Pandesal 2008
Pagbasa at Pagninilay-nilay

ABRIL  2008
Domingo
Lunes
Martes
Miyerkules
Huwebes
Biyernes
Sabado


Download Abril 2008

Abril 1
Martes

Ika-2 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Unang Pagbasa: Gawa 4:32-37
Ebanghelyo: Jn 3:7b-15

Sinabi ni Jesus kay Nicodemo, "Huwag kang magtaka dahil sinabi ko sa iyong kailangan kayong isilang mula sa itaas.
Umihip ang hangin kung saan nito nais, at naririnig mo ang ihip nito pero hindi mo alam kung saan ito galing at kung saan ito patungo. Gayon din nga ang bawat isinilang mula sa Espiritu."
Sumagot sa kanya si Nicodemo: "Paano pupuwede ang mga ito?" Sinabi sa kanya ni Jesus: "Ikaw ang guro ng Israel at hindi mo alam ang mga ito?
Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo: ang alam namin ang aming sinasabi at ang nakita namin ang aming pinatutunayan, at hindi naman n'yo tinatanggap ang aming patunay. Mga bagay na nga sa lupa ang sinasabi ko sa inyo at hindi kayo naniniwala, kaya paano kayo maniniwala kapag mga bagay sa langit ang sasabihin ko sa inyo. Walang umakyat sa langit maliban sa bumaba mula sa langit-ang Anak ng Tao.
At kung paanong itinaas ni Moises ang ahas sa disyerto, gayundin dapat itaas ang Anak ng Tao upang magkaroon ng buhay magpakailanman ang bawat nananalig sa kanya."

Pagninilay-nilay
Ang pagbibigayan ay bahagi na ng pamumuhay ng unang komunidad ng mga Kristiyano noon. Ang pagtulong at pagbabahagi ay paraan ng kanilang pagsaksi sa kanilang buhay-pananampalataya bilang mga alagad at tagasunod ng Panginoon.
Ipanalangin natin na sana'y patuloy na masaksihan at maramdaman sa ating Simbahan ang ganitong pamumuhay. Kailangan natin ng mga tao na handang tumulong at magbahagi ng kanilang sarili bilang pagsaksi sa dakilang pag-ibig at pagkabuhay ng Panginoon. Ikaw, handa ka na ba sa hamon na ito?

balik calendario


Abril 2
Miyerkules

Ika-2 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Francisco ng Padua

Unang Pagbasa: Gawa 5:17-26
Ebanghelyo: Jn 3:16-21

Sinabi ni Jesus:
"Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundo! Kayat ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak upang hindi na mawala ang bawat nananalig sa kanya kundi magkaroon ng buhay magpakailanman.
"Hindi nga sinugo ng Diyos sa mundo ang Anak upang hukuman ang mundo kundi upang maligtas ang mundo sa pamamagitan niya. Hindi hinuhukuman ang nananalig sa kanya. Ngunit hinukuman na ang hindi nananalig pagkat hindi siya nananalig sa Ngalan ng bugtong na Anak ng Diyos.
"Ito ang paghuhukom: dumating sa mundo ang liwanag pero mas minahal pa ng mga tao ang karimlan kaysa liwanag sapagkat masasama ang kanilang gawa. Ang gumagawa ng masama'y napopoot nga sa liwanag at hindi lumalapit sa liwanag, at baka malantad ang kanyang mga gawa. Lumalapit naman sa liwanag ang gumagawa ng katotohanan upang mabunyag na sa Diyos ginagawa ang kanyang mga gawa."

Pagninilay-nilay
Taga-Beijing si Tony at miyembro ng Communist Party pero nang una kaming magkakilala, tungkol sa Biblia ang una niyang itinanong sa akin. Hindi siya gaanong marunong magsalita ng Ingles kaya naghanap ako ng Edisyong Pastoral ng Biblia sa Mandarin at iyon ang ibinigay kong regalo sa kanya. Tunay ang paghahanap niya sa Diyos kaya mula sa pagbabasa ng Biblia, nagsimula rin siyang magsimba tuwing Linggo. Minsa'y tinanong ko siya kung bakit gusto niyang magsimba, at sinabi niyang nakadarama siya ng kapayapaan sa pagsisimba. Hindi pa nagpapasyang magpagbinyag si Tony kaya ipanalangin natin na ipagkaloob nawa ng Diyos sa kanya ang biyaya ng pananampalataya.

balik calendario


Abril 3
Huwebes

Ika-2 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Pedro Calungsod

Unang Pagbasa: Gawa 5:27-33
Ebanghelyo: Jn 3:31-36

"Walang kapantay ang naparirito mula sa itaas. Makalupa naman ang mula sa lupa at makalupa rin ang sinasabi niya. Walang kapantay ang naparirito mula sa langit. Pinatutunayan niya ang kanyang nakita at narinig ngunit wala ngang tumatanggap sa kanyang patunay. Pinagtibay naman ng tumanggap sa kanyang patunay na totoo ang Diyos. Sinasabi nga ng sinugo ng Diyos ang mga salita ng Diyos sapagkat walang sukat na ibinibigay sa kanya ang Espiritu. Mahal nga ng Ama ang Anak, at ipinagkatiwala sa kanyang mga kamay ang lahat. May buhay magpakailanman ang nananalig sa Anak. Hindi naman nakikita ng ayaw manalig sa Anak ang buhay kundi namamalagi sa kanya ang galit ng Diyos."

Pagninilay-nilay
Panlabing-isa si Padre Maximilian Kolbe sa linya ng mga preso ng mga Aleman sa Auschwitz. Ang unang sampung preso ang nakatakdang pahirapan sa gutom hanggang mamatay bilang aral sa lahat dahil may nakatakas na preso mula sa kanila. Ngunit inako ng panlabing-isang preso ang lugar ng taong nasa unahan niya. Naligtas nga ang taong iyon dahil kay San Maximilian Kolbe.
Si Padre Maximilian Kolbe ang huling namatay dahil sa kabila ng lahat ng pahirap, inalalayan pa rin niya ang siyam niyang kasamahan hanggang yumao silang mapayapa. Nakita niya na para sa buhay na magpakailanman ang buhay niya sa daigdig.

balik calendario


Abril 4
Biyernes

Ika-2 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Isidro ng Seville

Unang Pagbasa: Gawa 5:34-42
Ebanghelyo: Jn 6:1-15

Pagkatapos nito, nagpunta si Jesus sa kabilang ibayo ng dagat ng Galilea sa may Tiberias. Sinusundan siya ng makapal na tao dahil napansin nila ang mga tandang ginagawa niya sa mga maysakit. Umahon si Jesus sa bundok at naupo siya roon kasama ang kanyang mga alagad. Malapit na ang Paskuwa na piyesta ng mga Judio.
Kaya pagkatunghay ni Jesus at pagkakita niyang marami ang taong pumupunta sa kanya, sinabi niya kay Felipe: "Saan kayo makabibili ng tinapay para makakain ang mga ito?" Sinabi niya ito bilang pagsubok sa kanya dahil alam na niya kung ano ang napipinto niyang gawin. Sumagot sa kanya si Felipe: "Dalawandaang denaryong tinapay ay hindi sapat sa kanila para makakuha ng tigkakaunti ang bawat isa."
At sinabi naman sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad na si Andres na kapatid ni Simon Pedro: "May maliit na bata rito na may limang tinapay na sebada at dalawang isda. Ano ito para sa pagkarami-raming tao?"
Madamo sa lugar na iyon kaya sinabi ni Jesus: "Paupuin n'yo ang mga tao." Kaya nag-upuan sila, halos limanlibo ang mga lalaki.
Kaya kinuha ni Jesus ang mga tinapay at pagkapagpasalamat, at ipinabigay sa mga nakaupo. Gayundin naman sa mga isda - gaano man ang gustuhin nila. Nang busog na sila, sinabi niya sa kanyang mga alagad: "Tipunin ninyo ang natirang mga piraso para walang masayang." Kaya tinipon nila ang mga tira ng mga pinakain, at labindalawang bakol ang napuno ng mga pira-piraso mula sa limang tinapay na sebada.
Pagkakita sa tandang ginawa ni Jesus, sinabi ng mga tao: "Ito ngang talaga ang Propeta parating sa mundo." At alam ni Jesus na parating sila upang agawin siya para gawing hari kaya lumigpit siyang muli na siya lamang mag-isa sa bulubundukin.

Pagninilay-nilay
May naranasan ka na bang pagpaparami ng tinapay sa buhay mo? Luto na ang sinaing pati mga ulam, at talagang sapat lang para sa inyong mag-anak ang inihanda n'yong hapunan o tanghalian. Pero may mga bisita at mga kaibigang biglang nagdatingan para dalawin ka at kumustahin. Ano ngayon ang gagawin mo? Susugod para bumili ng litson-manok? O magpapagdeliver ng pizza? Paano kung wala kang pambili? O kung malayo at aabutin ng kung ilang oras bago dumating ang dagdag na pagkain?
Ang Diyos ang bahalang magpuno sa inyong pagsasaluhan bunga ng inyong mabuting samahan.

balik calendario


Abril 5
Sabado

Ika-2 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Vicente Ferrer

Unang Pagbasa: Gawa 6:1-7
Ebanghelyo: Jn 6:16-21


Nang magtakipsilim na, lumusong sa aplaya ang kanyang mga alagad, at pagkasakay sa bangka ay nagpakabilang-ibayo ng dagat pa-Capernaum. Dumilim na at wala pa sa kanila si Jesus, at magalaw ang dagat sa malakas na ihip ng hangin.
Pagkasagwan nila nang may lima o anim na kilometro, napansin nilang naglalakad si Jesus sa dagat at palapit sa bangka. Nasindak sila. Ngunit sinabi niya sa kanila: "Ako siya; huwag kayong matakot."
Nang isasakay na nila sa bangka, bigla namang nasa pampang na na pupuntahan nila ang bangka.

