Pandesal 2008
Pagbasa at Pagninilay-nilay

AGOSTO  2008
Domingo
Lunes
Martes
Miyerkules
Huwebes
Biyernes
Sabado
     


Download Agosto 2008

Agosto 1
Biyernes

Ika-17 Linggo ng Taon
Alfonso Maria ng Liguori

Unang Pagbasa: Jer 26:1-9
Ebanghelyo: Mt 13:54-58

Pumunta si Jesus sa kanyang bayan at nagturo sa mga tao sa kanilang sinagoga. Namangha silang lahat at nagsabi: "Saan kaya galing ang kanyang karunungan at natatanging kapangyarihan? Di ba't siya ang anak ng karpintero? Di ba't si Maria ang kanyang ina at sina Jaime, Jose, Simon at Judas ang kanyang mga kapatid? Hindi ba't narito sa piling natin ang lahat niyang kapatid na babae? Ano't nangyari sa kanya ang lahat ng ito?" At bulag sila tungkol sa kanya.
Sinabi naman sa kanila ni Jesus: "Sa kanyang sariling bayan lamang at sambahayan hinahamak ang propeta." At kaunti lamang ang ginawa niyang himala roon sapagkat kulang sila sa pananampalataya.

Pagninilay-nilay
Hindi makapaniwala ang kanyang mga kamag-anak dahil makulit siya at tamad mag-aral noong bata pa-mas gusto pa niya ang magpastol ng kalabaw kaysa mag-aral. At nang nasa hayskul na, mas marami pa ang araw na absent siya pero nakapagtapos pa rin siya dahil kaibigan niya lahat ng mga guro. Sa Maynila siya nagkolehiyo habang nagtatrabaho para masuportahan niya ang sarili. Madali naman siyang nakahanap ng trabaho pagkatapos ng kolehiyo.
Pero sino ang mag-aakalang pagkatapos ng ilang taon ay uuwi siya sa kanilang bayan para magmisa? Nagpasya siyang magpari at pagkatapos ng ilang taon sa seminaryo, heto na siya ngayon para sa una niyang misa sa kanilang bayan.

balik calendario


Agosto 2
Sabado

Ika-17 Linggo ng Taon
Eusebio ng Vercelli at Pedro Julian Eymard

Unang Pagbasa: Jer 26:11-16, 24
Ebanghelyo: Mt 14:1-12

Umabot kay Haring Herodes ang katanyagan ni Jesus. At sinabi niya sa kanyang mga kasambahay: "Si Juan Bautista siya. Nabuhay si Juan mula sa mga patay kaya nagkakabisa sa kanya ang makalangit na kapangyarihan."
Si Herodes nga ang nagpahuli kay Juan, at nag-utos na ikadena ito at ikulong dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid na si Felipe. Sapagkat sinabi ni Juan kay Herodes: "Hindi mo siya puwedeng maging asawa." Talaga ngang gusto ni Herodes na patayin siya, pero takot siya sa mga tao na kumikilala kay Juan bilang isang propeta.
Kaarawan ni Herodes at nagsayaw ang anak na babae ni Herodias, at nasiyahan si Herodes sa kanya. Kaya sinumpaan niya ang pangakong ibibigay sa kanya ang anumang hingin niya. At sinabi ng babae ayon sa turo ng kanyang ina: "Ibigay mo rito sa akin ang ulo ni Juan Bautista sa isang bandeha."
Nasaktan ang hari ngunit napanumpaan na niya ang pangako sa harap ng mga bisita kaya iniutos niya na ibigay iyon sa kanya. At pinapugutan niya ng ulo si Juan sa kulu-ngan; inilagay sa isang plato ang kanyang ulo at ibinigay sa babae, at dinala ito ng babae sa kanyang ina.
At pagkatapos ay dumating naman ang mga alagad ni Juan at kinuha ang kanyang katawan at inilibing. At pagkatapos ay ibinalita ito kay Jesus.

Pagninilay-nilay
Alam niya na mali ang kanyang ginagawa pero dahil sa binitiwan na salita, napasubo na siya kaya wala siyang anumang magagawa kundi panindigan ang kanyang ipinangako. May isang salita siya kaya hindi niya mababawi ang kanyang sinabi.
Hindi pagkakaroon kundi kawalan ng paninindigan ang pinatunayan ni Herodes sa kanyang ginawa. Kung tanda ng mabuting pinuno ang pagkakaroon ng "palabra de honor," mas mahalaga ang pagiging lider sa ngalan ng katotohanan at katarungan. Walang masama sa pag-amin ng sariling pagkakamali alang-alang sa kung ano ang totoo at makatarungan.

balik calendario


Agosto 3
Linggo

Ika-18 na Linggo ng Taon

Unang Pagbasa: Is 55:1-3

Halikayo, lahat kayong nauuhaw, magsilapit sa tubig; at lahat kayong mga walang pera, halikayo, bumili ng trigo at kumain. Oo, halikayo, bumili ng alak at gatas, nang walang pera at walang presyo.
Bakit gagastahin ang inyong pera sa hindi nakabubusog at bakit nagpapakapagod sa hindi nakasisiya? Makinig sa akin, at kayo'y kakaing mabuti; masasarapan kayo sa matatabang pagkain.
Makinig kayo at lumapit sa akin; makinig sa akin upang mabuhay ang inyong ka-luluwa. Makikipagtipan ako sa inyo-isang walang hanggang tipan; tutuparin ko sa inyo ang aking mga pangako kay David.

Slm 145:8-9, 15-16, 17-18
Buksán ang iyong kamay, Panginoon, at pakanin kami.

Ikalawang Pagbasa: Rom 8:35,37-39

At sino ang magwawalay sa atin sa pagmamahal ni Kristo? Ang kasawiampalad ba, ang hirap, ang pag-uusig, ang gutom, ang kahubaran, ang panganib, ang tabak?
Ngunit sa lahat ng ito, daig pa natin ang nanalo dahil sa nagmamahal sa atin. Natiti-yak kong kahit ang kamatayan at buhay, kahit ang mga anghel at pamumuno ng kasalukuyang panahon o ng darating; kahit ang mga puwersa ng kaitaasan o ng kailaliman; natitiyak ko na sa mga nilikha'y walang makapagwawalay sa atin sa pagmamahal ng Diyos na na kay Kristo Jesus na ating Panginoon.

