Pandesal 2008
Pagbasa at Pagninilay-nilay

DISYEMBRE  2008
Domingo
Lunes
Martes
Miyerkules
Huwebes
Biyernes
Sabado


Download Disyembre 2008

Disyembre 1
Lunes

Unang Linggo ng Adbiyento

Unang Pagbasa: Is 2:1-5
Ebanghelyo: Mt 8:5-11

Pagdating ni Jesus sa Capernaum lumapit sa kanya ang isang kapitan at nakiusap sa kanya: "Ginoo, nakahiga sa bahay ang aking katulong. Lumpo siya at sobra na ang paghihirap…" Sinabi sa kanya ni Jesus: "Paroroon ako at pagagalingin ko siya."
Sumagot ang kapitan: "Hindi ako karapat-dapat para tumuloy ka sa bahay ko. Mag-utos ka lang at gagaling na ang aking katulong. May nag-uutos sa akin at may inuutusan din ako, at pag sinabi ko sa isa sa mga kawal na nasa ilalim ko: 'Pumaroon ka,' pumaparoon siya. At sinasabi ko naman sa isa pa: 'Pumarito ka,' at pumaparito siya; at sa aking katulong: 'Gawin mo ito,' at ginagawa niya ito."
Nang marinig ito ni Jesus, humanga siya at sinabi sa mga sumusunod sa kanya: "Sinasabi ko sa inyo, wala pa akong natagpuang ganitong paniniwala sa Israel. Sinasabi ko sa inyo: marami ang darating mula sa silangan at sa kanluran para makisalo kina Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng Langit."

Pagninilay-nilay
Darating si Jesus sa ating buhay kung aanyayahan natin Siya at patutuluyin. At sa Kanyang pagdating pagagalingin Niya tayo mula sa ating mga kahinaan at karamdaman; paiigihin Niya tayo at gagawing buo. Kaya buksan mo ngayon sa Kanya ang iyong puso at papasukin Siya sa iyong buhay.

Panginoon, alam mo kung gaano ako kahina
at nangangailangan ng pagpapagaling mula sa Iyo.
Hindi ako karapat-dapat na magpatulóy sa Iyo
pero alam kong ikinalulugod Mong makapiling ako.
Narito ako, Panginoon, manahan Ka sa aking puso.

balik calendario


Disyembre 2
Martes

Unang Linggo ng Adbiyento

Unang Pagbasa: Is 11:1-10
Ebanghelyo: Lc 10:21-24

Nang sandaling iyo'y nag-umapaw sa galak sa Espiritu Santo si Jesus at sinabi niya: "Pinupuri kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, dahil inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino, at ipinamulat mo naman sa maliliit. Oo, Ama, naging kalugud-lugod ito sa iyo. Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala kung sino ang Anak kundi ang Ama, at kung sino ang Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustuhing pagbunyagan ng Anak."
Pagkatapos ay bumaling si Jesus sa mga alagad at sinabi sa kanila nang sarilinan: "Mapalad ang mga matang nakakakita ng inyong nakikita. Sinasabi ko sa inyo na maraming propeta at hari ang nagnais makita ang inyong nakikita pero hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig pero hindi nila narinig."

Pagninilay-nilay
Patuloy na duramating ang Diyos sa ating buhay ngunit marami ang bulag at hindi nila namamalayan ang pagdating Niyang ito. Sayang ang mga pagkakataon ng biyaya ng Panginoon dahil hindi nila namalayan na Siya na pala ang dumating.


Panginoon, maliit na bansa lamang ang Pilipinas,
ngunit sa gitna ng aming kawalan at paghihirap,
sa amin Ka nagpakilala at kami ang niloob Mong sumampalataya sa Iyo -
dumating Ka sa aming bayan at kasaysayan.
Tulungan Mo kami na magbigay-patotoo sa pagdating mong Ito.