Pagninilay-nilay
Panginoon, malakas din ang ihip ng hangin sa dagat ng aming buhay. Sa dami ng mga problema, pakiramdam nami'y pasalungat kami sa hangin. Malalaki at malakas ang hampas ng alon sa bangka ng aming buhay.
Pinanghihinaan kami ng loob kung minsan dahil parang walang katapusan ang paglalakbay naming ito sa dagat ng hirap at suliranin sa buhay. Ngunit lumalakad ka sa ibabaw ng mga alon palapit sa amin upang palakasin ang aming loob at buhayin ang aming pag-asa.
Ihatid mo nawa kami sa pampang ng iyong kagandahang-loob at palakasin ang aming pananalig sa iyo.

balik calendario


Abril 6
Linggo

Ika-3 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Unang Pagbasa: Gawa 2:14, 22-33

Kaya tumayo si Pedro kasama ng Labing-isa, nagsalita nang malakas at sinabi:
"Mga taga-Judea, at lahat kayong nasa Jerusalem ngayon, unawain ninyo ang nangyayari at pakinggan ang aking sasabihin.
"Mga Israelita, pakinggan ninyo ang sasabihin ko!
"Ipinadala ng Diyos si Jesus na taga-Nazaret na pinatutunayan ng mga himala, kababalaghan at tanda na ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya sa piling ninyo tulad ng alam na ninyo. Pinapahirapan at ipinapatay nga ninyo siya sa mga pagano at ito'y nangyari sa takdang pasya ng Diyos na alam na ang lahat ng ito sa mula't mula pa.
"Ngunit binuhay siyang muli ng Diyos at pinalaya sa mga gapos ng kamatayan sapagkat hindi ito makapangyayari sa kanya. Sinabi nga ni David:
'Nakita kong lagi sa aking harap ang Panginoon. Nasa kanan ko siya upang ako'y di maligalig. Kayat nagalak ang aking puso at humiyaw sa tuwa ang aking dila, at pati katawan ko'y hihimlay sa pag-asa na hindi mo ako pababayaan sa Lugar ng Mga Patay at hindi ipahihintulot na dumanas ng pagkabulok ang iyong Banal. Itinuro mo sa akin ang mga daan ng buhay, pupuspusin mo ako ng tuwa sa iyong harapan.'
"Mga kapatid, hindi mapag-aalinlanganang patay na at inilibing ang patriyarkang si David; naririto sa atin ang kanyang libingan hanggang ngayon. Ngunit isa siyang propeta at alam niyang nangako ang Diyos sa kanya na isa sa kanyang inapo ang luluklok sa kanyang trono. Kaya nakita niya at nangusap siya tungkol sa Muling Pagkabuhay ng Mesiyas: hindi siya pinabayaan sa lugar ng mga patay, at hindi dumanas ng pagkabulok ang kanyang katawan.
"Si Jesus ang Mesiyas na ito at saksi kaming lahat na binuhay siyang muli ng Diyos. Matapos siyang itaas ng kanang kamay ng Diyos, tinanggap niya sa Ama ang ipinangakong Espiritu Santo. At kabubuhos lamang niya nito ngayon gaya ng nakikita ninyo at naririnig."

Slm 16:1-2, 5, 7-8, 9-10, 11
Ipakita sa akin, Panginoon ang landas ng buhay.

Ikalawang Pagbasa: 1 P 1:17-21

Tinatawag ninyong Ama ang humahatol nang walang pagtatangi sa ginawa ng bawat isa kaya mamuhay kayong may banal na pagkatakot habang nangingibang-bayan kayo. Alalahanin na tinubos kayo mula sa walang kabuluhang pamumuhay na galing sa inyong mga ninuno, hindi ng lumilipas na pilak at ginto, kundi ng mahalagang dugo ni Kristo, ang korderong walang dungis at kapintasan. Itinadhana siya ng Diyos bago pa likhain ang sanlibutan at ibinunyag naman alang-alang sa inyo sa mga huling araw na ito. ?Dahil sa kanya, sumasampalataya kayo sa Diyos na muli siyang ibinangon mula sa mga patay at niluwalhati nang sumampalataya nga kayo at umasa sa Diyos.

Ebanghelyo: Lc 24:13-35

Dalawa sa mga alagad ang naglalakad pa-Emmaus na isang nayong mga labinlimang kilometro mula sa Jerusalem. Pinag-uusapan nila ang mga nangyari. Sa kanilang pag-uusap at pagtatalakayan, lumapit si Jesus at nakisabay sa paglakad nila pero parang may kung anong hadlang sa kanilang mga mata at hindi nila siya nakilala.
Tinanong niya sila: "Ano ba ang pinag-uusapan ninyo sa daan?" Tumigil silang mukhang malungkot. Sumagot ang isa sa kanila na nagngangalang Cleofas: "Bakit, mukhang ikaw lang ang kaisa-isahan sa Jerusalem na di alam ang mga nangyari roon nitong mga ilang araw?"
Itinanong niya: "Ano?" Sumagot sila: "Tungkol kay Jesus na taga-Nazaret. Sa paningin ng Diyos at ng buong baya'y isa siyang propetang makapangyarihan sa gawa at salita. Ngunit isinakdal siya ng aming mga punong-pari at mga pinuno para mahatulang mamatay at ipinako siya sa krus. Umaasa pa naman kaming siya ang tutubos sa Israel ngunit ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari ang lahat ng ito.
Sa totoo'y ginulat kami ng ilang babaeng kasama namin. Maaga silang pumunta sa libingan pero hindi nila nakita ang kanyang katawan kaya dumating sila at sinabi sa amin na nakakita pa raw sila ng aparisyon ng mga anghel na nagsabi sa kanila na buhay siya. Nagpunta rin sa libingan ang ilan sa amin at natagpuan nga nila ang sinasabi ng mga babae pero hindi nila siya nakita."
Sinabi sa kanila ni Jesus: "Mga hindi makaunawa at mapupurol ang isip para maniwala sa lahat ng ipinahayag ng mga propeta. Di ba't kailangang magdusa nang ganito ang Mesiyas bago pumasok sa kanyang Luwalhati?" At sinimulan niyang ipa-liwanag sa kanila ang lahat ng sinasabi ng Kasulatan tungkol sa kanya, mula kay Moises hanggang sa lahat ng Propeta.
Nang malapit na sila sa nayong pupuntahan nila, parang magpapatuloy pa siya ng paglakad. Pero pinilit nila siya: "Manatili kang kasama namin dahil dapithapon na at lumulubog na ang araw." Kaya pumasok siya at sumama sa kanila. Nang nasa hapag na siyang kasalo nila, kumuha siya ng tinapay, nagpuri at piniraso ito at ibinigay sa kanila.
At noo'y nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala nila siya, at nawala siya sa kanilang paningin. Nag-usap sila: "Hindi ba't nag-aalab ang ating puso nang kinakausap niya tayo sa daan at ipinaliliwanag sa atin ang mga Kasulatan?"
Noon di'y tumayo sila at nagbalik sa Jerusalem. Nakita nila roon na magkakasama ang Labing-isa at ang iba nilang kasamahan. Sinabi ng mga iyon sa kanila: "Totoo ngang binuhay ang Panginoon at napakita siya kay Simon." At isinalaysay naman nila ang nangyari sa daan at kung paano nila siya nakilala sa pagpipiraso ng tinapay.

Pagninilay-nilay
Talaga. Sinasabi nating "talaga" para bigyang-diin na tunay nga at totoo ang isang bagay. Ngunit may isa pang kahulugan ang salitang ito kapag sinabi nating "sa talaga ng Diyos." Nangangahulugan din ito ng pagtatalaga ng Ama kay Jesus.
Mababasa sa Banal na Kasulatan na ang Diyos ang nagtatalaga sa lahat: hinirang ang kanyang bayan upang maging kanya. At sa mga huling araw, itinalaga niya ang kanyang Anak na mamuhay sa piling natin upang ituro ang daan patungo sa kanya.
Sa talaga ng Diyos, tinawag niya tayo at ginawang sambayanan ng muling pagkabuhay ng kanyang Anak na si Jesus.

balik calendario


Abril 7
Lunes

Ika-3 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Juan Bautista de la Salle

Unang Pagbasa: Gawa 6:8-15
Ebanghelyo: Jn 6:22-29

Napuna ng mga taong nakatayo sa kabilang ibayo ng dagat na dati'y walang ibang bangka roon kundi isa lang at hindi sumakay sa bangka kasama ng kanyang mga alagad si Jesus kundi ang kanyang mga alagad lamang ang magkakasamang umalis. May iba namang malalaking bangkang galing Tiberias na dumating malapit sa lugar na kinainan nila ng tinapay pagkapagpasalamat ng Panginoon. Kaya nang mapuna ng mga tao na wala roon si Jesus ni ang kanyang mga alagad, sumakay sila sa mga bangka at nagpa-Capernaum sa paghanap kay Jesus.
Nang matagpuan nila siya sa kabilang ibayo ng dagat, sinabi nila sa kanya, "Rabbi, kailan ka dumating?"
Sumagot sa kanila si Jesus at sinabi: "Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hinahanap n'yo ako hindi dahil sa nakita n'yo sa pamamagitan ng mga tanda kundi dahil sa tinapay na kinain n'yo at nabusog kayo. Magtrabaho kayo, hindi nga para sa pagkaing nasisira kundi para sa pagkaing namamalagi hanggang sa buhay na magpakailanman. Ito ang ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao, siya nga ang tinatakan ng Diyos Ama."
Kaya sinabi nila sa kanya: "Ano ang matatrabaho namin para maisagawa ang mga gawa ng Diyos?" Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: "Ito ang gawa ng Diyos: patuloy kayong manalig sa sinugo niya."