Ebanghelyo: Mt 14:13-21

Nang marinig ito ni Jesus, lumayo siya at namangka na sila-sila lang patungo sa ilang na lugar. Ngunit nalaman ito ng mga tao at sumunod sila sa kanya na naglalakad mula sa kanilang mga bayan. Pagdating ni Jesus sa pampang, nakita niya ang maraming taong nagkakatipon doon at naawa siya sa kanila. At pinagaling niya ang mga maysakit.
Nang hapon na, lumapit sa kanya ang mga alagad at sinabi: "Nasa ilang na lugar tayo at lampas na ang oras. Paalisin mo na ang maraming taong ito para makapunta sila sa mga nayon at makabili ng kani-kanilang pagkain."
Ngunit sumagot si Jesus: "Hindi na nila kailangang umalis pa; kayo ang magbigay sa kanila ng makakain." Sinabi nila: "Wala kami rito kundi limang tinapay at dalawang isda." Sinabi niya: "Akin na."
At iniutos niyang maupo sa damuhan ang makapal na tao. Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala sa langit, nagpuri, hinati ang mga tinapay at ibinigay sa kanyang mga alagad; at ibinigay rin nila sa mga tao. At kumain silang lahat at nabusog, at inipon nila ang mga natirang pira-piraso-labindalawang punong basket. Mga limanlibong lalaki ang napakain bukod pa sa mga babae at mga bata.

Pagninilay-nilay
Hati. Marami ang ayaw sa "hating-kapatid" dahil sa halip na pantay at pareho ang hatian, mas malaki ang bahaging kaparte ng naghahati kaysa kanyang kapatid. Sino nga ba naman ang may gustong malamangan?
Ganito ang kalagayan ng buhay ng tao. Sa kabila ng pagtawag natin sa iisang Ama sa langit, na ibig sabihi'y magkakapatid tayong lahat, nananatili pa ring may mayayaman at may mga naghihikahos sa buhay, may walang-wala at meron namang talagang meron lahat.
Dahil nga kaya sa tamad sila kaya sila walang-wala? O dahil "hating-kapatid" ang ginawa natin kaya mas nakalalamang tayo?

balik calendario


Agosto 4
Lunes

Ika-18 na Linggo ng Taon
Juan Maria Vianney

Unang Pagbasa: Jer 28:1-17
Ebanghelyo: Mt 14:22-36

Agad pinasakay ni Jesus sa bangka ang mga alagad at pinauna sa kabilang ibayo habang pinaaalis niya ang mga tao. At pagkaalis ng mga tao, mag-isa siyang pumunta sa kaburulan para manalangin. Nag-iisa siya roon nang gumabi. Samantala, malayo na sa lupa ang bangka, sinasalpok ng mga alon sapagkat pasalungat ang hangin.
Nang madaling-araw na, pinuntahan sila ni Jesus na naglalakad sa dagat. Nang makita nila siyang naglalakad sa dagat, natakot sila, at akala nila'y multo siya. Kaya sumigaw sila. Ngunit agad niyang sinabi sa kanila: "Lakasan ang loob! Ako ito, huwag kayong matakot." Sumagot si Pedro: "Panginoon, kung ikaw nga, papuntahin mo ako sa iyo na naglalakad sa tubig."
At sinabi niya: "Halika." Bumaba naman sa bangka si Pedro at naglakad sa tubig papunta kay Jesus. Ngunit natakot siya sa harap ng malakas na hangin at nagsimulang lumubog. Kaya sumigaw siya: "Panginoon, iligtas mo ako!" Agad na iniunat ni Jesus ang kanyang kamay at hinawakan siya, at sinabi: "Taong maliit ang pananampalataya, bakit ka nag-alinlangan?"
Nang nakasakay na sila sa bangka, tumigil ang hangin. At yumuko sa harap ni Jesus ang mga nasa bangka at sinabi: "Totoo ngang ikaw ang Anak ng Diyos!"
Pagkatawid nila, dumating sila sa pampang ng Genesaret. Nakilala si Jesus ng mga tagaroon at ipinamalita nila sa buong kapaligiran. Kaya dinala nila sa kanya ang mga maysakit. May nakiusap sa kanya na mahipo man lamang sana nila ang laylayan ng kanyang damit, at gumaling ang lahat ng humipo rito.

Pagninilay-nilay
Kung ang pagdampi ng dulo ng ating daliri sa laylayan ng damit ng Panginoon ay makapagdudulot ng mabilisang lunas sa ating mga karamdaman, ano pa kaya kung siya'y ating tinatanggap sa Banal na Komunyon. Ang Banal na Komunyon ay matatawag na lunas maging sa kamatayan, sapagkat iniuugnay tayo nito sa pinakabukal ng walang hanggang buhay, ang Panginon at Tagapagligtas nating lahat, si Jesucristo.
Kahit pa nga walang tayong iniinda na karamdaman sa buhay, lahat tayo'y nangangailangan ng pagpapagaling ng Panginoon. Siya ang Dakilang Manggagamot na ating tinatanggap sa mga sakramento ng simbahan.

balik calendario


Agosto 5
Martes

Ika-18 na Linggo ng Taon
Pagtatalaga sa Basilika ng Mahal na Birheng Maria sa Roma

Unang Pagbasa: Jer 30:1-2, 12-15, 18-22
Ebanghelyo: Mt 15:1-2, 10-14


Nagkatipon sa paligid ni Jesus ang ilang Pariseo at mga guro ng Batas na galing pa sa Jerusalem. At sinabi nila sa kanya: "Bakit nilalabag ng iyong mga alagad ang tradisyon ng mga ninuno? Hindi nga sila naghuhugas ng kamay bago kumain."
Kaya tinawag ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila: "Pakinggan at unawain. Hindi ang pumapasok sa bibig ang nakapagpaparumi sa tao kundi ang lumalabas sa bibig ang nakapagpaparumi sa tao."
Pagkatapos ay lumapit kay Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi: "Alam mo bang naiskandalo ang mga Pariseo sa sinabi mo?" Sumagot si Jesus: "Ang bawat tanim lamang na hindi itinanim ng aking Amang nasa Langit ang bububunutin. Huwag ninyo silang pansinin! Mga bulag na gabay sila. Kapag isang bulag ang umakay sa kapwa-bulag, silang dalawa ang mahuhulog sa hukay."

