|
Pebrero
1
Biyernes
Ika-3
na Linggo ng Taon
Unang
Pagbasa: 2 S 11:1-4a, 5-10a, 13-17
Ebanghelyo: Mc 4:26-34
Sinabi ni
Jesus: "Maihahambing ang kaharian ng Diyos sa paghahasik ng isang
tao ng buto sa lupa. Tulog man siya o gising, sa gabi o araw, sumisibol
ang binhi at lumalago nang hindi niya namamalayan.
"Nagbubunga ang lupa sa ganang sarili nito: una'y ang usbong, saka
ang uhay at ang butil na humihitik sa uhay. At kapag nagbunga na ito,
agad siyang magpapadala ng karit dahil sumapit na ang anihan."
At sinabi niya: "Sa ano natin maikukumpara ang kaharian ng Diyos?
Sa anong talinhaga natin ito maipakikilala? Natutulad ito sa paghahasik
ng buto ng mustasa na pinakamaliit sa mga binhing inihahasik sa lupa.
"Ngunit pagkahasik nito, tumataas ito at lumalaki na higit pa sa
lahat ng gulay at nagsasanga nang malaki hanggang sumilong sa kanyang
lilim ang mga ibon ng langit."
Itinuro niya sa kanila ang lahat ng ito sa pamamagitan ng mga talinhagang
gaya nito ayon sa kakayahan ng kanilang isipan. Hindi siya nagturo sa
kanila nang hindi gumagamit ng mga talinhaga. Ngunit nilinaw niya ang
lahat sa kanyang mga alagad nang sila-sila na lamang.
Pagninilay-nilay
Nagpunta
kami noon sa malayo at liblib na baryo sa isang bayan sa Quezon. Matapos
kaming magbiyahe nang kung ilang oras sa minibus, dalawang oras kami sa
bangka para makarating sa bayan. At mula sa bayan, anim na oras kaming
naglakad papunta sa baryong iyon. Taga-Quezon City ang mga batang kasama
ko at noon lamang sila nakaranas umahon sa bundok. Noon din lang sila
nakaranas tumapak sa putik kaya sa halip na iwasan ang maputik na daan,
iyon ang kanilang piniling daanan upang maglaro. Sa paglaki nila sa lungsod,
hindi nila naranasan ang kagandahang hatid ng kalikasan. May lugar at
panahon pa tayo upang madiskubreng muli ang yamang kaloob sa atin ng kalikasan.
balik
calendario
Pebrero
2
Sabado
Pagdadala
kay Jesus sa Templo
Unang
Pagbasa: Mal 3:1-4
Ikalawang Pagbasa: Heb 2:14-18
Ebanghelyo: Lc 2:22-32 (2:22-40)
Nang dumating
na ang araw ng paglilinis nila ayon sa Batas ni Moises, dinala ang sanggol
sa Jerusalem para iharap sa Panginoon-tulad ng nasusulat sa Batas ng Panginoon:
Lahat ng panganay na lalaki ay ituturing na banal para sa Panginoon. Dapat
din silang mag-alay ng sakripisyo tulad ng binabanggit sa Batas ng Panginoon:
isang pares na batubato o dalawang inakay na kalapati.
Ngayon, sa Jerusalem ay may isang taong nagngangalang Simeon; totoong
matuwid at makadiyos ang taong iyon. Hinihintay niya ang pagpapaginhawa
ng Panginoon sa Israel at sumasakanya ang Espiritu Santo. Ipinaalam naman
sa kanya ng Espiritu Santo na hindi siya mamamatay hangga't hindi niya
nakikita ang Mesiyas ng Pangi-noon. Kaya pumunta siya ngayon sa Templo
sa pagtutulak ng Espiritu, nang dalhin ng mga magulang ang batang si Jesus
para tuparin ang kaugaliang naaayon sa Batas tungkol sa kanya.
Kinalong siya ni Simeon sa kanyang mga braso at pinuri ang Diyos, at sinabi:
"Mapayayaon mo na ang iyong utusan, Panginoon, nang may kapayapaan
ayon na rin sa iyong wika pagkat nakita na ng aking mga mata ang iyong
pagliligtas na inihanda mo sa paningin ng lahat ng bansa, ang liwanag
na ibubunyag mo sa mga bansang pagano at ang luwalhati ng iyong bayang
Israel."
Pagninilay-nilay
Kandelarya ngayon at marami sa atin ang magdadala ng kandila sa simbahan
para pabendisyunan ang mga ito. Pero kasabay ng pagpapabendisyon sa mga
kandila, isaisip din natin ang kahulugan ng kapistahan ng araw na ito-ang
pag-aalay natin sa Diyos.
Kasama ni Maria sa pag-aalay niya kay Jesus, na kanyang Anak, iniaalay
din natin ang ating mga sarili sa Panginoon. Nagpapasalamat tayo dahil
tinubos niya tayo hindi sa pamamagitan ng mga kalapati kundi sa pamamagitan
ng pag-aalay ng kanyang buhay. Maging tanda nawa tayo ng pagliligtas ng
Diyos sa ating kapwa kung paanong naging tanda siya ng pagliligtas ng
Diyos para kay Simeon.
balik
calendario
Pebrero
3
Linggo
Ika-4
na Linggo ng Taon
Unang
Pagbasa: Sof 2:3; 3:12-13
Hanapin
ninyo si Yawe, lahat kayong hamak sa lupa, kayong nagsasagawa sa kanyang
kautusan. Hanapin ang katarungan, hanapin ang kababaang-loob, at baka
itago kayo sa araw ng galit ni Yawe.
Bayang hamak at dukha-ang labí sa Israel-na sa ngalan ni Yawe aasa
ang iiwan ko sa iyo. Hindi sila gagawa ng masama, wala nang kasinungalingan
sa kanila at di na matatagpuan ang panlilinlang sa kanilang bibig. Kakain
sila at magpapahinga rin at walang manggugulo sa kanila.
Slm
146:6-7, 8-9, 9-10
Mapapalad ang mga dukha sa espiritu, kanila ang kaharian ng langit!
Ikalawang
Pagbasa: 1 Cor 1:26-31
Tingnan
na lamang ninyo, mga kapatid, kung ano kayong mga tinawag. Hindi marami
sa inyo ang marunong ayon sa karaniwang akala, hindi marami ang mahahalaga,
hindi marami ang isinilang na maharlika. Ngunit pinili ng Diyos ang tanga
sa mundo upang hiyain ang marunong, pinili ng Diyos ang mahina sa mundo
upang hiyain ang malakas. Pinili ng Diyos ang mababa at hamak sa mundo,
kahit na ang mga bagay na wala, upang puksain ang mga umiiral-at nang
huwag nang makapagmalaki ang sinumang tao sa harap ng Diyos. Siya ang
gumawa na kayo'y nakay Kristo Jesus, na ginawang ating karunungang galing
sa Diyos, at ginagawa tayong matuwid. Siya ang ating kaba-nalan at katubusan.
Sa gayon, pinatunayan ang nakasulat: Ang Panginoon nawa ang ipagmalaki
ng sinumang nagmamalaki.
Ebanghelyo:
Mt 5:1-12
Nang makita ni Jesus ang makapal na tao, umahon siya sa bundok. Naupo
siya roon at lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad. At nagsimula siyang
magturo sa kanila:
"Mapapalad ang mga may diwa ng dukha sapagkat sa kanila ang Kaharian
ng Langit.
Mapapalad ang mga nagluluksa sapagkat pagiginhawahin sila.
Mapapalad ang mga di-marahas sapagkat mapapasakanila ang lupain.
Mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katarungan sapagkat bubusugin
sila.
Mapapalad ang mga maawain sapagkat kaaawaan sila.
Mapapalad ang mga may busilak na puso sapagkat makikita nila ang Diyos.
Mapapalad ang mga nagpupunyagi para sa kapayapaan sapagkat tatawagin silang
mga anak ng Diyos.
Mapapalad ang mga pinag-uusig dahil sa katarungan sapagkat kanila ang
Kaharian ng Langit.
Mapapalad kayo kung iniinsulto kayo at pinag-uusig at sinisiraang-puri
dahil sa akin. Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang gantimpalang
nasa Diyos para sa inyo. Ganito rin pinag-usig ang mga propetang nauna
sa inyo."
Pagninilay-nilay
Palad. May kanya-kanyang guhit ng palad ang bawat isa ayon sa paniwala
ng ma-rami kaya nagpapahula sila para malaman ang kahulugan ng mga linyang
nakaguhit sa kanilang mga palad.
Hindi kapalaran ang kahulugan ng pagiging mapalad sa Biblia. Hindi ito
nagkataon lang o ayon sa suwerte ng bawat isa. Pagiging "pinagpala"
ng Diyos ang talagang kahulugan ng "mapapalad." Mapapalad tayo
dahil sa pagpapala ng Diyos. Hindi ito dahil sa guhit ng ating mga palad
kundi bunga ng kagandahang-loob sa atin ng Diyos. Bakit? Dahil mapagmahal
na Ama at Ina ang Diyos kaya pinagpapala niya ang mahihina sa kanyang
mga anak.
balik
calendario
Pebrero
4
Lunes
Ika-4
na Linggo ng Taon
Unang Pagbasa: 2 S 15:13-14, 30; 16:5-13
Ebanghelyo: Mc 5:1-20
Dumating
si Jesus kasama ang kanyang mga alagad sa lupain ng mga taga-Gerasa sa
kabilang ibayo, at pag-alis niya sa bangka, sinalubong siya ng isang lalaking
inaalihan ng demonyo, na galing sa mga libingan.