Pagninilay-nilay
May hinahanap-hanap na pagkain ang mga naglilihi: may mga naghahanap ng manggang hilaw, o santol, o atay, bukod pa sa mga naiibang kumbinasyon tulad ng manggang hilaw at ice cream, o paksiw at durian. Pakiramdam nila'y parang may kung anong kulang sa kanila kung hindi nila makakain ang kinatatakaman o pinangangasiman nila. Kaya naman nagkakandahilo ang asa-asawa ng mga naglilihi sa paghanap ng pagkaing napaglilihian ng kanilang mga kabiyak.
Ganito rin kaya ang pananabik natin sa Panginoon? Hinahanap-hanap ba natin siya at hindi tayo mapalagay kung wala tayo sa piling niya?

balik calendario


Abril 8
Martes

Ika-3 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Juan de Dios

Unang Pagbasa: Gawa 7:51-8:1a
Ebanghelyo: Jn 6:30-35

Sinabi ng mga tao kay Jesus: "At anong tanda ang matatrabaho mo para makita nami't maniwala kami sa iyo? Ano ba'ng gawa mo? Kumain ng manna sa disyerto ang aming mga ninuno ayon sa nasusulat: Binigyan sila ng tinapay mula sa langit at kumain sila. "
Kaya sinabi ni Jesus sa kanila: "Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay mula sa Langit; ang Ama ko ang nagbibigay sa inyo ng totoong tinapay mula sa Langit. Ang tinapay ng Diyos ang pumapanaog mula sa Langit at nagbibigay-buhay sa mundo." Kaya sinabi nila sa kanya: "Lagi n'yo pong ibigay sa amin ang tinapay na ito."
Sinabi ni Jesus sa kanila: "Ako siyang tinapay ng buhay. Hinding-hindi magugutom ang lumalapit sa akin at hinding-hindi mauuhaw kailanman ang nananalig sa akin."

Pagninilay-nilay
May nakilala akong sundalong taga-Iran nang pumunta ako sa Lourdes. Hindi siya Katoliko pero nakiusap ang Katolikong kapitbahay niya na ipagtirik siya ng kandila sa groto kaya dumalaw siya sa Lourdes. Marami siyang tanong sa simula ng aming pag-uusap dahil wala siyang alam tungkol kay Kristo.
Sa aming pag-uusap, nakarating kami sa gitnang kapilya, na adoration chapel. Wala akong balak na magtagal sa kapilyang iyon dahil wala naman siyang alam tungkol sa Banal na Sakramento. Pero siya mismo ang nagsabing tumigil kami roon sandali. Matapos tumahimik nang sandali, sinabi niya sa akin, "Walang katulad ang lugar na ito dahil naririto ang Diyos."

balik calendario


Abril 9
Miyerkules

Ika-3 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Unang Pagbasa: Gawa 8:1b-8
Ebanghelyo: Jn 6:35-40

Sinabi ni Jesus sa mga tao: "Ako siyang tinapay ng buhay. Hinding-hindi magugutom ang lumalapit sa akin at hinding-hindi mauuhaw kailanman ang nananalig sa akin. Pero sinabi ko sa inyo: nakita n'yo, at hindi naman kayo naniniwala. Lalapit sa akin ang bawat ibinibigay sa akin ng Ama, at hinding-hindi ko ipagtatabuyan sa labas ang lumalapit sa akin. Sapagkat pumanaog ako mula sa Langit hindi para gawin ang aking kalooban kundi ang kalooban ng nagpadala sa akin.
Ito ang kalooban ng nagpadala sa akin: na huwag kong pabayaang mawala ang bawat ibinigay niya sa akin; sa halip ay itatayo ko ito sa huling araw. Ito nga ang kalooban ng Ama ko: magkakaroon ng buhay magpakailanman ang bawat pumapansin sa Anak at nananalig sa kanya, at itatayo ko siya sa huling araw."

Pagninilay-nilay
Panginoon, ikaw ang tumawag at naglalapit sa amin sa iyong piling. Niloob mong ipanganak kami bilang mga Pilipino sa panahong ito upang lumaki sa pagkilala at pagsampalataya sa iyo. Hindi ka namin makikilala kung isinilang kami sa kapanahunan ni Lapu-lapu, o kung ngayon man kami ipinanganak pero sa bansang wala namang pananampalataya sa iyo.
Salamat sa regalong ito ng iyong "tawag." Patatagin mo nawa kami sa aming pananampalataya upang mamalagi kami sa iyong piling. Huwag mo nawang ipahintulot na mawalay kami sa iyo, manapa'y loobin mong mailapit kami sa iyong Mahal na Puso.

balik calendario


Abril 10
Huwebes

Ika-3 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Unang Pagbasa: Gawa 8:26-40
Ebanghelyo: Jn 6:44-51

Sinabi ni Jesus sa mga Judio: "Walang makalalapit sa akin kung hindi siya aakitin ng Amang nagpadala sa akin. At itatayo ko siya sa huling araw. Nasusulat sa Mga Propeta: Tuturuan nga silang lahat ng Diyos. Kaya lumalapit sa akin ang bawat nakarinig at tinuruan ng Ama.
"Wala ngang nakakita sa Ama liban sa kanya na galing sa Diyos; siya ang nakakita sa Diyos. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, may buhay magpakailanman ang naniniwala.
"Ako siyang tinapay ng buhay. Kumain nga ng manna sa disyerto ang inyong mga ninuno at nangamatay pa rin. Narito naman ang tinapay na pumapanaog mula sa Langit, upang makakain nito ang sinuman at di mamatay. Ako siyang tinapay na buhay, na pumanaog mula sa Langit. Kung may kakain ng tinapay na ito, mabubuhay siya magpakailanman. At ang laman ko ang tinapay na aking ibibigay alang-alang sa ikabubuhay ng mundo."

Pagninilay-nilay
Hindi lamang Ingles ang dinala at pinalaganap ng mga Kano sa Pilipinas kundi pati na ang pagkain natin ng tinapay. Kahit na sa pinakaliblib na baryo, makakakita tayo ng tinapay at alam ng lahat kung ano ang "tasty." Meron tayong mga katutubong kakanin, kamote, kamoteng-kahoy, at saba pero mas pinipili pa nating magmeryenda ng tinapay.
Hindi tinapay para sa meryenda ang tinutukoy ni Jesus sa Ebanghelyo. Para sa mga Judio, tinapay ang pinakakanin nila. Kung paanong hindi tayo puwedeng kumain nang walang kanin, gayon din naman sila na hindi puwedeng kumain nang walang tinapay. Si Jesus ang Tinapay ng Buhay!

balik calendario


Abril 11
Biyernes

Ika-3 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Estanislao

Unang Pagbasa: Gawa 9:1-20
Ebanghelyo: Jn 6:52-59

Kaya nagtalu-talo ang mga Judio at nagsalita: "Paano tayo mabibigyan ng taong ito ng laman para kainin?" Sinabi naman ni Jesus sa kanila: "Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, kung hindi n'yo kakanin ang laman ng Anak ng Tao at iinumin ang kanyang dugo, wala kayong buhay sa inyong sarili. May buhay magpakailanman ang ngumunguya ng aking laman at umiinom ng aking dugo, at itatayo ko siya sa huling araw.
"Sapagkat totoong pagkain ang aking laman at totoong inumin ang aking dugo. Ang ngumunguya ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay namamalagi sa akin at ako naman sa kanya. Sinugo nga ako ng Amang buháy at buháy ako dahil sa Ama, gayundin naman dahil sa akin mabubuhay ang ngumunguya sa akin.
"Ito ang tinapay na pumanaog mula sa Langit, hindi gaya sa inyong mga ninuno na kumain at nangamatay pa rin. Mabubuhay naman magpakailanman ang ngumunguya ng tinapay na ito."
Sinabi niya ang mga bagay na ito sa sinagoga habang nangangaral siya sa Capernaum.