balik calendario


Disyembre 3
Miyerkules

Unang Linggo ng Adbiyento
Francisco Javier

Unang Pagbasa: Is 25:6-10a
Ebanghelyo: Mt 15:29-37

Pumunta si Jesus sa pampang ng lawa ng Galilea, at pagkaakyat sa burol ay naupo. Maraming tao ang lumapit sa kanya, dala-dala ang mga pipi, bulag, pilay, mga may kapansanan, at mga taong may iba't ibang karamdaman. Inilagay sila ng mga tao sa paanan ni Jesus, at pinagaling niya sila. Kaya namangha ang lahat nang makita nilang nagsasalita ang mga pipi, lumalakad ang mga pilay, gumagaling ang mga may kapansanan at nakakakita ang mga bulag; kaya pinuri nila ang Diyos ng Israel.
Tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila: "Labis akong naaawa sa mga taong ito, pangatlong araw ko na silang kasama at wala na silang makain. Ayaw kong paalisin silang gutom at baka mahilo sila sa daan." Sinabi ng mga alagad sa kanya: "At saan naman tayo hahanap ng sapat na tinapay sa ilang na ito para ipakain sa mga taong iyan?" Sinabi ni Jesus sa kanila: "Ilan bang tinapay meron kayo?" Sumagot sila: "Pito, at kaunting maliliit na isda."
Pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao, kinuha niya ang pitong tinapay at ang maliliit na isda, at nagpasalamat sa Diyos. Hinati-hati niya ang mga ito at ibinigay sa kanyang mga alagad, at ibinigay rin nila sa mga tao.
Kumain silang lahat at nabusog at inipon ang mga natirang pira-piraso-pitong punong bayong.

Pagninilay-nilay
Dumating ang Panginoon hindi lamang para palakasin ang ating loob sa harap ng maraming problema sa buhay. Hangad din Niya ang kapakanan ng Kanyang bayan dahil walang ibang kalooban ang Diyos kundi ang mabuhay nang matiwasay at maginhawa ang taong Kanyang nilikha.


Panginoon, naawa Ka sa mga naghihirap.
Ikaw nawa ang maging pagkain at lakas ng aming buhay
upang makita namin ang katotohanan,
makalakad kami sa daan ng katarungan,
at maipahayag ang Ebanghelyo.

balik calendario


Disyembre 4
Huwebes

Unang Linggo ng Adbiyento
Juan Damasco

Unang Pagbasa: Is 26:1-6
Ebanghelyo: Mt 7:21, 24-27

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, "Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ng 'Panginoon! Panginoon!' ay papasok sa kaharian ng Langit kundi ang nagsasagawa sa kalooban ng Diyos ang siyang papasok sa kaharian ng Langit.
"Kaya kung may nakikinig sa mga salita ko at sumusunod dito, matutulad siya sa ma-talinong nagtayo ng bahay sa batuhan. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, ngunit hindi nagiba ang bahay sapagkat itinayo ito sa batuhan. At ang sinumang nakakarinig sa aking mga salita at hindi nagsasagawa nito, matutulad siya sa hangal na nagtayo ng bahay sa buhangin. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, at bumagsak ang bahay at kay laking kapahamakan!"

Pagninilay-nilay
Hindi sa salita napapatunayan ang pagsunod kay Jesus kundi sa pakikinig sa Kanyang mga salita at pagsasabuhay nito. Ano ang silbi ng lahat ng ating mga panalangin at pagsisimba kung wala naman tayong malasakit sa ating kapwa? Magkatuwang ang panalagin at gawa sa buhay-Kristiyano.


Panginoon, dumating Ka sa buhay ko
upang akayin ako sa daan ng pagsunod sa Iyo.
Tanglawan Mo ang aking isipan
upang maunawaan ko ang Iyong mga salita
at maisagawa ang mga ito sa aking buhay.

balik calendario


Disyembre 5
Biyernes

Unang Linggo ng Adbiyento

Unang Pagbasa: Is 29:17-24
Ebanghelyo: Mt 9:27-31


Pag-alis ni Jesus sa lugar na Capernaum, sumunod sa kanya ang dalawang bulag na lalaki na sumisigaw: "Anak ni David, tulungan mo kami!" Pagdating niya sa bahay, inabutan siya ng mga bulag at sinabi ni Jesus sa kanila: "Naniniwala ba kayo na may kapangyarihan ako para gawin ang gusto ninyong mangyari?" At sumagot sila: "Oo, Ginoo!"
Hinipo ni Jesus ang kanilang mga mata at sinabi: "Mangyari sa inyo ang inyong paniwala." At nabuksan ang kanilang mga mata. Mahigpit naman silang tinagubilinan ni Jesus: "Mag-ingat kayo at huwag sabihin ito kanino man." Ngunit pagkaalis nila, ipinahayag nila siya sa buong bayan.