Pagkakita nito kay
Jesus sa malayo, patakbo itong lumapit at nagpatirapa sa harap niya at
sumigaw: "Ano ang kailangan mo sa akin, Jesus na Anak ng Diyos! Hinihiling
ko sa iyo sa ngalan ng Diyos na huwag mo akong pahirapan." Sinabi
nga sa kanya ni Jesus: "Lumabas ka sa tao, maruming espiritu."
At nang tanungin siya ni Jesus, "Ano ang pangalan mo?" sumagot
siya, "Hukbo nga ako, marami kasi kami." At hiningi niya kay
Jesus na huwag silang palayasin sa lupaing iyon.
Maraming baboy na nanginginain doon sa burol. Kaya hiniling sa kanya ng
mga demonyo: "Ipadala mo kami sa mga baboy at papasok kami sa mga
iyon." At pinahintulutan sila ni Jesus. Kaya pagkalayas ng mga demonyo'y
pumasok ang mga ito sa mga baboy; at nahulog sa bangin ang mga baboy papuntang
dagat at nalunod na lahat. Tumakas naman ang mga nagbabantay sa mga baboy.
At ipinamalita nila ang lahat sa bayan at sa mga bukid. Naglabasan ang
mga tao para alamin ang nangyari.
Kaya pinuntahan ng mga ito si Jesus at nakita nila ang dating inaalihan
ng demonyo na nakaupo at nakadamit, matino na siya na sinapian ng Hukbo.
Kaya natakot sila. Ibinalita naman sa kanila ng nakakita kung ano ang
nangyari sa inalihan ng demonyo at pati sa mga baboy. Kayat hiniling nila
kay Jesus na umalis sa kanilang lupain.
Pagninilay-nilay
Mga baboy o si Jesus? Sino ang pipiliin mo kung dumating si Jesus sa
iyong buhay pero kasabay naman nito ang pagkawala ng kayamanan at seguridad
sa buhay? Madaling sabihin na si Jesus ang pipiliin natin kung maluwag
pa rin at komportable ang ating buhay, pero paano kung dahil kay Jesus
ay mawalang lahat ang mga baboy na ating kabuhayan?
Anu-ano ang mga "baboy" na inaalagaan natin sa buhay? Ito ang
mga bagay at mga ugali na nagbibigay sa atin ng seguridad sa buhay. Subalit
ang Diyos lamang ang tunay na kasiguraduhan sa buhay at sa pagdating ni
Jesus nawawala lahat ng ating "baboy" sa buhay. Sino ang ating
pipiliin: si Jesus o ang mga baboy?
balik
calendario
Pebrero
5
Martes
Ika-4
na Linggo ng Taon
Agata
Unang
Pagbasa: 2 S 18:9-10, 14b, 24-25a, 30-19:3
Ebanghelyo: Mc 5:21-43
Pagkatawid ni Jesus sa lawa na sakay sa bangka, pinagkalipumpunan siya
ng maraming tao sa tabing-dagat. At may dumating na pinuno ng sinagoga
na nagngangalang Jairo. Nagpatirapa ito sa kanyang paanan at pilit na
ipinakiusap sa kanya: "Naghihingalo ang aking dalagita kaya halika
para maligtas siya at mabuhay sa pagpapatong ng iyong mga kamay."
Kaya umalis si Jesus kasama niya at sumunod din sa kanya ang mga tao na
gumigitgit sa kanya.
May babae namang labindalawang taon nang dinudugo. Marami na ang tiniis
niya sa kamay ng mga doktor at nagastos na niya lahat ng meron siya pero
hindi pa rin siya umigi kundi lumala pa ang lagay niya. At nang mabalitaan
niya ang tungkol kay Jesus, nilapitan niya ito sa likuran sa gitna ng
mga tao at hinipo ang damit nito sapagkat naisip niya: "Kung mahihipo
ko lamang ang kanyang mga damit, gagaling na ako." At agad na naampat
ang pag-agos ng kanyang dugo at naramdaman niyang gumaling na ang kanyang
sakit.
Ngunit agad din namang nadama ni Jesus na may lakas na lumabas sa kanya
kaya lumingon siya sa gitna ng mga tao at nagtanong: "Sino ang humipo
sa mga damit ko?" Sumagot ang kanyang mga alagad: "Nakikita
mo nang ginigitgit ka ng napakaraming tao. Bakit mo pa itatanong: 'Sino
ang humipo sa akin?'?" At patuloy siyang tumingin sa paligid para
makita kung sino ang gumawa nito. Kaya lumapit na nanginginig sa takot
ang babae. Namamalayan nga nito ang nangyari kaya lumapit ito at nagpatirapa
sa harap niya at inamin sa kanya ang buong katotohanan.
Pagninilay-nilay
May kanyang paraan ng pagsasadiyos ang aking ina. Hindi siya miyembro
ng anumang samahan sa simbahan at kailangan pa rin siyang pilitin at kumbinsihin
ng aking kapatid para dumalo sa prayer meeting ng kanilang charismatic
community. Hindi siya sanay sa ibang paraan ng pagdarasal dahil rosaryo
at nobena sa Ina ng Laging Saklolo ang kanyang debosyon.
Minsan, may lagnat ang aking pamangkin, pagkatapos magrosaryo at magnobena
ng aking ina, inilapat niya ang kanyang mga kamay sa noo ng natutulog
at maysakit niyang apo. At taimtim siyang nanalangin sa Diyos para pagalingin
niya ang aking pamangkin - "pinray-over" niya ang maysakit niyang
apo!
balik
calendario
Pebrero
6
Miyerkules
Miyerkules
ng Abo
Unang
Pagbasa: Jl 2:12-18
Ikalawang Pagbasa: 2 Cor 5:20-6:2
Ebanghelyo: Mt 6:1-6, 16-18*
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, "Pag-ingatang huwag maging
pakitang-tao ang mabubuti n'yong gawa. Kung ganito ang gagawin n'yo, wala
na kayong gantimpala sa inyong Amang nasa langit. Kaya pag nagbibigay
ka ng limos, huwag pahipan ang trumpeta sa unahan gaya ng ginagawa ng
mga mapagkunwari sa sinagoga at sa mga daan; gusto nilang mapuri ng mga
tao. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto.
"Kaya kung ikaw naman ang magbibigay ng limos, huwag ipaalam sa iyong
kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay, at mananatiling lihim
ang iyong paglilimos at ang iyong Amang nakakakita sa mga lihim ang siyang
gagantimpala sa iyo.
"Kung mananalangin kayo, huwag ninyong tularan ang mga mapagkunwari.
Gustung-gusto nilang tumayo sa mga sinagoga o sa mga daan para manalangin
nang nakikita ng marami. At kung ikaw naman ang mananalangin, pumasok
sa iyong silid, isara ang pinto at manalangin sa iyong Ama na kasama mo
nang lihim; at ang iyong Ama na nakakakita sa ipinaglilihim ang gagantimpala
sa iyo.
"Pag mag-aayuno kayo, huwag magpakita ng lungkot sa mukha gaya ng
mga mapagkunwari. Nagpapakita sila ng lungkot sa mukha para makita ng
tao na nag-aayuno sila. Talagang sinasabi ko sa inyo na nagantimpalaan
na sila nang husto.
"Kung ikaw naman ang mag-aayuno, maghilamos at ayusin ang sarili
sapagkat hindi ka nag-aayuno para pakitang-tao lamang kundi para sa iyong
Amang nakakakita sa lahat."
Pagninilay-nilay
Simula ngayon ng Kuwaresma-ang 40 araw bago sumapit ang Pasko ng Pagkabuhay.
Tandaan natin na panahon ito ng paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay,
na pinakamahalagang piyesta sa ating pananampalataya. Sa 40 araw na ito,
sinasabayan natin si Jesus sa kanyang papapakasakit upang ipakita sa atin
ang daan ng pagpapakatao at pagmamalasakit sa kapwa.
Ito ang tunay na dahilan ng anumang sakripisyong gagawin natin sa mga
araw na ito: ang makita ang sariling kahinaan at pangangailangan natin
sa Diyos at lumago sa pagmamahal sa kapwa. Ano ang silbi ng pagpapakagutom
o pagpapahirap sa sarili kung wala tayong pagmamalasakit at pagkalinga
sa kapwa?
balik
calendario
Pebrero
7
Huwebes
Huwebes,
Pagkatapos ng
Miyerkules ng Abo
Unang
Pagbasa: Dt 30:15-20
Ebanghelyo: Lc 9:22-25
Sinabi nga
ni Jesus: "Kailangang magtiis ng marami ang Anak ng Tao. Itatakwil
nga siya ng Matatanda ng bayan, ng mga punong-pari at ng mga guro ng Batas.
Papatayin siya at muling babangon sa ikatlong araw."
Sinabi naman ni Jesus sa lahat: "Kung may gustong sumunod sa akin,
itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus araw-araw para sumunod
sa akin. Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ay mawawalan
nito, at ang mawawalan ng kanyang sarili alang-alang sa akin ay siyang
makapagliligtas nito. Ano ang pakinabang ng tao tubuin man niya ang buong
daigdig at mawawala naman o mapapahamak ang kanyang sarili?"