Pagninilay-nilay
Walong taong gulang pa lang nang magsimulang magkomunyon si Sally at pagkalipas ng tatlumpung taon, lingguhan pa rin siyang tumatanggap ng komunyon tuwing magsisimba. Pero itinatanong ni Sally sa kanyang sarili kung bakit parang wala pa ring nagbabago sa kanyang ugali. Masungit pa rin siya at madaling magalit pag minsan. Di ba't katawan ni Kristo ang tinatanggap niya sa komunyon pero bakit malayo pa rin siya kay Kristo?
Hindi tulad ng bato ni Narda ang komunyon na sisigaw lang siya pagkasubo ng bato para maging Darna! Tulad ng pagkain sa araw-araw ang komunyon; unti-unti tayong babaguhin nito upang tayo ang maging buháy na katawan ni Kristo.

balik calendario


Abril 12
Sabado

Ika-3 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Unang Pagbasa: Gawa 9:31-42
Ebanghelyo: Jn 6:60-69


Marami sa mga alagad ni Jesus ang nagsabi: "Mabigat ang salitang ito. Sino ang makakapakinig dito?"
Alam ni Jesus sa kanyang sarili na nagbubulung-bulungan tungkol dito ang kanyang mga alagad kayat sinabi niya sa kanila: "Nakakaiskandalo ba ito sa inyo? Ano kayat mapansin n'yo ang Anak ng Tao umaakyat sa dati niyang kinaroroonan? Ang espiritu ang nagbibigay-buhay; walang bisa ang laman. Ang mga salitang binigkas ko sa inyo'y espiritu kaya buhay. Ngunit may ilan sa inyo ang hindi naniniwala." Pagkat alam ni Jesus mula sa simula kung sinu-sino ang mga di maniniwala at kung sino ang magkakanulo sa kanya.
At sinabi niya: "Dahil dito kaya ko sinabi sa inyong walang makalalapit sa akin malibang ipagkaloob ito sa kanya ng Ama."
Kaya mula noo'y marami sa kanyang mga alagad ang tumalikod at hindi na nagpatuloy sumama sa kanya. Sinabi naman ni Jesus sa Labindalawa: "Gusto n'yo rin bang umalis?"
Sumagot sa kanya si Simon Pedro: "Panginoon, kanino kami pupunta? Mga salita ng buhay magpakailanman meron ka. Naniniwala na kami at kilala naming ikaw ang Banal ng Diyos."

Pagninilay-nilay
Gusto mo rin bang umalis at lumayo kung hindi pinagbigyan ng Diyos ang iyong ipinagdarasal?
Gusto mo rin bang umalis at lumayo kung sunud-sunod ang mga problemang dinaranas mo sa buhay?
Gusto mo rin bang umalis at lumayo kung sa kabila ng lahat mong pagpapakabuti'y patuloy ka pa ring naghihirap sa buhay?
Saan ako pupunta, Panginoon? Alam mo kung gaano ako kahina; alam mong madali akong panghinaan ng loob. Kaya palakasin mo ako at patatagin upang manatili ako sa iyo sapagkat nasa iyo lamang ang buhay.

balik calendario


Abril 13
Linggo

Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Unang Pagbasa: Gawa 2:14, 36-41

Kaya tumayo si Pedro kasama ng Labing-isa, nagsalita nang malakas at sinabi:
"Mga taga-Judea, at lahat kayong nasa Jerusalem ngayon, unawain ninyo ang nangyayari at pakinggan ang aking sasabihin.
"Dahil dito, alaming mabuti ng buong Israel na ginawa ng Diyos na Panginoon at Kristo ang Jesus na ito na ipinako ninyo."
Nang marinig ito ng mga naroon, lubhang nabagabag ang kanilang kalooban, at sinabi nila kay Pedro at sa ibang mga apostol: "Ano ang gagawin namin, mga kapatid?" Su-magot si Pedro: "Magsisi kayo, at pabinyag ang bawat isa sa Ngalan ni Jesucristo upang mapatawad ang inyong mga kasalanan, at tatanggapin ninyo ang kaloob na Espiritu Santo. Sapagkat para sa inyo at sa inyong mga anak ang pangako, at sa lahat ng nasa malayo na tatawagin din ng Panginoon nating Diyos."
Nagpatuloy siyang magbigay-patotoo sa iba pang pananalita at hiniling sa kanila: "Iligtas ninyo ang inyong sarili sa masamang lahing ito." Kaya bininyagan ang mga tu-manggap sa sinabi ni Pedro. Mga tatlong libo ang nadagdag sa kanilang bilang nang araw na iyon.


Slm 23:1-3, 3-4, 5, 6

Ang Panginoon ay aking Pastol, di ako mangangailangan ng ano man.

Ikalawang Pagbasa: 1 P 2:20-25

Ano'ng kabutihang magtiis ng mga hampas dahil sa kasalanan? Ngunit kung paru-sahan kayo pagkagawa ng mabuti, kabutihan sa paningin ng Diyos ang inyong pagtitiis.
Ito ang bokasyon ninyo; alalahanin na nagtiis si Kristo alang-alang sa inyo. Nagbigay siya ng halimbawa sa inyo at dapat ninyong sundin ang kanyang mga hakbang. Hindi siya nagkasala at walang kasinungalingan sa kanyang bibig. Hindi niya ginagantihan ng pag-alipusta ang umaalipusta sa kanya; hindi niya binantaan ang nagpahirap sa kanya kundi ipinaubaya ang sarili sa matuwid humatol. Ang ating mga kasalanan ang pinasan niya at taglay ng kanyang katawan sa krus upang makaalis tayo sa kasalanan at mamuhay sa kabanalan. Pinagaling tayo ng kanyang mga sugat. Pagkat para kayong mga tupang naligaw noon, ngunit ngayo'y bumalik kayo sa Pastol at Tagapag-alaga ng inyong mga kaluluwa.

Ebanghelyo: Jn 10:1-10

Sinabi ni Jesus sa mga Pariseo, "Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, magnanakaw at tulisan ang hindi dumaraan sa pintuan pagpasok sa kulungan ng mga tupa kundi lumukso sa ibang dako. Ang pastol ng mga tupa ang pumapasok sa pintuan. Pinagbubuksan siya ng bantay-pinto, at nakikinig ang mga tupa sa kanyang tinig. At tinatawag niya sa pangalan ang sarili niyang mga tupa at inaakay palabas. Kapag napalabas na niya ang tanang kanya, sa harap nila siya naglalakad at sa kanya sumusunod ang mga tupa, pagkat kilala nila ang kanyang tinig. Hinding-hindi sila susunod sa dayuhan kundi lalayuan nila ito sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng mga dayuhan."
Ito ang talinhagang sinabi ni Jesus sa kanila. Ngunit hindi nila naintindihan ang gusto niyang sabihin sa kanila.
Kaya sinabi uli ni Jesus: "Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: Ako siyang pintuan ng mga tupa. Magnanakaw at tulisan ang lahat ng nauna sa akin. Ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. Ako siyang pintuan; kung may pumapasok sa pamamagitan ko, maliligtas siya, at papasok at lalabas, at makakatagpo ng pastulan. Hindi dumarating ang magnanakaw kundi para lamang magnakaw, pumaslang at magpahamak. Dumating naman ako upang magkaroon sila ng buhay at lubos na magkaroon nito.

Pagninilay-nilay
Pintuan. May pinto lahat ng bahay. Dito pumapasok ang sinumang tumutuloy sa bahay at ito rin ang labasan mula sa bahay. May mga pinto na naitatrangka upang walang makapasok at may mga pinto namang walang anumang sara kayat malayang nakapag-lalabas-pasok ang lahat.
Si Jesus ang pintuan ng kanyang mga tupa papasok sa kanyang kawan. Sa pama-magitan niya malaya tayong pumapasok at napapabilang sa kanyang bayan. Sa pintuan ding ito nakararating tayo sa piling ng ating Ama.
Sa pagpasok mo sa pintuan ng iyong bahay, alalahanin mo ang pagbasa sa Ebanghelyo at isiping si Jesus ang pintuan.

balik calendario

Abril 14
Lunes

Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Unang Pagbasa: Gawa 11:1-18
Ebanghelyo: Jn 10:11-18


Sinabi ni Jesus: "Ako siyang mabuting pastol. Nag-aalay ng kanyang buhay alang-alang sa mga tupa ang mabuting pastol. Ang upahan at hindi pastol, na hindi naman kanya ang mga tupa, pag napansin niyang dumarating ang asong-gubat, iniiwan niya ang mga tupa at tumatakas. Kayat inaagaw ng asong-gubat ang mga ito at pinangangalat. Sapagkat upahan siya at wala siyang pakialam sa mga tupa.
"Ako siyang mabuting pastol. Kilala ko ang mga akin at kilala ako ng mga akin, kung paanong kilala ako ng Ama at kilala ko ang Ama. At itinaya ko ang aking buhay para sa mga tupa.
"May iba akong mga tupa na di mula sa kulungang ito. Maging sila ay kailangan kong akayin palabas, at makikinig sila sa tinig ko at magkakaroon ng iisang kawan, iisang pastol.
"Kaya mahal ako ng Ama dahil itinataya ko ang aking buhay, at saka muli ko itong kukunin. Walang nag-aalis nito sa akin, kundi ako ang kusang nagtataya nito. May kapangyarihan akong itaya ito, at may kapangyarihan akong kunin itong muli. Ito ang utos na tinanggap ko mula sa aking Ama."