Pagninilay-nilay
Mahirap aminin na bulag din tayo sa maraming pagkakataon, at kung nakakakita man tayo, nakukulayan ng ating damdamin ang ating paningin. May mga mata nga tayo pero hindi naman tayo nakakakita at may mga tenga pero hindi naman nakakarinig.


Jesus, Ikaw ang Anak ni David,
magkakasama kaming bulag na lumalakad sa buhay
ngunit dumarating Ka at sinasalubong kami sa daan
upang imulat ang aming mga mata sa katotohanan.
Halina, Panginoon, dumating Ka at ako'y pagalingin.

balik calendario


Disyembre 6
Sabado

Unang Linggo ng Adbiyento
Nicolas

Unang Pagbasa: Is 30:19-21, 23-26
Ebanghelyo: Mt 9:35-10:1, 5a, 6-8


At nilibot ni Jesus ang mga bayan at mga nayon; nagtuturo siya sa kanilang mga sina-goga, nagpapahayag ng Mabuting Balita ng Kaharian at nagpapagaling ng lahat ng sakit at karamdaman. Nang makita niya ang makapal na tao, naawa siya sa kanila sapagkat hirap sila at lupaypay na parang mga tupang walang pastol. At sinabi niya sa kanyang mga alagad: "Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa. Idalangin ninyo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani."
Tinawag ni Jesus ang labindalawa niyang alagad at binigyan sila ng kapang-yarihan sa maruruming espiritu para palayasin ang mga ito at pagalingin ang lahat ng sakit at karamdaman.
"Hanapin ninyo ang nawawalang tupa ng sambayanan ng Israel.
"Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: 'Palapit na ang kaharian ng Langit.' Pagalingin ang maysakit, buhayin ang patay, linisin ang mga mayketong at palayasin ang mga demonyo. Tinanggap ninyo ito nang walang bayad kaya ibigay rin ninyo nang walang bayad."

Pagninilay-nilay
Hindi lamang tayo tagakain ng ostiya dahil sa pagtanggap natin sa komunyon, tayo mismo at ang pamayanang Kristiyano ang nagiging buháy na katawan ni Kristo sa piling ng ating kapwa. Sa atin ipinagkakatiwala ng Panginoon ang pagpapatuloy ng Kanyang gawain sa mundo.


Ikaw ang Kagandahang-loob ng Diyos
na dumating at nagpakatao sa aming piling.
Tawagin Mo ako ngayon na makibayani sa pag-aani.
Magpadala Ka, Panginoon, ng mga manggagawa
sa Iyong anihan.

balik calendario


Disyembre 7
Linggo

Ika-2 Linggo ng Adbiyento

Unang Pagbasa: Is 40:1-5, 9-11

Aliwin, aliwin ang aking bayan,
sabi ng iyong Diyos.
Kausapin ang Jerusalem,
kausapin ang kanyang puso,
sabihing tapos na ang kanyang paninilbihan,
nabayaran na ang kanyang kasalanan,
tinanggap niya sa kamay ni Yawe
ang dobleng parusa sa lahat niyang pagkakasala.
Isang tinig ang sumisigaw:
"Ihanda sa ilang ang daraanan ni Yawe,
gumawa ng patag na daan sa disyerto
para sa ating Diyos.
Patataasin ang bawat lambak,
pabababain ang bawat bundok at burol,
papatagin ang mga batong kinatitisuran,
papantayin ang lupang lubak-lubak.
Ang kaluwalhatian ni Yawe ay mahahayag,
at makikita ng lahat ng tao,
sapagkat si Yawe ang nagsabi."

Umakyat ka sa mataas na bundok, tagapagbalita sa Sion.
Ilakas ang iyong tinig,
huwag matakot sumigaw nang malakas, tagapagbalita sa Jerusalem;
sabihin sa mga lunsod ng Juda: "Narito na ang inyong Diyos!"
Masdan, narito na nga si Yaweng Panginoon,
dumarating nang may kapangyarihan,
makapangyarihan ang kanyang bisig,
dala niya ang kanyang napanalunan,
nasa harap niya ang kanyang nasamsam.
Tulad ng pastol, inaalagaan niya ang kawan
at tinitipon sa kanyang bisig,
kinakalong ang mga batang tupa,
mabanayad na inaakay ang mga bagong panganak.