Pagninilay-nilay
Makailang beses nga bang nagalit si Yawe sa mga Israelita dahil sa kanilang mga kapalaluan? Ilang beses din pinangaralan ni Jesus ang mga pariseo, maging kanyang mga alagad, dahil sa katigasan ng kanilang mga ulo? Kadalasan, kagaya rin nila tayo dahil mahirap para sa atin ang tanggapin ang mga turo ng Panginoon. Minsan pa nga, pinagtatakhan natin kung bakit tila nagagalit ang Diyos at nawawalan ng pasensiya sa atin ang Panginoon.
"Makinig at unawain." Ito ang patuloy na paanyaya ng Panginoon para sa ating lahat. Buksan natin ang ating mga sarili sa galaw ng Banal Espiritu na nangungusap at nagtuturo sa atin sa daan ng Panginoon.

balik calendario


Agosto 6
Miyerkules

Ang Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon

Unang Pagbasa: Dn 7:9-10, 13-14
Ikalawang Pagbasa: 2 P 1:16-19
Ebanghelyo: Mt 17:1-9


Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Jaime at ang kapatid nitong si Juan, at umakyat na sila lamang ang kasama sa isang mataas na bundok. Nagbago ang anyo ni Jesus sa harap nila: nagningning gaya ng araw ang kanyang mukha at kuminang na puting-puti ang kanyang damit gaya ng liwanag. At napakita sa kanila sina Moises at Elias na nakikipag-usap kay Jesus.
Kaya nagsalita si Pedro at sinabi niya: "Panginoon, mabuti at narito tayo. Kung gusto mo, gagawa ako ng tatlong kubol: isa para sa iyo, isa para kay Moises, at isa para kay Elias."
Nagsasalita pa si Pedro nang takpan sila ng isang makinang na ulap. At mula sa ulap ay narinig ang salitang ito: "Ito ang aking Anak, ang Minamahal, ang aking Hinirang; pakinggan ninyo siya."
Nang marinig iyon ng mga alagad, napasubsob sila sa lupa, na takot na takot. Ngunit nilapitan sila ni Jesus at hinipo, at sinabi: "Tumayo kayo, huwag matakot." At pagtingala nila, wala silang nakita liban kay Jesus. At sa pagbaba nila mula sa bundok, inutusan sila ni Jesus na huwag sabihin kaninuman ang pangitain hanggang maibangon ang Anak ng Tao mula sa mga patay."

Pagninilay-nilay
Wala sa sarili si Pedro nang sabihin niyang doon sila tumigil ng Panginoon sa bundok dahil maganda at maginhawa ang kanyang pakiramdam sa piling ni Jesus na nagbagong-anyo sa harap nila. Ganito ang nararamdaman natin sa mga araw na parang napakalapit natin sa Diyos at napakagaan ng ating kalooban. Hindi tayo naiinip sa pagdarasal at pagsisimba. At parang hindi tayo apektado ng anumang problema sa buhay at wala rin tayong pakialam sa mundo. Ngunit hind tayo maaaring manatili na lamang sa mataas na bundok ng pagbabagong-anyo ng Panginoon; kailangan din tayong bumaba kasama niya sa kapatagan ng karaniwan nating buhay sa araw-araw.

balik calendario


Agosto 7
Huwebes

Ika-18 na Linggo ng Taon
Sixto II at mga Kasama /Cayetano

Unang Pagbasa: Jer 31:31-34
Ebanghelyo: Mt 16:13-23

Pumunta si Jesus sa may dakong Cesarea ni Filipo. Tinanong niya ang kanyang mga alagad: "Ano ang Anak ng Tao para sa mga tao? Sino ako para sa kanila?" Sumagot sila: "May nagsasabing si Juan Bautista ka; may iba pang nagsasabing si Elias ka o si Jeremias o isa sa mga propeta kaya."
Sinabi niya sa kanila: "Ngunit sino ako para sa inyo?" At sumagot si Simon Pedro: "Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay." Sumagot naman si Jesus: "Mapalad ka, Simon Bar-Yona, hindi nga laman at dugo ang nagbunyag nito sa iyo kundi ang aking Amang nasa Langit.
At ngayon sinasabi ko sa iyo: Ikaw si Pedro (o Bato) at sa batong ito ko itatayo ang aking Iglesya; at hinding-hindi ito madadaig ng kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng Langit: ang itali mo dito sa lupa ay itatali rin sa Langit, at ang kalagan mo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit."
At inutusan niya ang kanyang mga alagad na huwag sabihin kanino man na siya nga ang Mesiyas.
Mula sa araw na iyon, ipinaalam ni Jesucristo sa kanyang mga alagad na kailangan siyang pumunta sa Jerusalem: pahihirapan siya ng mga Matatanda ng mga Judio, ng mga punong-pari at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya at muling babangon sa ikatlong araw. Dinala naman siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulang pagsabihan: "Huwag sana, Panginoon! Hindi ito puwede." Ngunit hinarap ni Jesus si Pedro at sinabi sa kanya: "Sa likod ko, Satanas! At baka mo pa ako tisurin. Hindi sa Diyos galing ang iyong iniisip kundi mula sa tao."