Pagninilay-nilay
Hayskul na nang magpasya si Jixiang na magpabinyag bilang Katoliko.
At pagkatapos niya ng hayskul, pumasok siya sa seminaryo para magpari.
Hindi Kristiyano ang kanyang ama pero pinayagan siya nito dahil gusto
niyang makatapos ng kolehiyo ang kanyang anak. Kaya umaasa itong lalabas
ng seminaryo si Jixiang pagkatapos ng kolehiyo. Nakapagtapos nga si Jixiang
pero tuloy pa rin siya sa seminaryo. Doon nagsi-mula ang di-pag-uusap
ng mag-ama. Tuwing uuwi si Jixiang sa kanyang mga magulang sa probinsya
ng Shandong sa China, hindi siya kinakausap o kinikibo ng kanyang ama.
Pero malinaw para kay Jixiang na tinatawag siya ng Diyos na maging pari.
balik
calendario
Pebrero
8
Biyernes
Biyernes,
Pagkatapos ng Miyerkules ng Abo
Jeromimo Emiliani
Unang
Pagbasa: Is 58:1-9
Ebanghelyo: Mt 9:14-15
Lumapit
ang mga alagad ni Juan kay Jesus at nagtanong: "May araw ng ayuno
kami at ang mga Pariseo, at wala bang pag-aayuno ang iyong mga alagad?"
Sinagot sila ni Jesus: "Puwede bang magluksa ang mga abay sa kasalan
habang kasama pa nila ang nobyo? Darating ang panahon na aagawin sa kanila
ang nobyo at sa araw na iyon sila mag-aayuno."
Pagninilay-nilay
Simpleng pari si Padre Bernardo noong nabubuhay pa. Kung ilang taon
din akong nagtrabahong kasama niya sa pagsasalin ng Biblia. At minsan
habang paalis ako para pumunta sa lingguhang "Tinapay-at-Tubig"
na ginagawa namin noon mula Biyernes ng gabi hanggang Linggo ng umaga,
sinabi niyang wala siyang anumang pag-aayunong ginagawa. Hindi ko nga
siya nakitang nag-aayuno pero buhay na saksi ang magkasabay na pagdiriwang
at pag-aalay sa Panginoon ang simple niyang buhay. Sa buong panahon ng
kanyang pagkapari, hindi siya nagkaroon ng labandera o kusinera dahil
siya mismo ang naglalaba ng kanyang mga damit at nagluluto ng simple niyang
pagkain.
balik
calendario
Pebrero
9
Sabado
Sabado,
Pagkatapos ng Miyerkules ng Abo
Unang
Pagbasa: Is 58:9b-14
Ebanghelyo: Lc 5:27-32
Nakita ni Jesus ang isang kolektor ng buwis na nagngangalang Levi na nakaupo
sa paningilan ng buwis. Sinabi niya rito: "Sumunod ka sa akin."
Tumayo naman ito, iniwan ang lahat at sumunod sa kanya.
Naghandog sa kanya si Levi ng marangyang handaan sa kanyang bahay at nakisalo
sa kanila ang maraming kolektor ng buwis at iba pang mga tao. Dahil dito'y
pabulong na nagreklamo sa mga alagad ni Jesus ang mga Pariseo at mga guro
ng Batas na panig sa kanila: "Bakit kayo kumakain at umiinom kasama
ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?" Sumagot naman si
Jesus at sinabi sa kanila: "Hindi ang malulusog ang nangangailangan
ng doktor kundi ang mga maysakit. Hindi ako pumarito para tawagin ang
mabubuti kundi ang mga makasalanan tungo sa pagbabalik-loob."
Pagninilay-nilay
Komunidad tayo ng mga makasalanan. Malapit sa puso mo ang Diyos kaya
hawak mo ngayon ang Pandesal para basahin at pagnilayan ang Salita ng
Diyos. Pero malaking tukso para sa atin ang isipin na mas magaling tayo
at mas banal kaysa iba, na ni anino ay hindi natin nakikita sa simbahan.
Hindi ba't mga maysakit lamang ang pumupunta sa doktor? At kapag hindi
na magamot ng karaniwang doktor ang ating sakit, hindi ba't naghahanap
tayo ng espesyalista upang sa kanya komunsulta at magpagamot? Espesyalistang
manggagamot ang Diyos; sa kanya tayo lumalapit upang pagalingin tayo sa
ating mga kahinaan at pagkamakasalanan.
balik
calendario
Pebrero
10
Linggo
Unang
Linggo ng Kuwaresma
Unang
Pagbasa: Gen 2:7-9; 3:1-7
Pagkatapos
ay hinubog ni Yawe-Diyos ang Tao mula sa alabok ng lupa, at inihinga sa
ilong nito ang hininga ng buhay, at nabuhay ang Tao. Nagtanim ang Diyos
ng isang hardin sa Eden, sa silangan; at doon niya inilagay ang Taong
kanyang hinubog. Pinasibol ni Yawe-Diyos sa lupa ang lahat ng punongkahoy
na maganda sa tingin at mabuting kainin. At inilagay niya sa gitna ng
hardin ang Puno ng Buhay at ang Puno ng Kaalaman tungkol sa Mabuti at
Masama.
Pinakatuso ang ahas sa lahat ng mababangis na hayop na ginawa ni Yawe-Diyos.
Sinabi nito sa babae: "Sinabi ba talaga ng Diyos, 'Hindi kayo dapat
kumain ng bunga ng alinmang puno sa hardin'?" Sinabi ng babae sa
ahas: "Makakain namin ang mga bunga ng mga puno sa hardin ngunit
para sa bunga ng punong nasa gitna ng hardin sinabi ng Diyos, 'Huwag ninyong
kakanin iyon ni hipuin man lang, kung hindi'y mamamatay kayo.'"
Sinabi ng ahas sa babae: "Hindi kayo mamamatay ngunit alam ng Diyos
na sa oras na kainin ninyo iyon, mamumulat ang inyong mga mata at matutulad
kayo sa mga diyos na alam ang mabuti at ma-sama."
Sa tingin ng babae ay katakam-takam ang bunga ng puno at masarap kainin
at tunay na magandang paraan upang magtamo ng kaalaman. Kaya pumitas siya
ng mga bunga niyon at kumain, at inabután niya kaagad ang kanyang
asawa na kasama niya. At kumain din iyon.
Namulat sila kapwa at nalaman nilang hubad sila. Kaya pinagtagni-tagni
nila ang mga dahon ng igos at ginawa nilang tapi.
Slm
31:3-4, 5-6, 12-13, 17
Kaawaan mo kami, O Panginoon, kami'y nagkasala.
Ikalawang
Pagbasa: Rom 5:12-19*
Ebanghelyo:
Mt 4:1-11
Dinala ng Espiritu si Jesus sa disyerto upang tuksuhin siya ng diyablo.
Pagkatapos ng apatnapung araw at apatnapung gabing di kumakain, nagutom
si Jesus.
Kaya lumapit sa kanya ang demonyo at sinabi: "Kung ikaw nga ang Anak
ng Diyos, utusan mo ang mga batong ito na maging tinapay." Ngunit
sumagot si Jesus: "Sinasabi ng Kasulatan: Hindi sa tinapay lamang
nabubuhay ang tao kundi sa bawat namumutawi sa bibig ng Diyos."
Dinala naman siya ng diyablo sa Banal na Lunsod, inilagay siya sa nakausling
pader ng Templo, at sinabi: "Kung ikaw ang Anak ng Diyos, tumalon
ka paibaba pagkat sinasabi ng Kasulatan: Uutusan ng Diyos ang kanyang
mga anghel para sa iyo. Bubuhatin ka nila upang hindi matisod ang iyong
paa sa bato." Sumagot si Jesus: "Ngunit sinasabi rin ng Kasulatan:
Huwag mong hamunin ang Panginoon mong Diyos."
At agad na dinala ng diyablo si Jesus sa isang napakataas na bundok at
ipinakita sa kanya lahat ng bansa ng daigdig sampu ng kayamanan at kadakilaan
ng mga ito. At sinabi sa kanya: "Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng
ito kung luluhod ka at sasamba sa akin." Kaya sumagot si Jesus: "Lumayo
ka, Satanas! Sinasabi nga ng Kasulatan: Sambahin mo ang Panginoon mong
Diyos; siya lamang ang iyong paglilingkuran."
Kaya iniwan siya ng diyablo at lumapit naman ang mga anghel at naglingkod
sa kanya.
Pagninilay-nilay
Tukso. Kung ilang pung taon na ang nakalilipas pero alam pa rin ng
marami sa atin ang kanta na nagsasabi sa tukso na layuan niya tayo. Pero
anumang pakiusap ang gawin natin, mahaharap pa rin tayo sa tukso.
Malaking tulong sa atin kung matatauhan tayo na ang mga maling akala natin
ang kina-kasangkapan ng tukso para bumigay at mahulog tayo sa pagkakasala.