Pagninilay-nilay
Oro o ginto ang turing ng mga Italyano sa mga Pinay na DH hindi lamang dahil pinakamahal ang hinihingi nilang suweldo kundi dahil bukod sa malinis at masinop sila sa bahay, lubos din ang kanilang malasakit. Suwelduhan nga sila pero itinuturing nilang mga kapamilya ang mga taong kanilang pinaglilingkuran. Ganito rin naman ang tingin sa mga Pinay maging sa Hong Kong. Sa sandaling magkapalagayang-loob ang DH na Pinay at ang kanyang amo, hindi na hanapbuhay ang pagiging katulong ng Pinay kundi malasakit at pagmamahal.
Ganito rin naman si Jesus puno ng malasakit at pagmamahal sa ating lahat.

balik calendario


Abril 15
Martes

Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Unang Pagbasa: Gawa 11:19-26
Ebanghelyo: Jn 10:22-30

Piyesta ng Pagtatalaga sa Jerusalem, taglamig noon. Palakad-lakad si Jesus sa Templo sa patyo ni Solomon, at pinaligiran siya ng mga Judio at sinabi sa kanya: "Hanggang kailan mo ba kami ibibitin? Kung ikaw ang Kristo, sabihin mo sa amin nang lantaran."
Sinagot sila ni Jesus: "Sinabi ko na sa inyo pero hindi kayo naniniwala. Nagpapatunay tungkol sa akin ang mga gawang tinatrabaho ko sa ngalan ng aking Ama. Ngunit hindi kayo naniniwala sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa.
"Dinidinig ng aking mga tupa ang aking tinig at kilala ko sila, at sumusunod sila sa akin. Buhay magpakailanman ang ibinibigay ko sa kanila at hinding-hindi sila kailanman mapapahamak ni walang aagaw sa kanila mula sa kamay ko. Mas dakila sa anuman ang ibinigay sa akin ng aking Ama, at walang makaaagaw mula sa kamay ng Ama. Iisa kami: ako at ang Ama."

Pagninilay-nilay
Nagsimula ang Kristiyanismo sa maraming bansa dahil sa mga dayuhang misyonero, at kakaiba ang karanasan ng mga Koreano dahil sila mismo ang nagdala ng pana-nampalataya sa Korea, at mga layko sila! Sa pamamagitan ng mga Koreanong nagpunta sa China, nalaman nila ang tungkol sa pananampalataya. Mga pari sa Beijing ang pinuntahan nila at tinanong. Pag-uwi ng mga laykong iyon sa Korea, patuloy nilang pinag-aralan ang mga turo at librong kanilang natanggap, at sila mismo ang nangaral sa kanilang mga kababayan.
Ito ang naging binhi ng pananampalataya sa Korea, na patuloy na lumalago at namumunga hanggang sa panahong ito.

balik calendario

Abril 16
Miyerkules

Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Unang Pagbasa: Gawa 12:24-13:5a
Ebanghelyo: Jn 12:44-50

Malakas na sinabi ni Jesus: "Ang nananalig sa aki'y hindi sa akin nananalig kundi sa nagpadala sa akin. Ang pumapansin sa aki'y pumapansin sa nagpadala sa akin.
"Dumating ako na liwanag sa mundo upang hindi mamalagi sa dilim ang bawat nananalig sa akin. Kung may nakakarinig sa aking mga salita at hindi ito iniingatan, hindi ako ang humahatol sa kanya sapagkat dumadating ako hindi para hatulan ang mundo kundi para iligtas ang mundo.
"May humahatol sa bumabale-wala sa akin at di tumatanggap sa mga pananalita ko. Ang salitang ipinangusap ko ang siyang hahatol sa kanya sa huling araw. Sapagkat hindi ako nangusap sa ganang sarili ko; ang nagpadala sa akin-ang Ama-siya mismo ang nag-utos sa akin kung ano ang sasabihin ko at ipangungusap. Alam kong buhay magpakailanman ang kanyang utos. Kaya ang ipinangungusap ko'y ipinangungusap ko gaya ng sinabi sa akin ng Ama."

Pagninilay-nilay
Madaling sabihin na nananalig tayo sa Panginoon lalo pa nga't wala tayong anumang mabigat na dinadala sa buhay. Marami man tayong mga suliranin pero mga karaniwang hamon sa buhay ang mga iyon. Mas nadarama natin ang pananalig sa Diyos sa matitinding sandali ng ating buhay…
Ano ang mararamdaman mo kung malaman mong malubha pala ang iyong sakit? Maaaring sakit sa puso… kanser… o kung anong mabigat na karamdaman…. Maaaring hindi ikaw kundi ang taong malapit sa iyo…. Kumusta kaya ang iyong pananalig kung magkagayon? Subukan mong panoorin ang iyong sarili sa gayong sitwasyon at tingnan kung anong klaseng pananalig meron ka.

balik calendario

Abril 17
Huwebes

Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Unang Pagbasa: Gawa 13:13-25
Ebanghelyo: Jn 13:16-20

Pagkatapos hugasan ni Jesus ang paa ng kanyang mga alagad, sinabi ni Jesus: "Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, walang aliping mas dakila sa kanyang panginoon, ni walang sinugong mas dakila sa nagpadala sa kanya. Kung alam ninyo ito, mapalad kayo kung isinasagawa n'yo ang mga ito.
"Hindi kayong lahat ang tinutukoy ko. Kilala ko ang mga hinirang ko. Ngunit kailangang maganap ang Kasulatan: Ang nakikisalo sa aking pagkai'y tumalapid sa akin." Sinasabi ko ito ngayon sa inyo bago pa mangyari upang maniwala kayong Ako Nga kapag nangyari ito.
"Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: ako ang tinatanggap ng tumatanggap sa ipinadadala ko, at ang nagpadala sa akin ang tinatanggap ng tumatanggap sa akin."

Pagninilay-nilay
Limampu't isa sa 272 Claretianong napatay sa panahon ng civil war sa Espanya noong 1936-mga pari, nobisyo at seminarista-ang idineklara bilang mga Banal o "Blessed" ni Papa Juan Pablo II noong 1992. Mas pinili nilang maging tapat sa Diyos kaysa mabuhay nang walang pananampalataya sa kanya. Sa simula ng civil war sa Espanya noong 1836, nagsimula rin ang pag-uusig sa Simbahan at pagpaslang sa mga taong-simbahan.
May kumbento ang mga Claretiano sa maliit na bayan ng Barbastro at doon pinahirapan ang mga pari, nobisyo at seminarista. Ngunit nanatili silang matatag at patuloy na nanalangin. Ipinagdasal at pinatawad nila ang mga papatay sa kanila. Umaawit sila kay Kristong Hari nang sila'y barilin at patayin.

balik calendario

Abril 18
Biyernes

Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Unang Pagbasa: Gawa 13:26-33
Ebanghelyo: Jn 14:1-6

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: "Huwag mabagabag ang inyong mga puso. Manalig kayo sa Diyos, at manalig din kayo sa akin. Maraming silid sa bahay ng aking Ama. Kung hindi'y hindi ko sana sinabi sa inyong: "Pupunta ako upang ipaghanda kayo ng lugar." At pag pumunta na ako at naipaghanda kayo ng lugar, muli akong darating at dadalhin ko kayo sa akin upang kung saan ako naroon, gayon din naman kayo.
"At alam n'yo ang daan sa pupuntahan ko." Sinabi sa kanya ni Tomas: "Panginoon, hindi namin alam kung saan ka pupunta. Paano namin malalaman ang daan?" Sinabi sa kanya ni Jesus: "Ako ang siyang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang nakalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko."

Pagninilay-nilay
May mga nagsasabing wala tayong ibang gagawin sa langit kundi magpiyesta sa piling ng Diyos. Pero paano naman ang mga mahal natin sa buhay na nauna na sa atin sa langit? Magkikita-kita pa rin kaya tayo at magkakakila-kilala?
Hindi ba magandang isipin na malaking family reunion ang pagpunta natin sa langit? Ang Diyos ay pag-ibig kaya tiyak na mas matinding pag-ibig ang madarama natin sa piling ng mga mahal sa buhay na nauna na sa atin doon. Naroon sila para salubungin tayo sa piling ng Diyos. Di ba't kapananabikan natin ang pagpunta sa langit kung ganoon ang daratnan natin doon?

balik calendario

Abril 19
Sabado

Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Unang Pagbasa: Gawa 13:44-52
Ebanghelyo: Jn 14:7-14


Sinabi ni Jesus: "Kung kilala ninyo ako, makikilala rin ninyo ang aking Ama. Ngunit ngayon, kilala n'yo na siya at nakita ninyo siya."
Sinabi sa kanya ni Felipe: "Panginoon, ipakita mo na sa amin ang Ama at sapat na sa amin." Sinabi sa kanya si Jesus: "Ang tagal na panahon n'yo akong kasama at hindi mo pa ako kilala, Felipe? Sa pagkakita sa akin ninuman, ang Ama ang nakikita niya. Paano mong masasabi: 'Ituro mo sa amin ang Ama'?
"Hindi ka ba naniniwalang nasa Ama ako at nasa akin ang Ama? Hindi mula sa sarili ko sinasabi ang mga salitang binibigkas ko. Sa akin nanunuluyan ang Ama, at siya ang gumagawa ng kanyang mga gawa. Maniwala kayo sa akin na nasa Ama ako at nasa akin ang Ama. Kung hindi dahil sa akin, maniwala kayo dahil man lamang sa mga gawa.
"Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, magagawa rin ng nananalig sa akin ang gawang ginawa ko, at mas dakila pa kaysa mga ito ang gagawin niya. Sapagkat sa Ama ako papunta. Anumang hingin n'yo sa Pangalan ko'y gagawin ko upang luwalhatiin ang Ama sa Anak. At kung may hingin kayo sa akin sa Pangalan ko, gagawin ko."