Pagninilay-nilay
Katatapos lamang sabihin ni Jesus kay Pedro na mapalad siya at matapos ipagkatiwala sa kanya ang pamumuno sa pamayanan ng kanyang mga alagad, heto at tinatawag naman siyang "Satanas" ng Panginoon. Sa lahat ng apostol at tagasunod ni Jesus, si Pedro lamang ang nagsabing si Jesus ang Kristo, pero siya rin lamang ang tinawag na "Satanas" ni Jesus.
Para maintindihan natin nang lubos ang sinasabi ng Ebanghelyo, kailangang malaman natin ang kahulugan ng "Satanas" nang panahong iyon. At makikita natin sa kasunod na pangungusap ang ibig sabihin nito: ang tumitisod para madapa ang sinuman.

balik calendario


Agosto 8
Biyernes

Ika-18 na Linggo ng Taon
Domingo

Unang Pagbasa: Nh 2:1, 3; 3:1, 6-7
Ebanghelyo: Mt 16:24-28

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: "Kung may ibig sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus para sumunod sa akin. Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ang mawawalan nito ngunit ang naghahangad na mawalan ng sarili alang-alang sa akin ang makakatagpo nito. Ano ang pakinabang ng tao tubuin man niya ang buong daigdig kung sarili naman niya ang mawala? Ano ang maibibigay niya para mabawi ito?
"Darating nga ang Anak ng Tao taglay ang kaluwalhatian ng kanyang Ama at kasama rin ang kanyang mga banal na anghel, at doon niya gagantimpalaan ang bawat isa ayon sa kanyang mga gawa. Totoong sinasabi ko sa inyo na makikita ng ilan sa inyo ang Anak ng Tao na dumarating bilang Hari, bago sila mamatay."

Pagninilay-nilay
Hindi ka ba naiinggit sa mga sikat at mayayaman? Hindi ba parang napakasarap ng buhay nila na parang walang problema dahil nasa kanila na ang lahat ng bagay kaya maginhawa ang kanilang buhay?
Paano magiging maginhawa ang buhay ng mayaman na walang pinoproblema kundi ang lalo pang yumaman kaya wala siyang ibang ginagawa kundi magtrabaho? Magkano ba ang puwede niyang dalhin sa kabilambuhay? Maginhawa kaya ang buhay ng mayamang nagpatayo ng mansyon at pagkatapos ay pinaderan naman niya nang mataas ang kanyang bakuran at nilagyan ng rehas lahat ng bintana at pinto para hindi mapasok ng magnanakaw?

balik calendario


Agosto 9
Sabado

Ika-18 na Linggo ng Taon

Unang Pagbasa: Heb 1:12-2:4
Ebanghelyo: Mt 17:14-20

Pagdating nila sa kinaroroonan ng mga tao, lumapit kay Jesus ang isang lalaki, lumuhod sa harap niya at nagsabi: "Ginoo, maawa ka sa aking anak na lalaki na may epilepsi at lubhang nahihirapan. Madalas siyang mahulog sa apoy at kung minsan nama'y sa tubig. Dinala ko na siya sa mga alagad mo pero hindi nila siya napagaling."
Sumagot si Jesus: "Mga walang pananampalataya at ligaw na tao kayo! Gaano pa katagal na panahon ako mananatili sa piling ninyo? Hanggang kailan ako magtitiis sa inyo? Dalhin siya rito sa akin." At inutusan ito ni Jesus, at umalis sa kanya ang masamang espiritu. At gumaling ang bata sa sandaling iyon.
Pagkatapos ay nilapitan si Jesus ng mga alagad, at tinanong nang sarilinan: "Bakit hindi namin napalayas ang espiritu?" Sinabi ni Jesus sa kanila: "Sapagkat kaunti ang inyong pananampalataya. Kung may pananampalataya kayong sinlaki ng buto ng mustasa, masasabi sana ninyo sa bundok na ito na gumalaw mula rito at gagalaw ito. At walang imposible para sa inyo."

Pagninilay-nilay
Kahanga-hangang ama meron ang batang maysakit ng epilepsi dahil siya mismo ang lumapit sa Panginoon para hilingin na pagalingin ni Jesus ang kanyang anak. Ilan sa ating mga ama ng tahanan ang tulad niya?
Habang nagsisimba ang kanilang mga asa-asawa, naiiwan silang tulog sa bahay; sa pagdalo sa miting ng mga ina ng tahanan sa mga samahang pansimbahan na kanilang kinabibilangan, busy naman ang mga ama kasama ng kanilang mga barkada. At habang nagrorosaryo ang mga mag-iina, naiiwan silang patuloy sa panonood ng TV. Ang mga ama ang siyang pinuno ng ating mga pamilya at sila rin ang namumuno sa pagdulog ng mag-anak sa Diyos.

balik calendario


Agosto 10
Linggo

Ika-19 na Linggo ng Taon

Unang Pagbasa: 1 H 19:9,11-13a

Pagdating niya roon, nagpunta siya sa yungib at doon nagpalipas ng magdamag. At dumating sa kanya ang salita ni Yawe: "Ano ang ginagawa mo rito, Elias?"
At sinabi ni Yawe: "Lumabas ka't tumayo sa bundok, at hintayin si Yawe." At hayan, dumaan si Yawe.
At may malakas at malaking hanging makabiyak-bundok at makadurog-bato sa harap ni Yawe, pero wala sa hangin si Yawe. Pagkatapos ng hangin ay lumindol pero wala sa lindol si Yawe. Pagkatapos ng lindol ay nagkaroon ng apoy pero wala sa apoy si Yawe. Pagkatapos ng apoy, ang tunog ng banayad na ihip ng hangin. Pagkarinig ni Elias dito, tinakpan niya ng kanyang balabal ang kanyang mukha, lumabas at tumayo sa may bungad ng yungib.

Slm 85:9, 10, 11-12, 13-14
Ipakita sa amin, O Panginoon, ang iyong awa, at iligtas kami.