Ganito ang sinabi ng ahas sa Genesis; pansinin din na hindi eksakto ang
isinagot sa kanya ng Babae. Maging sa pagtukso ng diyablo kay Jesus, hindi
lubos na totoo ang pakahulugan nito sa mga salitang galing sa Banal na
Kasulatan, na iwinasto naman ni Jesus.
balik
calendario
Pebrero
11
Lunes
Unang
Linggo ng Kuwaresma
Mahal na Birhen ng Lourdes
Unang
Pagbasa: Lev 19:1-2, 11-18
Ebanghelyo: Mt 25:31-46
Sinabi ni
Jesus sa kanyang mga alagad, "Pagdating ng Anak ng Tao sa kanyang
Kaluwalhatian kasama ng lahat niyang mga anghel, uupo siya sa maluwalhati
niyang trono. Dadalhin sa harap niya ang lahat ng bansa at parang isang
pastol na inihihiwalay ang mga tupa sa mga kambing, gayundin niya paghihiwa-hiwalayin
ang mga tao. Ilalagay niya ang mga tupa sa kanan niya at ang mga kambing
sa kaliwa.
"Sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan niya: 'Halikayo, pinagpala ng
aking Ama! Manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa sa
simula ng daigdig. Sapagkat nagutom ako at inyong pinakain, nauhaw ako
at inyong pinainom. Naging dayuhan ako at pinatuloy ninyo ako. Nang ako'y
hubad, dinamitan ninyo ako; nang maysakit ako, binisita ninyo ako. Nang
ako'y nasa bilangguan, dinalaw ninyo ako.'
At itatanong sa kanya ng mabubuti: 'Panginoon, kailan ka namin nakitang
nagugutom at pinakain, nauuhaw at pinainom, isang dayuhan at pinatuloy,
at walang suot at dinamitan? Kailan ka namin nakitang maysakit o nasa
bilangguan at nilapitan?' Sasagutin sila ng Hari: 'Talagang sinasabi ko
sa inyo: anuman ang gawin ninyo sa isa sa maliliit na ito na mga kapatid
ko, sa akin ninyo ginawa.'
"Pagkatapos ay sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa niya: 'Mga
isinumpa, lumayas kayo sa harap ko tungo sa apoy na walang katapusan na
inihanda para sa diyablo at sa mga anghel nito! Sapagkat nagutom ako at
di ninyo binigyan ng makakain, nauhaw at di ninyo pinainom, naging dayuhan
ako at di ninyo pinatuloy, maysakit at nasa bilangguan at di ninyo binisita.'"
Kaya itatanong din nila: 'Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom,
nauuhaw, dayuhan, hubad, maysakit o nakabilanggo, at di ka namin pinaglingkuran?'
Sasagutin sila ng Hari: 'Talagang sinasabi ko sa inyo: anuman ang di ninyo
ginawa sa isa sa maliliit na ito, hindi ninyo ginawa sa akin.'
At pupunta ang mga ito sa walang hanggang parusa, ngunit sa walang hanggang
buhay naman ang mga makatarungan."
Pagninilay-nilay
Malasakit at pagkalinga sa kapwa ang pinakamahalagang patotoo ng ating
pagsasadiyos. Hindi ito pagkakawanggawa dahil wala tayong ibang magawa
o dahil may hinihintay tayong kapalit sa kabilambuhay. Pansinin sa pagbasa
na hindi alam ng mga ginagantimpalaan ng Panginoon na mabuti pala ang
kanilang ginawa; ni hindi nga nila siya kilala. Pero natural para sa kanila
ang pagdamay sa kapwa; bukal sa kanilang kalooban ang pagtulong. Pansinin
din na "mga bansa" ang ginagamit sa Biblia para tukuyin ang
mga taong hindi kabilang sa bayan ng Diyos. Kung pag-ibig at malasakit
ang sukatang ginagamit sa kanila, gaano na para sa atin na sumasampalataya
sa Diyos!
balik
calendario
Pebrero
12
Martes
Unang
Linggo ng Kuwaresma
Unang
Pagbasa: Is 55:10-11
Ebanghelyo: Mt 6:7-15
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, "Pag mananalangin kayo, huwag
kayong magsalita nang magsalita gaya ng ginagawa ng mga pagano; naniniwala
nga sila na mas pakikinggan sila kung marami silang sinasabi. Huwag kayong
tumulad sa kanila. Alam ng inyong Ama ang mga pangangailangan ninyo bago
pa man kayo humingi.
"Kaya, ganito kayo manalangin:
Ama naming nasa Langit,
sambahin ang Ngalan mo,
dumating ang Kaharian mo,
sundin ang loob mo dito sa lupa para nang sa Langit.
Bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw,
patawarin mo ang aming mga pagkakautang
gaya ng pagpapatawad namin sa mga nagkakautang sa amin.
Huwag mo kaming dalhin sa tukso,
at iligtas mo kami sa Masama.
"Kung patatawarin ninyo ang mga nagkasala sa inyo, patatawarin din
kayo ng inyong Amang nasa Langit. At kung hindi ninyo patatawarin ang
mga nagkasala sa inyo, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama."
Pagninilay-nilay
Humanap ng tahimik at komportableng lugar, maupo nang tuwid at ipatong
ang mga kamay sa iyong mga hita. Maaari kang pumikit at magpatugtog ng
instrumental music.
Ngayon, simulan mong dasalin ang "Ama Namin," pero dahan-dahan.
Simulan mong bigkasin sa iyong isipan ang unang salita-"Ama."
Pakiramdaman mo; hindi ka kailangang mag-isip, kundi pakiramdaman mo lang
ang salita. Manatili ka sa salitang iyon hanggang meron kang maramdaman.
At kung wala na, isunod mo ang kasunod na salita-"namin." Ulit-ulitin
mo ang mga hakbang na ito hanggang matapos mo ang buong "Ama Namin."
balik
calendario
Pebrero
13
Miyerkules
Unang
Linggo ng Kuwaresma
Unang
Pagbasa: Jon 3:1-10
Ebanghelyo: Lc 11:29-32
Nang dumadagsa na ang mga tao, nagsimulang magsalita si Jesus: "Masamang
lahi ang lahing ito; humihingi ito ng palatandaan pero walang ibang palatandaang
ibibigay rito kundi ang palatandaan ni Jonas. At kung paanong naging palatandaan
si Jonas para sa mga taga-Ninive, gayundin ang Anak ng Tao para sa mga
tao sa kasalukuyan. Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog kasama
ng mga lalaki ng lahing ito at hahatulan sila.
"Sapagkat dumating siya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan
ang karunungan ni Solomon at dito'y may mas dakila pa kay Solomon. Sa
paghuhukom, babangon ang mga lalaking taga-Ninive kasama ng salinlahing
ito at hahatulan nila ito dahil nagbalik-loob sila sa pangangaral ni Jonas;
at dito'y may mas dakila pa kay Jonas."
Pagninilay-nilay
Makaraan ang kung ilang daang taon ng pagiging Kristiyano nating mga
Pilipino, hindi pa rin tunay na nakapag-uugat ang Ebanghelyo sa pagsasabuhay
natin ng ating pananampalataya. Panlabas pa rin ang mga pagsasadiyos ng
marami sa atin. Sumisimba tayo Linggu-linggo, nagnonobena tuwing Miyerkules,
nagrorosaryo, at mga kasapi sa kung anu-anong samahang pansimbahan pero
nananatili pa ring isa sa mga pinakacorrupt na bansa ang Pilipinas. Kapwa
Kristiyano ang nanghihingi ng lagay at ang naglalagay, ang mandaraya at
nagpapadaya sa halalan. At pagkatapos ng lahat ng ito, panatag pa rin
tayong nakadudulog sa Diyos para manalangin at sabihing mga Kristiyano
tayo.
Pebrero
14
Huwebes
Unang
Linggo ng Kuwaresma
Cirilo at Metodio
Unang
Pagbasa: Est 14:1, 3-5, 12-14
Ebanghelyo: Mt 7:7-12
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, "Humingi at kayo'y bibigyan;
maghanap at matatagpuan ninyo; kumatok at bubuksan ang pinto para sa inyo.
Talaga ngang tumatanggap ang humihingi, nakakakita ang naghahanap, at
pagbubuksan ang kumakatok. Sino sa inyo ang magbibigay ng bato sa kanyang
anak kung tinapay ang hinihingi nito? Sino ang magbibigay ng ahas kung
isda ang hinihingi nito? Kahit masama kayo, marunong kayong magbigay ng
mabuting bagay sa inyong mga anak. Gaano pa kaya ang inyong Amang nasa
Langit? Magbibigay siya ng mabubuting bagay sa mga hihingi sa kanya.
"Kaya gawin ninyo sa iba ang gusto ninyong gawin sa inyo, ito ang
nasa Batas at Mga Propeta."
Pagninilay-nilay
Kusina ng bayan ang bahay nina Lilet at Polly sa Macau. Puno lagi ng
mga Pilipino ang bahay nila at feel at home naman silang lahat. Meron
pa ngang nagrerequest na ipagluto sila ng paborito nilang pagkain, na
taos-puso namang pinagbibigyan ng mag-asawa.
Mga OFW din sila tulad ng kanilang mga kaibigan at mga bisita pero sa
kanilang pagdulog sa Diyos, nakikita nila kung gaano niya sila pinagpapala.
At natural lamang na ibahagi nila sa kanilang kapwa ang mga biyayang kanilang
natatanggap. Kaya laging may kanin ang kanilang rice cooker at laging
may ulam na nakahanda para sa sinumang darating sa kanilang bahay.