Pagninilay-nilay
Panunuluyan ang tawag sa pagsasadula ng paghahanap nina Maria at Jose ng lugar na matutuluyan sa pagsilang ni Jesus. At sinasabi nating "Tuloy po kayo" bilang pagwelcome natin sa sinuman, pero sinasabi rin nating "itutuloy" kung may karugtong na kabanata ang binabasa o pinapanood nating istorya. Makikita natin na nakapaloob sa pagpapatulóy ang kahulugan at ang kawalang-paghinto sa paglalakbay ng pinapatuloy; hindi siya tumitigil sa labas dahil wala siyang matuluyan. Patuloy na kumakatok ang Diyos sa pintuan ng ating puso; naghahanap ng matutuluyan. Handa ba tayong patuluyin siya sa ating buhay? Paano mo siya patutuluyin?

balik calendario


Abril 20
Linggo

Ika-5 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Unang Pagbasa: Gawa 6:1-7

Nang panahong iyon na dumarami ang mga alagad, nagreklamo ang mga Helenista laban sa mga Hebreo dahil napapabayaan sa pang-araw-araw na pamamahagi ng pagkain ang kanilang mga biyuda.
Kaya pinulong ng Labindalawa ang mga alagad at sinabi: "Hindi magiging wasto na pa-bayaan namin ang Salita ng Diyos para mamahala sa pagkain. Pumili kayo ngayon, mga kapatid, ng pitong lalaki mula sa inyo, na may magandang pangalan, puspos ng Espiritu at karunungan, at itatalaga namin sila sa tungkuling ito. Ilalaan naman namin ang aming sarili sa panalangin at pangangaral ng Salita."
Sumang-ayon ang buong kapulungan at pinili nila si Esteban na lalaking puno ng pananampalataya at ng Banal na Espiritu, at sina Felipe, Procoro, Nicanor, Timon, Par-menas at Nicolas na taga-Antiokiya, na naakit noon sa Judaismo. Iniharap nila sila sa mga apostol na matapos manalangin ay nagpatong ng kamay sa kanila.
Lumaganap nga ang Salita ng Diyos at mabilis na dumami ang bilang ng mga alagad sa Jerusalem, at maraming pari ang tumanggap sa pananampalataya.

Slm 33:1-2, 4-5, 18-19
O Panginoon, maawa ka sa amin, umaasa kami sa iyo.

Ikalawang Pagbasa: 1 P 2:4-9

Siya ang buháy na bato na itinakwil ng mga tao, ngunit hinirang ng Diyos at mahalaga sa kanya. Kaya paglapit ninyo sa kanya naging mga buháy na bato rin kayo at itinatayong parang espirituwal na templo. Naging banal na lahi kayo ng mga pari upang mag-alay ng mga handog na espirituwal na haing kalugud-lugod sa Diyos sa pamamagitan ni Jesucristo. Tingnan ninyo ang sinasabi ng Kasulatan: "Naglalagay ako ngayon sa Sion ng isang hinirang at mahalagang batong-panulok. Kailanman, di mapapahiya ang nagtitiwala sa kanya."
Kaya sa inyong mga naniniwala ang dangal, ngunit sa mga ayaw maniwala naman, ang batong itinakwil ng mga nagtayo ang naging batong-panulok, at batong naninisod, batong nagpapadapa. Sila ang natutumba sa pagtatakwil sa aral. Sila ang natutumba sa pagtatakwil sa aral. Dito talaga natutupad ang itinadhana sa kanila.
Lahing hinirang naman kayo, samahan ng mga paring-hari, bansang banal, bayang inari ng Diyos upang ipahayag ang kanyang kadakilaan. Sapagkat tinawag niya kayo mula sa kadiliman tungo sa kanyang kahanga-hangang liwanag.

Ebanghelyo: Jn 14:1-12

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: "Huwag mabagabag ang inyong mga puso. Manalig kayo sa Diyos at manalig din kayo sa akin. Maraming silid sa bahay ng aking Ama. Kung hindi'y hindi ko sana sinabi sa inyong "Pupunta ako upang ipaghanda kayo ng lugar." At pag pumunta na ako at naipaghanda kayo ng lugar, muli akong darating at dadalhin ko kayo sa akin upang kung saan ako naroon, gayon din naman kayo. At alam n'yo ang daan sa pupuntahan ko."
Sinabi sa kanya ni Tomas: "Panginoon, hindi namin alam kung saan ka pupunta. Paano namin malalaman ang daan?" Sinabi sa kanya ni Jesus: "Ako siyang daan, ang katotohanan at ang buhay. Walang nakalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko. Kung kilala ninyo ako, makikilala rin ninyo ang aking Ama. Ngunit ngayon, kilala n'yo na siya at nakita ninyo siya."
Sinabi sa kanya ni Felipe: "Panginoon, ipakita mo na sa amin ang Ama at sapat na sa amin." Sinabi sa kanya si Jesus: "Ang tagal na panahon n'yo akong kasama at hindi mo pa ako kilala, Felipe? Sa pagkakita sa akin ninuman, ang Ama ang nakikita niya. Paano mong masasabing 'Ipakita mo sa amin ang Ama?
"Hindi ka ba naniniwalang nasa Ama ako at nasa akin ang Ama? Hindi sa ganang sarili ko ipinangungusap ang mga pananalitang sinasabi ko sa inyo. Sa akin namamalagi ang Ama at siya ang gumagawa ng kanyang mga gawa. Maniwala kayo sa akin na nasa Ama ako at nasa akin ang Ama. Kung hindi, maniwala kayo dahil man lamang sa mga gawa.
Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, magagawa rin ng nananalig sa akin ang mga gawang ginagawa ko at mas dakila pa kaysa mga ito ang gagawin niya. Sapagkat sa Ama ako papunta."

Pagninilay-nilay
Daan. May dalawang karaniwang kahulugan ang salitang "daan"-na landas na nilalakaran para makarating sa ating pupuntahan at ang bilang na binubuo ng sampung sampu.
Hindi lamang iisa kundi daan-daan at iba't iba ang daan patungo sa Diyos tulad ng kung gaano karaming pangalan ang tawag nating mga tao sa iisang Diyos! Ngunit sa pagpapakatao ng Anak ng Diyos-si Jesus- itinuro niya sa ating ang daan ayon sa kanyang kalooban.
Si Jesus ang Daan patungo sa Ama, ang daan ng pagsasadiyos na walang iba kundi ganap na pagpapakatao, kung paanong nagpakatao ang Salita ng Diyos at namuhay sa piling natin.

balik calendario


Abril 21
Lunes

Ika-5 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Unang Pagbasa: Gawa 14:5-18
Ebanghelyo: Jn 14:21-26

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, "Ang tumutupad sa tinanggap niyang mga kautusan ko, siya ang nagmamahal sa akin. Mamahalin ng aking Ama ang nagmamahal sa akin, at mamahalin ko rin siya at ipamamalas ko sa kanya ang aking sarili."
Sinabi sa kanya ni Judas, hindi ang Iskariote: "Panginoon, paano mangyayaring sa amin mo ipamamalas ang iyong sarili at hindi sa mundo?" Sumagot si Jesus at sinabi sa kanya: "Kung may nagmamahal sa akin, isasakatuparan niya ang aking salita at mamahalin siya ng aking Ama at pupuntahan namin siya at sa kanya kami gagawa ng silid para sa aming sarili. Hindi naman isinasakatuparan ng hindi nagmamahal sa akin ang aking mga salita. At hindi sa akin ang salitang naririnig n'yo kundi sa Amang nagpadala sa akin.
"Sinabi ko sa inyo ang mga ito habang namamalagi pa akong kasama ninyo. Ituturo naman sa inyo ng Tagapagtanggol ang lahat-ang Espiritu Santong ipadadala ng Ama sa ngalan ko-at ipaaalaala niya sa inyo ang lahat ng sinabi ko sa inyo."

Pagninilay-nilay
Minsan, tinanong si San Francisco ng Assisi ng isa niyang kapatid kung bakit siya ang hinahanap at pinupuntahan ng lahat ng tao, gayong hindi naman siya matalino, at hindi rin siya magaling magsalita, at lalo namang hindi siya guwapo.
Ganito ang sagot ni Francisco: "Sa dinami-dami ng tao, walang nakitang pinakamahinang nilalang ang Diyos kundi ako. Kung gaano kahina ang instrumentong kinakasangkapan ng Panginoon sa paggawa ng kahanga-hangang mga bagay, gayon naman lubos na namamalas ang kanyang galing at kadakilaan."

balik calendario


Abril 22
Martes

Ika-5 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Unang Pagbasa: Gawa 14:19-28
Ebanghelyo: Jn 14:27-31a

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, "Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo; kapaya-paan ko ang ibinibigay ko sa inyo. Hindi gaya ng ibinibigay ng mundo ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag mabagabag ang inyong puso, ni panghinaan ng loob. Narinig ninyong sinabi ko sa inyo. 'Paalis ako pero pabalik ako sa inyo.' Kung minahal ninyo ako, magagalak kayo't papunta ako sa Ama pagkat mas dakila sa akin ang Ama.
"Ngunit sinabi ko ito ngayon sa inyo bago pa mangyari ito. Hindi ko na kayo kakausapin nang mahaba sapagkat parating na ang pinuno ng mundo. Walang anumang kanya sa akin ngunit dapat malaman ng mundo na mahal ko ang Ama, at ayon sa iniutos sa akin ng Ama, ito mismo ang aking ginagawa."