Ikalawang Pagbasa: Rom 9:1-5

Sasabihin ko sa inyo ang totoo sa harap ni Kristo, nang walang kasinungalingan, at pinatototohanan sa akin ng aking konsiyensya sa Banal na Espiritu: Matindi ang aking kalungkutan at walang tigil ang pagdurusa ng aking kalooban at ako na sana ang isumpa at ihiwalay kay Kristo sa halip ng mga kapatid ko na mga kalahi ko. Israelita sila; inampon sila ng Diyos; nasa kanila ang Luwalhati at ang mga tipan; sa kanila ipinagkaloob ang Batas pati ang pagsamba at mga pangako. Sa kanila ang mga dakilang ninuno; at sa kanila rin ayon sa lahi si Kristo na siya namang Diyos na di saklaw ng anuman. Purihin siya magpakailanman.

Ebanghelyo: Mt 14:22-33

Agad pinasakay ni Jesus sa bangka ang mga alagad at pinauna sa kabilang ibayo habang pinaaalis niya ang mga tao. At pagkaalis ng mga tao, mag-isa siyang pumunta sa kaburulan para manalangin. Nag-iisa siya roon nang gumabi. 2Samantala, malayo na sa lupa ang bangka, sinasalpok ng mga alon sapagkat pasalungat ang hangin.
Nang madaling-araw na, pinuntahan sila ni Jesus na naglalakad sa dagat. Nang makita nila siyang naglalakad sa dagat, natakot sila, at akala nila'y multo siya. Kaya sumigaw sila. Ngunit agad niyang sinabi sa kanila: "Lakasan ang loob! Ako ito, huwag kayong matakot." Sumagot si Pedro: "Panginoon, kung ikaw nga, papuntahin mo ako sa iyo na naglalakad sa tubig."
At sinabi niya: "Halika." Bumaba naman sa bangka si Pedro at naglakad sa tubig papunta kay Jesus. Ngunit natakot siya sa harap ng malakas na hangin at nagsimulang lumubog. Kaya sumigaw siya: "Panginoon, iligtas mo ako!" Agad na iniunat ni Jesus ang kanyang kamay at hinawakan siya, at sinabi: "Taong kaunti ang pananampalataya, bakit ka nag-alinlangan?"
Nang nakasakay na sila sa bangka, tumigil ang hangin. At yumuko sa harap ni Jesus ang mga nasa bangka at sinabi: "Totoo ngang ikaw ang Anak ng Diyos!"

Pagninilay-nilay
Simoy. Kaiba sa malakas na hangin, banayad na ihip lamang ang simoy ng hangin; parang dampi ito sa balat, na nagpapaginhawa lalo na kung tag-init.
Hinahanap natin ang Diyos sa malalaking kababalaghan at mga himala ngunit wala ang Diyos sa mga iyon. Inaakala nating nasa mga kagila-gilalas na pangyayari ang Panginoon pero wala siya sa alinman sa mga iyon. Kadalasa'y ang mga iyon pa nga ang naglalayo ng ating paningin sa Panginoon tulad ng malakas na hangin sa harap ni Pedro.
Dumarating ang Diyos sa buhay natin tulad ng banayad na ihip ng hangin. Hindi ka-pansin-pansin at walang anumang kagila-gilalas.

balik calendario


Agosto 11
Lunes

Ika-19 na Linggo ng Taon
Clara

Unang Pagbasa: Ez 1:2-5, 24-28c
Ebanghelyo: Mt 17:22-27

Minsan nang maglakbay si Jesus sa Galilea kasama ang Labindalawa, sinabi niya sa kanila: "Ibibigay ang Anak ng Tao sa kamay ng mga tao. Papatayin nila siya ngunit babangon siya sa ikatlong araw." Kaya lubha silang nalungkot.
Nang makapasok na sila ng Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga tagakolekta sa Templo at tinanong nila siya: "Nagbabayad ba ng buwis ang guro ninyo?" Sumagot siya: "Siyempre."
At pumasok si Pedro sa bahay ngunit agad siyang tinanong ni Jesus: "Ano sa palagay mo, Simon? Sino ang nagbabayad ng buwis o parangal sa mga hari ng mundo: ang mga anak ba o ang iba?" Sumagot si Pedro: "Ang iba." At sinabi ni Jesus: "Kung gayon, di-saklaw ang mga anak. Ngunit hindi rin natin dapat saktan ang mga taong ito kaya pumunta ka sa dagat, maghagis ng bingwit at buksan ang bibig ng unang isdang iyong mahuhuli. May pera kang matatagpuan doon, kunin mo iyon at magbayad ka para sa iyo at sa akin din."

Pagninilay-nilay
Bahagi ng Holy Land tour ang tanghalian sa tabi ng Lawa ng Galilea at tampok na putahe ang St. Peter's fish, na nahuhuli sa lawa. Maraming turista ang umoorder ng isda para malaman nila at matikman ang sinasabing isdang nahuli ni San Pedro. Dahil panturista, kulang-kulang na limandaang piso ang presyo ng isang isda ni San Pedro, gayong hindi naman espesyal ang pagkakaluto dahil basta ipinrito lang at nilagyan ng hiniwang kamatis at pipino sa paligid.
Hindi mo rin iisiping espesyal ang isda ni San Pedro dahil marami niyon dito sa atin at ni hindi aabutin ng isandaang piso ang halaga ng isa. Kahit na hindi ka pumunta sa Israel, makakakain ka rin niyon dahil tilapya ang isda ni San Pedro.

balik calendario


Agosto 12
Martes

Ika-19 na Linggo ng Taon

Unang Pagbasa: Ez 2:8-3:4
Ebanghelyo: Mt 18:1-5, 10, 12-14


Lumapit kay Jesus ang mga alagad at tinanong nila siya, "Sino ang mas una sa kaharian ng Langit?"
Tinawag ni Jesus ang isang maliit na bata at ipinagitna sa kanila, at sinabi: "Sinasabi ko sa inyo na hanggang hindi kayo nagbabago at nagiging katulad ng maliliit na bata hindi kayo makapapasok sa kaharian ng Langit. Ang nagpapakababa gaya ng maliit na batang ito, siya ang pinakamalaki sa kaharian ng Langit. At ang sinumang tumanggap sa batang ito dahil sa aking pangalan ay tumatanggap sa akin.
"Huwag sana ninyong hamakin ang isa sa maliliit na ito; talagang sinasabi ko sa inyo na laging nasa harap ng aking Ama sa Langit ang kanilang mga anghel sa Langit.
"Ano sa palagay ninyo? Kung may sandaang tupa ang isang tao at naligaw ang isa sa mga ito, hindi ba niya iiwan sa kaburulan ang siyamnapu't siyam para hanapin ang naliligaw? At sinasabi ko sa inyo: Kapag nakita niya ito, mas matutuwa pa siya rito kaysa siyamnapu't siyam na hindi naligaw. Gayundin naman, ayaw ng inyong Amang nasa Langit na mawala isa man sa maliliit na ito."