Pebrero
15
Biyernes
Unang
Linggo ng Kuwaresma
Unang
Pagbasa: Ez 18:21-28
Ebanghelyo: Mt 5:20-26
Sinabi ni
Jesus sa kanyang mga alagad, "Sinasabi ko sa inyo na kung hindi mas
ganap ang inyong kabanalan kaysa sa mga guro ng Batas at mga Pariseo,
hinding-hindi kayo makapapasok sa Kaharian ng Langit.
"Narinig na ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno: Huwag kang papatay:
hahatulan ang sinumang pumatay. Sinasabi ko naman sa inyo: hahatulan ang
nagagalit sa kanyang kapatid. Hahatulan sa Sanggunian ang sinumang magsabi
ng "Tanga" sa kanyang kapatid; hahatulan sa apoy ng impiyerno
ang sinumang magsabi ng "Tanga." Kaya sa paglalagay mo sa altar
ng iyong hain at naalaala mong may reklamo sa iyo ang kapatid mo, iwan
mo muna ang iyong hain sa harap ng altar at puntahan mo ang iyong kapatid
para makipagkasundo sa kanya. At saka ka bumalik at ialay ang iyong hain
sa Diyos.
"Makipagkasundo ka sa iyong kaaway habang papunta pa kayo sa hukuman,
at baka ipaubaya ka niya sa hukom na magpapaubaya naman sa iyo sa pulisya
na magkukulong sa iyo. Talagang sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas
hangga't di mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo."
Pagninilay-nilay
Mabuting estudyante si Francis pero minsa'y nagalit siya kay Pete na
isa niyang kaklase. At dahil sa tindi ng galit niya ay muntik na niya
itong hampasin ng silya. Nakikipagkasundo na si Pete sa kanya pero matigas
pa rin ang loob ni Francis at kinukuyom ang sama ng loob. Simpleng bagay
lang ang ikinasama ng loob ni Francis kay Pete-dahil iba ang pagkakaintindi
ni Pete sa dapat niyang gawin para sa kanilang group project.
Huwag mong pilitin ang sarili na makipagkasundo; tandaan natin na hinding-hindi
natin mababago ang ating mga sarili. Maaaring mapilit mo ang iyong sarili
pero pansamantala lang ang pagbabagong mangyayari. Una sa lahat, sikapin
mong unawain ang iyong sarili at itanong kung bakit ka nga ba nagagalit.
Pebrero
16
Sabado
Unang
Linggo ng Kuwaresma
Unang
Pagbasa: Dt 26:16-19
Ebanghelyo: Mt 5:43-48
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, "Narinig na ninyo na sinabi:
Mahalin mo ang iyong kapwa at kamuhian ang iyong kaaway. Ngunit sinasabi
ko sa inyo: Mahalin ninyo ang inyong kaaway, at ipagdasal ang mga umuusig
sa inyo. Sa ganito kayo magiging mga anak ng inyong Amang nasa langit.
Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa kapwa masama at mabuti, at pinapapatak
niya ang ulan sa kapwa makatarungan at di-makatarungan.
"Kung mahal ninyo ang nagmamahal sa inyo, bakit kayo gagantimpalaan?
Di ba't ginagawa rin ito ng mga kolektor ng buwis? At kung ang mga kapatid
ninyo lamang ang inyong binabati, ano ang naiiba rito? Di ba't ginagawa
rin ito ng mga pagano?
"Kaya maging ganap kayo gaya ng pagiging ganap ng inyong Amang nasa
langit."
Pagninilay-nilay
Paano ba maging masaya? Pagiging malaya ang susi sa pagiging masaya.
Kung hindi nakasalalay sa anumang maaaring gawin sa atin ng ating kapwa
ang ating mga gawain, makapagpapasya tayong maging masaya anuman ang mangyari.
Bakit ko hahayaang sumama ang aking loob dahil sa ginawa o sinabi ng sinuman?
Sa halip na maghihinakit ako sa aking kapwa na nakasasakit ng aking damdamin,
dapat kong malaman na sa totoo'y wala namang nababago sa kanya. Ganoon
pa rin siya tulad noong malapít pa ako sa kanya. Ang totoo'y ako
ang nagbabago; may kung ano siyang nasasaling sa aking kalooban kaya ako
naghihinanakit. Ito ang dapat kong malaman upang lubos na makilala ang
sarili.
Pebrero
17
Linggo
Ika-2
Linggo ng Kuwaresma
Unang
Pagbasa: Gen 12:1-4a
Sinabi ni
Yawe kay Abram: "Umalis ka sa iyong bayan, sa iyong lahi, sa sambahayan
ng iyong ama, at magpunta ka sa lupang ituturo ko sa iyo. Gagawin kitang
isang malaking bayan. Pagpapalain kita at gagawin kong dakila ang iyong
pangalan, at magiging pagpapala ka sa iba. Pagpapalain ko ang magpapala
sa iyo, at susumpain ko ang sinumang susumpa sa iyo. At sa pamamagitan
mo'y pagpapalain ang lahat ng bayan sa daigdig."
Kaya umalis si Abram ayon sa sinabi ni Yawe, at sumama sa kanya si Lot.
Slm
35:4-5, 18-19, 20, 22a
Kaawaan mo kami, Panginoon, umaasa kami sa iyo.
Ikalawang
Pagbasa: 2 Tim 1:8b-10
Kaya huwag
mong ikahiya ang patotoo ng ating Panginoon ni ako mismo na bilanggo para
sa kanya. Sa halip, makibahagi ka rin sa mahirap na gawaing pang-Ebanghelyo
sa tulong ng lakas ng Diyos. Siya ang nagligtas sa atin, at hinirang niya
tayo sa banal na pagtawag, hindi sa bisa ng ating mga gawa kundi sa kanyang
sariling balak at kagandahang-loob. Bago pa magsimula ang panahon, ibinigay
na ang kagandahang-loob na ito sa atin kay Kristo Jesus, ngunit ngayo'y
ibinunyag sa pagpapakita ni Kristo Jesus na ating Tagapagligtas. Pinuksa
nga niya ang kamatayan at pinagliwanag ang buhay na walang hanggan sa
pamamagitan ng Ebanghelyo.
Ebanghelyo:
Mt 17:1-9
Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Jaime at ang kapatid
nitong si Juan, at umakyat na sila lamang ang kasama sa isang mataas na
bundok. Nagbago ang anyo ni Jesus sa harap nila: nagningning gaya ng araw
ang kanyang mukha at kuminang na puting-puti ang kanyang damit gaya ng
liwanag. At napakita sa kanila sina Moises at Elias na nakikipag-usap
kay Jesus.
Kaya nagsalita si Pedro at sinabi niya: "Panginoon, mabuti at narito
tayo. Kung gusto mo, gagawa ako ng tatlong kubol: isa para sa iyo, isa
para kay Moises, at isa para kay Elias."
Nagsasalita pa si Pedro nang takpan sila ng makinang na ulap. At mula
sa ulap ay narinig ang salitang ito: "Ito ang aking Anak, ang Minamahal,
ang aking Hinirang; pakinggan ninyo siya."
Nang marinig iyon ng mga alagad, napasubsob sila sa lupa, na takot na
takot. Ngunit nilapitan sila ni Jesus at hinipo, at sinabi: "Tumayo
kayo, huwag matakot." At pagtingala nila, wala silang nakita liban
kay Jesus. At sa pagbaba nila mula sa bundok, inutusan sila ni Jesus na
huwag sabihin kaninuman ang pangitain hanggang maibangon ang Anak ng Tao
mula sa mga patay."
Pagninilay-nilay
Pagpapala. Hindi "pala" na kasangkapang gamit sa paghukay
ng lupa ang salitang kaugnay ng "pagpapala" kundi ang salitang
"napala," ibig sabihi'y nakamit o bagay na ti-nanggap bilang
kapalit ng anumang ginawa.
Para sa mga taong hinirang ng Diyos, buhay at totoo sa kanila ang pagtawag
ng Diyos. Hindi man nila nakikita ang Diyos pero dama nilang hinding-hindi
magkakaroon ng kagana-pan ang kanilang buhay kung hindi sila susunod sa
tawag na kanilang tinanggap. Grasya para sa kanila ang makasunod kay Jesus,
na siyang pagpapalang kanilang napapala sa pagsunod sa Diyos.
Pebrero
18
Lunes
Ika-2
Linggo ng Kuwaresma
Unang
Pagbasa: Dn 9:4b-10
Ebanghelyo: Lc 6:36-38
Sinabi ni
Jesus sa kanyang mga alagad, "Maging maawain kayo gaya ng inyong
Amang maawain.
"Huwag kayong humatol at hindi kayo hahatulan; huwag ninyong sumpain
ang sinuman at hindi kayo susumpain; magpatawad kayo at kayo'y patatawarin.
Magbigay kayo, at kayo'y bibigyan-isang saganang takal, siksik, liglig
at umaapaw ang mabubuhos sa inyong kandungan. Sapagkat susukatin kayo
sa sukatang ginagamit ninyo."