Pagninilay-nilay
Dadamdaming mga salita ang nakapaloob sa pamamaalam ni Jesus sa kanyang mga alagad bago siya mamatay. At ipinasa sa atin ng mga unang Kristiyano ang mga salitang ito upang pagkalipas man ng dalawanlibong taon, nananatili pa ring buhay ang kanyang mga salita.
Namamaalam sa atin ang Panginoon ngunit sa kabila ng lungkot at bigat ng kalooban, inaaliw pa rin niya ang kalooban ng kanyang mga alagad upang hindi sila mabagabag at panghinaan ng loob. Gayon ang malasakit niya sa atin kaya kahit na sa mga huling sandali ng kanyang buhay, at ang ating kapakanan pa rin ang kanyang isinasaalang-alang.

balik calendario


Abril 23
Miyerkules

Ika-5 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Adalberto / Gregorio

Unang Pagbasa: Gawa 15:1-6
Ebanghelyo: Jn 15:1-8

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, "Ako siyang totoong puno ng ubas at ang Ama ko ang magsasaka. Pinuputol niya ang bawat sangang di namumunga sa akin at pinupungusan naman niya't nililinisan ang bawat namumunga upang higit pang mamunga.
"Ngayon malinis na kayo dahil sa salitang binigkas ko sa inyo. Mamalagi kayo sa akin, at ako sa inyo.
"Hindi makapamumunga ang sanga sa ganang sarili, malibang mamalagi ito sa puno ng ubas; gayundin naman kayo, malibang mamalagi kayo sa akin. Ako siyang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang namamalagi sa akin at ako sa kanya, siya ang namu-munga nang sagana pagkat hiwalay sa aki'y hindi kayo makagagawa ng anuman. Kung hindi namamalagi sa akin ang sinuman, ihahagis siya sa labas gaya ng sangang natuyo na tinitipon at ginagatong sa apoy at nagliliyab.
"Kung mamamalagi kayo sa akin at mamamalagi sa inyo ang mga pananalita ko, hingin ninyo ang anumang loobin n'yo at magkakagayon sa inyo. Sa ganito parangalan ang aking Ama: kapag namunga kayo nang sagana at naging mga alagad ko."

Pagninilay-nilay
Hindi lamang tayo galing sa lupa at sa lupa magbabalik. Galing sa mga bituin lahat ng bagay sa sanlibutan, pati na tayong mga tao. Binubuo tayo ng mga materyal na galing pa sa pinakaunang malaking pagsabog, na patuloy na isinasalin at ipinapasa sa pamamagitan ng kamatayan at pagsilang.
Ngunit hindi lamang tayo mga "anak" ng mga bituin dahil taglay din natin ang hininga ng Diyos na kanyang ibinuga sa Tao. Gaya ng pagdaloy ng tubig sa ilog, dumadaloy rin ang hininga ng Diyos sa bawat isa sa atin-nagbibigay-buhay at nagbibigay-lakas upang makilahok sa pagpapatuloy ng gawang paglikha ng Diyos sa daigdig.

balik calendario


Abril 24
Huwebes

Ika-5 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Fidelis ng Sigmaringen

Unang Pagbasa: Gawa 15:7-21
Ebanghelyo: Jn 15:9-11

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, "Kung paano ako minamahal ng Ama, gayon ko rin kayo minahal. Mamalagi kayo sa pagmamahal ko. Kung isasakatuparan ninyo ang mga kautusan ko, mamamalagi kayo sa pagmamahal ko kung paanong isina-katuparan ko ang mga kautusan ng aking Ama at namamalagi sa kanyang pagmamahal.
"Sinabi ko sa inyo ang mga ito upang mapasainyo ang aking kagalakan at maging ganap ang inyong kagalakan."

Pagninilay-nilay
Sa simula ng misyon ng pagmamalasakit sa kapwa ni Mother Teresa, marami ang tumututol sa kanyang ginagawa dahil inaako raw niya ang dapat sana'y tungkulin ng lipunan at pamahalaan, lalo na ng mga nakakariwasa at maykaya sa buhay. Ngunit paano natin malalagyan ng hangganan ang pag-ibig? May listahan ba ng mga tungkulin at mga dapat at di-dapat gawin ang pag-ibig?
Pag-ibig ang pinakadakilang kautusan. At para sa tunay na umiibig, gagawin niya ang anuman. Kusang bumubukal sa puso ng taong umiibig ang marapat niyang gawin nang walang anumang isinasaalang-alang; labas sa panahon o lugar o anumang batas ang pag-ibig.

balik calendario


Abril 25
Biyernes

Ika-5 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Marcos, Ebanghelista

Unang Pagbasa: 1 P 5:5b-14
Ebanghelyo: Mc 16:15-20


Sinabi ni Jesus sa mga alagad: "Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang ebanghelyo sa buong sangkinapal. Maliligtas ang maniniwala at magpapabinyag; hahatulan naman ang di maniniwala. At ito ang mga tandang sasama sa mga maniniwala: magpapalayas sila ng mga demonyo sa aking Pangalan, magsasalita sila sa iba pang mga wika, hahawakan nila ang mga ahas, at di sila maaano kung iinom man sila ng may lason. Ipapatong nila ang kanilang kamay sa mga maysakit at gagaling ang mga iyon."
Matapos silang kausapin ng Panginoong Jesus, iniakyat siya sa langit at lumuklok sa kanan ng diyos. At umalis sila at nangaral sa lahat ng lugar. Kasama nilang gumagawa ang Panginoon at pinatatatag ang Salita sa tulong ng mga tandang kasama nila.

Pagninilay-nilay
Dumating sa Beijing si Fr. Vincent Lebbe, isang paring Vincentian na taga-Belgium, Marso 1901-ang simula ng mahigit sa 30 taong pagmimisyon niya sa China. Natuto siya ng Mandarin at namuhay nang dukha at simple tulad ng mga karaniwang tao. Lubos ang kanyang malasakit sa mga Intsik, kahit maging sa mga hindi Katoliko. Itinaguyod din niya ang pagkakaroon ng mga obispong Intsik dahil nang panahong iyo'y paniwala ng mga dayuhang misyonero na hindi pa handa ang mga Intsik na mamahala sa Simbahan sa kanilang bansa. Sa kabila ng maraming hirap na dinanas, nanatili siyang masigasig sa pamamahayag ng Ebanghelyo.

balik calendario


Abril 26
Sabado

Ika-5 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Unang Pagbasa: Gawa 16:1-10
Ebanghelyo: Jn 15:18-21


Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, "Kung napopoot sa inyo ang mundo, alamin n'yo na sa akin muna ito napoot bago sa inyo. Kung kayo'y makamundo, inibig na sana ng mundo ang sariling kanya. Ngunit dahil hindi kayo makamundo kundi hinirang ko kayo mula sa mundo kaya napopoot sa inyo ang mundo.
"Tandaan ninyo ang salitang sinabi ko sa inyo: 'Walang lingkod na mas dakila sa kanyang panginoon.' Di ba't inusig nila ako? Uusigin din kayo. Tinupad ba nila ang aking salita? Gayon din nila tutuparin ang sa inyo. Gagawin nila sa inyo ang lahat ng ito dahil sa aking pangalan sapagkat hindi nila nakikilala ang nagpadala sa akin."

Pagninilay-nilay
Dahil sa pagmamalasakit niya para sa mga Intsik na pari, marami ang sumalungat kay Lei Ming-yuan Shenfu (Fr. Vincent Lebbe). Sinimulan din niyang maglathala ng diyaryong Intsik at mangaral na magkatuwang ang pagiging Katoliko at pagiging makabayan. Ngunit hindi pa handa ang Simbahan para sa mga idea at gawaing ito. Kaya inusig siya ng mga kasamahan niya mismo sa Simbahan. Ngunit nanatili siyang masunurin at matatag sa kabila ng lahat ng ito. Sa panahon ng digmaan, inorganisa niya ang "stretcher brothers" para saklolohan ang mga sugatang sundalong Intsik, na kinilala ng China bilang kabayanihan. Noong Hunyo 24, 1940 sa edad na 63 namatay siya sa Chungking, China.

balik calendario


Abril 27
Linggo

Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Unang Pagbasa: Gawa 8:5-8, 14-17

Para kay Felipe, pumunta siya sa isang lunsod ng Samaria at ipinangaral sa kanila ang Kristo. Sama-samang dumating ang mga tao sa pangangaral ni Felipe at pinanabikan nilang makita ang mga himalang gawa niya. Maraming inaalihan ng masasamang espiritu ang nagsisigaw at nilisan ng masamang espiritu at marami ring paralitiko at lumpo ang gumaling. Kaya nagkaroon ng malaking kaligayahan sa lunsod na iyon.
Nang mabalitaan ng mga apostol sa Jerusalem na tinanggap na ng Samaria ang Salita ng Diyos, sinugo nila roon sina Pedro at Juan. Pagdating nila roon, nanalangin sila para matanggap ng mga Samaritano ang Espiritu Santo sapagkat hindi pa ito bumababa sa kaninuman sa kanila: nabinyagan lamang sila sa Ngalan ng Panginoong Jesus. Kaya ipinatong nina Pedro at Juan ang kanilang mga kamay sa kanila, at tinanggap nila ang Espiritu Santo.