Slm 85:9-10, 11-12, 13-14
Ipakita sa amin ang iyong awa, O Panginoon, at iligtas kami.

Ikalawang Pagbasa: 2 P 3:8-14

Huwag ninyong kalimutan ito, mga kapatid: Sa Panginoon, parang isang araw ang isang libong taon at isang libong taon ang isang araw. Hindi nagpapaliban ang Panginoon sa kanyang pangako, kahiman pinag-uusapan ng ilan ang pagpapaliban. Mapagpasensiya siya sa inyo at hindi niya iniibig na mapahamak ang sinuman. Gusto niyang magsisi ang lahat. Darating namang tulad ng magnanakaw ang araw ng Panginoon. Sa araw na iyon, maingay na tatanggalin ang langit, matutunaw sa apoy ang mga sangkap ng sanlibutan at hindi na matatagpuan ang lupa at lahat ng naroroon.
Kung matutunaw ang lahat sa ganitong paraan, isipin ninyo kung paano dapat banalin ang inyong pamumuhay at paglilingkod sa Diyos habang hinihintay ninyo at napapadali ang pagdating ng araw ng Diyos. Sa araw na iyon, wawasakin ng apoy ang mga kalangitan at matutunaw ang mga sangkap ng sanlibutan dahil sa init. Naghihintay naman tayo ng bagong langit at ng bagong lupa na pinaghaharian ng katarungan gaya ng ipinangako ng Diyos.
Ito, mga kaibigan, ang dapat ninyong hin-tayin, sikapin ninyong matagpuan ng Diyos kayong nakaugat sa kapayapaan, walang dungis at kapintasan.

Ebanghelyo: Mc 1:1-8

Ito ang simula ng Ebanghelyo (o Magandang Balita) ni Jesucristo, Anak ng Diyos.
Nasusulat sa Propeta Isaias: "Ipinadadala ko ngayon ang aking sugo na mauuna sa iyo para ayusin ang iyong daan. Naririnig ang sigaw sa disyerto: 'Ihanda ang daan para sa Panginoon, ituwid ang kanyang landas'."
Kaya may nagbibinyag sa disyerto-si Juan-at ipinahahayag niya ang binyag na may kasamang pagsisisi para sa kapatawaran ng mga kasalanan. Nagpuntahan sa kanya ang lahat ng taga-Judea at mga naninirahan sa Jerusalem. Inamin nila ang kanilang mga kasalanan at bininyagan sila ni Juan sa Ilog Jordan.
May balabal na balahibong-kamelyo at pang-ibabang damit na katad si Juan, at mga balang at pulot-pukyutang-gubat ang kinakain. At ito ang sinabi niya sa kanyang pangangaral: "Parating na kasunod ko ang gagawa nang higit pa sa akin. Hindi nga ako karapat-dapat yumuko para magkalag ng tali ng kanyang panyapak. Sa tubig ko kayo bininyagan, at sa Espiritu Santo naman niya kayo bibinyagan."

Pagninilay-nilay
Si Juan ang nasa pagitan ng Matanda at Bagong Tipan. Siya ang naghanda ng daan para sa pagdating ng Tagapagligtas na matagal nang hinihintay ng sangkatauhan.
May mga Juan Bautista rin sa ating buhay. Sila ang mga tao o mga pangyayaring nagsil-bing tagapagbalita sa atin ng pagdating ng Diyos. Ang mga ito ang nagpaalala sa atin na magbalik-loob sa Panginoon. Sila ang umakay sa atin sa landas ng pagsunod sa Diyos.
May mga pagkakataon din na tayo mismo ay tinatawag din na maging mga Juan Bautista upang ihanda ang pagdating ng Panginoon sa buhay ng ating kapwa, una na sa ating pamilya, mga kaibigan, at mga kasamahan.

balik calendario


Disyembre 8
Lunes

Imakulada Konsepsyon

Unang Pagbasa: Gen 3:9-15, 20
Ikalawang Pagbasa: Ef 1:3-6, 11-12
Ebanghelyo: Lc 1:26-38