Pagninilay-nilay
Madali para sa atin ang maghusga kaya naman nakukulayan ang
pakikitungo natin sa ating kapwa. Dahil sa paghuhusga, hindi na natin
nakikita ang magagandang katangian ng iba. Ngunit tingnan natin ang lupa
at matuto sa pagiging bukas nito. Hindi ito namimili ng bagay na tatanggapin;
maluwag nitong tinatanggap ang tubig ng ulan, ang init ng araw, at kahit
na ang mga basurang itinatapon natin dito. At matapos niyang tanggapin
ang anuman, ginagamit niya ang mga ito upang magbigay-buhay sa mga halamang
tumutubo at namumunga dahil sa kanya. Matuto tayo sa lupa-sa halip na
maghusga, buksan natin ang ating puso sa ating kapwa, at makikita natin
ang kabutihan ng bawat isa.
Pebrero
19
Martes
Ika-2
Linggo ng Kuwaresma
Unang
Pagbasa: Is 1:10, 16-20
Ebanghelyo: Mt 23:1-12
At sinabi ni Jesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad:
"Ang mga guro ng Batas at mga Pariseo ang umupo sa puwesto ni Moises.
Pakinggan at gawin ang lahat nilang sinasabi pero huwag silang pamarisan
sapagkat nagsasalita sila pero hindi naman ginagawa. Naghahanda sila ng
mabibigat na pasanin at ipinapatong sa mga balikat ng mga tao. Ngunit
hindi nila ikinikilos ni isang daliri para galawin ang mga iyon. Pakitang-tao
lamang ang lahat nilang ginagawa; dahil dito, malalapad na laso ng Kasulatan
ang gusto nila para sa kanilang noo, at mahahabang palawit sa kanilang
balabal. Gusto nilang mabigyan ng pangunahing lugar o upuan sa mga piging
at sa sinagoga. Ikinatutuwa rin nilang mabati sa mga liwasan at matawag
na guro ng mga tao.
"Huwag kayong patawag na guro sapagkat iisa lamang ang Guro ninyo
at magkakapatid kayong lahat. Huwag din ninyong tawaging ama ang sinuman
sa mundo sapagkat iisa lamang ang inyong Ama, siya na nasa Langit. Huwag
din kayong patawag na gabay sapagkat iisa lamang ang inyong Patnubay,
si Kristo. Maging alipin ninyo ang pinakadakila sa inyo. Sapagkat ibababa
ang nagpapakataas at itataas ang nagpapakababa."
Pagninilay-nilay
Uncle Lancelot at hindi Father Lancelot ang gusto niyang itawag ko
sa kanya. Isa siya sa matatanda, kung hindi man ay ang pinakamatandang
pari sa Macau. Taga-Malaysia siya pero sa Macau siya nag-aral at naging
pari at doon na nga rin siya naglingkod sa Simbahan sa buong buhay niya.
Hindi mo siya kakikitaan ng anumang pagnanais na magmataas at maging hiwalay
o kaiba sa kanyang kapwa.
Lagi siyang handang tumulong sa sinumang nangangailangan, Katoliko man
o walang relihiyon. Para sa kanya, malasakit sa kapwa ang tunay na relihiyon
kaya sa abot ng kanyang makakaya, tinutulungan niya ang sinuman.
balik
calendario
Pebrero
20
Miyerkules
Ika-2
Linggo ng Kuwaresma
Unang
Pagbasa: Jer 18:18-20
Ebanghelyo: Mt 20:17-28
Nang umakyat si Jesus sa Jerusalem, isinama niya ang Labindalawa, at habang
nasa daan ay sinabi niya sa kanila: "Papunta na tayo sa Jerusalem.
Doon ibibigay ang Anak ng Tao sa mga punong-pari at mga guro ng Batas
na maghahatol sa kanya ng kamatayan. Kaya ibibigay nila siya sa mga pagano
para pagtawanan, hagupitin at ipako sa krus. Ngunit babangon siya sa ikatlong
araw."
Lumapit noon kay Jesus ang ina nina Jaime at Juan kasama ng dalawa niyang
anak, at lumuhod sa harap niya para makiusap. Tinanong siya ni Jesus:
"Ano ang ibig mo?" At sumagot siya: "Narito ang dalawa
kong anak. Iutos mong maupo ang isa sa iyong kanan at ang isa naman sa
iyong kaliwa sa iyong Kaharian."
Sinabi ni Jesus sa magkapatid: "Hindi ninyo nalalaman ang inyong
hinihingi. Maiinom ba ninyo ang kalis na iinumin ko?" Sumagot sila:
"Kaya namin." Sumagot si Jesus: "Totoong iinom din kayo
sa aking kalis, ngunit wala sa akin ang pagpapaupo sa aking kanan o kaliwa.
Para sa mga hinirang ng Ama ang mga lugar na iyon."
Nang marinig ito ng sampu, nagalit sila sa magkapatid. Kaya tinawag sila
ni Jesus at sinabi: "Alam ninyo na sinusupil ng mga naghahari ang
kanilang mga bansa at inaapi ng mga nasa kapangyarihan. Hindi naman ganito
sa inyo: ang may gustong maging dakila, siya ang maging lingkod ninyo;
ang may gustong mauna sa inyo, siya ang maging alipin ninyo. Gayundin
naman, dumating ang Anak ng Tao hindi para paglingkuran kundi para maglingkod
at ibigay ang kanyang buhay bilang pantubos sa marami."
Pagninilay-nilay
Noon pa man eh may palakasan na. Kasa-kasama pala nila Jesus at ng
kanyang mga alagad ang ina nina Jaime at Juan. At katulad ng maraming
ina, gusto niya siyempreng maging bida ang kanyang mga anak. Natural ding
magalit ang iba pang mga alagad. Dahil kaya wala silang mga ina na puwedeng
pumapel para sa kanila?
Pero maganda ang paliwanag na ibinigay ni Jesus: iba dapat ang paraan
ng pamumuno sa kanyang komunidad. Hindi ito pagiging makapangyarihan para
sundin ng mga kasapi kundi pagkakaroon ng kapangyarihan at kakayahan para
maglingkod at magmalasakit sa kanyang mga kasamahan.
balik
calendario
Pebrero
21
Huwebes
Ika-2
Linggo ng Kuwaresma
Unang
Pagbasa: Jer 17:5-10
Ebanghelyo: Lc 16:19-31
Sinabi ni
Jesus sa mga Pariseo, "May isang mayaman na nakabihis ng magarang
damit at pinong linen at parang piyesta ang kanyang buhay sa araw-araw.
Nakahandusay naman sa may pintuan niya ang isang dukhang nagngangalang
Lazaro. Tadtad siya ng mga sugat at gusto sana niyang kainin ang mumong
nahuhulog sa hapag ng mayaman; sa halip ay mga aso ang lumalapit sa kanya
at hinihimuran ang kanyang mga sugat. At namatay ang dukha at dinala siya
ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay rin naman ang mayaman at inilibing.
Nang nasa impiyerno na siya, tumingala siya sa kanyang pagdurusa at natanaw
sa malayo si Abraham at si Lazaro sa piling nito. Kaya sumigaw siya: 'Amang
Abraham, maawa ka sa akin at utusan mo naman si Lazaro na isawsaw niya
sa tubig ang dulo ng kanyang daliri para paginhawahin ang aking dila dahil
lubha akong naghihirap sa lagablab na ito.'
Sumagot si Abraham: 'Anak, alalahanin mong tinanggap mo na sa buhay mo
ang mabuti sa iyo at kay Lazaro naman ang masasama. Kaya siya ngayon ang
nasa ginhawa at ikaw ang nagdurusa. At isa pa'y malawak na kabundukang
di matatawid ang itinakda sa pagitan natin. Kaya hindi makatatawid ang
mga may gustong pumunta riyan galing dito, at hindi rin naman makatatawid
ang mula riyan papunta rito.'
Sumagot ang mayaman: 'Kaya ipinakikiusap ko sa iyo, Ama, na papuntahin
mo si Lazaro sa bahay ng aking ama, kung saan naroon ang lima kong kapatid
para babalaan sila upang di sila mapunta sa lugar na ito ng pagdurusa.'
Sumagot si Abraham: 'Nasa kanila si Moises at ang mga propeta, makinig
sila sa mga ito.' Sinabi niya: 'Hindi gayon, Amang Abraham; kung isa sa
mga patay ang pupunta sa kanila, magsisisi sila.'
Sinabi ni Abraham: 'Kung hindi nila pakikinggan si Moises at ang mga propeta,
bumangon man ang isa sa mga patay ay hindi pa rin sila maniniwala.'"
Pagninilay-nilay
Basahin mong muli ang Ebanghelyo sa araw na ito. Anong pagkakasala
ang ginawa ng mayaman? Hindi ba't natural lamang na tamasahin mo ang bunga
ng iyong pinagpaguran? At paano niya matutulungan si Lazaro gayong hindi
naman ito lumapit sa kanya para humingi ng tulong? Hindi niya kilala,
ni hindi niya nakita si Lazaro. At ito nga ang kanyang naging pagkukulang-hindi
niya nakita ang kanyang kapwang nangangailangan. Pansinin din na para
kay Jesus, ang mayaman ang walang pangalan habang ang mahirap at kawawa
ang may pangalan sa harap ng Diyos-si Lazaro. May pangalan ka ba sa harap
ng Diyos? May mga mata ka ba para makita ang mga nangangailangan?
balik
calendario
Pebrero
22
Biyernes
Luklukan
ni Pedro, Apostol
Unang
Pagbasa: 1 P 5:1-4
Ebanghelyo: Mt 16:13-19
Pumunta
noon si Jesus sa may dakong Cesarea ni Filipo. Tinanong niya ang kanyang
mga alagad: "Ano ang Anak ng Tao para sa mga tao? Sino ako para sa
kanila?" Sumagot sila: "May nagsasabing si Juan Bautista ka;
may iba pang nagsasabing si Elias ka o si Jeremias o isa sa mga propeta
kaya."