Pagninilay-nilay
Para sa atin ngayon, ang pagiging inosente ang pinakamahalagang katangian ng mga bata. Ngunit nang panahong iyon, hindi ganito ang tingin ng mga tao sa mga bata. Sa halip na larawan ng kawalang-malay, kabilang ang mga bata sa mga hindi tinatao ng lipunan. Hindi pa sila "tao" kaya wala silang anumang karapatan sa kanilang pamilya at lipunan. Habang bata sila, kabilang sila sa mga ari-arian ng mga ama ng tahanan. At dahil wala silang anumang karapatan, sa kanilang mga ama sila umaasa. Kung uunawain nating mabuti ang kalagayan ng mga bata nang panahong iyon, maiintindihan din natin kung ano ang ibig sabihin ni Jesus sa kanyang panawagan sa atin.

balik calendario


Agosto 13
Miyerkules

Ika-19 na Linggo ng Taon
Ponciano at Hipolito

Unang Pagbasa: Ez 9:1-7; 10:18-22
Ebanghelyo: Mt 18:15-20


Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, "Kung nagkasala sa iyo ang iyong kapatid, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan; at kung makinig siya sa iyo, tinubo mo na ang iyong kapatid. Kung hindi naman siya makinig sa iyo, magsama ka ng dalawa o tatlo para lutasin ang kaso sa pagsaksi ng dalawa o tatlo. Kung tatanggi siyang makinig sa kanila, sabihin ito sa Iglesya; at kung hindi pa rin siya makikinig sa Iglesya, ituring siyang pagano o publikano.
"Talagang sinasabi ko sa inyo: ang talian ninyo sa lupa ay matatali rin sa Langit, at ang kalagan ninyo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit.
"Sinasabi ko rin sa inyo: kung dito sa lupa ay may dalawa sa inyo na nagkakaisang humihingi ng anuman, gagawin ito para sa kanila ng aking Amang nasa Langit. Sapagkat kung saan may dalawa o tatlong nagkakatipon sa Ngalan ko, kapiling nila ako."

Pagninilay-nilay
Mas gusto nating tumahimik at magsawalang-kibo kaysa kausapin ang ating kapwa, kahit na alam natin na mali ang kanyang ginagawa. May iba naman sa atin, na hindi nga nila masabi sa kanilang kapwa ang nakikita nilang masama pero sa iba naman nila ikinukuwento o inirereklamo.
Narito ang simpleng panuntunan: "Kung hindi mo masabi sa mismong maykatawan, wala kang karapatang sabihin ang anuman kaninuman." Ngunit kung totoo ang iyong malasakit sa iyong kapwa, magkakaroon ka ng lakas ng loob na kausapin siya nang masinsinan para sabihin sa kanya ang nakikita mong maling ginagawa niya.

balik calendario

Agosto 14
Huwebes

Ika-19 na Linggo ng Taon
Maximiliano Maria Kolbe

Unang Pagbasa: Ez 12:1-12
Ebanghelyo: Mt 18:21-19:1


Nagtanong naman si Pedro kay Jesus, "Panginoon, gaano kadalas ko naman dapat patawarin ang mga pagkukulang ng aking kapatid? Pitong beses ba?" Sumagot si Jesus: "Hindi, hindi pitong beses kundi pitumpu't pitong beses.
Tungkol sa kaharian ng Langit ang kasaysayang ito. Isang hari ang nagpasyang pagbayarin ng utang ang kanyang mga utusan. Nang simulan niyang suriin ang kuwenta, iniharap sa kanya ang isang may utang na sampung libong baretang ginto. Dahil walang maibayad sa kanya ang tao, iniutos ng panginoon na ipagbili at maging alipin siya kasama ng kanyang asawa, mga anak at mga ari-arian bilang bayad-utang.
At nagpatirapa sa paanan ng hari ang opisyal at sinabi: 'Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko.' Naawa sa kanya ang hari at hindi lamang siya pinalaya kundi kinansela pa ang kanyang utang.
Pagkaalis ng opisyal na ito, nasalubong niya ang isa sa kanyang mga kasamahan na may utang namang sandaang barya sa kanya. Sinunggaban niya ito sa leeg at halos sakalin habang sumisigaw ng 'Bayaran mo ang utang mo!' Nagpatirapa sa paanan niya ang kanyang kasamahan at nagsabi: 'Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko sa iyo.' Ngunit tumanggi siya at ipinakulong ito hanggang makabayad ng utang.
Labis na nalungkot ang iba nilang kapwa-lingkod nang makita ang nangyari. Kaya pinuntahan nila ang kanilang panginoon at ibinalita ang buong pangyayari. Ipinatawag naman niya ang opisyal at sinabi: 'Masamang utusan, pinatawad ko ang lahat ng iyong utang nang makiusap ka sa akin. Di ba dapat ay naawa ka rin sa iyong kasamahan gaya ng pagkaawa ko sa iyo?' Galit na galit ang panginoon kaya ibinigay niya ang kanyang utusan sa mga tagapagpahirap hanggang mabayaran nito ang lahat ng utang."
Idinagdag ni Jesus: "Ganito rin ang gagawin sa inyo ng aking Ama sa Langit kung hindi patatawarin ng bawat isa sa inyo mula sa puso ang kanyang kapatid."
Nang tapos na si Jesus sa mga aral na ito, umalis siya sa Galilea at pumunta sa probinsya ng Judea sa kabilang ibayo ng Ilog Jordan."