Sa ikanim na buwan, isinugo ng Diyos ang Anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinatawag na Nazaret. Sinugo ito sa isang birhen na ipinagkasundo na sa isang lalaking nagngangalang Jose mula sa sambahayan ni David; at Maria naman ang pangalan ng birhen. Pumasok ang anghel at sinabi sa kanya: "Matuwa ka, O puspos ng grasya, sumasaiyo ang Panginoon." Nabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito.
At sinabi ng anghel sa kanya: "Huwag kang matakot, Maria, dahil may magandang niloloob ang Diyos para sa iyo. At ngayo'y maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Jesus. Magiging dakila siya at tatawagin siyang Anak ng Kataas-taasan, at ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang ninunong si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman; talaga ngang walang katapusan ang kanyang paghahari."
Sinabi ni Maria sa anghel: "Paanong mangyayari ito gayong di ako ginagalaw ng lalaki?" At sumagot sa kanya ang anghel: "Papanaog sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan kaya magiging banal ang isisilang at tatawaging Anak ng Diyos. At nagdalantao naman ngayon ang pinsan mong si Elizabeth sa kabila ng kanyang katandaan, at siyang itinuturing na baog ay nasa ikaanim na buwan na. Wala ngang imposible sa Diyos."
Sinabi naman ni Maria: "Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi." At nilisan siya ng anghel.

Pagninilay-nilay
Pinili ng Diyos si Maria na maging ina ng kanyang Anak, at nang ialok sa kanya ito ng Anghel, malaya at bukal sa loob niyang tinanggap na maging ina ng Tagapagligtas. Mula sa sandaling iyon, naging kaugnay siya sa gawang pagliligtas ni Jesus.


O Maria, ikaw ang ina ni Jesus
at ikaw rin ang ina ng mga Kristiyano.
Kalungin mo kami sa aming pangungulila at pag-iisa,
at sa pagdating ng Diyos sa aming buhay,
tulungan mo kaming mapatulóy namin Siya nang buong puso.

balik calendario


Disyembre 9
Martes

Ika-2 Linggo ng Adbiyento
Juan Diego

Unang Pagbasa: Is 40:1-11
Ebanghelyo: Mt 18:12-14

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, "Ano sa palagay ninyo? Kung may sandaang tupa ang isang tao at naligaw ang isa sa mga ito, hindi ba niya iiwan sa kaburulan ang siyamnapu't siyam para hanapin ang naliligaw? At sinasabi ko sa inyo: Kapag nakita niya ito, mas matutuwa pa siya rito kaysa siyamnapu't siyam na hindi naligaw. Gayundin naman, ayaw ng inyong Amang nasa Langit na mawala isa man sa maliliit na ito."

Pagninilay-nilay
Kadalasa'y sinasadya natin mismo ang maligaw dahil tayo ang umaayaw sa pagsunod sa Panginoon. Mas gusto nating manginain sa damuhang hindi para sa atin. At makikita natin kung gaano tayo kamahal ng Panginoon dahil iniiwan Niya ang lahat para hanapin tayo.


Butihing Pastol na aming Panginoon,
matigas nga ang aming ulo dahil lagi kaming humihiwalay sa Iyo.
Sa simula'y parang alam namin ang aming ginagawa
ngunit pagkatapos ay naliligaw kami at hindi na makabalik sa Iyo.
Narito ako ngayon at naghihintay na matagpuan Mo ako.

balik calendario


Disyembre 10
Miyerkules

Ika-2 Linggo ng Adbiyento

Unang Pagbasa: Is 40:25-31
Ebanghelyo: Mt 11:28-30

Sinabi ni Jesus, "Lumapit sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan, at pagiginhawahin ko kayo. Kunin ninyo ang aking pamatok at matuto sa akin, akong mahinahon at mababang-loob, at makakatagpo kayo ng ginhawa para sa inyong kaluluwa. Sapagkat mahusay ang aking pamatok at magaan ang aking pasanin."

Pagninilay-nilay
Sa dami ng mga problema sa buhay, may mga pagkakataon na parang nawawalan tayo ng pag-asa dahil kahit na ano ang gawin natin, pabigat pa rin nang pabigat ang ating mga pasanin sa buhay. Teka, di ba't marami ka na ring hirap na pinagdaanan? Isipin mo kung paano ka nakaraos sa lahat ng iyon.