Sinabi niya sa kanila: "Ngunit sino ako para sa inyo?" At sumagot
si Simon Pedro: "Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay."
Sumagot naman si Jesus: "Mapalad ka, Simon Bar-Yona, hindi nga laman
at dugo ang nagbunyag nito sa iyo kundi ang aking Amang nasa Langit.
"At ngayon sinasabi ko sa iyo: Ikaw si Pedro (o Bato) at sa batong
ito ko itatayo ang aking Iglesya; at hinding-hindi ito madadaig ng kapangyarihan
ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng Langit: ang
itali mo dito sa lupa ay itatali rin sa Langit, at ang kalagan mo dito
sa lupa ay kakalagan din sa Langit."
Pagninilay-nilay
Kung babalikan natin ang simula ng ating Simbahan sa panahon ni Jesus
at ng mga unang alagad, makikita natin ang pagbabagong anyo ng Simbahan
mula sa isang simpleng komunidad ng mga karaniwang tao. Ni hindi nagsuot
ng sotana o anumang damit na ginagamit ngayon ng mga pari sa pagmimisa
ang mga alagad. Mga pangkaraniwang tao ang mga apostol at ilan sa kanila'y
nabuhay bilang mga mangingisda. At wala rin silang "misa" noon
kundi pagpipira-piraso ng tinapay ang kanilang ipinagdiwang sa bahay-bahay
ng mga alagad. Sa loob ng 2,000 taon, marami na ngang nabago sa komunidad
na sinimulan ni Jesus pero nananatili pa rin siya sa puso ng Simbahan.
balik
calendario
Pebrero
23
Sabado
Ika-2
Linggo ng Kuwaresma
Policarpio
Unang
Pagbasa: Mic 7:14-15, 18-20
Ebanghelyo: Lc 15:1-3, 11-32
Lumapit
kay Jesus ang lahat ng kolektor ng buwis at mga makasalanan para makinig.
Kaya nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at mga guro ng Batas: "Tinatanggap
niyan ang mga makasalanan at nakikisalo sa kanila." Kaya sinabi ni
Jesus ang talinhagang ito sa kanila:
Sinabi pa rin ni Jesus: "May isang taong may dalawang anak na lalaki.
Sinabi ng bunso sa kanyang ama: 'Itay, ibigay na ninyo sa akin ang parte
ko sa mana.' At hinati sa kanila ng ama ang ari-arian.
Pagkaraan ng ilang araw, tinipon ng bunsong anak ang lahat ng kanya at
naglakbay sa malayong lupain. Doon niya winaldas ang sa kanya sa maluwag
na pamumuhay. Nang maubos na ang lahat sa kanya, nagkaroon ng matinding
taggutom sa lupaing 'yon at nagsimula siyang maghikahos. Kaya pumunta
siya at namasukan sa isang tagaroon, at inutusan siyang mag-alaga ng mga
baboy sa bukid nito. At gusto sana niyang punuin kahit na ng kaning-baboy
ang kanyang tiyan pero wala namang magbigay sa kanya.
Noon siya natauhan at nag-isip: 'Gaano karaming arawan sa bahay ng aking
ama na labis-labis ang pagkain at namamatay naman ako dito sa gutom. Titindig
ako, pupunta sa aking ama, at sasabihin ko sa kanya: 'Itay, nagkasala
ako laban sa langit at sa harap mo. Hindi na ako karapat-dapat pang tawaging
anak mo; ituring mo na akong isa sa iyong mga arawan.'
Kaya tumindig siya papunta sa kanyang ama. Malayo pa siya nang matanaw
ng kanyang ama at naawa ito, patakbo nitong sinalubong ang anak, niyakap
at hinalikan. Sinabi sa kanya ng anak: 'Ama, nagkasala ako laban sa langit
at sa harap mo; hindi na ako karapat-dapat pang tawaging anak mo.'
Pero sinabi ng ama sa kanyang mga utusan: 'Madali, dalhin ninyo ang dati
niyang damit at ibihis sa kanya; suutan ninyo ng sinsing ang kanyang daliri
at ng sapatos ang kanyang mga paa. Dalhin at katayin ang pinatabang guya,
kumain tayo at magsaya sapagkat namatay na ang anak kong ito at nabuhay,
nawala at natagpuan.' At nagsimula silang magdiwang.
Nasa bukid noon ang panganay na anak. Nang pauwi na siya at malapit na
sa bahay, narinig niya ang tugtugan at sayawan. Tinawag niya ang isa sa
mga utusan at tinanong kung ano ang nangyari. Sinabi nito sa kanya: 'Nagbalik
ang kapatid mo kaya ipinapatay ng iyong ama ang pinatabang guya dahil
nabawi niya siyang buhay at di naano.'
Nagalit ang panganay at ayaw pumasok kaya lumabas ang ama at nakiusap
sa kanya. Sumagot naman siya sa ama: 'Maraming taon na akong nagsisilbi
sa inyo at kailanma'y di ko nilabag ang inyong mga utos pero kailanma'y
di ninyo ako binigyan ng kahit na isang kambing na mapagpipiyestahan namin
ng aking mga kabarkada. Ngunit dumating lamang ang anak ninyong ito na
lumustay sa inyong kayamanan sa mga babaeng bayaran, at ipinakatay pa
ninyo ang pinatabang guya.'
Sinabi sa kanya ng ama: 'Anak, lagi kitang kasama at sa iyo rin ang lahat
ng akin. Pero dapat lamang na magdiwang at magsaya dahil namatay na ang
kapatid mo at nabuhay, nawala at natagpuan.'"
Pagninilay-nilay
Panginoon, mula pagkabata, naging malapit na ako sa iyo. Natuto akong
magdasal at magsimba. Nagrorosaryo ako at nagnonobena pa pag Miyerkules.
Lagi rin akong nag-aabuloy sa simbahan. At hindi lang iyon, kasapi rin
ako sa iba't ibang relihiyosong samahan. Maaaring hindi ako laging nakadadalo
sa mga miting pero alam mo naman ang dahilan. Pero lagi akong sumisimba
pag Linggo at saanman ako pumunta, hindi ko kailanman kinalimutan ang
aking pagsasadiyos. Pero bakit parang mas malapit sa iyo ang mga makasalanan?
Bakit hindi mo sila pinaparusahan muna bago patawarin para naman matuto
sila ng leksyon?
Ganito rin ba ang panalangin natin sa Panginoon?
balik
calendario
Pebrero
24
Linggo
Ika-3
Linggo ng Kuwaresma
Unang
Pagbasa: Ex 17:3-7
Ngunit nauuhaw
ang bayan at nagreklamo sila laban kay Moises: "Ba't mo pa kami pinaalis
sa Ehipto para patayin lamang kami sa uhaw, pati ang mga aming mga anak
at mga hayop?"
Kaya sumigaw si Moises kay Yawe: "Ano ang gagawin ko sa bayang ito?
Halos batuhin na nila ako!" Sinabi ni Yawe kay Moises: "Pumunta
ka sa harap ng sambayanan, at isama mo ang mga matatanda ng Israel. Kunin
mo ang tungkod na inihampas mo sa Ilog Nilo, at pumunta ka sa harap ng
sambayanan. Tatayo ako roon sa harap mo sa bato sa Horeb. Hampasin mo
ang bato, at aagos mula rito ang tubig at may maiinom na ang bayan."
Ginawa nga iyon ni Moises sa harap ng mga matatanda ng Israel.
Tinawag na Masa (o Pagsubok) at Meriba (o Reklamo) ang lugar na iyon,
dahil sa mga reklamo ng mga Israelitang sumubok kay Yawe sa pagsasabing
"Kasama ba natin si Yawe o hindi?"
Slm
95:1-2, 6-7, 8-9
Huwag kayong lumaban, kapag narinig ninyo ang tawag ng Panginoon.
Ikalawang
Pagbasa: Rom 5:1-2, 5-8
Mga kapatid,
sa pananampalataya tayo naging matuwid at may kapayapaan sa Diyos sa pamamagitan
ni Jesucristo na ating Panginoon. Sa pamamagitan niya tayo pumasok sa
kalagayang ito ng pagpapala at buo ang ating loob dahil ang kaluwalhatian
ng Diyos ang ating inaasahan.
At di mabibigo ang ating pag-asa sapagkat ibinigay na sa atin ang Espiritu
Santo na siyang nagbubuhos ng pagmamahal ng Diyos sa ating mga puso.
Tingnan ninyo kung kailan itinakdang mamatay si Kristo alang-alang sa
atin: noong tayo'y makasalanan at walang kakayanan. Bihira ang mag-aalay
ng buhay para sa taong matuwid; may mangangahas naman sigurong mag-alay
ng buhay alang-alang sa mabuting tao. Pero tingnan ninyo kung paano ipinakikita
ng Diyos ang kanyang pagmamahal sa atin: namatay si Kristo para sa atin
noong makasalanan pa tayo.