Pagninilay-nilay
Dadalawang lalaki sila sa limang magkakapatid pero lumaki silang malayo sa isa't isa kahit na nga malapit sa isa't isa ang mga babaeng kapatid nila. Nang magkaasawa na, nagpagawa sila ng duplex para sa pamilya ng bawat isa. Ngunit sa halip na maging daan iyon para magkalapit sila at ang kanilang mga pamilya, lalo pang tumindi ang kanilang hidwaan at samaan ng loob. May kung ano silang pinagtalunan noong araw, at sa paglipas ng panahon, hindi na nila alam kung ano talaga ang puno't dulo ng kanilang samaan ng loob. Pero patuloy pa rin ang away nila, na nagsimula sa kanila, at ngayo'y ipinagpapatuloy naman ng mga magpipinsan, na kani-kanilang mga anak.

balik calendario


Agosto 15
Biyernes

Pag-aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria

Unang Pagbasa: Pag 11:19; 12:1-6, 10ab
Ikalawang Pagbasa: 1 Cor 15:20-27
Ebanghelyo: Lc 1:39-56

At napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth at malakas siyang sumigaw at sinabi: "Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapu-punan!
At sinabi ni Maria:
"Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon
at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas
dahil isinaalang-alang niya ang abang utusan niya,
at mula ngayon, ituturing akong mapalad ng lahat ng salinlahi.
Dakila nga ang ginawa sa akin ng Makapangyarihan,
banal ang kanyang Pangalan.
Patuloy ang kanyang awa sa mga sali't salinlahi
para sa mga may pitagan sa kanya.
Ipinakita niya ang lakas ng kanyang bisig,
ipinagtabuyan ang mga taong may mapagmataas na balak.
Pinatalsik niya sa luklukan ang mga makapangyarihan."
itinampok naman ang mga bale-wala.
Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom
at itinaboy namang walang-wala ang mayayaman.
Nilingap niya ang Israel na kanyang lingkod,
inalaala ang kanyang awa
ayon sa ipinangako niya sa ating mga ninuno,
kay Abraham at sa kanyang angkan magpakailanman."

Pagninilay-nilay
Hindi ba kahanga-hanga na isang karaniwang ina ang pinakadakilang santa? Sa tanang buhay ni Maria, hindi siya nagkaroon ng anumang korona o mga borloloy tulad ng inilalagay natin sa kanyang mga rebulto. Hindi rin siya nagsuot ng mamahaling mga damit dahil asawa lamang siya ng karpintero. At wala siyang anumang ginawang himala maliban sa pagkalinga sa kanyang asawa at anak, maglinis ng bahay, mamalengke, magluto, at iba pang gawaing bahay. Tulad ng ating mga ina-simple at kadalasa'y nasa bahay lamang pero dakila sa lahat dahil sa tunay nilang malasakit at pagmamahal sa atin.

balik calendario

Agosto 16
Sabado

Ika-19 na Linggo ng Taon
Esteban ng Unggaria

Unang Pagbasa: Ez 18:1-10, 13b, 30-32
Ebanghelyo: Mt 19:13-15

May nagdala kay Jesus ng mga bata para ipatong niya ang kanyang kamay sa kanila at madasalan. Pinagalitan naman ng mga alagad ang mga taong may dala sa kanila. Kaya sinabi ni Jesus: "Pabayaan ninyo sila. Huwag ninyong pigilang lumapit sa akin ang mga bata. Sa mga tulad nga nila ang kaharian ng Langit." At pagkapatong ni Jesus ng kanyang kamay sa kanila, umalis na siya.

Pagninilay-nilay
Nagtataka ang ama at ina ni Dennis kung bakit tuwing tatawagin nila ito para kumain, hindi maaaring hindi muna siya pumunta sa toilet bago dumulog sa hapag-kainan. Puwede namang magtoilet si Dennis kahit anong oras pero bago kumain saka siya pumupunta sa kubeta.
Gayon ang naisip na paraan ni Dennis para makapagdasal siya bago kumain. Nahihiya siyang makita ng kanyang mga magulang na nagdarasal bago kumain kaya pumapasok muna siya sa kubeta para doon na magdasal. At matapos makapagdasal, saka siya lumalabas papunta sa mesa para kumain kasalo ng kanyang mga magulang at kapatid.

balik calendario

Agosto 17
Linggo

Ika-20 na Linggo ng Taon

Unang Pagbasa: Is 56:1, 6-7

Ito ang sinasabi ni Yawe: "Isagawa ang katarungan at gumawa ng tama, pagkat malapit na ang aking pagliligtas at malapit nang lumitaw ang aking katarungan.
At ang mga dayuhang ibinubuklod ang sarili kay Yawe, na naglilingkod sa kanya at nagmamahal sa kanyang Pangalan, ang lahat ng nangingilin sa mga Araw ng Pahinga na hindi ito nilalapastangan, at nananatiling tapat sa aking tipan: dadalhin ko sila sa aking banal na bundok at bibigyang-galak sa aking bahay-dalanginan. Tatanggapin sa aking altar ang kanilang mga susunuging handog at hain, dahil ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan para sa lahat ng bansa.

Slm 67:2-3, 5, 6, 8
Purihin ka, O Diyos, ng lahat ng mga bansa.

Ikalawang Pagbasa: Rom 11:13-15, 29-32

Pakinggan ninyo ako, mga taga-bansang pagano. Apostol ako ng mga Judio at sa pagtupad ko sa aking paglilingkod hangad ko sanang hamunin ang aking mga kalahi. At baka mailigtas ko ang ilan sa kanila. Tingnan ninyo, sa pagkadapa nila naipagkasundo ang daigdig; ano pa kaya sa pagkabawi sa kanila, kundi isang pagkabuhay?
Sapagkat hindi mababawi ang pagtawag at ang mga kaloob ng Diyos.
Isipin ninyo: hindi kayo sumunod sa Diyos noon, ngunit sa kanilang di pagsunod kayo kinaaawaan ng Diyos. Gayundin naman, hindi sila sumusunod ngayon upang kaawaan kayo; at bunga nito, sila'y kaaawaan din. Ipinailalim nga ng Diyos ang lahat sa di pagsunod upang kaawaan ang lahat.