Slm 66:1-3, 4-5, 6-7, 16, 20
Magalak sa Panginoon, kayong lahat na nasa lupa.

Ikalawang Pagbasa: 1 P 3:15-18

Luwalhatiin naman ninyo sa inyong puso ang Panginoon, na si Kristo. Maging handa nawa kayong sumagot sa sinumang nagtatanong tungkol sa inyong pag-asa, nang may pagkaunawa at pitagan siyempre. Maging malinis nawa ang inyong budhi. Sa ganoon, siraan man kayo ng puri, mahihiya pa ang mga pumipintas sa mabuting buhay n'yo kay Kristo. Mabuti pa ang magdusa sa paggawa ng mabuti, kung ganito ang kalooban ng Diyos, kaysa paggawa ng masama.
Alalahanin na sadyang namatay si Kristo dahil sa mga kasalanan; namatay ang matuwid alang-alang sa di-matuwid upang dalhin kayo sa Diyos. Pinatay siyang tao at binuhay na espirituwal.

Ebanghelyo: Jn 14:15-21

Sinabi ni Jesus: "Kung mahal ninyo ako, isasakatuparan ninyo ang mga kautusan ko. At hihingin ko sa Ama at ibibigay niya sa inyo ang bagong Tagapagtanggol upang makasama ninyo magpakailanman: ang Espiritu ng katotohanan na hindi matatanggap ng mundo dahil hindi siya nito napapansin ni nakikilala. Kilala ninyo siya sapagkat namamalagi siya sa inyo at sasainyo siya.
"Hindi ko kayo iiwang ulila; pabalik ako sa inyo. Kaunti pang panahon at hindi na ako mapapansin ng mundo, ngunit papansinin ninyo ako sapagkat buhay ako at mabubuhay din kayo. Sa araw na 'yon ninyo malalaman na nasa Ama ako, at nasa akin kayo at nasa inyo naman ako.
"Ang tumutupad sa tinanggap niyang mga kautusan ko, siya ang nagmamahal sa akin. Mamahalin ng aking Ama ang nagmamahal sa akin, at mamahalin ko rin siya at ipamamalas ko sa kanya ang aking sarili."

Pagninilay-nilay
Ulila. Magiging ulila ang bawat isa sa atin dahil sa ayaw man natin o sa gusto, tiyak na sasapit ang panahon ng pagyao ng ating mga ama at ina. Mahirap tanggapin ang katotohanang ito pero hindi ito matatakasan ng kahit sinuman.
Matinding paghahanap sa ating mga magulang na minahal at nagmahal sa atin ang ma-darama natin sa mga unang buwan ng kanilang pagkawala. Ngunit mabisang pampahilom ng sugat ang paglipas ng panahon, na pumapawi sa ating pangungulila.
Sa paglipas ng mga taon, sasapit din ang panahon na makakasama natin sila sa piling ng ating Ama sa langit kayat hindi na tayo ulila.

balik calendario


Abril 28
Lunes

Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Pedro Chanel, Luis Maria ng Montfort

Unang Pagbasa: Gawa 16:11-15
Ebanghelyo: Jn 15:26-16:4a


Sinabi ni Jesus: "Pagdating ng Tagapagtanggol na ipadadala ko sa inyo mula sa Ama, ang Espiritu ng katotohanan na nagmumula sa Ama, iyon ang magpapatunay tungkol sa akin. At magpapatunay din kayo sapagkat kasama ko kayo mula sa simula.
"Sinabi ko sa inyo ang lahat ng ito upang hindi kayo matisod at mahulog. Ititiwalag nila kayo sa kanilang komunidad, at may oras na sasapit na aakalain ng sinumang papatay sa inyo na pag-aalay ito ng pagsamba sa Diyos.
"At gagawin nila ang mga ito dahil hindi nila nakilala ang Ama ni ako. Kaya naman sinabi ko sa inyo ang lahat ng ito upang pagdating ng oras ay matandaan ninyong sinabi ko sa inyo ang mga ito.
"Hindi ko sinabi sa inyo ang lahat ng ito mula sa simula sapagkat kasama ninyo ako."

Pagninilay-nilay
Kilala siya bilang "Joan of Arc"-ang dalagitang Pranses na nakipaglaban sa mga Ingles para sa Pransya na kanyang bayan bilang tugon sa mga pangitaing tinanggap niya mula sa Diyos. Naging tanyag siyang mandirigma sa edad na 17 taong gulang sa panahong iyon na walang babaeng sundalo. Dahil sa inggit at intriga sa pulitika, binihag siya at nilitis at hinukuman ng Simbahan na sunugin nang buhay. Nanatili namang matatag si Joan sa kanyang pananampalataya at sa katotohanang ipinahayag sa kanya ng Diyos. At pagkaraan ng mahigit sa 400 taon, namulat ang Simbahan sa maling pagkakilala sa kanya kayat idineklara siya bilang santa noong 1920.

balik calendario


Abril 29
Martes

Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Catalina ng Siena

Unang Pagbasa: Gawa 16:22-34
Ebanghelyo: Jn 16:5-11

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, "Ngayon nama'y papunta ako sa nagpadala sa akin, at wala sa inyong nagtatanong sa akin kung saan ako papunta, kundi tigib ng lungkot ang inyong puso dahil sinabi ko sa inyo ang lahat ng ito.
"Ngunit sinasabi ko sa inyo ang katotohanan: makabubuti sa inyong ako'y umalis sapagkat kung hindi ako aalis, hinding-hindi darating sa inyo ang Tagapagtanggol. Kung aalis naman ako, ipadadala ko siya sa inyo. At pagdating niya, hihiyain niya ang mundo tungkol sa kasalanan, sa daan ng pagkamatuwid at sa paghatol.
"Ito ang kasalanan: hindi sila nananalig sa akin. Ito ang daan ng pagkamatuwid: sa Ama ako papunta, at hindi na ninyo ako mapapansin. At hinatulan na ang pinuno ng mundong ito: ito ang paghatol."

Pagninilay-nilay
Taga-Siena si Catalina. Nabuhay siya 1347 hanggang 1380. Hindi siya madre kundi ermitanya, na nabuhay nang mag-isa ayon sa Daan ng Buhay ni Sto. Domingo. Mula sa buhay ng pagpapakasakit at pag-aayuno, tumulong siya sa mga nangangailangan. Nagkaroon din siya ng maraming pangitain at nagsimula siyang sumulat sa mga taong nasa kapangyarihan upang magkaroon ng kapayapaan sa mga bayang kanilang pinamumunuan. Nakipagsulatan din siya sa Santo Papa para sabihin sa kanya na kailangan nitong isaayos ang buhay ng mga pari at pamahalaang mabuti ang Simbahan. Marami siyang liham na sinasabing idinikta niya sa kanyang tagasulat dahil hindi siya marunong sumulat.

balik calendario


Abril 30
Miyerkules

Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Pio V

Unang Pagbasa: Gawa 17:15, 22-18:1
Ebanghelyo: Jn 16:12-15

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, "Marami pa sana akong sasabihin sa inyo pero hindi ninyo masasakyan ngayon. Ngunit pagdating niya, ang Espiritu ng katotohanan, ihahatid niya kayo sa buong katotohanan.
"Hindi siya mangungusap mula sa ganang sarili kundi ang naririnig niya ang ipangungusap niya at ang mga bagay na darating ang ibabalita niya sa inyo. Mula sa akin siya tatanggap at magbabalita sa inyo, at sa gayon niya ako luluwalhatiin. Akin ang tanang sa Ama. Dahil dito kaya ko sinabing 'Mula sa akin siya tatanggap at magbabalita sa inyo.'"

Pagninilay-nilay
Panginoon, sa simula pa man ng lahat, naroon na ang iyong Espiritu, ang Hininga ng iyong pag-ibig, ang Lakas ng iyong malasakit, ang Apoy ng iyong pagmamahal. Ipadala mo nawang muli ang Espiritu mong ito sa magulo at madilim naming daigdig.
Sa kawalan ng kapayapaan sa aming mundo, buhayin mo ang alab ng iyong pa-mamalagi sa aming mga puso upang magkaroon kami ng sigasig para sa kapayapaang nagmumula sa katarungan. Ipagkaloob mo sa amin ang Espiritu ng katotohanan at katatagan upang mapanindigan namin ang aming pananampalataya at makapangusap kami sa Ngalan mo.

balik calendario


Copyright © 2008 by Claretian Publications
A division of Claretian Communications Foundation, Inc.
U.P. P.O. Box 4 Diliman, 1101 Quezon City, Philippines
Tel. (632) 921-3984 • Fax: (632) 921-7429 or 921-6205
Email: cci@claret.org