Ebanghelyo:
Jn 4:5-42 (or Jn 4:5-16, 19-26, 39-42)
Kaya dumating si Jesus sa isang bayan ng Samaria na tinatawag na Sikar
na malapit sa bukid na ibinigay ni Jacob kay Jose na kanyang anak. Naroon
ang bukal ni Jacob. Dala ng pagod sa paglalakbay, basta na lamang naupo
si Jesus sa may bukal. Magtatanghaling-tapat ang oras noon. May dumating
na babaeng taga-Samaria para sumalok ng tubig at sinabi sa kanya ni Jesus:
"Painumin mo ako." Pumunta na noon sa bayan ang kanyang mga
alagad para bumili ng pagkain.
Sumagot naman sa kanya ang babaeng Samaritana: "Judio ka, paano mo
mahihingi sa akin, na babaeng Samaritana, na painumin kita?" (Sapagkat
hindi nakikisalamuha ang mga Judio sa mga Samaritano.) Sinabi ni Jesus
sa kanya: "Kung alam mo ang Kaloob ng Diyos at kung sino ang nagsasabi
sa iyong 'Painumin mo ako!' hiningan mo sana siya at bibigyan ka sana
niya ng tubig na buhay."
Sinabi sa kanya ng babae: "Wala po kayong panalok at malalim ang
balon. Saan po galing ang inyong tubig na buhay? Mas may kakahayahan po
ba kayo kaysa aming amang si Jacob? Siya mismo ang nagbigay sa amin ng
balon at dito siya uminom pati na ang kanyang mga anak at mga kawan."
Sumagot si Jesus sa kanya: "Mauuhaw uli ang sinumang umiinom sa tubig
na ito. Ngunit hinding-hindi mauuhaw magpakailanman ang umiinom sa tubig
na ibibigay ko sa kanya. Magiging isa ngang bukal sa kanya ang tubig na
ibibigay ko, na bubukal tungo sa buhay na magpakailanman."
Sinabi sa kanya ng babae: "Ibigay po ninyo sa akin ang tubig na ito
nang hindi na ako mauhaw ni magparoo't parito pa para sumalok dito."
Sinabi ni Jesus sa kanya: "Hala, tawagin mo ang iyong asawa at pumarito."
Sinabi sa kanya ng babae: "Sa pansin ko'y isa kayong propeta. Sa
bundok na ito sumamba ang aming mga ninuno. Ngunit sinasabi ninyong mga
Judio na ang Jerusalem ang lugar na dapat sambahan."
Sagot sa kanya ni Jesus: "Maniwala ka sa akin, babae, na dumarating
ang oras na sasamba kayo sa Ama at hindi na sasabihing sa bundok na ito
ni sa Jerusalem. Sumasamba kayo nang walang alam; sumasamba naman kami
nang may alam, dahil sa mga Judio galing ang kaligtasan. Ngunit dumarating
ang oras at narito na nga, na sa espiritu at katotohanan sasamba sa Ama
ang mga totoong sumasamba. Ganito nga ang hangad ng Ama sa mga sumasamba
sa kanya. Espiritu ang Diyos, at sa espiritu at katotohanan dapat sumamba
ang mga sumasamba sa kanya. Sinabi sa kanya ng babae: "Alam kong
dumarating ang Mesiyas, ang tinatawag na Pinahiran. At pagdating niya,
ihahayag niya sa amin ang tanang mga bagay." Sinabi sa kanya ni Jesus:
"Ako siya na siyang nangungusap sa iyo."
Mula sa bayang iyon, marami ang nagsimulang manalig sa kanya sa mga Samaritano
dahil sa salita ng babaeng nagpatunay: Sinabi niya sa akin ang lahat kong
ginawa." Kaya pagdating sa kanya ng mga Samaritano, pinakiusapan
nila siyang sa kanila lumagi. At lumagi siya roon nang dalawang araw.
At mas marami pa ang mga naniwala dahil sa kanyang salita. At sinabi nila
sa babae: "Hindi na dahil sa 'yong pangungusap kaya kami nanalig
dahil kami na mismo ang nakarinig, at kinikilala namin na totoo ngang
siya ang Tagapagligtas ng mundo."
Pagninilay-nilay
Bukal. Para sa mga lumaki sa siyudad o mga kabayanan, mahirap para
sa kanila na imadyinin kung ano ang bukal. Bukal ang tawag sa kusa at
patuloy na pagbulwak at pag-agos ng tubig mula sa batuhan o sa lupa. Sinasabi
nating bumubukal ang tubig.
Sa disyerto naglakbay ang bayan ng Diyos sa panahon ng Matandang Tipan
at taghirap din sa tubig maging sa lugar na kanilang pinamayanan. Kaya
malaking biyaya at pangako sa kanila ng Diyos ang bukal ng tubig.
Mula naman sa mga salita ni Jesus, pagbukal naman ng panibagong pamumuhay
sa Espiritu ng Diyos ang pangako niyang bubukal sa ating kalooban.
balik
calendario
Pebrero
25
Lunes
Ika-3
Linggo ng Kuwaresma
Unang
Pagbasa: 2 H 5:1-15a
Ebanghelyo: Lc 4:24-30
Sinabi ni Jesus: "Talagang sinasabi ko: walang propetang katanggap-tanggap
sa sarili niyang bayan. Tinitiyak ko sa inyo na maraming babaeng balo
noon sa kapanahunan ni Elias nang sarhan ang langit sa loob ng tatlo't
kalahating taon at nagkaroon ng matinding taggutom sa buong lupain. Gayon
pa ma'y hindi ipinadala si Elias sa isa man sa kanila kundi sa babaeng
balo ng Sarepta sa may Sidon. Marami ring may ketong sa Israel sa kapanahunan
ni Propeta Eliseo pero wala sa kanilang pinagaling kundi ang Siriong si
Naaman."
Napuno ng galit ang lahat sa sinagoga pagkarinig dito, tumindig sila at
ipinag-tulakan siya sa labas ng bayan. Dinala nila siya sa gilid ng burol
na kinatatayuan ng kanilang bayan para ihulog. Ngunit dumaan siya sa gitna
nila at umalis.
Pagninilay-nilay
Pinakiusapan akong magbigay ng seminar sa isang diyosesis sa China
pero matrabaho dahil kailangan ko pang magkaroon ng tagasalin. Magsasalita
ako sa Ingles at pagkatapos ay may madre namang magsasalin sa Mandarin.
Kinausap ko si Yifu, na seminarista ng diyosesis na iyon, upang tulungan
ako sa pagpaplano. Sa aming paghahanda, nakita kong maganda ang kanyang
mga idea at mga balak kaya kinumbinsi ko na siya mismo ang mamamahala
sa seminar at aalalayan ko lamang siya. At gayon nga ang aming ginawa!
Nasa piling natin mismo ang kayamanang hinahanap natin sa labas; kapiling
natin mismo ang mga sugo ng Diyos na akala nati'y nasa ibang lugar.
balik
calendario
Pebrero
26
Martes
Ika-3
Linggo ng Kuwaresma
Unang
Pagbasa: Dn 3:25, 34-43
Ebanghelyo: Mt 18:21-35*
Tinanong ni Pedro si Jesus: "Panginoon, gaano kadalas ko naman dapat
patawarin ang mga pagkukulang ng aking kapatid? Pitong beses ba?"
Sumagot si Jesus: "Hindi, hindi pitong beses kundi pitumpu't pitong
beses.
Tungkol sa kaharian ng Langit ang kasaysayang ito. Isang hari ang nagpasyang
pagbayarin ng utang ang kanyang mga utusan. Nang simulan niyang suriin
ang kuwenta, iniharap sa kanya ang isang may utang na sampung libong baretang
ginto. Dahil walang maibayad sa kanya ang tao, iniutos ng panginoon na
ipagbili at maging alipin siya kasama ng kanyang asawa, mga anak at mga
ari-arian bilang bayad-utang.
At nagpatirapa sa paanan ng hari ang opisyal at sinabi: 'Bigyan mo pa
ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko.' Naawa sa kanya
ang hari at hindi lamang siya pinalaya kundi kinansela pa ang kanyang
utang.
Pagkaalis ng opisyal na ito, nasalubong niya ang isa sa kanyang mga kasamahan
na may utang namang sandaang barya sa kanya. Sinunggaban niya ito sa leeg
at halos sakalin habang sumisigaw ng 'Bayaran mo ang utang mo!' Nagpatirapa
sa paanan niya ang kanyang kasamahan at nagsabi: 'Bigyan mo pa ako ng
panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko sa iyo.' Ngunit tumanggi
siya at ipinakulong ito hanggang makabayad ng utang.
Labis na nalungkot ang iba nilang kapwa-lingkod nang makita ang nangyari.
Kaya pinuntahan nila ang kanilang panginoon at ibinalita ang buong pangyayari.
Ipinatawag naman niya ang opisyal at sinabi: 'Masamang utusan, pinatawad
ko ang lahat ng iyong utang nang makiusap ka sa akin. Di ba dapat ay naawa
ka rin sa iyong kasamahan gaya ng pagkaawa ko sa iyo?' Galit na galit
ang panginoon kaya ibinigay niya ang kanyang utusan sa mga tagapagpahirap
hanggang mabayaran nito ang lahat ng utang."
Idinagdag ni Jesus: "Ganito rin ang gagawin sa inyo ng aking Ama
sa Langit kung hindi |