Ebanghelyo: Mt 15:21-28

Pagkaalis sa Genesaret, pumunta si Jesus sa gawing Tiro at Sidon. May isang babaeng Kananea noon na nagpunta sa dakong iyon at sumigaw: "Panginoon, anak ni David, maawa ka sa akin! Pinahihirapan ng isang demonyo ang anak kong babae." Ngunit hindi siya tinugon ni Jesus kaya lumapit ang kanyang mga alagad at hiniling ng mga ito: "Paalisin mo na siya't sigaw siya nang sigaw sa likod natin."
At sinabi sa kanya ni Jesus: "Sa nawawalang tupa ng bayan ng Israel ako sinugo."
Ngunit lumapit ang babae at lumuhod sa harap ni Jesus at sinabi: "Ginoo, tulungan mo ako!" Sumagot si Jesus: "Hindi tama na kunin ang tinapay sa mga bata at itapon ito sa mga tuta." Sumagot ang babae: "Totoo nga, Ginoo, pero kinakain naman ng mga tuta ang mga nalalaglag mula sa hapag ng kanilang mga amo." Kaya nagsalita sa kanya si Jesus: "Babae, napakalaki ng iyong pananalig! Maganap sa iyo ayon sa nais mo." At nang oras ding iyon, gumaling ang kanyang anak.

Pagninilay-nilay
Pagano. Galing ito sa salitang Latin na "tagabukid" ang ibig sabihin, kayat makikita natin sa kahulugan nito kung paano nagsimula ang Kristiyanismo noong mga panahong iyon.
Mula sa Jerusalem na siyudad na kapitolyo ng Israel, sa iba pang mga siyudad nangaral ang mga unang Kristiyano at tinanggap ng mga tagaroon ang bagong pananampalataya. Sa malalaking siyudad nang panahong iyon nagsimulang lumaganap ang pamayanang Kristiyano kayat tinawag na "pagano" ang mga tagabukid na hindi sumasampalataya.
Kaiba naman ito sa panahon natin ngayon na mga tagasiyudad ang wala nang panahon para sa Diyos.

balik calendario

Agosto 18
Lunes

Ika-20 na Linggo ng Taon
Juana Frances ng Chantal

Unang Pagbasa: Ez 24:15-23
Ebanghelyo: Mt 19:16-22

Nang oras ding iyon, may binatang lumapit kay Jesus at nagtanong: "Guro, anong mabuti ang dapat kong gawin para makamit ang buhay na walang hanggan?" Sumagot si Jesus: "Bakit tungkol sa mabuti ang tanong mo? Iisa lang ang Mabuti. Kung gusto mong pumasok sa buhay na walang hanggan, sundin mo ang mga utos." At sinabi naman ng binata: "Anong mga utos?" Sumagot si Jesus: "Huwag papatay, huwag makiapid, huwag magnakaw, huwag manirang-puri ng kapwa, igalang ang iyong ama at ina, at mahalin ang iyong kapwa gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili."
At sinabi sa kanya ng binata: "Sinunod ko ang lahat ng ito, ano pa ang kulang ko?" At sinabi ni Jesus: "Kung gusto mong maging ganap, umuwi ka't ipagbili ang mga ari-arian mo at ibigay ang pera sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa Langit. At saka ka bumalik para sumunod sa akin."
Pagkarinig ng binata sa pahayag na ito, umalis siyang malungkot sapagkat napakayaman niya.

Pagninilay-nilay
Matagal nang gusto ni Gil na magmonghe. Kung ilang taon na niyang pinag-iisipang maging Carthusian, na hindi lamang monghe kundi ermitanyo pa rin. Pero sa kabila ng pagnanais niyang maglingkod sa Panginoon, hindi rin niya maiwan ang kanyang pamilya. Dahil walang malasakit sa kabuhayan ng kanilang pamilya ang iba pa niyang mga kapatid, siya lamang ang inaasahan ng kanyang ina na magpapatuloy ng kanilang mga negosyo, mula nang mabiyuda iyon. Hindi naghihintay ang kanyang ina na aalagaan siya ni Gil pagdating ng araw dahil napaghandaan na niya iyon. Isa lang ang mabigat na hadlang para makapagpasya si Gil - ang pagpapatuloy ng kabuhayan ng kanilang angkan.

balik calendario

Agosto 19
Martes

Ika-20 na Linggo ng Taon
Juan Eudes

Unang Pagbasa: Ez 28:1-10
Ebanghelyo: Mt 19:23-30


Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, "Talagang sinasabi ko sa inyo: mahirap makapasok ang mayaman sa kaharian ng Langit. Oo, maniwala kayo, mas madali pa para sa kamelyo ang lumusot sa butas ng karayom kaysa pumasok ang isang mayaman sa kaharian ng Langit."
Nang marinig ito ng mga alagad, namangha sila at sinabing "Kung gayon, sino ang maliligtas?" Tinitigan sila ni Jesus at sumagot: "Imposible ito para sa tao; pero para sa Diyos, lahat ay posible."
Nagsalita si Pedro at sinabi: "Iniwan namin ang lahat para sumunod sa iyo: ano naman ang para sa amin?"
Sumagot si Jesus: "Talagang sinasabi ko sa inyong mga sumunod sa akin: sa Araw ng Pagbabago, pag upo ng Anak ng Tao sa kanyang trono nang buong luwalhati, uupo rin kayo sa labindalawang trono para maghari sa labindalawang tribu ng Israel. At ang mag-iwan ng mga tahanan, mga kapatid, ama at ina, mga anak o mga bukid alang-alang sa ngalan ko, tatanggap siya ng sandaang beses at makakamit ang buhay na walang hanggan. May mga una ngayon na mahuhuli at may mga huli naman na mauuna."