapasok ang mga ito ng mga makamundong kabalisahan, ng pandaraya
ng kayamanan at ng iba pang mga pagnanasa. Sinikil ng mga ito ang Salita
at hindi na nakapagbunga.
Ang mga buto namang nahasik sa matabang lupa ay ang mga nakarinig sa Salita
at isinasagawa ito. At nagbubunga sila ng sandaan, animnapu o tatlumpu."
|