Wala akong ibang puwedeng gawin, Panginoon,
kundi magbuntung-hininga sa piling Mo.
Sa gitna ng maraming alalahanin at suliranin sa buhay,
sa Iyo ako lumalapit upang makatagpo ng ginhawa.
Dumating Ka at paginhawahin ako.

balik calendario


Disyembre 11
Huwebes

Ika-2 Linggo ng Adbiyento
Damaso I

Unang Pagbasa: Is 41:13-20
Ebanghelyo: Mt 11:11-15

Sinabi ni Jesus sa maraming tao, "Talagang sinasabi ko sa inyo, walang sinuman sa mga kilalang tao ngayon ang mas dakila pa kay Juang tagapagbinyag, pero mas dakila sa kanya ang pinakamaliit sa kaharian ng Langit. Mula sa panahon ni Juan Bautista hanggang ngayon, ang kaharian ng Langit ay kailangang agawin, at ang mga buo ang loob ang umaagaw nito.
"Pagpopropesiya nga lamang ang panahon ng Mga Propeta at ng Batas hanggang kay Juan. At kung gusto ninyo itong tanggapin, si Juan ang Elias na darating. Makinig ang may tainga."

Pagninilay-nilay
Kaiba sa mga rebultong nasa ating mga simbahan (na mga mukhang hindi makabasag-pinggan), mga taong malalakas at matatapang ang ating mga santo at santa. Buo ang kanilang loob at pinanindigan nila ang kanilang paniniwala hanggang kamatayan.


Pagkalooban Mo nawa kami, Panginoon,
ng tapang, paninindigan, at kababaang-loob.
Gawin Mong buo ang aming loob sa pagsunod sa Iyo
upang mapangatawanan namin
ang pagsasabuhay ng Iyong Salita.

balik calendario


Disyembre 12
Biyernes

Ika-2 Linggo ng Adbiyento
Mahal na Birhen ng Guadalupe / Juana Francesca ng Chantal

Unang Pagbasa: Is 48:17-19
Ebanghelyo: Mt 11:16-19


Sinabi ni Jesus sa mga ito, "Ngayon, kanino ko ikukumpara ang mga tao sa kasalukuyan? Para silang mga batang nakaupo sa mga plasa at nagkakantahan, at nagrereklamo ang ilan sa kanila: 'Tinugtog namin ang plauta para sa inyo pero ayaw ninyong sumayaw, at nang umawit naman kami ng malungkot na awit, ayaw din ninyong umiyak!'
Ganito rin ang nangyari: Dumating muna si Juan na nag-aayuno, at sabi ng mga tao: 'Inaalihan siya ng demonyo.' At saka dumating ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom, at ang sabi ng mga tao: 'Lasenggo at matakaw, kaibigan ng mga publikano at mga makasalanan!' Gayon pa man, mapatutunayang tama ang karunungan ng Diyos sa mga gawa nito."

Pagninilay-nilay
Sala sa lamig, sala sa init ang marami sa atin sa pagsasabuhay ng pananam-palataya. Napakamadasalin pero kulang sa malasakit sa kapwa ang ilan sa atin dahil nananatili silang walang pakialam sa anumang may kinalaman sa labas ng simbahan. Ang iba nama'y napakaaktibo pero kulang naman sa panalangin.


Panginoon, tulungan mo kaming pagbuklurin
ang aming panalangin at gawa, pananampalataya at buhay
upang ang tanggap at pinaniniwalaan ng aming isipan
ay mamutawi sa aming mga labi at siyang maging tibok ng aming puso
tungo sa pagsasagawa nito at pagsasabuhay.

balik calendario


Disyembre 13
Sabado

Ika-2 Linggo ng Adbiyento
Lucia

Unang Pagbasa: Sir 48:1-4, 9-11
Ebanghelyo: Mt 17:9a, 10-13


At sa pagbaba nila mula sa bundok, inutusan sila ni Jesus na huwag sabihin kaninuman ang pangitain hanggang maibangon ang Anak ng Tao mula sa mga patay."
Tinanong naman siya ng mga alagad: "Bakit sinasabi ng mga guro ng Batas na dapat munang pumarito si Elias?" At sumagot si Jesus: "Dapat nga munang dumating si Elias para ayusin ang lahat ng bagay. Ngunit sinasabi ko sa inyo na dumating na si Elias pero hindi nila siya nakilala, at pinakitunguhan nila siya ayon sa kanilang kagustuhan. At gayon din nila papagdurusahin ang Anak ng Tao."
At naunawaan ng mga alagad na si Juan Bautista ang tinutukoy ni Jesus.

Pagninilay-nilay
Nagpapadala ang Diyos ng mga tagapagpagunita upang maalala natin ang ating mga pangako sa Kanya. Maaaring tinatapik lamang Niya tayo sa simula, at kung minsan nama'y dagok na ang ibinibigay Niya lalo na kung hindi pa rin natin Siya marinig.


Panginoon, sa paglayo namin sa Iyo,
inilalapit Mo kami pabalik sa Iyo
sa pamamagitan ng pagdating sa aming buhay
ng mga tagapaghatid ng Iyong Salita.
Makinig nawa kami sa kanilang mga pahayag.

balik calendario

Disyembre 14
Linggo

Ika-3 Linggo ng Adbiyento

Unang Pagbasa: Is 61:1-2a, 10-11

Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoong Yawe, sapagkat itinalaga ako ni Yawe upang ihatid ang mabuting balita sa mga dukha. Sinugo niya ako upang pagalingin ang pusong sugatan, upang ipahayag ang kalayaan sa mga itinapon at ang pagpapalaya sa mga bilanggo; upang ipahayag ang taon ng kabutihang-loob ni Yawe at ang araw ng paghihiganti ng ating Diyos;
Lubusan akong nagagalak kay Yawe, ang kaluluwa ko'y naliligayahan sa aking Diyos, pagkat dinamtan niya ako ng pagliligtas, binalabalan ng katarungan, tulad ng lalaking ikinakasal na suot ang kanyang turban, tulad ng babaeng ikinakasal na suot ang kanyang mga alahas. Pagkat kung paanong pinasisibol ng lupa ang kanyang mga supling, at pinatutubo ng hardin ang mga inihasik dito, gayundin pasisibulin ni Yaweng Panginoon ang katarunga't pagpupuri sa harap ng lahat ng bansa.

Slm 1:46-48, 49-50, 53-54
Nagagalak ang aking kaluluwa sa Diyos ko.

Ikalawang Pagbasa: 1 Tes 5:16-24

Maging laging masaya, manalangin nang walang-humpay at magpasalamat sa lahat ng pagkakataon. Ito ang gusto ng Diyos para sa inyong na kay Jesucristo.
Huwag sawatain ang Espiritu, huwag hamakin ang mga babala ng mga propeta. Subukin ang lahat at piliin ang mabuti. Iwasan ang anumang masama.
Pabanalin nawa kayo ng Diyos ng kapayapaan nang mapagingganap niya at ingatan ang inyong espiritu, kaluluwa at katawan na walang kasalanan para sa pagdating ni Kristo Jesus na ating Panginoon. Tapat ang tumawag sa inyo at gagawin niya ito.

Ebanghelyo: Jn 1:6-8, 19-28

May taong sugo ang Diyos-
Juan ang kanyang pangalan.
Dumating siya para sa pagpapatunay,
para magpatunay tungkol sa Liwanag,
upang makapanalig ang lahat sa pamamagi-tan niya.
Hindi siya mismo ang Liwanag,
kundi para magpatunay tungkol sa Liwanag.
Ito ang pagpapatunay ni Juan nang papun-tahin sa kanya ng mga Judio ang ilang mga pari at Levita mula sa Jerusalem para tanungin siya: "Sino ka?" Inako niya di ipinagkaila, inako nga niyang "Hindi ako ang Kristo."
At tinanong nila siya: "Ano ka kung gayon? Si Elias ka ba?" At sinabi niya: "Hindi." "Ang Propeta ka ba?" Isinagot naman niya: "Hindi" Kaya sinabi nila sa kanya: "Sino ka ba? Para may maisagot kami sa mga nagpapunta sa amin. Ano ba ang masasabi mo tungkol sa 'yong sarili?"
Sumagot siya gaya ng sinabi ni Propeta Isaias:
"Tinig ako ng isang sumisigaw sa disyerto:
Tuwirin ang daan ng Panginoon."
May mga pinapunta mula sa mga Pariseo. At tinanong nila siya: "Eh, ba't ka nagbibinyag kung hindi ikaw ang Kristo, ni si Elias, ni ang Propeta?" Sinagot sila ni Juan: "Sa tubig ako nagbibinyag ngunit may nakatayo sa piling ninyo na hindi n'yo kilala. Siya ang dumating na kasunod ko pero hindi ako karapat-dapat magkalag ng pa-nali ng kanyang panyapak."
Sa Betaraba nangyari ang mga ito, sa kabilang-ibayo ng Jordan na pinagbibinyagan ni Juan.

Pagninilay-nilay
Tinig na sumisigaw sa ilang ang paglalarawan ng Ebanghelyo kay Juan Bautista. Nag-iisa siya ngunit bukod-tangi ang pahayag ng munti ngunit malakas na tinig na iyon. Sa kasalukuyan, bihira na ang may tinig na sumisigaw sa ilang dahil nakikisali na rin tayo sa ingay ng mundo kaya wala na tayong iba pang boses.
Pagkakaroon ng tinig ang pagsunod kay Jesus, tinig na naiiba sa sinasabi ng marami. Ang pamumuhay natin ang siya nating boses. Sa pagsasabuhay natin sa mga salita ng Diyos, isinisigaw natin sa mundo ang pahayag ng Diyos. Ang pamumuhay natin sa katotohanan, katarungan at malasakit ang malakas na sigaw sa ilang ng mundo.

balik calendario


Disyembre 15
Lunes

Ika-3 Linggo ng Adbiyento

Unang Pagbasa: Blg 24:2-7, 15-17a
Ebanghelyo: Mt 21:23-27

Pagpasok ni Jesus sa Templo, lumapit sa kanya ang mga punong-pari, mga guro ng Batas at mga Matatanda ng mga Judio, at nagtanong: "Ano ang karapatan mong gawin ang mga ito? Sino ang nagtalaga sa iyo?"
Sinagot sila ni Jesus" "Tatanungin ko rin kayo ng isang tanong. At kung may sagot kayo, sasagutin ko kayo kung sino ang nagtalaga sa akin para sa mga ito. Saan galing ang pag-bibinyag ni Juan, sa Diyos ba o sa tao?"
At nag-isip-isip sila: "Kung isasagot nating galing sa Diyos, sasabihin niya: 'Bakit di kayo naniwala sa kanya?' At kung sasabihin naman nating 'Galing lamang sa tao ang pagbibinyag ni Juan,' dapat tayong matakot sa bayan sapagkat akala nila'y tunay na propeta si Juan." Kaya sinabi nila kay Jesus: "Hindi namin alam."
At sinabi sa kanila ni Jesus: "Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sino ang nagtalaga sa akin na gumawa ng mga ito."

Pagninilay-nilay
May mga pangyayari sa ating buhay na tiyak na tiyak natin na kalooban nga iyon ng Diyos. Maaaring mabigat sa ating kalooban ang mga iyon pero wala tayong ibang magagawa kundi tanggapin ang mga iyon nang maluwag sa loob at walang anumang tanong.


Panginoon, dumarating Ka sa aming buhay
sa mga pagkakataong hindi namin lubos na inaasahan,
at nagiging maliwanag sa amin ang Iyong Kalooban.
Mapatulóy Ka nawa namin anumang oras
at matanggap ang gawaing ibinibigay Mo sa amin.

balik calendario

Disyembre 16
Martes

Ika-3 Linggo ng Adbiyento

Unang Pagbasa: Sof 3:1-2, 9-13
Ebanghelyo: Mt 21:28-32

Nagpatuloy si Jesus: "Ano sa palagay ninyo? May dalawang anak ang isang tao. Lumapit siya sa isa at sinabi: 'Anak, pumunta ka ngayon at magtrabaho sa aking ubasan.' Sumagot ang anak: 'Ayoko.' Ngunit pagkatapos ay nagbagong-isip siya at pumunta. Pinuntahan din ng ama ang pangalawang anak at gayundin ang sinabi. Sumagot naman ang anak: 'Opo.' Pero hindi siya pumunta."
At itinanong ni Jesus: "Sino sa dalawang anak ang tumupad sa gusto ng ama?" Sumagot sila: "Ang una." At sinabi ni Jesus: "Talagang sinasabi ko sa inyo: mas nauuna sa inyo patungo sa kaharian ng Langit ang mga publikano at mga babaeng bayaran. Dumating nga si Juan para ipakita sa inyo ang daan ng kabutih